Thursday, June 3, 2010

i love this poem

ANG PAGBABALIK
ni Jose Corazon de Jesus

Babahagya ko nang sa noo ay nahagkan,
sa mata ko'y luha ang nangag-unahan,
isang panyong puti ang ikinakaway
nang siya'y iwan ko sa tabi ng hagdan!
Sa gayong kalungkot na paghihiwalay,
nalulumbay ako't siya'y nalulumbay!
Nang sa tarangkahan ako'y makabagtas,
pasigaw ang sabing "Umuwi ka agad,"
ang sagot ko'y "Oo, hindi magluluwat...!"
Nakangiti ako, luha'y nalalaglag!

At ako'y nagtuloy, tinunton ang landas,
na kab’yak ang puso't naiwan ang kab’yak...
Lubog na ang Araw, kalat na ang dilim
at ang Buwan nama'y ibig nang magningning;
makaorasyon na noong aking datnin
ang pinagsadya kong malayong lupain;
k'wagong nasa kubo't mga ibong itim
ang nagsisalubong sa aking pagdating!
Sa pinto ng nar'ong tahana'y kumatok,
ako'y pinatuloy ng magandang loob;
kumain nang konti, natulog sa lungkot,
na ang puso'y tila ayaw nang tumibok;
ang kawikaan ko, pusong naglalagot,
tumigil kung ako'y talaga nang tulog!

Nang kinabukasang magawak ang dilim,
Araw'y namintang mata'y nagniningning,
sinimulan ko na ang dapat kong gawin:
Ako'y nag-araro, naglinang, nagtanim,
nang magdi-Disyembre, tanim sa kaingin,
ay ginapas ko na't sa irog dadalhin!

At umuwi akong taglay ko ang lahat,
mga bungangkahoy at sansakong bigas,
bulaklak ng damo sa gilid ng landas
ay sinisinop ko't panghandog sa liyag,
nang ako'y umalis siya'y umiiyak,
O! ngayon marahil siya'y magagalak!

At ako'y nagtulin, halos lakad-takbo!
Sa may dakong ami'y may'ron pang musiko,
ang aming tahana'y masayang totoo
at ang panauhin ay nagkakagulo!
"Salamat sa Diyos!" ang naibigkas ko,
"nalalaman nila na darating ako!"

Nguni, O! tadhana! Pinto nang mabuksan,
ako'y napapikit sa aking namasdan!
apat na kandila ang nangagbabantay
sa paligid-ligid ng irog kong bangkay,
mukhang nakangiti at nang aking hagkan
ang parang sinabi'y..."Paalam! Paalam!"

3 comments:

big benjie said...

kasama ito sa selection ko sa philippine lit noong nagtuturo ako riyan sa atin. me estudyanteng aantuk-antok sa bandang likod, tinawag ko at tinanong: "maximo, bakit may mga kandila?"
ang sagot: "uh...eh...ser...me bertdey?"

Anonymous said...

KC,

Naalala ko ito. Di ba sa High School ito? si Huseng Batute siya di ba?


Auggie

kc cordero said...

Auggie,

oo. medyo nalilito nga ako dati kina huseng batute at huseng sisiw.
si jose corazon de jesus ang huseng batute, at si jose dela cruz ang huseng sisiw. si sisiw ang naging mentor ni francisco balagtas.