Monday, September 21, 2009

for sale

Authentic Bert Sarile's fan art of all his cartoon characters. Very mint condition. :)

Photobucket

Thursday, August 20, 2009

kuwentong starbucks

Photobucket

BAGONG dating mula sa abroad si Benjie at makalipas ang dalawang linggo na pakikipag-bonding niya sa asawa’t mga anak ay nagpasya siyang mamasyal naman na mag-isa at makita ang mga pagbabago sa paligid. Isa siyang English teacher sa Saudi Arabia at tuwing bakasyon ay maikli lang ang oras na nailalaan niya sa mga lakad na solo siya. Ginagawa niya iyon para makapagmasid-masid naman sa mga pagbabago sa kanyang bayang sinilangan—kung meron man.
Madalas ay sa mga mall siya nagtatambay. Patingin-tingin ng mga naka-sale na items, scan ng books sa bookstores, tumitiyempo na sana’y may makasalubong na kakilala o dating kaopisina. Pag napagod ay tumatambay siya sa paborito niyang coffee shop at nanonood ng mga naglalakad na tao. Ikinukumpara rin niya ang sitwasyon niya sa ibang bansa kumpara kapag naririto siya, at ang pagkakaiba ng mga gawi ng tao at kultura.
Nasa ganoon siyang pagdidili-dili habang humihigop ng paborito niyang kape nang may lumapit sa kanyang binatilyo na medyo effeminate ang kilos. Naasiwa siya sa walang pasintabi nitong pag-upo sa table niya, at ngumiti nang matamis. Kung bakla ito at kursunada siya, medyo kinilabutan siya. Mid-40s na siya at kakatwa naman kung sa edad niyang ito ay saka pa siya makukursunadahan ng bading—at teenager pa.
Sumimangot siya para ipahalata rito na nabuwisit siya. Para namang hindi apektado ang teener at nagsalita: “Sir, may ilang bagay lang po akong itatanong. Makatutulong po iyon sa inyo.”
Kumunot ang kanyang ulo. May itatanong raw at makatutulong sa kanya. Ano kaya iyon?
Nagpatuloy sa pagtatanong ang teener. “Katoliko po ba kayo? Kasi po may mga ipinamimigay kaming pamphlet para sa ikaliligtas ng inyong kaluluwa.”
Muling kumunot ang kanyang noo. Hindi naman sa pagyayabang ay uliran siyang ama at asawa. Nagsisikap siya para maitaguyod ang pamilya. Sumusunod siya sa 10 Utos ng Diyos. Matapat siyang mamamayan ng Pilipinas. Hindi siguro siya santo pero hindi naman siya alagad ng demonyo. At ngayon, heto ang isang kabataan at bibigyan siya ng pamphlet para maligtas ang kaluluwa!
Napahigop siya sa kape at tuluyang uminit ang ulo. At kung bakit bigla siyang naging pilosopo. “Wala akong relihiyon. Ngayon, tapos na ba ang itatanong mo?”
Akala niya ay matatakot ang teener sa kanyang pagtataas ng boses pero hindi. Sa halip, “Ah, ganoon po ba. Eh, Sir, kung hindi puwede sa inyo ang pamphlet namin, may ibinibenta akong ballpen na magagamit n’yo. Ninety pesos lang po ito. Sige na, Sir…”
Lalong uminit ang ulo niya. Sabi na nga ba’t doon pupunta ang sitwasyon—na aalukin siya nito ng kung anong merchandise. At nang tingnan niya ang ballpen, tigsasampung piso lang ‘yun sa tindahan ng Muslim.
Muli niyang tiningnan ang teener para kagalitan at sibugin. Ganito kasi ang style ng mga nanraraket. Kaya nga kanina pa niya hindi binibitawan ang kanyang cup ay baka mahulugan nito ng kung anong pills at mawalan siya ng malay tapos ay kunin ang kanyang mga gamit. Ngunit nang magtama ang kanilang mga mata ay may kung anong pinong kurot siyang naramdaman sa kanyang puso.
Kasing-edad ito marahil ng kanyang panganay. Mukhang mahirap lang, mahahalata sa mga suot nito sa katawan. Mahahalata rin na disente namang bata at hanapbuhay lang talaga ang pagbebenta ng “mamahaling ballpen” na iyon. Para siyang kinurot sa puso dahil naisip niya kung ano kaya at hindi siya nakakapag-abroad? Magkakasya kaya sa kanilang mag-anak ang kikitain niya rito? Nasa kolehiyo na ang panganay niya, para may pandagdag sa allowance, gawin din kaya nito ang ginagawa ngayon ng teener na kaharap niya kung di niya ito nasusuportahan nang maayos?
Nasa mukha ng teener ang matinding pakiusap na kunin niya ang ballpen. Ngunit may panuntunan sa buhay si Benjie na hindi siya bibili ng isang bagay na hindi niya pakikinabangan. At isa pa, mas magaganda pa ang ballpen niya kaysa fake na ballpen na lako ng teener.
“Nakatikim ka na ba ng Starbucks?” tanong niya rito.
Ngumiti ang teener. At minsan pa’y nakita ni Benjie ang sinseridad sa mga mata nito nang mangusap: “Hindi pa po…”
Huminga siya nang malalim. “Hindi ako interesado sa pamphlet mo at lalong hindi ako interesado sa ballpen mo. Pero dahil mukhang mabait ka, gusto kong magkaroon ka naman ng bagong karanasan ngayon. Halika… magkape ka.” Inaya niya itong tumayo.
“Naku, hindi na po! Nakakahiya naman po!” tanggi ng teener.
“Kanina nakiupo ka sa table ko. Ngayon, ako naman ang pagbigyan mo,” sabi niya rito at hinila patungo sa counter.
Nang nasa counter na ay hindi malaman ng teener kung ano ang gagawin. Seryoso ba ang mamang ito na sa pagpapakape? Paano kung hindi magbayad? Kung gusto lang magpahiya ng tao dahil naistorbo?
Naramdaman ni Benjie ang pag-aatubili ng teener kaya siya na ang umorder para rito—ang pinakamahal na kape, at malaking sukat. Ikinuha rin niya ito ng dalawang cookies. Takeout.
Nang magbayad siya at iabot sa teener ang takeout ay parang hindi pa rin ito makapaniwala. At dama niya sa boses nito ang katapatan nang bigkasin ang: “Maraming salamat, Sir. Hindi pa nga ako nag-aalmusal…”
Nginitian niya ito at parang may bumara sa kanyang lalamunan. Tinapik niya ito sa balikat na para bang sinabi niyang no problem. Enjoy the coffee and the cookies, dude.
Hindi na ito naupo sa table niya at magalang na nagpaalam. Tinatanaw pa ito ni Benjie habang papalayo; sumisipsip ng kape at cookies na hindi na banyaga ngayon sa taste buds nito. Kung kailan iyon mauulit, hindi alam ng teener. Hindi rin alam ni Benjie kung sa mga susunod na pagkakataon ay ganito pa rin siya ka-generous.
Bakit?
Dahil may ibang mga tao na dapat mag-provide sa mga kabataang ito ng hanapbuhay. O edukasyon—sa halip na maglako sila ng religious flyers at ballpen na made in China. May mga taong dapat mag-provide sa kanila ng almusal—hindi ‘yung ganitong sa isang masuwerteng pagkakataon ay may nagpatikim ng Starbucks.
Sinu-sino ba ang mga taong ‘yun?
Sila ‘yung mga kayang maghapunan sa halagang isang milyon…
(NOTE: This is a true story with few modifications for literary purposes.)

Saturday, August 15, 2009

para kay tita cory

Photobucket

PARA sa dakilang dating pangulong Corazon A. Aquino, ang September 2009 issue ng The Buzz Magasin ay dedicated sa kanya ang halos 60% ng mga nilalaman. Mababasa rito ang mga kaganapan sa kanyang mga huling sandali sa mundo, mga anekdota ng mga taong nakasalamuha niya, ang diary ni Ms. Kris Aquino na nagdedetalye ng maraming bagay ukol sa relasyon nilang mag-ina, ang mga anak at apo ng yumaong pangulo, at ang madamdaming pamamaalam niya sa mga Pilipinong hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay ay sinabi niyang "worth it" na pag-alayan ng lahat sa kanya.
Binabati ko ang aking mga kasamahan sa The Buzz Magasin sa pagtataguyod nila sa isyung ito. Of late ay lagi na naman tayong sold out, pero itong "Cory issue" ay produkto ng inyong paghihirap kaya para sa inyo lang ang kredito. Congrats!
Out na po ito this week, bumili agad kayo bago kayo maubusan.

Wednesday, August 5, 2009

omeng sa metro komikon

PAKISUPORTAHAN po ninyo ang kaibigan kong si Omeng sa darating na Metro Komikon ngayong Sabado at Linggo sa Megamall. Magmula nang sumali siya sa comics convention ay nakita ko kung gaano siya ka-dedicated sa paggawa ng komiks.
Bukod sa kanyang komiks na "Anak ng Tupang Itim" at "Hero, Ang Bagong Bayani" ay gumagawa rin siya ng pendants ng kanyang mga characters. Kasama siya sa section ng mga indies.

Photobucket
Rommel 'Omeng' Estanislao

Photobucket
Work station niya. Ang drafting table (old school) ay bigay pa ng dati niyang amo nang mag-resign siya sa opisina nito noong 1997.

Photobucket
Sample ng kanyang pendants based sa kanyang characters.

Photobucket
Ang comics niya at mga pendants.

Wednesday, July 29, 2009

toklat

Photobucket

HINDI panot o ukab sa buhok ang sinasabi kong Toklat. Isa siyang askal (asong kalye) na bagong alaga ng aking mga kapitbahay.
Medyo nagtataka siguro kayo kung bakit ang sabi ko ay bagong alaga ng aking mga kapitbahay at hindi kapitbahay o partikular na isang tao lang. Mahilig kasing mag-alaga ng mga askal ang mga kapitbahay ko pero ayaw nila ng responsibilidad. Ibig sabihin, kung may asong pakalat sa kalye ay okey lang na pakainin nila, palakihin at kung malaki na, may okasyon at napagtripan—puwedeng pulutan.
‘Yun ang malungkot.
Anyway, si Toklat ay isa sa mga naging anak ng alagang aso ng pinsan ng misis ko. Ang nanay niya, na tawagin nating si Apol, ay nakatali lang sa ilalim ng isang puno ng abandonadong barangay hall at kung sinu-sino rin ang nagpapakain. Nang mabuntis si Apol ay nakaligtas siya sa pagiging kaldereta. Nanganak siya ng anim na kyut na tuta, isa na rito si Toklat.
Pinakapangit at pinakamaliit si Toklat sa magkakapatid at binigyan ko siya ng pangalang Toklat dahil panot o kalbo ang balahibo niya malapit sa buntot—isang deficiency ng mga tuta na kulang sa vitamins, o posible ring dahil sa bulate. Ito rin ang naging tawag sa kanya ng lahat. Nang nakakalakad na sila, napansin kong kahit pangit ay siya ang pinakamalambing at mukhang matalino. Kapag wala akong ginagawa ay lumalabas ako para silipin ang mga tuta. Madalas lumapit sa akin si Toklat, at kahit pangit ay medyo nilalaro ko nang konti. Napansin kong lumalaki ang panot niya sa may likod kaya inisip kong siguro ay hindi siya magtatagal. Gayunpaman, hanggang sa may humingi na sa ibang tuta ay buhay pa rin siya. Naturalmente, dahil sa kanyang hitsura ay walang nakagusto sa kanya.
Nang maiwan siya ay nasolo niya ang pagdede kay Apol kaya hindi nakapagtatakang lumusog si Toklat at unti-unting nawala ang panot. Kuminis na rin ang balahibo. Dahil nagkaroon ako ng fondness sa kanya ay lagi ko siyang binibigyan ng ‘treat’ (matigas na pagkain ng aso) para maupod ang mga ngipin niya. Basta nakita niya ako, alam niyang it’s chowtime. Iba rin ang respond niya sa akin kumpara sa ibang kapitbahay ko—salamat sa treat.
Gusto ko na sana siyang iuwi sa bahay pero sabi ng misis ko ay hindi na siya handa sa panibagong pet dahil dalawa na ang aso namin. Nakita ko rin na delikado si Toklat sa dalawang mongrels ko dahil minsang sumunod siya sa akin, at palibhasa’y maliit pa ay nakalusot sa gate, nahabol siya ng dalawa naming alaga at muntik nagulpi. Mabuti na lang at nakatakas.
Minsan na dadalhan ko siya ng treat ay hindi ko makita. Nang hanapin ko, sabi ng isang kapitbahay ko ay nasa bahay nila dahil nasagasaan. Doon daw nahiga at hindi na niya pinaalis. Na-shock ako. Tinanong ko ang lagay. Baka raw mamatay. Pilay na pilay raw. Talop ang buong katawan. Kita ang buto sa kanang paa.
Maging ako ay kinilabutan nang makita ko siya sa kawawang histura. Para siyang karneng may balahibo! Halos two months old pa lang siya kaya durog halos ang paa sa hulihan. Nakadapa siya at nang makita ako ay sumigla ang mga mata, pero halatang-halata ang sakit na nararamdaman. Bahagya kong hinipo ang paa niyang halos durog at hinimod niya ang kamay ko na parang nahingi ng saklolo. Muli, naisip ko, hindi magtatagal ang tutang ito.
Iniabot ko sa kanya ang treat pero hindi niya kinuha. Isinubo ko sa kanya pero hindi niya kinagat. Iniinda niya ang sakunang inabot. Mas gusto niyang hinihimod ang napakalaking sugat.
Sabi ng isang kapitbahay ko ay gagaling daw naman siguro dahil hindi sa ulo ang disgrasya. Ganyan naman ang aso, sabi pa niya, alam gamutin ang sarili.
Sana nga, naisip ko, dahil hindi ko rin maako ang responsibilidad na maipagamot siya. Kinuskos ko na lang ang ulo niya. Sorry, Toklat, sana nga ay maka-survive ka.
Naging busy ako at laging umaalis kaya hindi ko na nabalitaan ang nangyari sa kanya. Nakita ko na lang na nakakalakad na uli siya kahit paika-ika. Tuwang-tuwa nang lumapit sa akin. Sinilip ko ang sugat niya, kita pa rin ang malaking bahagi ng buto pero naghihilom na. Binigyan ko agad siya ng treat, at binanatan niya iyon na sabik na sabik. That’s great, doggie.
Magaling na magaling na si Toklat ngayon at binatilyo na. Makinis at mukhang magiging malaking aso. Paborito siya ng mga tambay sa amin dahil maamo. Noong isang araw ay nagdedebate pa sila kung kaninong birthday matotoka si Toklat. Ang lagay pala ay kandidato talaga siya na makaldereta.
Dalawang beses ko nang inabandona ang kaligtasan ni Toklat at sa pagkakataong ito ay nagi-guilty na ako. Sana ay nagbibiro lang ang mga tambay sa amin na sa kanilang mga bituka nakatakdang humimlay nang todo ang kawawang aso. Kung hindi naman, may paraan para mapigil ko sila nang hindi ko kokontrahin ang kanilang trip.
Next week ay schedule ng bakuna ng dalawa kong mongrel. Plano kong pabakunahan din si Toklat kahit anti-rabies lang. Kapag nalaman ng mga kapitbahay ko na medyo namuhunan na ako sa kanya kahit konti, malaki ang posibilidad na makaligtas siya na maging pulutan.

Photobucket
(Si Toklat habang naglalamiyerda sa aming barangay. This photo, taken by me, also appears in my DA account, entitled 'I Am Legend'.)

Monday, July 13, 2009

facebook

MAYROON akong Facebook account pero ginawa ko lang yata ito nang ma-invite ni Ner, pero hindi ko naman ginagamit at ni wala akong entry. Marami akong natatanggap na invitation pero hindi ko na po ina-accept kasi inactive naman ang account ko, with three photos courtesy of Ner. Dito lang po ako active sa blogspot, and a little bit sa DA. :)

Sunday, July 5, 2009

super...

Photobucket

DON'T even have enough time to sleep, eat, read, etc. Nabawian pa ako ng trabaho ng isang kliyente dahil hindi ko na naasikaso. Mga one week pa siguro ang ganitong sitwasyon—dispensa muna sa mga kaibigan na napangakuan. Nagpapayaman lang po...