Thursday, February 6, 2014

predikamento...

ISA ang insidenteng ito sa mga bagay na hanggang ngayon ay nakasakay pa rin sa aking balikat at hindi ko maipagpag. Marahil ay marami sa inyo ang makaka-relate sa kuwento kong ito.
Nakatanggap ako ng text message sa isang numero na hindi nakalagay sa aking phone book. Nakuha raw niya ang number ko sa isa kong pamangkin. Nagpakilala na anak daw siya ng isang pinsan ko na nasa malayong probinsya. Dahil may load ako nang araw na iyon ay tinawagan ko ang number.
Totoo naman ang sinabi niya. Katabi pa niya noon ang kanyang ama na pinsan ko, at nagkausap kami. Sa pagkatanda ko, huli kong nakita ang pinsan kong ito noong 1997 pa nang ilibing ang aking ina.
Hindi ko pa nakita kahit minsan ang anak na ito ng pinsan ko. May asawa na rin ito at mga anak ayon sa kanyang kuwento. Sinabi niyang pagluwas daw niya ng Maynila ay gusto niya akong makita. Sabi ko, okey lang.
Makalipas ang ilang araw ay nag-text siya uli sa akin. Nasa Maynila na raw siya. Saan ‘kako siya nag-i-stay. Nagulat ako nang sabihin niyang sa Philippine General Hospital.
Sa pagpapalitan namin ng text messages ay nalaman kong may cancer pala siya, at malala na. Wala na raw siyang buhok at mahinang-mahina na. Puntahan ko raw siya.
Na-off ako sa sitwasyon. Mula kasi nang parehong bawian ng buhay sa ospital ang aking ama’t ina ay nagka-phobia na ako sa ospital. Ang aking ama ay halos dalawang linggong naratay, gayundin ang aking ina bago binawian ng buhay. Sa haba ng mga panahon ng kanilang paghihirap sa pakikipaglaban sa sakit ay iba’t ibang mukha rin ng naghihirap na mga pasyente ang aking nakita. Sa kalunus-lunos na mga senaryong iyon, doon nagsimula ang aking trauma na pumasok ng ospital o makakita ng maysakit. Kaya pag may kapatid akong naoospital, sinasabi ko sa kanila na pasensya na kung di ako nakadalaw—at alam naman nila ang aking predicament.
Nagdahilan na lang ako sa anak ng aking pinsan na medyo busy pa ako sa trabaho at stay-in sa opisina. Kung kasama naman ‘kako niya ang kanyang ama, baka puwedeng magkita na lang kami ng tatay niya. Pero ibang kamag-anak daw ang kasama niya.
Ang labis na nakabigla sa akin ay nang sabihin niyang makikiusap muna siya na sa amin sila tutuloy dahil wala silang matutuluyan. Nagka-migraine ako sa kanyang request.
Iba kasi ang sitwasyon sa probinsya kapag manunuluyan ka. Malawak ang bakuran, may malalakaran o mapupuwestuhan ang mga bisita sa labas. May mga kasama sa bahay na talagang taumbahay lang kaya may mag-aasikaso ng pagluluto ng pagkain at ibang pangangailangan.
Dito sa Maynila ay iba...
Sa kaso ko, maliit ang aming bahay na halos kasya lang kaming mag-anak. Walang ibang matutulugan o mapupuwestuhan kahit isa lang na bisita. Minsang dinalaw ako ng kaibigan kong galing South Korea, naghanap pa ako ng murang otel na tutuluyan niya just to extend my hospitality. At siyanga pala, bahay iyon ng aking misis—hindi sa akin.
Pero ngayon na medyo marami ang magiging bisita, hindi ko alam ang gagawin. Kung makikipanuluyan, ibig sabihin ay medyo magtatagal lalo pa’t yao’t parito sa PGH. Kaya nahihiya man ako, sinabi ko sa kanya ang aking mga predikamento.
Iba rin ang mind-set ng kamag-anak na galing probinsya. Ang akala ay pinagdadamutan agad pag tinanggihan. Nahalata ko iyon sa naging reply niya sa akin. “Kung sino pa ang inaakala ko na makakatulong sa amin siya pa palang tatanggi.”
Na-off ako sa sitwasyon. May naramdaman din akong tampo. Sa haba ng panahon na wala kaming naging komunikasyon, dumating siya para magpatulong at hindi naman ako handa. Mabigat sa dibdib dahil kailangan kong manimbang sa kasalukuyan kong kalagayan at sa damdamin niya. At sa kalagayan niya ay alam kong sensitibo siya.
Mula noon ay lagi akong nakakatanggap ng text messages ng panunumbat mula sa kanya—na kalaunan ay nakasanayan ko na. Ang pinakahuling mensahe na natanggap ko: “Maramot kayo...”
Pumanaw na ang anak na ito ng pinsan ko. Hindi ako makaharap sa kanyang ama dahil alam kong may tampo rin siya sa akin. Gayunpaman, sabi ng isang kapatid ko, pag nagkikita sila ay kinukumusta naman ako.
Dahil sa nangyari ay sinabihan ko ang mga kapatid at pamangkin ko na huwag basta ibibigay kahit kaninong kamag-anak namin ang number ko nang wala akong pahintulot. Ikinuwento ko sa kanila ang nangyari, at ang malaking guilt na nasa dibdib ko ngayon kung hindi sana nalaman ng namayapa ang aking contact number at nagkaroon kami ng maikling komunikasyon.
Kung mayroon kayong kuwento na kagaya ng aking naging predikamento, hindi kayo nag-iisa. Marahil ay sadya lang may mga pangyayari sa buhay natin na kahit di natin ginusto ay patuloy na kukurot at duduro sa ating konsensya—isang pagkakataon na inakalang nagdamot tayo ng tulong sa maling panahon at maling pagkakataon.

mahalaga ang attitude

ISANG lumang Facebook account ng isang publication na connected ako dati ang paminsan-minsan ay binubuksan ko. Tinitingnan ko ang updates ng ilan sa mga kakilala ko na friends ng account. Marami ring friends ang account na iyon na hindi ko naman kilala at nagpa-add lang; marahil ay mahigit isang libo.
Minsan ay biglang may nag-message sa akin na nasa listahan ng friends pero hindi ko kilala. Ang tanong niya, “Puwedeng mag-apply na writer?” Inayos ko lang ang composition ng sentence niya rito dahil jejemon ang pagkakapag-message niya.
Reply ko sa kanya: “Sarado na po ang publishing, mine-maintain ko lang itong FB account.”
Sagot niya: “K...”
Makalipas ang ilang araw ay muli kong binuksan ang account. Bigla uli siyang nag-message: “Puwedeng kunin ninyo akong writer?”
Sagot ko uli: “Sarado na nga po ‘yung publishing, mine-maintain lang itong FB account.”
Nagulat ako sa reply niya: “Eh, bakit ang sungit mo? Para nagtanong lang, eh...”
Sinabi ko sa kanya na noong una naman siyang magtanong ay malinaw na sinabi kong sarado na ang publishing. Akala ko naman ‘kako ay naunawaan niya. At dahil sarado na nga, paano ko siya matatanggap na writer?
Ang reply niya: “Dami mong sinasabi! Wala namang kuwenta ang publishing n’yo pati mga magazine n’yo!”
Napangiti na lang ako. No sense makipagtalo sa ayaw tumanggap ng paliwanag. Kaya nag-scroll na lang ako sa wall ng mga posts.
Muli siyang nag-message: “Walang kuwenta magazine n’yo! Sasabihin ko sa mga kaibigan ko na huwag bilhin ang magazine n’yo!”
Nag-reply ako: “Wala na naman silang mabibili kasi nga di na kami nagpa-publish.”
Sagot niya: “Basta sasabihin ko huwag na kayong bilhin!”
Sinabi ko sa kanya na mukhang may problema sa kanyang reading comprehension. Bakit ‘kako hindi mag-sink in sa kanya na sarado na, as in stop operation na ang publishing, wala na kaming nakatinda sa market, at kahit magsulat siya, saan ko ilalabas? Mag-try ‘kako siya sa mga active pa na publications. Puwede ko ‘kako siyang irekomenda sa iba na kakilala ko.
Sagot pa rin niya: “Walang kuwenta magazine n‘yo!”
Tanong kung sa kanya: “Kung walang kuwenta, bakit atat na atat kang magsulat dito?” At inulit ko kung may problema ba sa kanyang reading comprehension.
Pinagmumura na niya ako. Babae siya kaya hindi ko naman ginantihan ng mura. Sabi ko na lang sa kanya: “Bukod sa issue sa iyong reading comprehension, mukhang hindi rin tama ang pagpapalaki ng mga magulang mo sa ‘yo. Ang pagiging writer ay hindi nadadadaan sa pagiging mataray. Hindi rin puwedeng ipilit. At pinakaimportante ay marunong kang umunawa sa naririnig at nababasa.”
Lalo siyang nagmura.
Again, walang sense makipagkomunikasyon sa taong makitid ang utak kaya pinindot ko ang “block” sa pangalan niya. Hindi masarap sa pakiramdam na minumura ka ng taong ni hindi mo kilala.
Make no mistake about it. Napaka-supportive ko sa mga gustong magsulat at magdrowing. Habang may nade-develop akong mga bagong talent, nakakatulong din sila sa akin kapag nagtatayo ako ng publishing. May mga natulungan ako na negative din ang takbo ng utak at may mga attitude problem, pero malalawak ang comprehension, at kung makipagtalo man sa akin ay sa level na nagtatagpo pa rin ang aming idea sa iisang point. Pero itong nag-message sa akin, bukod sa mali-mali na nga ang composition ng sentence ay mukhang maliit pa ang utak. Sana pala ay napagawa ko ng sample story para nalaman ko kung in or out.
Anyway, ang pagiging writer ay isang malaking pananagutan sa iyong readers. Kung sa simpleng usapan pa lang ay hindi na makatanggap ng rason o lohika ang utak, siguro ay kumambyo na muna sa ibang career.
Hindi kailangan ang mataas na edukasyon sa pagsusulat, ngunit kailangan ang research, pagbabasa, obserbasyon at pagsubaybay sa gawa ng iba. Pero mainam din kung nakapag-aral.
Si Boy Abunda, sa kabila ng matagumpay niyang career sa media ay kailan lang nakatapos ng pag-aaral. Sabi niya noon sa isang panayam kung bakit siya naging successful, “Marami akong hindi alam. Sa mga nagiging kasamahan ko ako natututo. Pero ang mga kakulangan ko sa kaalaman ay dinaan ko sa attitude. Pag hindi ka ganoon kahusay, dapat mabait ka sa mga taong sa palagay mo ay aakay sa iyong ambisyon.”
Very well said. At ang ganitong pananaw ay applicable sa kahit anong career—writer ka man o welder.

propesyong nalaos



MARAMI ang nagsasabing bilang na ang araw ng publishing industry dahil sa paglaganap ng web publishing. Partly true, kaya naman ang mga nasa likod ng ganitong industry ay lagi pa ring isinusulong na dapat na ang mga tao ay maging mahilig pa rin sa pagbabasa. Umiisip din sila ng mga bagong konsepto para maging obsessive, compulsive read ang kanilang mga produkto. Of late, ang mga libro nina Bob Ong, Ramon Bautista at mga translators sa Precious Pages ang mabenta—plus ang mga aklat ng mga DJs sa radyo na tumatawid ang jokes sa print medium.
Somehow, they keep the local publishing industry afloat. Isama na natin ang mga tabloid na paborito pa ring basahin ng mga Pinoy na malilibog, nangangarera, tumataya sa lotto at nagsasagot ng krosword at Suduko.
Unlike sa US, sa ngayon ay wala pang local broadsheet na nagsara na kahit may online edition sila.
Dalawa naman sa napansin kong namatay nang propesyon ang sign painting at photography.
Wala na halos nagpapagawa ng sign board at streamers ngayon na hand painted. Kasalanan ito ng mga makina na gumagawa ng tarpaulin. ‘Yung isang puwesto na nakikita ko malapit sa SM Manila ay wala na ngayon, samantalang dati ay umaabot hanggang kalsada ang pinipintahan nilang tanggap na trabaho.
Kasama na rin sa nawala ang mga gumagawa ng poster sa pelikula. Hanggang noong late 90s ay marami pang makikitang movie poster na hand painted sa may Cubao area. Nakakatawa nga na dahil kahit hindi kamukha ng artista, okey lang. Makikilala mo lang na si Fernando Poe, Jr. halimbawa ‘yung nasa drawing dahil mahaba ang patilya.
Again, napalitan na iyon ng tarpaulin.
Isa namang kaibigan kong dating photographer ang ngayon ay nagtatraysikel na lang. Pumupuwesto siya noon sa Manila Zoo at nagsu-shoot ng mga pamilyang namamasyal para may souvenir ang kanilang bonding. Sa pagdagsa aniya ng digital camera, wala nang nagpapa-shoot sa kanya dahil ultimong cellphone ay nagagamit sa pag-capture ng precious moments. Ibinenta niya ang kanyang high-end camera at ibinili ng segunda manong traysikel. Sabi niya sa akin: “Mainam na ito dahil pagdating ng hapon ay may kaunting kita. Kung nagsu-shoot pa rin ako at walang kita pag-uwi ng bahay, baka ipukpok pa sa akin ni Kumander ang camera ko.”
Kalimitan naman sa mga kakilala kong photographer ngayon ay mga hobbyist na lang, o kaya ay sumasali sa mga contest pag may patimpalak at baka sakaling makakuha ng gantimpala. Well, may mga nakakaraket pa naman pag may binyagan o birthday at gusto ng mga parents ng celebrator at professional ang mga shot. Kapag may pre-nuptial, pero kung minsan ay nakokopo lang ito ng talagang mahuhusay na maniniyut na may studio at may contact sa mga wedding planner.
Kahit ang mga photographer na nasa showbiz ay nahihirapan na ring makakuha ng assignments dahil ang mga writer na usually ay may Smartphone ay kinukunan na ang artista habang ini-interview para mabilis nilang mai-upload sa Facebook o sa kanilang website ang panayam with matching photo.
Isa rin sa malaking napinsala ng digital age ang mga nagtatrabaho sa movie production. Matagal nang nagsara ang Magnatech sa may Quezon City na paboritong tambayan noon ng mga taga-komiks na nangangarap mapasok ang pelikula. Wala na kasing ginugupit na film, at ang movie editing ay puwede nang gawin gamit ang isang cutting-edge na iMac.
Sa kasalukuyan, sa napipintong panibagong ticketing system sa LRT at MRT ay baka mawala na ang mga cashier na kinukunan natin ng tiket pag sumasakay tayo dahil magkakaroon na ng machine na puwedeng mag-dispense ng tiket na magpapabilis umano sa sistema para maiwasan ang mahabang pila. Nakapila ang mga cashier na ito ngayon sa unemployment status sa malapit na hinaharap.
Sa harap ng ganitong mga kaganapan, marahil ay dapat mag-isip ang mga kabataan ngayon ng career na hindi puwedeng mapalitan ng computer balang araw ang kanilang skill para hindi malaos agad ang kanilang career.
On my part, nasa pagiging guro ang direksyon na gusto kong tahakin—at baka ngayong taon ay back to school na ako para finally ay maka-receive ng college diploma.

short course



NAGKITA kami kamakailan ng aking kumpare na si Meyo De Jesus. Dati ko siyang kasamahan sa Atlas Publishing, Inc. Nagsimula siya sa kumpanya bilang coloring artist—na ang gamit pa ay krayola. Kinukulayan niya ang illustration ng mga dibuhista at iyon naman ang ginagawang color guide ng mga nasa stripping department bago i-print ang komiks.
Early ‘90s pa iyon. Sadyang mahilig sa art si Meyo kaya nang mauso ang mga computer programs na may kinalaman sa art partikular sa magazine layout ay nag-enrol siya. Isa siya sa mga unang natuto ng Photoshop sa Pilipinas.
Gaya ko ay hindi na rin nakatapos ng college si Meyo dahil early 20s pa lang siya ay magkasabay halos namayapa ang kanyang parents. Siya na rin ang tumayong magulang ng mga kapatid dahil siya ang panganay.
Nang mabenta ang Atlas sa National Bookstore noong 1996 ay nagpatuloy sa pagkuha ng short courses sa computer layout si Meyo. Naging interesado na rin siya sa web design kaya kung saan-saang company na siya napapapunta. Iyon na rin ang naging tiket niya para makapagtrabaho sa isang kumpanya sa Saudi Arabia bilang art director.
Nang magbalik siya sa Pilipinas ay nag-local employment siyang muli at hindi na nag-abroad. Sabi niya, sa uri ng trabaho niya bilang web designer ay halos kinikita na rin niya ang suweldo sa abroad dito sa atin. Isa pa ay gusto niyang masubaybayan ang paglaki ng kanyang dalawang anak.
Bukod sa pagiging magazine layout artist at web designer ay hindi niya kinakalimutan ang traditional art. Madalas siyang sumali sa mga painting exhibit sa Metro Manila ng mga art enthusiast. Nagnenegosyo rin siya ng T-shirt and merchandise printing.
Nang magkakuwentuhan kami ay nabanggit ko sa kanya na ang anak ko na inaanak niya ay nag-enrol pa sa isang art school, at nag-complain ako na medyo lihis naman sa career path bukod pa sa sobrang mahal ng tuition fee.  Sabi niya agad sa akin ay maganda talaga ang may skills sa computer arts dahil ito ang in ngayon.
Nag-flashback pa nga siya sa mga unang short course na kinuha niya na bukod aniya sa sobrang mahal, hindi mo pa mase-save ang iyong output dahil noon ay limitado lang sa mga training schools ang software, hindi gaya ngayon na maraming fake, at kayang dayain ng mga mga IT experts ang license key. Kaya raw noong una, basta may certificate ka ay sigurado ang employment dahil kulang na kulang pa sa mahuhusay na graphic artists. Hindi gaya ngayon na dahil naglipana ang mga fake at downloadable software, maraming puwedeng magpraktis kahit sa bahay lang. Pero mahalaga aniya ang certificate lalo na kung reputable ang training school na pinanggalingan.
Kahit nga raw ngayon, may plano pa uli siyang kumuha ng short course. Ano naman ‘kako ang papasukan niya?
Nabanggit niya na ang in ngayon ay ang software development at games lalo na kung para sa tablet. Kung makatsamba raw ng mga programs na agad kakagatin ng tablet market, perang maliwanag.
Dahil sa sinabi niya ay medyo naka-move on na ako sa may kamahalan na ibinayad ko para sa training ng aking anak. I just hope na sana ay mapakinabangan ng anak ko ang pinag-aaralan niya ngayon na sabi naman niya ay nae-enjoy niya, at knowledgeable naman ang mga instructors.
Well, kung may mga kababayan tayo na problema ang pagkuha ng four-year course dahil matagal at mahal ang tuition, puwedeng subukan ang mga short courses lalo na pag tungkol sa information technology. Medyo mahal pero maikli lang ang duration ng training, at bukod dito ay talagang laging may naghihintay na trabaho—gaya ni Meyo na hindi nababakante at laging in demand.