Thursday, October 20, 2011

ang footlong ni migz

Photobucket

HINDI Migz ang tunay niyang pangalan. Hindi rin siya lalaki kundi isang babae. Ito lang ang naging tawag ko sa kanya dahil ito ang pangalan ng burger store na pag-aari niya. Hindi ko na nalaman ang tunay na pangalan ni Migz kahit ako’y isa sa mga suki niya.
Iba ang orihinal na Migz na may-ari ng burger store at nabili lang niya mula rito. Hindi na niya pinalitan ang pangalan dahil dito na nakilala ng mga bumibili. Malapit lang sa bahay namin ang puwesto niya kaya kung mahirap mag-isip kung ano ang meryenda, o kung may bisitang dumarating at walang maihahanda kaagad, Migz to the rescue.
Thirty-something na siguro si Migz at single pa. Binibiro ko nga siya na suwerte ang mapapangasawa niya dahil kaya niyang buhayin. Morena siya, hindi katangkaran. Medyo chubby nang konti pero wala pa namang puson. Charming at may nakahandang ngiti kaya kung baguhan kang kostumer ay hindi ka maiilang sa kanya.
Masarap ang kanyang hamburger. Siya raw mismo ang gumagawa ng patty na natutunan niya sa isang cooking school. Bukod sa patty ay may coleslaw na siya rin ang nagtitimpla, pritong itlog, cheese, pipino at iba’t ibang condiments na ikaw na ang pipili. Medyo may kalakihan din ang bun na kanyang ginagamit. Sa halagang P20, busog ka na. Kung footlong ang iyong bibilhin, maghapon kang may pagkain.
Nakakatuwa ang footlong niya (ideya lang ‘yung nasa picture) dahil hindi hotdog ang palaman kundi patty rin. Hinuhulma niyang parang longganisang mahaba. Masarap din ang pagkaka-toast ng bun kaya naman napaka-crunchy na kainin.
Kita ko ang dami ng kostumer kaya minsang bumili ako ay nag-alok ako sa kanya ng business partnership. Magdadagdag ‘kako ako ng puhunan, kumuha kami ng isa o dalawa pang crew para mas mabilis ang serbisyo. Pag-iisipan daw niya. After a week ay bumalik ako para tanungin kung call siya sa proposal ko. She turned down my offer.
Naisip kong nagpakapraktikal siya. Bakit nga naman kukuha ng kapartner na bagaman at mas lalaki ang kita niya ay may kahati naman doon maging sa decision making? Isa pa ay estranghero pa rin naman ako sa kanya kahit pa sabihing matagal na niya akong suki. Hindi advisable na kumuha ng business partner na hindi mo alam ang likaw ng bituka. Anyway, I remain one of her loyal patrons.
Nang medyo mapahilig ako sa healthy lifestyle at nagbago ang mga kinakain ko ay bihira na akong bumili kay Migz. Siguro ay once a month na lang. Minsang umorder ako sa kanya ay matamlay siya at parang wala sa mood. Dahil ako’y tsismoso, tinanong ko kung buntis siya.
Natawa naman siya. Hindi raw. Plano na raw niyang isara ang Migz.
Nagulat ako. Nalulugi ba ‘kako? Malakas pa naman sabi niya kung customer ang pagbabatayan. Sa ibang bagay raw siya nalulugi.
At nagkuwento siya nang shocking.
Marami na raw kasi siyang naging kaibigan sa puwestong iyon. Halos ang mga nakatira sa tabi-tabi ay BFF na niya. At doon nagsimula ang problema. Napakarami raw nang “nakikiluto” sa kanya!
“Alam mo ba, Kuya, na ang LPG ko ay hindi umaabot ng isang buwan?” kuwento pa niya sa akin. “Mula almusal dito na nakikiluto ng longganisa, itlog at kung anu-ano pa. Nakakahiya naman kung tatanggihan ko.”
Bilang patotoo sa sinasabi niya, isang matandang babae na may dalang ilang pirasong hotdog ang dumating at buong tamis na nagsabing makikisuyo naman siya ng pagpiprito. Napatingin si Migz sa akin na para bang sinasabing, “Kita mo na, Kuya?”
At may mga sumunod pa nga sa matandang babae. Pakiramdam ko ba, ang puwesto ni Migz ay naging lutuan ng bayan.
Sa isip-isip ko, kung naging kapartner niya ako ay hindi puwede iyon. Sa salbahe kong ito, pag may nakiluto ay baka isubo ko sa nakikipaki at ipakain ko nang hilaw.
Biro lang po. Actually, nauunawaan ko si Migz. Pag matanda na kasi ang nakikiusap ay mahirap naman talagang tanggihan. ‘Yun nga lang, sakripisyo ang kanyang gatong at mantika. Hindi naman puwedeng pag may nakiluto ng longganisa ay hindi lilinisin ang kalan at itatapon na ang oil dahil lalasa iyon sa patty.
Iyon ang naging huling order ko ng hamburger kay Migz. Minsang nadaanan ko ang kanyang puwesto ay mga gulay at prutas na ang kanyang tinda. Siguro naman ay mababawasan na ang mga balasubas sa kanyang negosyo. Wala naman sigurong manghihingi ng libreng prutas sa kanya.
Nanghihinayang ako sa unang negosyo ni Migz. Kung may bakante pa nga lang na puwesto sa lugar na iyon ay baka nagtayo ako ng burger stall.
Isa rin itong halimbawa na pag negosyante, dapat yata talaga ay matigas ang puso. Dahil kung astig siya sa pagtanggi umpisa pa lang sa mga nakikiluto, hindi nagsara ang kanyang napakagandang negosyo.
At nakapagtataka rin naman na may mga taong talagang mapagsamantala. Pag nahalatang mabait ka, sasamantalahin ang iyong kabaitan kesehodang ikaw mismo ang magsakripisyo para lamang sila mapagbigyan.
Kay Migz, hindi ko pa masabi kung malakas din ang kanyang kita ngayon. Sana lang, hindi na maulit ang dating dilemma na kinaharap niya. Sana naman kapag bumili ako sa kanya ng mangga ay hindi niya ibabalitang magsasara na siya dahil maraming nanghihingi lang ng kanyang paninda.

2 comments:

dino (laging bata) said...

tsk..tsk....daming mapagsamantala talaga sir...mahirap iwasan...ke BFF yan or mga friends na napadaan lang sa buhay natin...

gaya ng kapitbahay ko...kaklase ng 2nd year na anak ko ung anak nyang lalaki. may project sila sa school. mag alaga ng 45 days na chicken. bumili ang anak ko ng 3 sisiw...pinagawaan ko ng bahay ng manok sa kuya ko na hindi naman karpintero pero marunong naman ng konti.. after a week, lumapit ung kaklase ng anak ko at nakisuyo sa kanya na makilagay ng isang sisiw...at mula noon...4th week na ngayon ay ang anak ko ang nag aalaga....at di nag abalang mag abot ng pangkain at di rin nag abalang silipin ang manok...parang hinihintay na lang ang araw kung kelan isasubmit sa teacher..kakunsumi di ba...pag nakikita ko ung bata, lagi kong sinasabi, oy silipin mo naman ang manok mo..bakit di ka pagawa ng bahay ng manok sa karpintero mong tatay. yes, karpintero ung tatay nya.
naiisip ko tuloy...hindi ko yata kayang mang abala ng kapitbahay para makisuyo at kapalan ang mukha ko na magpaalaga ang anak ko ng sisiw...or anumang bagay na alam kong panlalamang na sa tao...BFF man yan or F lang hehehe..

pero ganun yata talaga eh....may taong likas talaga ang pagiging ganoon...

iniisip ko na lang na di kasalanang pintasan at pag usapan namin sa bahay ung kapitbahay namin....dun na lang kami bumabawi hehehe...samantalang mas malamang di nila kami mapipintasan dahil sila ang namemerwisyo...

saksakin ko kaya? ipabarangay ko kaya? hehehehe...mas maigi siguro maiprito ung sisiw at gawing sisiw burger hehehehe...

para sa mga perwisyong kapitbahay...Grrrrrrrrrrrr!!!!!! Bless them...hehehe

kc cordero said...

dino,
ang pinakamainam diyan ay iprito mo 'yung manok, hehe. :)