Thursday, September 8, 2011

pag may tiyaga...

Photobucket

NOONG September 3 ay umalis ng bansa ang aking isang pinsan para magtrabaho sa Singapore. Natuwa ako para sa kanya. Mahigit 10 taon na siyang nag-a-apply ng trabaho sa abroad.
May maayos naman siyang trabaho rito. ‘Yun nga lang, iniisip niyang mas madali ang pag-asenso kung sa ibang bansa siya maghahanapbuhay dahil mas malaki ang suweldo. May pamilya na kasi siya at isang anak.
Saksi ako sa mga naging sakripisyo niya sa paghahanap ng trabaho sa abroad. Kahit college graduate siya ay napilitan siyang mag-training sa ibang field. Sa pagkaalam ko ay nag-aral siya ng bartending, caregiver at ang pinakahuli ay process control and instrumentation. Ironic dahil dito sa huling training niya saka pa siya nakakuha ng trabaho—at ito naman ang kursong tinapos ko pero hindi ko nagamit matapos akong maka-graduate.
Nasa Batangas siya noong nag-a-apply. Pag wala akong pasok, basta lumuwas siya ay nagkikita kami. Nagpapatulong din siya kung saan makakakuha ng letterhead para sa kanyang certification. Kung minsan, ako ang tumatawag sa agency para kumustahin ang kanyang application.
Marami siyang anecdotes sa kanyang pag-a-apply, na ayon sa kanya ay napakaganit. Malas daw yata siya. Hindi niya alam kung bakit qualified naman siya ay hindi siya ang matawag para sa trabaho. Minsan pa nga raw, madaling-araw siya lumuwas para mag-report sa agency na kanyang inaplayan, nasa pinto pa lang daw siya ng opisina, ni hindi pa nakakapasok man lang, sasabihin na sa kanya ng sekretarya na hindi siya nakasama sa mga paaalisin. Kaya magugulat na lang daw ang misis niya na bago magtanghalian, nakabalik na siya ng Batangas.
Gayunpaman ay tuloy lang siya sa pag-a-apply. Sabi niya sa akin, hindi naman siya nagbibigay ng lagay kaya walang nawawala sa kanya maliban sa pagod. On the side ay tuloy rin naman siya sa kanyang trabaho. Isa siyang health worker.
Minsan ay nagkakuwentuhan kami. Sabi niya sa akin ay mukhang hindi na talaga siya makaaalis ng bansa. Baka raw hindi nakaguhit sa palad niya. Noong time na iyon, bahagi ng trabaho niya bilang health worker ang magpakain ng mga batang malnourished sa mga malalayong nayon sa Batangas. Siya rin ang nag-i-schedule ng mga pagbabakuna, at kung anu-ano pang medical mission.
Sabi ko sa kanya, baka kaya hindi siya nakakaalis ay dahil kailangan siya ng aming mga kababayan. Baka rin ‘kako iyon ang papel na ibinigay sa kanya ng Panginoon. Napaka-awkward para sa aming dalawa ang mag-usap ng ganoon kaseryoso at “holy” dahil noong mga bata pa kami ay pareho kaming walanghiya.
Ang sagot niya sa akin ay baka nga raw iyon ang itinakda sa kanya. Sinabi niya iyon nang buong katapatan, walang regrets at puno ng kasiyahan sa mukha. Naikuwento pa niya ang kakaibang fulfillment na nararamdaman daw niya kapag may batang nasaksakan niya ng injection at alam niyang ligtas na sa sakit. Biro ko naman sa kanya ay gumaganti lang siya dahil noong mga bata pa kami ay nuknukan siya ng duwag sa turok at kapag may mga dumarating sa aming baryo na mga taga-health office para magbakuna ay palahaw na siya ng iyak.
Ang akala ko noon ay hindi na nga siya aalis. Plano na lang niya sana na mag-attend ng mga seminar para tumaas ang ranking niya sa kanilang opisina.
Kaya nagulat na lang ako nang mag-text siya sa akin at magpaalam na paalis na nga raw siya. Hindi na kami nagkita. Tinawagan ko siya sa telepono at nag-wish sa kanya ng good luck. Sa wakas, sabi ko sa kanya, natuloy rin. Sakay na siya noon ng van na maghahatid sa kanya sa airport.
Sa aming pag-uusap ay sinabi kong siguro ay ito na rin ang tamang panahon para nga siya makaalis. Malaki na ang kanyang anak, matured na at maiwan man niya ay alam na ang takbo ng buhay. Hindi gaya noong nag-a-apply siya ten years ago, hindi niya nakita kung paano lumaki ang anak niya. Hindi niya nasubaybayan ang formative years, ang pagiging adolescent.
Iyon din ang naging assessment niya, at nagpasalamat siya sa naging gabay na rin sa kanya ng Panginoon. Sabi ko naman sa kanya, ganoon talaga, basta gumawa ka nang mabuti sa kapwa, you will be justifiably rewarded.
Hindi ko na pinahaba ang aming pag-uusap dahil alam kong gusto rin niyang magkaroon ng oras sa kanyang misis at sa kanyang anak na katabi niya noon sa sasakyan. Mag-ingat na lang ‘kako siya lagi, at mag-ipon para madali siyang yumaman. Nagpasalamat siya, hindi raw niya ako kalilimutan. Ang ibig sabihin niyon ‘kako, to lighten up the mood dahil alam kong naiiyak siya sa paghihiwaly nilang mag-anak, pagbalik niya ay may rubber shoes ako gaya nang madalas naming biruan. “Nine-and-a half or ten,” biro ko sa kanya. Sagot niya, “Nike.” At nagkatawanan kami sabay paalaman na.
Natutuwa ako para sa aking pinsan. Hanga rin ako sa naging tiyaga niya sa pag-a-apply. Isang patunay lang ito na kahit gaano kahirap gawin ang isang bagay, kahit pa anong malas ang sa tingin mo ay dumarating sa ‘yo, basta naniniwala ka sa sarili mo, kaya mo.
‘Ika nga, kung may tiyaga, may nilaga.
**
PAHABOL: Nalaman ko mula sa blogsphere na kaarawan pala ng isa sa mga naging matibay na haligi ng Philippine Komiks industry, ang idol nating lahat na si Mang Nestor Malgapo. Maligayang kaarawan po, Ka Nes!

2 comments:

Knovs said...

ngayon lang ulit ako nakapagbasa dito sa blog mo...medyo busy kasi this past 3 months...nandito na ako sa las vegas, hindi nko nakapagpaalam sa inyo...pag may project ka sabihin mo lang tutulong pa rin ako kahit medyo malayo na...

kc cordero said...

Salamat, novs. congrats na rin sa iyong pag-aasawa. it's about time. ninong ako pag may baby na ha? :)