Tuesday, May 19, 2009

komikon may 16 '09

WALA akong nailabas na komiks sa nakaraang Komikon dahil hindi umabot ang mga tinatapos kong titles. Nagbenta na lang ako ng mga art books at comics/graphic novels para naman mapakinabangan ng iba. Siguro sa mga susunod na Komikon ay may bago na akong projects, at hindi na siguro ganoon ka-tight ang aking schedule.
Okey naman ang event at masaya; nagkita-kita ang mga dati nang magkakaibigan at maging ang mga sa chat lang magkakilala. Kita-kita uli tayo sa susunod...
Heto nga pala ang ilang photos sa puwesto namin courtesy of Omeng Estanislao: (www.kidmtbike.multiply.com)

Photobucket
Wala si Omeng, siya ang photographer, e. From left: Jepoy (dating OJT sa ABS-CBN Publishing, Sunshine from ABS-CBN Publishing, Me, Edison from ABS-CBN also pero lilipad na to Canada, at ang nag-iisang sweetheart ni Omeng na si Jo.

Photobucket
Katabi naming table, Love is in the Bag ang komiks nila na masyadong mabenta. Mababait ang tropang ito. :)

Photobucket
Katapat namin si Gio Paredes. Ang lakas din ng benta kaya pagdating sa amin ng bumibili wala nang budget. :(

Photobucket
Subway Productions. Hindi namin sila katabi ngayon pero hinanap ko ang puwesto, bumisita rin siya sa booth namin.

Photobucket
Omeng with his sweetie.

Photobucket
Unmindful ako sa sobrang cheesy na mga katabi ko.

Photobucket
Omeng trying to pitch his comics and merchandise sa isang costumer.

Photobucket
Ako ang unofficial endorser ng Sanduguan T-shirt, ha-ha!

Thursday, May 14, 2009

rommel 'omeng' estanislao's LIPAD

Photobucket

MAGKAKASAMA kaming muli nina Rommel 'Omeng' Estanislao at Ner Pedrina sa darating na Komikon sa Sabado na gaganapin sa UP Bahay ng Alumni. Daan kayo sa table namin at bili kayo ng aming mga paninda.
Pamilyar na ang maraming comics enthusiast sa napakahusay na si Ner kaya medyo ipi-pitch ko muna si Omeng. Kaopisina rin namin siya sa ABS-CBN Publishing at art director sa special projects, creative department. Siya rin ang nagkulay ng ilang kuwento sa Sindak! Horror Magazine.
Ito ang ikatlo niyang taon sa Komikon. Naengganyo ko siyang sumali noong 2007 at sa indie section kami pumuwesto. Inilabas niya ang una niyang komiks, ang Kokoy Kolokoy.
Na-inspire siya sa naging experience sa una niyang pagsali kaya last year ay mas matitindi ang inilabas niyang projects; ang Anak ng Tupang Itim at Hero Ang Bagong Bayani. This year ay ang Lipad naman ang kanyang bagong handog.
Kung nagustuhan n'yo ang mga una niyang komiks, mas lalo ninyong mamahalin ang Lipad.
Bukod sa pagiging comics enthusiast ay marami pang ibang art talent si Omeng. Mahusay siya sa sculpture. Kaya bukod sa komiks ay may tinda rin siyang sariling merchandise ng Anak ng Tupang Itim key chains and pendants. Hahanga kayo kung paano niya nahulma ang napakaliliit na pigura na pang-collector's item talaga.
Kung gusto ninyong makita ang kanyang mga gawa komiks man, sculpture, photography, etc... narito ang kanyang sites:
http://www.kidmtbike.multiply.com
http://www.mengosidescrew.artician.com

Tuesday, May 12, 2009

the buzz magasin's new look

Photobucket

NAGBAGONG-BIHIS ang "Number One showbiz magazine sa Pilipinas" na THE BUZZ MAGASIN ngayong June 2009 issue (out sa market this month, May 2009). Kaalinsabay ito ng gaganaping 10th year anniversary ng The Buzz TV show. Kasama sa isyung ito ang huling labas ng "Timawa" ni Gerry Alanguilan, 4 pages at grabe ang artworks!

Sunday, May 10, 2009

mother's day

Photobucket

MOTHER’S Day ngayon, May 10, 2009. Isa ito sa mga okasyon na nami-miss ko ang aking inay. Too bad na noong buhay pa siya at bata pa ako, ang ganitong okasyon ay hindi pa masyadong hyped. At any rate, ang okasyong ito ay isa sa mga nagpapabalik sa akin sa mga panahon na kasama ko pa siya gaya ng kanyang birthday, Pasko, New Year, at masakit mang sabihin, kapag death anniversary niya saka All Saint’s Day.
Maliit na babae lang ang aking ina at kahit malaking lalaki ang aking ama ay sa kanya siguro ako nagmana ng genes. Ang iba kong kapatid ay malalaki. Puno siya ng energy. Magandang kumanta at kahit mahirap lang ay walang inferiority complex. Marami siyang kaibigan sa aming baryo, at siya’y ate ng mga kapitbahay namin. Kahit noong binata na ako, pag nakahiga ako at kumakanta siya ng mga Tagalog songs, ang bilis kong makatulog. There’s something sa pag-awit niya na pakiramdam ko lagi ay isa akong sanggol na iniuugoy sa duyan.
Fifty-plus na siya nang ipanganak ako, and that qualified me for being a menopausal baby. Sinasabi naman nila ng aking ama na hindi na nila inasahang mabubuo pa ako, but they had fond memories of my childhood. Noong may isip na ako ay lagi nilang ikinukuwento kung paano ako ipinanganak, kailan ako unang lumakad, etc. Palibhasa’y ako na lang ang natitira sa bahay namin ay matiyaga niya akong naturuang bumasa. Kaya noon, kabilang ako sa mga hindi pa nag-aaral ay nakapagbabasa na.
Lumaki akong disiplinado ng mga magulang kaya I’m proud to say na hindi ako nagbigay ng sakit ng ulo sa mga magulang, lalo na sa aking ina. Kabilang pa ako sa henerasyon na ang suweldo ay ibinibigay sa ina pagkatapos bumawas ng konting panggastos. Dahil hirap nga kami sa buhay, natatandaan ko na nalaglag ang luha niya nang iabot ko ang aking unang suweldo. Marahil ay naisip niyang kahit paano, umpisa na iyon ng bahagyang pagbabago sa aming buhay.
Noong hindi pa ako nag-aaral, four years old siguro ako, isang araw ay biglang nahimatay ang aking ina. Nagkagulo ang aming mga kapitbahay at sabi’y kailangan siyang isugod sa ospital. Iyak ako nang iyak ako noon. Bago dumating ang sasakyan na maghahatid sa kanya ay nagkamalay naman siya ngunit mahahalata ang panghihina. Ilang sandali pa ay binuhat siya ng aking ama para dalhin na nga sa ospital. Ipinagbilin na lang ako sa isang kapitbahay na tingnan muna habang wala pa sila.
Nakaupo ako sa aming hagdan habang tinatanaw ko sila. Noon lang nagkasakit ang aking ina kaya nalulungkot ako. Nagulat na lang ako nang maya-maya ay bumalik siya at sa pagtataka ko ay nakalalakad na bagaman at mabagal. Lumapit siya akin at hinaplos ako sa pisngi at pinahid ang luha. “Babalik agad ako,” sabi niya. “Tahan na…” At ipinakita niya sa akin ang hinog na atis na nasa kanyang kamay. “Nakita ko sa daan kanina, hinog na. Baka maunahan ka pa ng ibon. Kainin mo na.” Humalik siya sa akin at nagbalik na sa sasakyan na maghahatid sa kanya sa ospital.
Hanggang ngayon, hindi ko makalimutan ang pangyayaring iyon. Nasa bingit na siya ng kamatayan, hinang-hina, ngunit nang makita ang hinog na na atis posibleng magpasaya sa kanyang bunso ay humugot nang lakas.
Una ko ring nadama ang totoong takot noong araw na inihatid niya ako sa eskuwelahan para mag-grade one. Kasama ang mahigit 20 bata na pawang banyaga sa paningin ko, gusto kong mapaiyak. Nang matapos ang pakikipag-usap niya sa aking guro at ihabilin ako, nang kumaway na siya para iwan ako, pakiramdam ko’y gumuho ang mundo. At nang uwian na, pagkarating sa bahay nang makita ko siyang muli ay parang dantaon kaming hindi nagkita at agad akong yumakap sa kanya. Ayaw kong mag-aral, sabi ko sa kanya. Ngunit sabi niya, “Kailangan, anak. Kailangan mong mag-aral para sa pagtanda mo.”
Mahilig siya sa radio at telebisyon kaya naman basta nagkakapera ako ay iyon ang regalo ko sa kanya, sa kanila ng aking ama. Iyon kasi ang wala kami noon kaya marahil nasa mga ganoong gamit ang kanyang passion.
May mga pagkakataon din na nagkaroon kami ng pagtatalo ngunit hindi nauuwi sa mabigat na komprontasyon. Marahil ay bahagi na lang ng aking paglaki na magkaroon kami ng magkaibang opinion sa iba’t ibang bagay. Sa pangkalahatan, laging ang suporta niya ay aking naaasahan.
Pinakamasakit na bahagi ng aking buhay ang pagpanaw ng aking ina. Natatandaan ko isang araw bago siya namatay ay iniabot niya sa akin ang titulo ng aming lupa. Bahala na raw ako para sa aking mga kapatid. Lagi siyang nakahawak sa aking kamay na parang ang batang akay niya noon sa palengke at baka mawala habang siya’y namimili. Panay ang pisil niya sa aking pisngi; alam niyang hindi na magbabalik ang mga ganitong sandali. Ako naman ay naubos na ang luha sa mga mata. Sa nakita ko sa kanyang kaanyuan, handa na siya sa pagharap sa Maykapal, at sa muling pagkikita nila ng aking ama.
Kabibili ko lang sa kanya ng bagong radio noon. Hindi niya inaalis sa kanyang tabi at kahit siguro hindi na niya nauunawaan ang pinakikinggan, gusto pa rin niyang ipakita sa akin kung paano niya pinahahalagahan ang regalo ng kanyang bunso.
Sa pagkakataon ding iyon ko nakita kung gaano kagiting ang isang ina. Kung nang iwan niya ako sa silid-aralan sa unang pagkakataon na puno ng takot sa katawan at halos mapaiyak, ang mga mata naman niya’y nagbabadya ng tapang at kahandaan sa kanyang pamamaalam sa mundo. Marahil ay dahil batid niyang naging makahulugan at makabuluhan ang kanyang naging paglalakbay.
Humingi ako ng tawad sa aking ina bago siya binawian ng buhay. Marahil ay naging mabuti akong anak ngunit pakiramdam ko ay marami pa rin akong kasalanan sa kanya. Ganoon pala iyon, ang pagiging anak, kahit gaano ka kabait, hindi maikukumpara kahit tuldok lang sa pagnanais mong huwag mawalan ng ina. At kahit gaano mo pala napasaya ang iyong ina, balewala iyon kapag alam mong malapit na siyang mawala, Walang hihigit sa mundo kundi ang pagkakaroon ng mga magulang… ng isang ina.
Happy Mother’s Day , Inay. Binabati ko rin ang lahat ng nanay. Kayo ang the best. At sa mga anak na mayroon pang ina, nakaiinggit kayo… sa araw na ito ay kapiling ninyo ang pinakadakilang regalo na mayroon sa mundo.

Monday, May 4, 2009

busy lang po...

Photobucket

MASYADO lang pong natambakan ng trabaho, at kagaya ng pusa sa bintana ay sinusubukan kong tumanaw sa ibang perspektiba ng buhay. May mga bagong challenges na dumating at medyo kailangan kong tutukan at unti-unti pa akong nag-a-adjust. Sana ay okey kayong lahat. Magkita-kita po tayo sa darating na Komikon sa May 16 sa UP Bahay ng Alumni.

Tuesday, March 31, 2009

ABS-CBN + Precious Heart Romances

Photobucket

NATUTUWA ako para sa mga Tagalog romance pocketbook writers dahil maging ang kanilang mga obra ay magkakaroon na rin ng chance na mapanood sa TV. Maraming mahuhusay na Tagalog romance pocketbook writers ang nanatili na lang sa kanilang forte at hindi na sumubok sa ibang field gaya ng TV at film. Sa pamamagitan ng ugnayan sa pagitan ng ABS-CBN at ng higanteng romance pocketbook publication na Precious Heart Romances ay mapapanood na rin sa malapit na hinaharap ang kanilang mga piling obra.
Marami na rin akong nabasang pocketbooks ng PHR at talagang mahuhusay ang kanilang mga writers. Sa kabila ng pagtamlay ng maraming publications ay nanatiling matatag ang PHR at patuloy na humahakot ng mga fans.
Napakabait din ng publisher nito na si G. Jun Matias at napakadaling lapitan. Noong year 2001 ay tumawag lang ako sa kanilang publication at humingi ng mga kopya ng kanilang mga pocketbooks na ginamit kong sample dahil nag-conduct ako ng writing workshop. Kahit hindi niya ako kilala ay nagbigay siya ng mga kopya. No wonder na hanggang ngayon ay patuloy ang kanyang tagumpay.
Ang sumusunod ay ang lumabas na write-up ukol sa bagong proyekto ng ABS-CBN at ng PHR:
“ABS-CBN PARTNERS WITH PRECIOUS HEART ROMANCES”
by Napoleon Quinros
In its tradition of bringing the best drama series on television, ABS-CBN has partnered with Precious Heart Romances in coming up with teleserye based on well-loved romance novels. The Kapamilya network and one of the leading publishers of romance pocket books have signed the deal last February 12. Present in the contract signing were ABS-CBN Head for TV Production Cory V. Vidanes, Direk Lauren Dyogi, Precious Heart Romances Publisher Jun Matias, and Precious Heart Editor-in-Chief Edith Garcia.
Direk Lauren will be spearheading this project and he talked about what viewers can expect from these stories.
“First time ito for ABS-CBN that we acquired lots of titles para gawing teleserye. Gagawin natin ang ‘Bud Brothers’ na isinulat ni Rose Tan at ‘Kristine’ na isinulat ni Martha Cecilia. Usung-uso naman ngayon ‘yung libro na ginagawang TV series o pelikula tulad ng Harry Potter at Twilight. Maraming elemento sa libro ang sigurado akong magugustuhan ng mga tao kapag napanood nila sa TV. ‘Yung mga libro nina Rose Tan, Martha Cecilia, at iba pang writers, binabasa mo pa lang nakikita mo na kung paano lalabas sa telebisyon. Ang lakas ng kilig, ng romance element kaya maraming makaka-relate.”
Publisher Jun Matias said that he is honored with the trust that ABS-CBN gave to their books.
“Masaya kami. Noong una pa lang, sa 18 years ng Precious Heart, nakikita ko nang may potential ang mga books namin na magawa into TV or movie. I think now it’s about time kasi malaki talaga ang market ng romance pocketbooks. Hindi ako naniniwalang hindi nagbabasa ang Pinoy kasi ang sales namin sa Precious Heart, kahit wala kaming promo, bumebenta kami. Also most of Hollywood films ngayon based na rin sa mga books. Ngayon may market na ang mga books namin, confident kami at ang ABS-CBN na may makukuhang market sa TV.”
Matias added that he is very confident ABS-CBN will do justice in translating their pocketbook stories into teleserye.
“We trust ABS-CBN. Malaki na ang napatunayan nila. Thankful din naman kami that ABS-CBN trusted us. Of course may mga technicalities na dapat i-adjust pero open naman kami doon. Basta naroon pa rin ‘yung essence ng story, which I’m sure ay hindi pababayaan ng ABS-CBN.”

Wednesday, March 25, 2009

remembering pandan

Photobucket

FERDINAND ang tunay niyang pangalan. Anak siya ng isa kong kapatid na babae. Panganay si Pandan sa limang magkakapatid. Matanda naman ako sa kanya ng isang taon.
Namalayan ko na lang na magkasama kami sa bahay noong mga baby pa kami. Akala ko nga ay bunso ko siyang kapatid at hindi pamangkin. Hindi pa siya maalagaan ng kanyang ina noon dahil nagtatrabaho kaya kinuha muna ng aking ina. Masasakitin si Pandan noong bata pa, pero naging malusog nang maging seven years old na.
Dahil para nga kaming magkapatid at halos sabay lumaki ay siya ang pinakamalapit sa akin sa mga pamangkin ko. Naghiwalay lang kami nang mag-aral na ako. Lagi kasing umiiyak kapag wala pa ako kaya isinauli na ng kanyang lola sa kanyang ina na noon naman ay handa na sa pagpapamilya dahil nagkaroon din agad ng mga kapatid si Pandan.
Hindi siya mahilig sa basketball pero magaling sa baseball. Noong fourth year high school siya ay napagkampeon niya ang kanilang baseball team dahil sa kanyang homerun.
Kapag may mga okasyon sa aming pamilya ay laging kami ang magkadikit kapag nagkikita-kita. Sanay siya at hindi nao-offend sa aking sense of humor. Sa mga kuha sa pictures ay madalas na mapagkamalang ako siya, o siya ako. Kung minsan ay binibigyan niya ako ng damit niya dahil halos magkasukat lang kami.
Kumpara sa akin ay mas may direksyon ang buhay ni Pandan. Bago nagtapos ng high school ay sinabi niya sa akin na kukuha siya ng two-year electronics course at pagkatapos ay magte-training sa isang sikat na technical school sa Maynila. Ako naman noon ay nangangarap makapasok sa Philippine Military Academy, and later on ay nagplanong maging NPA. Tapos na siya sa mga plano niyang pang-edukasyon, ako naman ay hindi pa malaman kung ano talaga ang gusto sa buhay hanggang sa mag-settle na rin na magtapos ng vocational course.
Isa si Pandan sa pioneer sa Samsung Philippines. Nang nasa Atlas na ako ay dinalaw pa niya ako at binigyan ng car stereo dahil nakabili ako noon ng secondhand car. Binigyan ko naman siya ng Ray-ban sunglasses na napanalunan ko sa raffle. Tamang-tama raw sa kanyang pagmomotorsiklo.
Mahilig siya sa komiks kaya kung minsan ay may inuutusan siya para kumuha ng kopya sa akin. Nang magpakasal ako, the following year ay nagpamilya na rin siya.
Nabalitaan ko na lang na umalis siya sa Samsung dahil hindi nakonsidera sa promotion at nainsulto na ang naging supervisor nila ay mas mahusay pa siya. Pagkaalis sa Samsung ay nagtayo siya ng sariling electronics shop—na hindi agad naging successful dahil napasok ng mga magnanakaw at nalimas lahat ng units na ipinagagawa sa kanya.
Para makabawi sa kamalasan ay nagbuo muna siya ng disco mobile at ipinaaarkila kung saan-saan. Naging successful na ang kanyang venture na ito makalipas ang ilang taon, at sa pamamagitan ng pagho-home service, nakaipon ng puhunan at muling nakapagtayo ng shop. Maganda na ang naging resulta at nakapagtayo pa siya ng ilang branch ng kanyang electronics shop. Humanga ako sa kanyang business savvy.
Ang napansin ko lang, taun-taon ay nanganganak ang kanyang misis. Sabi ko sa kanya, kahit malaki ang kanyang kita, hindi rin niya mararamdaman pagtatagal dahil sa laki ng gagastusin niya sa mga anak lalo na pag nag-aral na ang mga ito. Naghahabol pala siya ng junior dahil hindi sila makatiyempo ng lalaki.
Nang matanggal ako sa Atlas ay naging bihira na ang aming pagkikita. Kung minsan ay tumatawag siya sa telepono at nag-uusap kami. Nagkukumustahan. Sa panahon na hindi maganda ang aking aspeto ng pananalapi ay nag-offer pa siya na magtayo ng shop sa area namin at siya ang bahala sa puhunan para raw may pagkakitaan ako. Sabi ko naman sa kanya ay hindi ko na linya ang mga trabahong teknikal. Bahagya rin niya akong nasumbatan na masyado akong artist ang pananaw sa buhay kaya wala akong lakas ng loob na magnegosyo. At tama siya roon…
Hanggang sa nawalan kami ng komunikasyon. Halos mga limang taon siguro iyon. Hindi ko alam kung bakit. Ang nabalitaan ko na lang ay nakapagpatayo siya ng grocery store at malakas ang kita. Sa isip-isip ko, darating ang araw ay magiging milyunaryo ang pamangkin ko.
Kaya gayun na lamang ang gulat ko nang mag-text sa akin ang pinsan kong si Arnel tungkol kay Pandan. Si Arnel ay isang nurse at employed sa munisipyo ng Batangas. Ganito ang naging pag-uusap namin ni Arnel:
ARNEL: ‘Insan, may sakit pala si Ferdinand, ano?
AKO: Wala akong balita. Paano mo nalaman?
ARNEL: Nakausap ko ang bayaw mo. Narine ako sa ospital sa Lipa City, naka-confine pala dine ilang araw na.
AKO: Gano’n ba? Alam mo naman ‘yang mga pinsan mo hindi marunong magbalita. Ano raw naging sakit?
Ang sumunod niyang text ay nagpahina ng aking mga tuhod.
ARNEL: Insan, huwag kang mabibigla… WALA na siya, eh. Ngayun-ngayon lang. Katatanggal lang ng mga support system. Nag-iiyakan sila rito. Kaya ko nga nakita ay lumabas ako dahil nasa kabilang kuwarto lang ako at may tsinek na pasyente ay biglang may nag-iyakan sa labas. Ngayon ko rin lang nalaman na naka-confine pala siya dine.
Nagde-deadline kami ng The Buzz Magasin noon at sa unang pagkakataon ay hindi ko malaman kung ano’ng gustong gawin ng katawan ko. Gusto kong humagulhol pero pinigilan ko ang sarili ko. Agad kong inayos ang mga gamit ko at umuwi na ako sa bahay at nagkulong sa CR. Nang wala nang nakakakita sa akin saka ako umiyak nang umiyak. Ang pakiramdam ko, namatayan ako ng bunsong kapatid.
Noong pareho pa kaming nasa Batangas ay saksi si Pandan kung paano ko kinakarga ang obligasyong dapat ay ang aking mga nakatatandang kapatid ang gumanap. Ang kanyang ina ay isa sa mga tumalikod sa tungkulin ng isang anak sa magulang. Nakita niya kung paano kami nagkaroon ng mabigat na komprontasyon ng kanyang ina dahil sa napakaraming isyung pampamilya. Matagal kaming hindi nag-usap ng kanyang ina, nagkabati na lang kami nang pumanaw ang aking ama. Sa kabila nito ay hindi kami nagkaroon ni Pandan ng iringan at madalas ay ako ang kanyang kinakampihan.
Kung napakasakit ng naging kamatayan ni Pandan ay higit pa sa doble ang naramdaman ko noong araw na dumalaw ako sa kanyang burol. Naroon siya sa loob ng ataul, batambata, malayo pa sana ang mararating pero napakaikli ng naging buhay. Sa pagmamasid ko sa kanyang mukha ay nag-flashback sa akin ang mga panahon noong pareho pa kaming bata na naglalaro, naghahati sa hinog na saging, nag-uunahan sa panghuhuli ng manok. Ang pag-iyak niya tuwing nagbibihis ako para pumasok sa school at pagpupumilit na sumama. Ang kanyang pagbabantay sa pagdating ko mula sa school at ang pagkislap ng kanyang mga mata kapag natanaw na niya ako.
Hindi pa rin ako nakaka-recover sa lungkot sa nangyari sa kanya. Matatagalan pa siguro. Marami akong regrets. Ni hindi ko nalaman na maysakit na pala siya. Hindi ko man lang siya nakita at nakausap sa mga huling araw niya.
Ngayon, March 25, 2009 ang unang death anniversary ni Pandan. Mula nang pumanaw siya ay hindi man lang siya nagparamdam sa akin. Hindi rin dumadalaw kahit sa panaginip. Nangangahulugan na masaya na siya sa kanyang kinaroroonan ngayon—at nagpapaluwag iyon sa aking dibdib.