Wednesday, August 3, 2011
for evil to triumph...
KAMAKAILAN ay napabalita ang taxi driver na nagsoli ng mga mamahaling sapatos ni Ruffa Gutierrez. Nakakatuwa ang mga ganitong honest na taxi driver.
Malayo ito sa ugali ng taxi driver na nasakyan ko noong July 31 kung kailan napakalakas pa naman ng ulan.
May binili ako sa Mall of Asia noon at eksaktong pag-uwi ko ay bumuhos ang ulan. Wala akong dalang payong kaya basta na lang ako pumara ng taxi. Nagbukas ng bintana ang driver at tinanong ako kung saan. Dahil nga nabigla ako sa ulan, hindi ko agad naramdaman na balasubas ang driver. Basta kasi ang isang taxi driver ay nagtanong kung saan ang destinasyon, nasa 99% na may demonyo sa utak ang masasakyan mo. Dahil bawal na bawal na magtatanong kung saan ang byahe mo. Dito lang sa Maynila nangyayari iyon. Sa ibang panig ng bansa na may taxi, walang tanung-tanong ang mga driver, pagkasakay mo na lang.
Anyway, nasa loob na ako ng taxi at umaandar na nang magdeklara siya na hindi daraan sa regular na rutang dinaraanan ko pauwi. Nang itanong ko kung bakit, ang simpleng sagot niya ay hindi raw siya dumaraan doon. Matrapik daw. As if may bahagi ng Metro Manila na walang trapik lalo na kung umuulan.
Malakas ang ulan at kahit gusto kong bumaba na lang ay hindi ko magawa. Sa madaling sabi ay napasuot kami sa lugar na hindi ko alam, at napakatrapik. Sabi ko sa kanya, ayaw niyang dumaan sa ruta ko dahil matrapik pero mas matindi naman ang trapik na nasugagaan namin.
Wala siyang reaksyon.
Napansin ko pa na hindi niya hinahataw ang pagmamaneho kapag nasa maluwag na daan kami. Na-realize ko na siguro ay naka-boundary na ang tarantado at pinagkakakitaan na lang niya ako.
Mahina ako sa lugar, isa ito sa mga problema ko. Kahit napuntahan ko na ang isang lugar ay di ko iyon matatandaan. Madalas akong maligaw. Sa pagbabasa ko ng mga kalye, nalaman kong nasa Makati kami. Ano’ng ginagawa namin sa Makati ay galing akong MOA? Kaya pala nang nasa Taft Avenue kami, sa halip na kumaliwa siya at tugpain ang Quirino Avenue ay nagtuluy-tuloy pa kami. Sabi niya sa akin sa South Superhighway raw kami daraan. E, di ganoon din, sa Qurino rin kami tutumbok bakit lumayo pa?
Hindi ako handang makipag-away kapag umuulan. Ulan ang aking kryptonite. Nang makita ko ang metro ng taxi ay nasa P130 na. Dapat ay nasa bahay na ako sa amount na iyon. At ngayong naka-stuck kami sa trapik sa Makati, sa aritmetik ko ay aabutin kami ng mahigit P200. Gusto kong atakihin sa puso.
Ang mamang drayber ay mga 30-plus siguro ang edad. Malaki ang katawan, maitim. Kung ako’y magiging judgmental, sa hitsura ng mukha niya ay mukhang di talaga gagawa ng mabuti.
Gusto kong sisihin ang sarili ko for lapse of judgment. Dapat talaga nang magtanong siya kanina kung saan ako ay di na ako sumakay. Pero wala na akong magagawa, hostage na ako ng sitwasyon.
Pero sorry na lang ang mamang drayber na ito kung na-underestimate niya ako. Mukha akong lambutin at duwag, pero hindi niya alam na mula bata pa lang ako ay hasang-hasa na ang aking criminal mind. Nag-isip na lang ako kung paano makagaganti sa kanya.
Sa wakas ay nakarating kami sa amin. Umabot sa P227 ang aking babayaran. Halos doble ng aking regular na nagiging metro. Nang dumukot ako ng wallet ay nagsalita ang driver: “Boss, tip naman d’yan. Mahirap magmaneho pag umuulan.”
O, hindi ba’t ang kapal ng mukha?
Sinimulan ko na ang pagganti. Sabi ko sa kanya, actually naglalaro lang sa P130-140 ang binabayaran ko. Hindi siya kumibo. Pagsilip ko sa wallet ko, sandali lang ‘kako at kulang ang pamasahe ko. Kukuha lang ako sa bahay. Lumabas ako sa taxi.
May kasabihan sa amin sa Batangas na kapag nasa sariling bakuran ka na, puwede ka ng magmatapang. Ngayon, pagkakataon ko na.
Paglabas ko ay nagdeklara ako. Sabi ko sa kanya, patayin na niya ang metro dahil hindi ko na babayaran pag may pumatak pa dahil wala na ako sa loob. Hindi rin naman ‘kako ako “waiting” dahil hindi na ako sasakay uli. Napasimangot siya.
Pagkapasok ko sa aming bakuran ay isinara ko ang gate. Ini-lock. Pagkatapos ay nagbilang ako ng mga beinte-singko sentimos na iniipon ko sa isang garapon. Inabot ako ng mahigit kalahating oras sa pagbibilang. Naririnig kong bumubusina ang taxi, pero keber, ‘ika nga? Umabot na sa mahigit P100 ang naipon kong 25 cents. Dala ang garapon, lumabas uli ako ng gate. May dala rin akong baseball bat. Uulitin ko, kapag nasa sariling bakuran ka na, puwede ka ng magmatapang.
Paglabas ko ng gate ay nakapayong ang taxi driver at galit na sa sobrang inip sa akin. Sigaw niya, “Ang tagal n’yo naman!” Malakas na rin ang naging sagot ko sa kanya, “Kanina nang nasa trapik tayo di ka nainip!” Napatingin siya sa dala kong baseball bat.
Iniabot ko sa kanya ang P100 bill at ang garapon. Sabi ko sa kanya, ‘yung nasa garapon ang maghuhusto sa kulang. Kumpleto ‘kako ‘yun pero kung gusto niya, pwede rin niyang bilangin uli.
Kitang-kita ko ang pagka-shock sa mukha niya habang hawak-hawak ang garapon. Napatingin uli siya sa dala kong baseball bat. Pagtingin niya uli sa akin, ipinaramdam ko sa balik-tingin ko sa kanya na I mean business. Kung papalag siya, either ang lulod niya ang madurog o alinman sa mga salamin ng taxi niya. Naglalapitan na rin ang mga tambay sa amin na nakapansin sa sitwasyon. Napailing ang dorobong drayber at sumakay na lang uli sa taxi niya bago paharurot na umalis.
Akala niya, ha?
Tumawag din ako sa opisina nila dahil kinuha ko ang plate number at phone number ng kanilang kumpanya. Nagpakilala akong isang pasahero na kinotongan ng kanilang drayber. Magrereklamo ‘kako ako sa LTFRB.
Nangako ang nakausap ko na tatanggalin nila ang driver na nagsakay sa akin huwag na lang daw akong magreklamo. Fair enough, sabi ko sa nakausap ko, pero itse-check ko pa rin kung talagang tinanggal nila. Tatawag uli ako, sabi ko pa.
Ngayon, ano kaya ang pakiramdam ng balasubas na drayber na iyon? Gaya ko ay nag-iisip din kaya siya na nagkaroon siya ng lapse in judgment at sana ay hindi na lang niya pinasakay ang mamang mukhang lambutin at madaling takutin?
“All that is necessary for evil to triumph is for good men to do nothing,” ayon kay Edmund Burke. Lagi kong sinasabi na hindi siguro ako nabibilang sa kategorya ng “good men”, pero paminsan-minsan ay may mga mali sa lipunan na gusto kong maging part ako na maituwid iyon.
At muli, nakakatuwa kung lahat sanang taxi driver ay gaya nang nagsoli ng mga sapatos ni Ruffa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
5 comments:
at dahil dyan ser...super saludo ako sa ginawa mo sa ulangyang taxi drayber na yon...sana eh naintindihan na nya na ang KARMA ay nasa likuran lang nya tuwing gagawa sya ng panglalamang sa kapwa.
sana pwede din sa mga politiko ung ganoong simpleng paraan ng pagbawi gaya ng ginawa mo sa drayber pero mararamdaman nila ang karma hehehe
buti na lang at di ako sanay sumakay sa taxi...hehehehe
Ala-eh...
Ikaw pala'y muntik nang nakipag-babag.
Akala ko baga'y nagsipag-tino na ang mga ganyang tao? Noong Martial Law, maraming tumino. Parang gusto yata ng mga Pilipinong hinayupaks na tulad niyang taxi driver – ang Martial Law. Kailangang may kamay na bakal na pipigil sa kanila para gumawa ng tama at makatao sa kanyang kapuwa.
Nakakalungkot ang ganitong mga pag-uugali at nasasakyan ko ang iyong trip. Ang masakit pa, hindi lang sila ang napupulaan, kundi ang buong bansa, lalo na sa mga mata ng mga tagalabas na nagmamasid.
Dikong KC, hindi na siguro magbabago ang mga tulad niya, dahil iyon na ang pamantayan ng kanyang moralidad – ang manloko ng kapuwa tao dahil lamang sa kapalit na ilang pirasong pilak. Tulad ni Judas Escariote na naatim na ibagbili si Jesucristo sa halagang tatlumpung pilak.
Btw, Naglibot ako sa mga tindahan ng sapatos, at nagkalat pa pala dito yung tinatawag mong Saucony. Ito pala'y made in USA pa, at hindi sa hinayupaks na China. Pero parang simple ang mga style nito, mas makulay yung mga Nike. Ayan, dati, wala akong kahilig-hilig sa runner shoes, mula nang mabasa ko ang iyong Sapatos blog post, naging aware na tuloy ako :)
Buweo, patawarin mo lang yung taxi driver. Mas magaan sa loob ang ganito, mawawala ang iyong galit at stress. Basta't lagi kang pupunta sa gawing positive, at layuan ang negative. Pampasikip iyon sa mundo.
Cheers.
JM,
nakausap ko na uli 'yung operator at nangako na kakastiguhin 'yung driver niya. i hope he's telling the truth kasi nagpakilala ako na taga-media at seseryosohin ko ang reklamo sa bata niya pag di pinarusahan.
simple talaga ang design ng Saucony kaya nga cool na cool ang dating. parang volks na di nawawala sa uso. pero napakasarap sa paa.
sayang di ka nakapunta sa san diego con, nagkita-kita sana kayo nina randy, gerry at novo.
thanks, ngayon nga ay puro positive na lang ang iisipin ko para hindi ako ma-stroke. :)
dino,
dyip din naman sinasakyan ko, taxi lang minsan pag umuulan. bawal sa akin ang maulanan, dumadami ako, hehe.
Kakahigh-blood kwento mo Sir. Nanakit batok ko. Hehe.
Sa akin, madalas kong pinapara iyung mga taxi na dito lang sa amin ang main station. dalawa kasi ito iyung isa halos kapitbahay lang at iyung isa malapit sa palengke namin. di nang babalasubas ang mga driver na kalugar lang nila ang sumasakay. Pwede kasi silang maekeklamo kaagad. Madalas lang komotong Sir iyung nasasakyan kong di taga dito pero, diko binibigyan. sinasabihan ko na lang na "Parehas lang tayong nagtatrabaho boss". wala naman siyang magawa. Hehehe
Post a Comment