Wednesday, June 18, 2014

boom... panis!


NOONG isang araw ay tumunog ang aking cellphone. May tumatawag. Hindi nakalista sa aking contacts ang number kaya hindi ko sinagot. Allergic na kasi ako sa mga tawag na wala sa aking phone book. Kung minsan ay mga pamangkin ko lang na nanghihingi ng load, o kaya ay kapatid na nanghihingi naman ng pambili ng gamot.
Hindi naman tayo nagmamaramot. Kung minsan lang kasi ay hassle lalo na kung may importanteng ginagawa.
Anyway, walang tigil sa katatawag ang may-ari ng number. Dahil iniisip kong baka naman ma-low batt ako ay sinagot ko na lang. Inipit ko ang aking boses para kunwari, kung sakali, ay namali lang ng pindot ang natawag.
Pag-hello ko, sabi ng nasa kabilang linya: “Pare!”
Inisip ko kung kaninong boses iyon sa mga kumpare ko pero wala akong matandaan na ganoong boses. Sa ipit na tinig pa rin ay tinanong ko siya: “Sino ‘to?”
“Si Ricardo ito, pare...” sagot niya.
Na-realize kong hindi ko siya kilala. Wala akong acquaintance o kaya ay kumpare na Ricardo ang pangalan. Magalang kong sabi sa kanya sa ipit pa ring boses, “Wrong number po.”
Tumawa siya. Sa pagkagulat ko, ang sumunod niyang sinabi, “Bakla ka, ano?” At humalakhak siya nang malakas.
Okey, inakala niyang gay ako dahil sa inipit kong boses. Malaki ang boses ko at nang minsang mag-guest ako sa DZJV sa Laguna ay pinansin iyon ng isang lady DJ at sinabing puwede raw akong announcer. I never thought na pag inipit ko pala ang aking bedroom voice ay boses beki na ako.
“O...” patuloy ng lalaki. “Hindi ka na nagsalita. Bakla ka, di ba?”
That got into my nerve. Hindi naman sa ayokong mapagbintangan akong bakla kundi dahil sa pitik ng pananalita niya ay para bagang isang krimen ang maging bakla. Sabi ko sa kanya, “May problema ba kung bakla ako? Kasalanan ba iyon?”
Ang lakas ng tawa niya. “Sabi ko na nga bakla ka, eh!” at hindi matapus-tapos ang tawa niya.
Tutal ay hindi naman ako ang mauubusan ng load ay hinayaan ko lang siya. Sa dami na rin ng mga nakatalo kong salbahe—pisikal man o verbal—lagi akong nakakapuntos sa huli. Alam kong later on ay mabibingguhan ko rin siya.
“Tagasaan ka, beki?” tanong niya sa mapang-asar na tinig.
“Quiapo...” sagot ko.
“Talaga?” naramdaman ko ang excitement sa boses niya. “May kilala ka bang Usmad?”
“Saan ba si Usmad dito sa Quiapo?” tanong ko.
“Malapit lang sa simbahan. May atraso ‘yan sa akin, eh,” bahagyang nagkaroon ng galit sa tinig niya.
“Anong atraso?”
“Eh, kinasuhan ako ng tarantadong ‘yan, eh!” sigaw niya.
“Anong kaso?” kaswal kong tanong.
“E-estafa...” nauutal niyang sambit.
Well, it takes a veteran journalist to realize if the person he’s conversing is telling the truth or not. Naramdaman ko, batay sa mga factors na sinabi niya na posibleng hindi estafa ang ikinaso sa kanya.
“Sumabit ka sa droga, ano?” tanong ko sa kanya.
Hindi siya sumagot.
Kinargahan ko ang tanong sa kanya. “Ilang taon ang senstensya sa ‘yo? Mabigat na kaso ang drug pushing.” Sa ngayon ay ina-assume kong nasa kulungan na siya.
Wala na ang bravado sa boses niya nang sumagot. “S-sampung taon, pare...” aniyang nauutal.
Bingo!
Ngayon, ako naman ang nasa opensiba.
Isa siyang bilanggo. Inisip kong nag-trial dial lang siya kung may sasagot sa number na tsinambahan niya. Huwag na tayong magtaka kung kahit preso ay cellphone, nangyayari ito lalo na kung gaya niya na dating pusher at may koneksyon sa sindikato—maliit man o big time.
Napangiti ako sa naisip na pangganti sa kanya.
“Ilang taon ka ‘kamo riyan sa loob?” tanong ko sa kanya.
“Sampu...” malungkot niyang sagot.
“Diyan ka na mamamatay,” walang pusong sabi ko sa kanya.
Naramdaman ko ang pagkabigla sa boses niya nang sumagot. “Ha? Bakit mo nasabi?”
Tumawa ako. Ako naman ang kriminal ngayon. “Eh, marami na akong beses nakarating ng bilangguan. ‘Yung mga preso na nakikita ko, diyan na namamatay.”
“Hindi mangyayari sa akin ‘yun!” maagap niyang sagot. “Pitong taon na nga lang, laya na ako.”
“’Yung mga huling taon ang delikado,” sabi ko naman sa kanya. “Kasi hihina na ang katawan mo, pati resistensya. Pag tinamaan ka ng pigsa sa puwet, damay pati bituka mo niyon. Diretso kamatayan na ‘yun. Mabubulok na lahat nang laman-loob mo...”
May hinanakit sa boses niya nang muling magsalita. “Pambihira ka, pare. Sa halip na pinalalakas mo ang loob ko tinatakot mo pa ako.”
“Yun ang totoo, e. sinasabi ko lang sa ‘yo.”
Huminga siya nang malalim. “Sa halip na palakasin mo ang loob ko, ganyan ka pa.”
Ibinato ko sa kanya ang sisi. “Kanina nang pinagbibintangan mo akong bakla ang saya-saya mo, ang yabang-yabang mo. Ngayon sinabi ko lang ang posibleng maging kamatayan mo, naduwag ka na. Ganyan talaga singilin ng tadhana ang mga nagbebenta ng droga. Nabubulok sa kulungan at diyan na namamatay. Baka nga netx week tamaan ka na ng pigsa.”
Nag-busy na ang linya niya.
After 10 minutes ay tumunog muli ang cellphone ko. Ang kriminal muli. Sinagot ko.
“Pare...” ngayon ay mahinahon na ang boses niya. “Sorry kanina na sinabi kong bakla ka. Biro lang ‘yun. Malungkot dito sa loob, puwede ba tayong maging magkaibigan?”
Napangiti ako. At nagpasyang isagad na ang pambibinggo sa kanya. “Huwag na lang, pare... Pag naging magkaibigan tayo ay malulungkot lang ako dahil mami-miss kita...”
Nagulat siya. “Ha? Bakit mo ako mami-miss?”
“Eh, kasi sabi ko nga sa ‘yo... mamamatay ka na!” at ako naman ang humalakhak.
Hindi ko siya kita at hindi ko alam ang hitsura niya pero parang nahuhulaan ko ang naging expression niya. ‘Ika nga ni Vice ganda, “Boom, panis!”