PUWEDE ko namang habulin ang dumaang bus. Pero parang tinamad
akong tumakbo. Puno na rin naman ng pasahero at baka ang makasakay ko ay mga
amoy-pawis na kahit umaga pa lang. Ewan ko ba, nagiging ugali na ng mga Pinoy
ang katamaran sa paliligo at pagsesepilyo kahit marami namang tubig sa ating
bansa.
Hinintay ko na lang ang pagdaan ng susunod na bus. Habang nasa
ilalim ako ng puno na aking kinanlungan, bigla akong may naisip.
Ang pagsakay pala sa bus ay para ring kung paano tayo
makipagsapalaran sa ating buhay.
Kung minsan ay nagmamadali tayo kaya kahit mahirap ang biyahe
ng buhay na ating tinatahak ay sumasabak tayo. Para tayong pasahero na
nakikipaggitgitan sa marami marakarating lang sa pupuntahan kahit pa hindi
komportable ang puwesto natin sa sasakyan.
Pero bakit nga ba tayo nagmamadali?
Dahil nagmamadali rin ang iba at gusto nating makasabay sa
kanilang pag-unlad?
Naghahabol na tayo sa oras dahil ginahol tayo sa paghahanda noong
may oras pa?
O talaga lang gusto natin ang sitwasyon na kahit alam nating
siksikan na at mahirap sumakay, tsinatsambahan na lang natin ang kapalaran?
Ang byahe patungo sa pangarap ay laging masalimuot. Kung minsan,
ang sasakyan ng tadhana na para sa atin ay hindi natin alam kung may nakalaan
pa sa atin na upuan—o kailangan na lang nating sumabit para hindi tayo
maiwanan.
Anyway, back to reality. Makalipas ang ilang minuto ay dumaan
na ang kasunod na bus at komportable akong nakaupo sa pagitan ng dalawang
mababango at bagong paligong kolehiyala. Kung ganito ang makakasakay ko
araw-araw, handa akong maghintay ng bus kahit medyo late na ako sa pupuntahan.
No comments:
Post a Comment