Wednesday, August 5, 2009

omeng sa metro komikon

PAKISUPORTAHAN po ninyo ang kaibigan kong si Omeng sa darating na Metro Komikon ngayong Sabado at Linggo sa Megamall. Magmula nang sumali siya sa comics convention ay nakita ko kung gaano siya ka-dedicated sa paggawa ng komiks.
Bukod sa kanyang komiks na "Anak ng Tupang Itim" at "Hero, Ang Bagong Bayani" ay gumagawa rin siya ng pendants ng kanyang mga characters. Kasama siya sa section ng mga indies.

Photobucket
Rommel 'Omeng' Estanislao

Photobucket
Work station niya. Ang drafting table (old school) ay bigay pa ng dati niyang amo nang mag-resign siya sa opisina nito noong 1997.

Photobucket
Sample ng kanyang pendants based sa kanyang characters.

Photobucket
Ang comics niya at mga pendants.

Wednesday, July 29, 2009

toklat

Photobucket

HINDI panot o ukab sa buhok ang sinasabi kong Toklat. Isa siyang askal (asong kalye) na bagong alaga ng aking mga kapitbahay.
Medyo nagtataka siguro kayo kung bakit ang sabi ko ay bagong alaga ng aking mga kapitbahay at hindi kapitbahay o partikular na isang tao lang. Mahilig kasing mag-alaga ng mga askal ang mga kapitbahay ko pero ayaw nila ng responsibilidad. Ibig sabihin, kung may asong pakalat sa kalye ay okey lang na pakainin nila, palakihin at kung malaki na, may okasyon at napagtripan—puwedeng pulutan.
‘Yun ang malungkot.
Anyway, si Toklat ay isa sa mga naging anak ng alagang aso ng pinsan ng misis ko. Ang nanay niya, na tawagin nating si Apol, ay nakatali lang sa ilalim ng isang puno ng abandonadong barangay hall at kung sinu-sino rin ang nagpapakain. Nang mabuntis si Apol ay nakaligtas siya sa pagiging kaldereta. Nanganak siya ng anim na kyut na tuta, isa na rito si Toklat.
Pinakapangit at pinakamaliit si Toklat sa magkakapatid at binigyan ko siya ng pangalang Toklat dahil panot o kalbo ang balahibo niya malapit sa buntot—isang deficiency ng mga tuta na kulang sa vitamins, o posible ring dahil sa bulate. Ito rin ang naging tawag sa kanya ng lahat. Nang nakakalakad na sila, napansin kong kahit pangit ay siya ang pinakamalambing at mukhang matalino. Kapag wala akong ginagawa ay lumalabas ako para silipin ang mga tuta. Madalas lumapit sa akin si Toklat, at kahit pangit ay medyo nilalaro ko nang konti. Napansin kong lumalaki ang panot niya sa may likod kaya inisip kong siguro ay hindi siya magtatagal. Gayunpaman, hanggang sa may humingi na sa ibang tuta ay buhay pa rin siya. Naturalmente, dahil sa kanyang hitsura ay walang nakagusto sa kanya.
Nang maiwan siya ay nasolo niya ang pagdede kay Apol kaya hindi nakapagtatakang lumusog si Toklat at unti-unting nawala ang panot. Kuminis na rin ang balahibo. Dahil nagkaroon ako ng fondness sa kanya ay lagi ko siyang binibigyan ng ‘treat’ (matigas na pagkain ng aso) para maupod ang mga ngipin niya. Basta nakita niya ako, alam niyang it’s chowtime. Iba rin ang respond niya sa akin kumpara sa ibang kapitbahay ko—salamat sa treat.
Gusto ko na sana siyang iuwi sa bahay pero sabi ng misis ko ay hindi na siya handa sa panibagong pet dahil dalawa na ang aso namin. Nakita ko rin na delikado si Toklat sa dalawang mongrels ko dahil minsang sumunod siya sa akin, at palibhasa’y maliit pa ay nakalusot sa gate, nahabol siya ng dalawa naming alaga at muntik nagulpi. Mabuti na lang at nakatakas.
Minsan na dadalhan ko siya ng treat ay hindi ko makita. Nang hanapin ko, sabi ng isang kapitbahay ko ay nasa bahay nila dahil nasagasaan. Doon daw nahiga at hindi na niya pinaalis. Na-shock ako. Tinanong ko ang lagay. Baka raw mamatay. Pilay na pilay raw. Talop ang buong katawan. Kita ang buto sa kanang paa.
Maging ako ay kinilabutan nang makita ko siya sa kawawang histura. Para siyang karneng may balahibo! Halos two months old pa lang siya kaya durog halos ang paa sa hulihan. Nakadapa siya at nang makita ako ay sumigla ang mga mata, pero halatang-halata ang sakit na nararamdaman. Bahagya kong hinipo ang paa niyang halos durog at hinimod niya ang kamay ko na parang nahingi ng saklolo. Muli, naisip ko, hindi magtatagal ang tutang ito.
Iniabot ko sa kanya ang treat pero hindi niya kinuha. Isinubo ko sa kanya pero hindi niya kinagat. Iniinda niya ang sakunang inabot. Mas gusto niyang hinihimod ang napakalaking sugat.
Sabi ng isang kapitbahay ko ay gagaling daw naman siguro dahil hindi sa ulo ang disgrasya. Ganyan naman ang aso, sabi pa niya, alam gamutin ang sarili.
Sana nga, naisip ko, dahil hindi ko rin maako ang responsibilidad na maipagamot siya. Kinuskos ko na lang ang ulo niya. Sorry, Toklat, sana nga ay maka-survive ka.
Naging busy ako at laging umaalis kaya hindi ko na nabalitaan ang nangyari sa kanya. Nakita ko na lang na nakakalakad na uli siya kahit paika-ika. Tuwang-tuwa nang lumapit sa akin. Sinilip ko ang sugat niya, kita pa rin ang malaking bahagi ng buto pero naghihilom na. Binigyan ko agad siya ng treat, at binanatan niya iyon na sabik na sabik. That’s great, doggie.
Magaling na magaling na si Toklat ngayon at binatilyo na. Makinis at mukhang magiging malaking aso. Paborito siya ng mga tambay sa amin dahil maamo. Noong isang araw ay nagdedebate pa sila kung kaninong birthday matotoka si Toklat. Ang lagay pala ay kandidato talaga siya na makaldereta.
Dalawang beses ko nang inabandona ang kaligtasan ni Toklat at sa pagkakataong ito ay nagi-guilty na ako. Sana ay nagbibiro lang ang mga tambay sa amin na sa kanilang mga bituka nakatakdang humimlay nang todo ang kawawang aso. Kung hindi naman, may paraan para mapigil ko sila nang hindi ko kokontrahin ang kanilang trip.
Next week ay schedule ng bakuna ng dalawa kong mongrel. Plano kong pabakunahan din si Toklat kahit anti-rabies lang. Kapag nalaman ng mga kapitbahay ko na medyo namuhunan na ako sa kanya kahit konti, malaki ang posibilidad na makaligtas siya na maging pulutan.

Photobucket
(Si Toklat habang naglalamiyerda sa aming barangay. This photo, taken by me, also appears in my DA account, entitled 'I Am Legend'.)

Monday, July 13, 2009

facebook

MAYROON akong Facebook account pero ginawa ko lang yata ito nang ma-invite ni Ner, pero hindi ko naman ginagamit at ni wala akong entry. Marami akong natatanggap na invitation pero hindi ko na po ina-accept kasi inactive naman ang account ko, with three photos courtesy of Ner. Dito lang po ako active sa blogspot, and a little bit sa DA. :)

Sunday, July 5, 2009

super...

Photobucket

DON'T even have enough time to sleep, eat, read, etc. Nabawian pa ako ng trabaho ng isang kliyente dahil hindi ko na naasikaso. Mga one week pa siguro ang ganitong sitwasyon—dispensa muna sa mga kaibigan na napangakuan. Nagpapayaman lang po...

Thursday, June 18, 2009

mula sa blog ni randy valiente...

... isang napakalaking pagkakataon para sa mga aspiring artists na gustong mahasa ang talento. Ang pinakasubok nang Pinoy instructional materials pagdating sa comics illustration:

http://usapang-komiks.blogspot.com/2009/06/comics-illustrating-by-nestor-malgapo.html

Wednesday, June 17, 2009

BFFs

Photobucket

TUWING Martes at Huwebes ay mag-isa akong naglalaro ng basketbol sa court malapit sa aming barangay hall. Natuklasan kong sa mga ganitong araw ay bakante ang court. Pa-shoot-shoot nang konti, patakbu-takbo para pawisan. Ito na ang pinaka-workout ko bukod sa pagti-treadmill at pagbubuhat ng medyo hindi kabigatan na dumbbells.
Malaki na rin ang ipinagbago ng aking physical abilities. Hindi na ako nakatatalon nang mataas na gaya nang dati. Hindi na rin ako ganoon kabilis tumakbo. Nasa akin pa rin naman ang aking shooting skills pero hindi na ako puwede sa pisikal na laro kaya nga pinili kong maglarong mag-isa. Mahirap mabalya at mabalian ng buto, mababawasan ang kita lalo na kung ang mga daliri ko ang mapipilayan.
May mga pagkakataon na kapag nakapagpapawis ako after two hours ay may mga dumarating para maglaro. Kung minsan ay niyayaya nila ako pero sinasabi kong magpapahinga na ako at marami pa akong gagawin. Ang totoo ay umiiwas na lang ako dahil baka mapagtawanan lang ako. Ang huling pagkatanda ko na naglaro ako ng basketbol sa liga ay halos 8 taon na ang nakalilipas. Mas madalas akong nakaupo kaysa nasa loob ng court—na hindi nangyari sa akin noong 20s pa ako. Naramdaman kong laos na ako at hindi na dapat magpumilit pa.
Anyway, kapag nagpapawis ako sa court ay kumpleto pa rin naman ako sa getup para hindi mahalatang laos na. Dinadaanan na lang sa porma.
Isang umagang naglalaro ako ay may dumating na apat na batang lalaki na hindi ko kilala. Mga edad 10-11 siguro sila at medyo magkakahawig. Mga payat at mukhang makukulit. Kung puwede raw silang makisali sa pagsu-shooting ko. Sige ‘kako, pero hindi na rin naman ako magtatagal at aalis na ako.
Habang naglalaro kami; kakampi ko ang isa at tatlo naman sila sa kabila, ay nag-enjoy na ako sa paghabul-habol sa kanila kapag nagdidribol, at ganoon din naman kapag sila na ang aagaw na bola sa akin. Natawa pa ako sa sarili ko nang maisip kong ang abilidad ko ngayon sa pagbabasketbol ay pang-10 years old na lang. “Bukas uli, Kuya, laro tayo…” sabi nila nang magpaalam na ako. Sinabi ko naman sa kanila kung anong araw ako nasa court.
Naroon nga sila nang magbalik uli ako sa court after two days. At mga nakauniporme pa. Nang maglaro kaming muli saka ko na-realize na sa edad nila ay mahuhusay na silang magbaketbol na hindi ko napansin noong unang araw na maglaro kami. Nagpustahan kami ng isang litrong softdrinks, at para ma-motivate sila ay nagpatalo ako. OK, siguro ay talagang talo nila ako. Matapos ang laro ay nagpunta kami sa malapit na tindahan para ma-claim nila ang kanilang premyo. Noon ko lang naitanong ang mga pangalan nila at edad. Tama ako na mga 11 years old lang sila. Sa malapit din lang sa amin sila nakatira. Sabi ko ay bakit parang hindi sila pamilyar sa akin. Mga bagong lipat lang pala sila na magpipinsan.
Iniwan ko sila habang pinagpipiyestahan ang softdrinks.
Mula Abril hanggang nitong June ay kala-kalaro ko sila. Pag wala ako at nasa opisina ay hinihiram na lang nila sa misis ko ang bola. Binibiro pa ako ng asawa ko na nakakita raw ako ng mga bagong BFF.
Minsan matapos naming maglaro ay sinabi ko sa kanila na malapit na ang pasukan, baka paminsan-minsan na lang kami makapaglaro dahil magiging busy na sila sa school. Nagulat ako nang sabihin nilang hindi na sila mag-aaral. Bakit, tanong ko. Lahat pala sila ay papunta na sa US, napetisyon daw ng mga kamag-anak doon.
Noon ko na rin lang sila nausisa kung sinu-sino ang mga magulang nila at saan nagtatrabaho. Nagkatinginan sila at parang biglang mga napahiya. Nakaramdam ako na may konting mali kaya nagtanong uli ako kung bakit.
Ang pinakabibo sa kanila ang nagkuwento na lahat sila ay hindi buo ang pamilya. It’s either walang nanay o tatay. ‘Yung iba, hindi kilala ang ama o ang ina. Ang isa ay ni hindi nakita ang nanay at tatay.
Hindi ko alam kung bakit nalungkot ako. Sa dami ng mga nakakasalamuha kong mga kabataan ngayon, mula sa mga kaopisina, OJTs, at mga nakakakilala sa kung saan-saang online communities, karamihan sa kanila ay miyembro ng broken home. May nagbiro pa nga sa akin na kapag hindi hiwalay ang parents, walang step-mom or step-dad, half-sis or half-brod, step-sis at step-brod ay hindi ka in.
Posibleng ganito na ang pananaw ng maraming kabataan ngayon, ngunit walang makapapantay sa pagkakaroon ng buong pamilya. Posibleng ang debate rito ay buo nga ang pamilya pero parang impiyerno naman ang relasyon, para ano pa? Pero wala na bang magagawang sakripisyo para mabuo ang pamilya? Hindi ba’t sa pagbuo naman ng pamilya at sa pagkakaroon ng mga supling ang pinakapundasyon nito ay pag-ibig at pagmamamahalan? Bakit hindi mapanatiling buo ang pundasyong iyon?
Hindi na ako masyado pang nag-usisa sa mga bata dahil pakiramdam ko ay may nasundot akong sensitibong bahagi sa pagkatao nila. Sabi ko na lang, mag-aral silang mabuti sa States, huwag sayangin ang pagkakataon. Ipagpatuloy ang paglalaro ng basketbol, who knows baka magaya sila sa mga Fil-Ams sa PBA ngayon, ako ang kanilang magiging manager kung sakali. Magpalaki rin ‘kako sila ng katawan at pag mga binata na ay manligaw ng mga blonde na sexy na mala-Paris Hilton. Nagpasigla sa kanila ang huli kong sinabi at nag-apiran.
Isa sa kanila ang napatingin sa suot kong sapatos. Almost four years ko nang ginagamit iyon kaya medyo nakanganga na. “Kuya, padadalhan ka namin ng sapatos,” sabi niya. Na sinang-ayunan naman ng kanyang mga pinsan, “Oo nga, Kuya. Ano’ng size ng paa mo?”
Hindi ako nakapagsalita. That’s sweet.
Noong isang araw ay umalis na ang magpipinsan. Pinanood ko sila habang papasakay sa van na maghahatid sa kanila sa airport. Nilapitan ko at kinuskos sa buhok. Excited na sila sa magiging biyahe, nakikita ko sa kanilang mga mata. “Padadalhan ka namin ng sapatos, Kuya, ha?” ulit nila sa kanilang pangako. Ikinumpas ko naman ang aking kamay na parang sinasabi kong OK lang kahit wala.
I’ll miss my BFFs…
Hindi ko alam kung sa paglipas ng panahon ay maaalala pa nila ako o ang pangako nilang sapatos sa akin. But I’m telling you, mas gusto kong paniwalaan ang pangako ng mga batang iyon kaysa sa pangako sa sambayanang Pilipino ng ating mga pulitiko.

Monday, June 8, 2009

art exhibit

KASALI rito ang aking Pareng Meyo De Jesus. Art exhibit ito ng mga sikat at sumisikat na artists sa bansa, sa Sabado na gaganapin bandang alas sais ng hapon, sa 222 Wilson Street, Greenhills, San Juan. Pagkatapos n'yong mag-shopping, puwede kayong sumilip. :)

Photobucket