Wednesday, July 27, 2011
makinilya
NOONG nasa kolehiyo pa ako, circa 80s, ay na-curious ako kung ano ang nasa itaas ng mahabang hagdanang kahoy na nadaraanan ko sa kalye ng P. Genato sa Batangas City paakyat sa isang lumang gusali. Minsan ay inakyat ko. Nalaman ko na “typing school” pala iyon. Aralan ng pagmamakinilya.
Maraming nag-aaral magmakinilya sa nasabing opisina at iba’t iba rin ang edad. May bata, matanda. Sa pagkakatanda ko ay P15 per session ang sinabing “tuition” sa akin ng receptionist. Noong time na iyon ay mahalaga pa ang P15 para sa estudyanteng gaya ko na isang kahig isang tuka.
Noon ko pa gustong matutong magmakinilya. Isang pinsan ko na hindi naman nakatapos ng kolehiyo ang nag-aral magmakinilya at naging pasaporte niya iyon para makapagtrabaho sa munisipyo. Isa pa, kapag gagawa ng report sa school ay mahal din ang magbayad sa typist. Kung marunong magmakinilya, madali nang makisuyo sa kaklaseng may makinilya.
Noong panahong iyon ay parang mamahaling laptop din ang turing sa makinilya, katunayan ay may kapitbahay kami na meron nito noon pero ni hindi puwedeng pindutin kahit isang letra—baka raw masira.
Nabanggit ko sa isang kaklase ko ang plano ko na mag-aral mag-type. Sabi niya, huwag na raw nakinilya ang pag-aralan ko. Nalaman ko na naka-enrol siya sa isang computer school na tuwing hapon ang session. Nag-aaral daw siya ng “Wordstar”. Ipinakita pa niya sa akin ang sample printouts ng ginawa niya na “The quick brown fox”, na para sa akin noong mga panahong iyon ay masyadong hi-tech.
May mga computer subjects na rin kami noon sa kursong kinuha ko, at mukhang okey naman sa akin ang computer dahil madali kong maunawaan ang principle na nag-start sa Boolean algebra, kaya lang ay kulang kami sa hardware. Kung gusto mong mas maging malalim ang pag-aaral ng computer gaya ng COBOL, Wordstar, etc., may mga training schools na rin noon sa Batangas na nag-o-offer ng specialty course. ‘Yun nga lang, special din ang tuition fee. At kung masakit isipin para sa akin ang P15 per session sa typing class, lalo na sa computer training.
Kinalimutan ko pansamantala ang plano. Nabalitaan ko na lang na ang kaklase ko ay natanggap sa isang malaking process company sa Batangas dahil sa kanyang naging training sa computer. Iba talaga ang nauuna sa teknolohiya.
Ang hindi pagkatuto sa makinilya ang isa sa pinakamalaki kong dilemma nang magsimula akong magsulat sa komiks. Kaya nagpapasalamat ako noon sa EIC ng Atlas Publishing na si Mr. Tony Tenorio na tinatanggap niya ang scripts ko kahit sulat-kamay. Maganda naman ang handwriting ko, salamat sa ilang semestre ng technical drawing sa college.
Kahit nang kunin ako ni Mr. Tenorio na editor sa Atlas, iyon pa rin ang worry ko. Sa halos pitong taon ko sa pagiging komiks editor, nakakagamit lang ako ng makinilya kapag gumagawa ng pagination at transmittal ng deadline. Hindi ako makapag-ensayo kahit may ilang makinilya sa Atlas dahil laging ginagamit ng mga nagraraket.
Ito rin ang dahilan kaya hindi ako nakagawa ng maraming nobelang prosa. Kapag gumagawa ako ng pocketbooks ay in long hand, at kung hindi ang misis ko ang nagta-type, ibinabayad ko pa sa iba. At hindi biro ang magsulat ng 120 pages na nobela na sulat-kamay lang.
Sa mga editors namin noon ay maraming mahusay mag-type, lalo na ang mga produkto ng Polytechnic University of the Philippines. Kilala ang mga taga-PUP noon na talagang malulupit sa typing. Marami rin sa mga kasamahan ko ang bumili ng sariling typewriter lalo na noong kalakasan pa ng pocketbooks.
Mayroon ding matandang mama na regular na naglilinis/repair ng mga makinilya sa Atlas noon—payat, laging naka-polo ng bulaklakin at nakapomada ang buhok.
Bago nagsara ang opisina ng Atlas sa Roces Avenue ay dumami na ang nagbebenta ng surplus na makinilya na worth P800 na lang. Pero marami sa mga kaopisina ko noon ay nakakabili na ng computer. Mararamdaman sa paglaganap ng surplus na makinilya na mukhang maiisantabi na ang paggamit nito.
Hanggang sa umalis ako noong 1997 sa Atlas ay di ako marunong magmakinilya at mag-computer. Nang mag-freelance ako ay long hand pa rin ang pagsusulat ko ng pocketbooks at ibinabayad ang encoding. Ang pagiging computer illiterate ko ang isa sa dahilan kung bakit hindi ako nagtagal sa Star Cinema—kung saan kailangang mabilis kang mag-type sa PC lalo na kung may script revisions.
Natuto lang ako mag-computer noong 1999 nang nasa ABS-CBN Publishing na ako. Salamat at pinuwersa ako ni Tita Opi Concepcion (na EIC ko noon) na matuto na dahil ang paglalagay ng corrections ay sa digital files na mismo. Nagsimula sa pasundut-sundot noon, sa ngayon ay maipagyayabang ko na kaya ko nang makipagkarera ng typing kahit sa mga record holder sa words per minute.
At nagpapasalamat naman ako kay Tita Opi at pinilit niyang mawala ang takot ko sa keyboard. Kung hindi ako natutong mag-encode, baka bouncer na lang ako ngayon sa alinmang club sa Quezon Avenue.
Minsan ay nakita ko sa SM Foodcourt sa Cubao ang matandang naglilinis ng mga makinilya noon sa Atlas. Nakaupo siya sa isang table at malayo ang iniisip. I wonder kung meron pang nagpapa-service sa kanya ng makinilya ngayon. Pero hindi nagbago ang kanyang fashion sense—naka-polo pa rin ng bulaklakin at nakapomada ang buhok.
Sa mga government offices na lang nakikita ang mga makinilya ngayon dahil ginagamit pa nila sa malalaking forms at resibo na kailangang manual ang gamitin.
Hindi na ako napapadako sa kalye sa Batangas kung saan nakatayo ang typing school noon. I bet wala na rin iyon. Anu’t anuman, may koneksyon iyon sa isa sa mga ‘What ifs’ sa buhay ko—ano kaya ang naging takbo ng buhay ko kung nag-aral ako noon ng typing? Napunta kaya ako sa mundo na ginagalawan ko ngayon?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
5 comments:
Dikong KC:
Period piece yung photo ng typing school.
Ako yata ang taong hindi nanatutong magmakinilya. Pa-chamba-chamba ang aking pagtipa, walang rtyu. Basta kung ano ang natipuhang diinan ng aking mga daliri, yun na. Pero mabilis akong mag-tipa. Mali-mali nga lang, kaya kailanang balikan at ayusin pa :)
Mabuti lang pala at namasyal ka sa Atlas. Kung hindi, di ka sana namin nakilala, at wala sanang comicspotting ngayon. Baka naging BAKERY MOGUL ka, dahil nahasa ka nang husto sa pag-bake ng tinapay.
Bakit nga pala ang pandesal dito na ipinagbibili sa mga tindahan at bakeries ng mga pinoys ay MATAMIS? Kabaliw ito. Natikman ko minsan, parang pan de leche. Saan napunta yung sal (asin)? Maski ba diyan sa atin, hindi na maalat ang pandesal kundi matamis na? Kung di ka naman PANAWAN ng ulirat sa pandesal na ito.
Dikong KC:
Period piece yung photo ng school. Ako yata ang taong kahi't kailan ay hindi na natutong magmakinilya. Ang aking pagtipa ay yung tinatawag na MAS-KI-PAPS. Kung ano ang matupuhang idiniin ng aking daliri ay yun na, kesehodang magsala-salabat ang aking mga kamay.
What if. Oo nga. Kung hindi ka nagtungo sa Atlas, baka naging BAKERY MOGUL ka. Baka nag-e-export ka na ng Pandesal dito sa North America ngayon.
Incidentally, bakit ba ang pandesal na ipinagbibili dito ng mga Pinoy bakeries ay MATAMIS?Tinawag pang Pan De SAL (Asin), ay kung bakit lasang pan de LECHE! Lecheng mga bakery ito, oo. Nililito ang mga mambibili. Muntik pa akong PANAWAN ng katinuan ng isip noong tikman ko ang hinayupak na pandesal kuno. Akala ko, nabaliw na ang aking taste buds at kailangang magkunsulta sa neurologist at ang utak ko'y matamis ang panlasa sa asin. Mabuti na lang at na-confirm ng isang kasalo ko sa pag-agahanna talagang matamis nga ito at hindi maalat. Katotohanan, hindi lang guni-guni.
JM,
nakuha ko lang sa net ang image, ginamit ko sa isang article ko sa magasin na "imagine the world without windows". sorry di ko na nalagyan ng credits.
medyo matamis na rin ang pandesal dito ngayon, 'yun na yata ang gustong lasa ng dila ng mga pinoy. dapat ay pan de dulce na, he-he.
may sumisikat na bagong tinapay rito, hindi ang monay na paborito ni mang romeo tanghal. ang tawag ay "titanic". minsan kunan ko ng picture. P5 isang piraso. :)
Bayaw,
Anong ganda naman ng blog mo tungkol sa makinilya. Naalala ko tuloy ang mga panahong "umuusok" ang dalawang antigong makinilya na ipinagagamit sa atin sa editorial department dahil sa kagagawa ng script. Hindi ako nagkaroon ng sariling makinilya. Ang typewriter na naging katuwang ko noon sa napakaraming pocketbooks ay ang original na Smith Corona ni misis. Gusto ko ngang ipa-restore dahil maraming kakawing na alaala ito sa buhay ko noon bilang manunulat.
Sa pagsulong ng teknolohiya, medyo masayang malungkot. May dumadating. May nawawala. Kung natatandaan mo, ilang taong namayagpag ang video shop ko sa Binangonan. Ang kaso, nawala ang VHS. Napalitan ng CD. Nitong huli DVD. Bukas makalawa, may iba na uli tayong kasasabikan. Ganoon talaga ang buhay. Kung paano tayo aagpang sa bawat sitwasyon, doon na lang nagkakatalo.
bayaw,
oo nga, malinaw pa rin sa isip ko ang 2 antique na makinilya.
iba na ang atlas ngayon, nabili na ni lucio tan ang compound at ginagawang hi-end na pamayanan. tamang-tama, kayang-kaya mong kumuha ng unit doon para makapasok pa rin tayo sa loob at magbalik-tanaw. :)
Post a Comment