Monday, May 3, 2010

good deeds

Photobucket

NAGING panuntunan ko na sa buhay ang makagawa ng mabuting bagay sa kahit anong paraan kung hinihingi ng pagkakataon. ‘Ika nga, “A good deed a day keeps trouble away. Medyo pilit ang pagkaka-compose ko sa quotation at hindi original dahil may mga pinaghugutan, pero puwede na ring gawing panuntunan.
Pero hindi nangangahulugan na kahit gagawa ka ng kabutihan ay walang hassle. May mga taong hindi rin marunong mag-appreciate sa iyong mabuting ginawa para sa kanila.
Pansinin n’yo na lang, pag may nagpaabot sa inyo ng bayad sa dyip, sa halip na magpasalamat sisimangot pa na para bagang utang na loob mo sa kanya na ipinag-abot mo siya ng bayad, o kaya ay iiwas na ng tingin. Tayo kasing mga tama ang huwisyo, ang maikling thank you ay masarap na sa pakiramdam.
Marami akong karanasan na pinipilit kong makagawa ng kabutihan sa aking kapwa pero baligtad ang nakukuha kong appreciation. Minsang sakay ako ng bus dito sa amin sa Pandacan patungong Sta. Cruz, Manila, may mamang pasan ang anak. Medyo siksikan na pero ang inuupuan ko ay pantatluhan at dalawa pa lang kaming nakaupo. Sabi ko sa mama ay may isa pa at umisod ako. Sabi ba naman sa akin, “Sa kitid ba namang ‘yan kakasya ako?” At pinandilatan ako ng mga mata na para bagang naghahamon ng suntukan.
Sa isip-isip ko’y aba’y loko pala ang mamang ito! Sila na ngang mag-ama ang inaalala ko at baka mangawit sa pagtayo ay siya pang may ganang magalit. Sa buwisit ko, nang bumaba ako ay tinapakan ko sa paa ang hangal. Hayan, nag-iisip ako ng good deed, lalo lang akong nagkasala!
Minsan naman na papunta ako sa sakayan ng dyip ay may nasundan akong dalaga na bukas ang zipper ng backpack. Tinawag ko ang pansin niya dahil baka may makadukot ng kanyang mga gamit. Sabi ko, “Miss, bukas ang bag mo.” Tumigil siya sa paglalakad, tiningnan ang kanyang laman ng bag tapos ay tumingin sa akin nang may pagdududa na para bang ako ang nagbukas ng bag niya at may planong mandukot. Ang tingin niya sa akin ay punung-puno ng paghihinala at simangut na simangot. Pag mamalasin ka nga naman, ikaw na nga ang concern, ikaw pa ang mapagbibintangan.
Bakit nga kaya nawalan na ng appreciation ang mga tao sa kabutihang nagagawa sa kanila? Bakit tila sa lahat ay hindi na nagtitiwala ang isa’t isa?
Iba na nga talaga ang mundo.
Kaya kung minsan, ang mga matatanda nang nakasaksi sa World War II ay mas mapagtiwala at appreciative sa mga good deeds na naibibigay sa kanila. Mas masarap silang tulungan.
Sa karanasan ko, ang mga matatandang ito ay madalas na sa pagwi-withdraw sa ATM booth humihingi ng tulong. Karamihan kasi sa kanila ay technophobe at hindi alam kung paano pipindot. Ang style nila, maghihintay na may mag-withdraw, pag nakita nila na talagang nag-withdraw ka, lalapit at saka makikiusap na pakitulungan naman dahil hindi marunong.
Pag natulungan mo sila, bukod sa pasasalamat ay may pisil pa sa kamay na nagpapahayag ng lantay na appreciation sa nagawa mo sa kanila.
Sa mga malls naman ay madalas akong mapakiusapan na magkuha ng pictures ng mga namamasyal. Kahit mga foreigners, ako ang nilalapitan para makunan sila ng group picture. Siguro ay photographer ako sa aking unang buhay. Nakakatuwa rin. Iniisip ko tuloy nang minsan makarating ako sa Hong Kong, magpapabarya lang ako sa isang Tsekwa ay tumakbo papalayo na parang nilapitan ng ketongin. Hindi tayo ganoon kabastos sa mga dayuhan.
Kaya sana ay maipagpatuloy natin at maging gawi ang pagtulong sa kapwa patuloy man iyong binabalewala ng ating mga natulungan.

3 comments:

big benjie said...

well, bayaw, ganyan talaga ang buhay...maraming inggrato. isipin mo na lang ang kabutihang nagawa mo'y hindi naman masasayang. amen?

kc cordero said...

Amen, brother benjie!

Anonymous said...

Sabi ko nga let's continue to do something good even if others would not. I believe in karma. - manny