MAY
“phobia” si Misis kapag nakakakita ng paru-parong mariposa sa loob ng aming
bahay. Nagsimula ito noong 2008 nang habang namamalantsa siya ay may dumapong
mariposa sa kanya. Napasigaw pa siya dahil matatakutin siya sa mga insekto.
Makalipas ang ilang sandali ay nag-ring ang aming telepono. Isang kamag-anak
niya ang nasa linya at nagbabalita na ang paborito niyang uncle ay namayapa
na—ilang minuto pa lang ang nakakalipas.
Ilang
mariposa pa ang dumalaw sa aming bahay—at ang laging kasunod niyon ay ang
balitang may kamag-anak siyang namayapa.
Binigyan
niya tuloy ng kahulugan na ang ganoong pangyayari ay lagi niyang naiiugnay sa
isang malapit sa amin na namayapa na. Ako naman, bagaman at may kaunti ring
pamahiin sa katawan, ay laging sinasabi sa kanya na baka nagkakataon lamang.
Pero sabi nga niya, kung nagkakataon lang, bakit palagi naman?
Noong
August 5 ng gabi, habang paakyat ako sa aming hagdan ay sinalpok ako sa mukha
ng malaking mariposa. Bigla akong kinabahan pero binalewala ko lang iyon.
Nakita rin pala ni Misis na noon ay kasunod ko sa pag-akyat ang nasabing
paru-paro. Sigaw niya, “Ay, mariposa! Saan galing ‘yan?”
Hindi
ako sumagot at pilit binalewala ang nangyari. Pero aaminin kong may kabang biglang
bumundol sa aking dibdib, lalo pa nang sabihin niyang sino na naman kaya ang
namaalam?
Tatlong
kapatid kong babae ang medyo hindi okey ang kalusugan sa ngayon. Ang isa ay
kasama sa aksidente sa JAM kamakailan, malubhang nasugatan at patuloy na nasa
ospital. Ang isa ay na-mild stroke habang ang isa naman ay sadyang hinain ang
katawan. Ang isip ko ay natutuksong mangumusta sa kanila kahit gabi na para
lang makatiyak ako na wala ni isang sinamang-palad sa kanila noon. Ito ang
naglalaro sa isip ko dahil tiyak na walang nangyari sa side ni Misis dahil
maagap silang magbalita. Ang mga kamag-anak ko naman o kadugo, kung mabalitaan
kong pumanaw na ay kung kailan nailibing na pala. Pero nanaig sa akin ang huwag
maniwala sa mariposa. Nagkataon lang, pilit kong isinisiksik sa isip.
Nawala
na sa isip ko kinabukasan ang tungkol sa mariposa. Lunch time ay nakatanggap
ako ng text mula sa isa kong pamangkin. Napanganga ako nang mabasa ko ang
mensahe. Isa sa mga best friend at kumpare ko ang namatay noong gabi!
Naaksidente sa motorsiklo.
Sobra
akong nalungkot...
Ang
kaibigan/kumpare kong ito ay matagal kong kasa-kasama at kalaro noong mga bata
pa kami. Matanda ako sa kanya ng tatlong taon. Nagkahiwalay lang kami nang
magkatrabaho na siya at ako naman ay lumuwas ng Maynila. Sa tagal ng aming
paghihiwalay ay nagkita lang kami nang kunin niya akong ninong ng panganay na
anak niya. Maysakit ako noon at kalalabas lang ng ospital, pero dahil sa hiya
ko sa kanya ay pinilit kong maka-attend ng binyagan—na labis naman niyang
ikinatuwa. At dahil yata sa sobrang tuwa, may mga piyesa siya ng binubuong
owner-type jeep na hindi na raw niya itutuloy dahil may AUV na siya, kunin ko
na lang daw at ako na ang magbuo. Hindi ko na rin naman nabalikan.
Maganda
ang naging buhay niya dahil pareho silang may trabaho na mag-asawa at
nakapagpatayo agad ng bahay. Iyon nga lang, wala na akong naging balita sa
kanya at kung ilan ang naging anak niya.
Iyon
na rin pala ang huli naming pagkikita...
Hindi
na ako nakapunta sa libing niya kaya lalo akong nalungkot. Humingi na lang ako
ng sorry sa kanya, at nangakong lagi kong aalalahanin ang aming kabataan. Ang
masayahin niyang personalidad, ang magandang direksyon sa buhay.
Sana
rin ay maging babala sa lahat nang nagmomotorsiklo ang nangyari sa kanya. Lagi
na ay nasa panganib kapag sa sasakyang dalawa lang ang gulong ka sakay kahit
gaano ka pa kaingat.
At
ang tungkol sa mariposa, na sabi nga ni Misis ay hindi pa sumasablay sa
pagpapahiwatig, marahil nga ay nagparamdam ang kaibigan ko sa akin. Natutuwa
naman ako. Ibig lang sabihin, isa ako sa mga espesyal na tao sa naging journey
niya sa mundo dahil noong oras na binawian siya ng buhay ay isa ako sa kanyang
unang dinalaw.
Rest
in peace, Eli, my friend and kumpare... Nasa sinapupunan ka nang muli ng Maykapal,
sa isang bahagi na puno na ng kapayapaan.
No comments:
Post a Comment