Tuesday, September 20, 2011

asar-talo

Photobucket
Photobucket
Photobucket

PERHUWISYO ang inabot ko kanina sa may Magsaysay Boulevard, Sta. Mesa, Manila habang papunta ako ng bangko. May problema sa bangko kung saan ako may credit card, at kailangan kong maka-report bago mag-eleven thirty.
May rally ang mga estudyante ng main branch ng Polytechnic University of the Philippines (Sta. Mesa campus). Kahapon, kahit hindi sila miyembro ng anumang transport group ay kasama sila sa protesta sa sobrang taas ng presyo ng krudo. Hindi pa pala nasiyahan ang mga taga-PUP kahapon at umulit ngayon.
Okey lang naman sa akin ang ganitong mga rally dahil pagpapahayag ito ng damdamin sa isang demokratikong bansa. Ang hindi okey ay ang paraan nila. Nakaharang sa kalsada samantalang puwede naman silang magsisigaw sa tabi at hindi magiging sanhi ng mabigat na trapiko.
Ang intensyon nila talaga ay ang magkaroon ng trapik at umakit ng gulo. Mang-provoke ng mga nabubuwisit na karaniwang tao na gaya ko at magkaroon ng komosyon. Manggalit ng mga pulis para pag sinaktan sila, ang pamahalaang Aquino ay brutal, may militarisasyon sa Pilipinas. Lahat ng akusasyon.
Ang sinasakyan kong jeep ay hindi makaabante dahil may isang estudyanteng nakaharang at kunwari’y nagmamando ng trapiko. Sinamahan siya ng isa pa, at gaya niya, kunwari ay kumukumpas na pinalalakad ang mahabang pulutong. Isang lola na kasakay ko ang nagalit at sinigawan ang dalawang estudyante na umalis sa pagkakaharang. Ang pabalang na sagot ng isa: “Makisama po kayo sa aming ipinaglalaban!”
P—ta—‘na! Sa isip-isip ko, ilan sa napakaraming estudyanteng ito ang bukal sa loob ang ginagawa at, uh, nakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan? Ano ba ang kanila talagang ipinaglalaban? Mura na ang tuition fee sa PUP. Sa isang semester nila ay mas mahal pa ang ibinayad ko sa Photoshop class na pinasukan ko na di naman ako natuto. Ano ba ang napapala nila sa paglalakad na iyon at pagpapasikip ng trapiko? Bukas ba ay mura na ang krudo? Bukas ba ay wala na silang babayarang tuition?
Good thing na may sense of humor ang lola na kasakay ko. Tumingin siya sa akin at ngumiti. Aniya, “Makisama raw ako sa kanila. May rayuma na nga ako pagraralihin pa ako ng mga batang ito!”
Napangiti rin ako.
Kumuha ako ng ilang litrato at bumaba ng jeep. Sabi ko sa mga kumag na sadyang humaharang sa jeep na baka naman puwedeng tumabi sila para makalampas kami. Sobra-sobra na ‘kako ang haba ng mga sasakyan at nakakabingi na ang mga busina.
“Makabayan” ang paraan ng pagsagot sa akin ng isa. “Pasensya na po, Manong. Gusto lang po naming iparamdam sa gobyernong Aquino ang aming mga karaingan.”
‘Ika nga ay nabasa ko na ang ganitong dayalogo. Narinig ko na. Paulit-ulit na. Nakakasawa na. Wala na sa katotohanan. Sinasabi na lang nang mekanikal. Sumasakay sa bandwagon.
“Nauunawaan ko naman kayo,” sabi ko sa mga bata sa mahinahong tinig. “Pero kailangan kong makarating sa bangko bago mag-alas dose. Magbabayad kasi ako ng aking mga buwis. Pandagdag din iyon sa inyong tuition fees.”
Kitang-kita ko sa mga mukha nila na parang si Victor Ortiz na na-knockout ni Floyd Mayweather, Jr. Umiwas sa akin ng tingin at pasimpleng sumama na sa mga naglalakad. Sumakay uli ako sa jeep at nakalampas na kami.
Noong araw ay init ng ulo ang ginagamit ko sa mga ganitong sitwasyon. Ngayon, gumagamit na lang ako ng mga taktikang ‘ika nga ay asar-talo.

No comments: