Thursday, April 7, 2011
sarap ng buhay!
NAGTATAKA lang ako kapag may mga kababayan tayo na gayun na lang kung pintasan ang ating bansa. Hindi raw masarap sa Pilipinas. Siguro raw kung nasa ibang bansa sila, mas magaan ang buhay.
May sasarap pa ba naman na mamuhay sa sariling bayan kaysa sa Pilipinas? Kagaya nitong mama sa larawan, alas diyes na ng umaga ay tulog pa. Sabi naman ni Rommel Fabian ay baka raw call center agent ang mama at napuyat lang. LOL!
Baka nga. Call center agent is congruent to barker sa mga pilahan ng pedicab at padyak.
Kidding aside, nasasabi lang natin na masarap ang buhay sa ibang bansa dahil hindi natin nararanasan. Magtanong tayo sa mga kababayan nating nasa o nakapagtrabaho na sa abroad. Sasabihin nila, kahit malaki ang kita, iba pa rin ang sarap ng buhay sa Pilipinas.
Kung mamamayan naman tayo ng ibang bansa, puwede kaya ang ganitong pahi-hilata sa bangketa kahit kasisikat pa lang ng araw? Kung Chinese ang mamang ito, tiyak na nasa isang sakahan siya sa Mainland at nagtatanim ng labanos. Kung nasa Vietnam, nasa English proficiency learning center para matuto ng second language at makapagtrabaho sa mga itinatayong pabrika. Kung nasa bansa na mahigpit na ipinatutupad ang batas, hinuli na ng mga awtoridad.
Pasalamat siya at nasa Pilipinas kung saan hindi bawal ang tamad. Hindi rin bawal ang matulog sa bangketa. Nakita n’yo ba ang kanyang higaan, halatang matagal na niyang ginagamit sa masarap na pagtulog. Ibig sabihin ay matagal na siyang tenant sa espasyong kanyang hinihigan. Libre upa na, wala pang masungit na landlord.
Sarap ng buhay!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment