Monday, November 1, 2010
Isang kuwento ng palabra de honor…
ISANG magandang item sa isang online computer store ang nakaaagaw ng aking pansin dahil masyadong mababa ang presyo. Sabi ko nga sa sarili ko, too good to be true. Ang oras na nai-post ang item ay halos dalawang minuto pa lang. Agad akong nag-message sa may-ari ng item, nag-reply siya dahil nagkatong online pa, at nagkasarado kami ng deal na ako na ang bibili ng produkto niya.
Nagpalitan kami ng cell number, at nagkasundong magkita kinabukasan sa Shangri-La mall sa Mandaluyong City. Hindi pa rin ako makapaniwala na makukuha ko ang nasabing item sa ganoon kababang halaga.
Kinabukasan, bandang alas diyes ng umaga ay nag-text ako sa kanya at sinabing sure ako sa aming usapan. Hindi siya naka-log in sa online computer store pero nag-iwan pa rin ako ng message sa kanya na nagpapaalala ng aming deal just in case na mag-online siya. Alas dose ng tanghali, walang reply sa text o sa online computer store. Sabi ko sa sarili ko, mukhang na-goodtime ako. Bakit ba ako naniwalang ang nasabing item ay ibebenta sa ganoon kamurang halaga?
Nakatatlong text pa ako sa kanya. Bandang alas dos, nag-give up na ako. Wala, sabi ko sa sarili ko. Naloko lang ako at pinaasa.
Kaya nagulat pa ako nang makatanggap ng text message sa kanya bandang alas tres ng hapon na nasa Shangri-La na raw siya. Buti na lang at madali akong nakakuha ng taxi at agad nag-reply sa kanya na pakihintay lang dahil matrapik ang dinadaanan ko. Sa isip-isip ko, di man lang nagpasabi nang maaga-aga para hindi ako nagkukumahog!
Pagkarating sa mall ay agad ko siyang hinanap sa lugar na sabi niya ay pupuwestuhan niya. Nagbigay ako ng description kung ano ang suot ko, at ganoon din naman siya. Kaya madali ko siyang nagkita. Nagkamayan kami at nagpakilalahan batay sa ginagamit naming username sa online computer store. Kasama rin niya ang misis niya. Nasa mid-20s sila at parehong may hitsura at mahahalata na maayos ang antas ng kabuhayan.
Nang ipakita nila sa akin ang item, napahinga ako nang malalim. Sa wakas! Ang laki-laki ng natipid ko. Agad kong tiningnan ang kalidad at maayos naman, mukhang hindi masyadong nagagamit. Bukod pa roon, may ibinigay pa silang ibang peripheral dahil hindi na rin daw naman nila magagamit. Lalo akong natuwa. Sabi ko sa mag-asawa, Oktubre pa lang pero Pasko na ang aking pakiramdam. At nagpasalamat ako nang labis sa kanilang kabaitan.
Dahil ako’y likas na tsismoso ay nakipaghuntahan pa ako nang saglit sa kanila. Nalaman ko na pareho silang OFW sa Saudi, mga bagong kasal at narito lang sila sa Pilipinas para sa kanilang honeymoon. Biniro ko pa na dahil tag-ulan, malamang na makabuo agad sila ng baby. Masarap ang kanilang naging tawanan.
Sinabi ko sa kanila na napakamura ng item na nabili ko sa kanila at hindi ako makapaniwala hanggang sa mga oras na iyon. Nakatuwaan lang daw kasi nilang bilhin iyon sa Saudi pero di naman nila talaga kailangan. (Iba talaga pag may pera!) Pinaglagyan lang nila ng kanilang mga pictures. Ipinakita pa nila ang resibo ng tindahan kung saan nila iyon binili at kinuwenta na lang ang value sa pera natin kaya mura.
Sabi pa ng kausap ko, “May iba ngang naghahabol nang makita nila matapos kong mai-post sa online store. Sila pa ang nagtataas ng presyo makuha lang kasi nga alam nilang mura.”
Sabi naman ng misis ng kausap ko, “Kaya nga lang ay nauna ka na at nagkasundo na kayo sa presyong inilagay niya. Sabi ko sa kanya, panindigan na lang ang usapan n’yo kasi importante sa tao ang palabra de honor.”
Natigilan ako sa bahaging iyon. Palabra de honor. Uso pa nga ba ito? Ilan na lang ba sa atin ang pinanghahawakan ang pangakong binibitawan sa kausap?
Hindi ko alam kung bakit napuno ng tuwa ang kalooban ko nang mga oras na iyon. Sa maraming pagkakataon ay may mga kakilala tayong nawawalan tayo ng gana kapag alam nating puro pangako lang, puro salita pero hindi naman pinaninindigan. May mga opisyal ng pamahalaan na iniluluklok natin sa kapangyarihan gamit ang balota, pero kapag nakaupo na, lahat nang pangako ay napapako. At sabi ko nga, bahagi pa ba ng Filipino values sa panahong ito ang palabra de honor? Parang hindi na, di ba?
Pero heto sa harap ko ang dalawang mas nakababata sa akin at nagsasalita ng tungkol sa palabra de honor. At ang nakatutuwa, pinanindigan nila iyon sa isang estrangherong tulad ko.
Nakakatuwa talaga. At minsan pa, muling nagkaroon ako ng pag-asa. Hindi pa naman lahat sa ating mga Pilipino ay kinain na ng imoralidad at materyalismo. May mangilan-ngilan pa ring tama ang ginawang pagpapalaki ng mga magulang. At sa mag-asawang nakausap ko, saludo ako. Paminsan-minsan ay hinahambalos na rin ng katamaran sa pagiging matuwid ang aking katatagan at nawawalan na ako ng values, aaminin ko, pero dahil sa kanila ay natuto akong muling humawak sa poste ng mga kagandahang asal—na likas sa ating mga Pilipino.
Sana lahat tayo…
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
7 comments:
Hello po boss KC,
Kung nag sawa na rin po siguro kayo, baka pwede nyo na lang rin po pag benta sa akin. :-)
-Gio
malayang gio,
android ang OS nito, medyo kinakapa ko pa ang mga applications. :)
Long time no hear...hanap kita sa FB e wala ka pala doon. ok yan nabili mo, maganda tyempo...
Knovs,
oo nga, sobrang na-busy (but in very god way!). kumusta na kayo ni mang nes at bespren amador? di na ako nag-FB, he-he, di na kaya ng powers.
regards. :)
re: android
malayo pa ito para makahabol sa technology ng Apple, I won't suggest na bilhin ito sa ngayon, kinuha ko lang sa nagbenta dahil sobrang mura, nakakalikot pag may free time.
Ayos..maagang pamasko yan para sayo pareng KC!
Palagay ko ay marami pa rin namang tao ang may palabra de honor at palagay ko ay likas ito sa tao...yung iba nga lang ay nasanay na sa pagsisinungaling hehehe
pareng dennis,
may nakikipag-swap ng BLACKBERRY 8320. titingnan ko kung OK pa, interesado ako. :)
from Auggie:
KC,
Sineswerte ka. Meron pa ring mga natitirang mga matitinong tao, Swertehan lang. Luck of the draw,ika nga. Conversely, pag na random ka rin ng malas, ganoon din.
Anyway, maaga ang Christmas mo....
Auggie
***
Auggie,
di ko alam kung bakit ayaw mag-appear ng comment mo. sana makarating ka sa komikon sa nov. 13.
Post a Comment