Friday, October 21, 2011

kuwentong poso

NANG may itayong poso o gripo (artesian well) halos katapat lang ng aming bahay ay isa ako sa mahigpit na tumutol. Noon ay desk editor pa ako sa Kabayan (Manila Times) at madalas naming balita ang walang humpay na pagbaha sa Camanava area kahit hindi tag-ulan. Isa sa itinuturong dahilan ng malawakang pagbaha sa lugar kahit di umuulan ay ang pagbaba ng level ng kanilang lupa sanhi ng pagkaubos ng tubig sa ilalim dahil sa sobrang dami ng poso. Maging ang mga pabrika rito noon ay gumamit ng poso para sa kanilang water utilities.
Anyway, mas nanaig ang bilang ng mga gustong magkaroon ng poso kaya wala akong nagawa. Naghukay, naitayo at sa madaling sabi ay nagagamit naman kahit hindi maganda ang quality ng tubig—madilaw, medyo may buhangin at lasang kalawang.
Nilagyan ko ng medyas ang pinaka-faucet ng gripo para masala ang tubig. Alam n’yo bang may nagnakaw pa? Aanhin naman kaya iyon ng nagnakaw kung walang kapares? Inilagay ko uli ang kapares, at hindi na ako nagtaka na kinabukasan ay nawala uli. Hindi na ako naglagay dahil ayoko namang maubusan ng medyas.
Noong una ay tatlo lang kaming umiigib doon dahil sa kalidad ng tubig. Ginagamit ko sa pagdidilig at paglilinis ng palitada. Nang dumating ang bagyong Milenyo at matagal nawalan ng supply ng tubig ay dumami na ang umiigib. Marami na ang nakaalam, maging tagaibang barangay, na may poso pala roon.
Mula noon, parang tayaan sa lotto ang pila sa poso. Dapat ay sa aming barangay lang iyon (na kokonti ang tao, wala pang 30) pero ngayon ay dinarayo na ng mga tagaibang barangay. Doon na rin nagsimula ang problema.
Ilan-ilang drum kung umigib ang mga dumadayo na wala palang service ng Maynilad. Nakakariton o kaya’y pedicab. Naghambalang sa kalye. ‘Yung iba na tinatamad maghakot ng tubig ay doon na naglalaba. Meron pang doon na rin naliligo. Nagmistulang evacuation area ang tapat ng poso.
Disente sa aming kalye dahil nga iilan ang tao. Mula nang dumami ang humahakot ng tubig mula sa poso, iba’t ibang hitsura na ang makikitang yao’t dito. May soltera akong kapitbahay na labis nang naeeskandalo sa mga lalaking naliligo roon (ang iba raw ay may pagka-exhibitionist). Naglagay siya ng karatula na bawal maglaba at maligo, walang pumansin. Sa isang bansang ang mga tao ay umiihi sa pader, hindi marunong pumila sa mga pilahan at hindi marunong sumunod sa batas-trapiko, sino ang susunod sa karatulang nagbabawal maglaba at maligo?
Nakita ko mismo na may mga naliligong lalaki sa poso at siyempre pa ay na-high blood ako. Maraming babae sa bahay. Ang ilan ay mga dalagita. Hindi talaga maganda na makakita ng ganoon. Saka ang paliligo ay pribadong activity, at dapat ay walang nakakakita kung paano ka maghilod.
Nang matapos maligo ang lalaki, nang paalis na ay kinausap ko—nang mahinahon. Sinabi kong kung puwede, next time ay umigib na lang siya at sa kanila maligo. Parang wala siyang narinig. Siyempre pa ay nabastos ako at umatake ang pagiging pikon. Sabi ko sa kanya, sa susunod na maligo uli siya roon ay sasaksakin ko siya.
Naligo pa rin ang walanghiya. Hindi ko siya sinaksak matapos ang kaunting pagdidili-dili. Ayoko rin namang makulong nang dahil lang sa pagsaksak sa isang taong maraming libag.
Ginawa ko ang dapat gawin ng isang disenteng tao. Sumulat ako sa barangay para ireklamo ang sitwasyon at para panindigan ang nauna kong oposisyon sa pagtatayo ng poso. Nang dalhin ko ang sulat, nakita ko ang mamang matigas ang ulo sa loob ng barangay. Barangay tanod pala ang makapal ang mukha. Pagkabasa ng chairman ng aking sulat ay itinuro ko ang lalaki, isa ‘kako ito sa madalas maligo. Namura ni Chairman ang kumag at muntik sinampal.
Gayunpaman, sabi sa akin ni Chairman ay medyo maselan ang isyu kung pagbabawalang umigib ang tagaibang barangay lalo pa at proyekto iyon ng city hall. Ang tanging magagawa na nga lamang daw niya ay ipagbawal ang paliligo. ‘Yung paglalaba raw ay hayaan na lang tutal ay mahirap talaga para sa isang babae na umigib at maglaba at the same time. Okey na rin ‘kako sa akin iyon, basta bawal ang maligo. Biniro niya ako na, “Paano kung seksi ang maliligo?” Sagot ko, “Aba, makikiligo ako!”
At nagkatawanan kami.
Isa sa ginawang solusyon ni Chairman ay paradahan ng water tank ang tapat ng poso, at kahit paano’y nakabawas iyon sa aking pagkaasar dahil hindi ko na nakikita ang aktibidad doon. Nang lumakas naman ang daloy ng tubig sa aming linya ay hindi na rin ako umigib sa poso.
Noong isang linggo na naghahanap ako ng kapirasong tabla na itatapal ko sa aming bakod nang mapagawi ako sa may poso. Nagulat ako na puro tambak na lang iyon ngayon ng mga kahoy at kung anu-ano. Sabi ng kapitbahay ko ay natuyuan na raw ng tubig, at para magamit muli ay kailangang magdagdag ng ilang pirasong tubo. Pero hindi na rin daw pabor si Chairman na i-request pa sa city hall. Iyon na rin siguro ang naisip niyang paraan para mawala na ang mga reklamo sa pagkakaroon nito. And to think, hindi naman mismong mga nasasakupan niya ang nakikinabang doon at sa halip ay napeperhuwisyo pa.
Habang tinitingnan ko ang mga larawang ito, bagaman at hindi pa talagang malamig ang simoy ng hangin, sumaya na ang aking damdamin.

Photobucket
Photobucket

3 comments:

TheCoolCanadian said...

Dikong KC:

Grabe ito! Hahaha. Buti na lang di mo dala yung BALISONG mo. He-he. Napasabak ka na naman sa mga hunghang. Iwasan mo na lang siguro ang mga ganitong tao para hindi ka mapalaban. On the other hand, napaka-presko naman ng mga kalalakihang iyan na sa publiko pa naliligo. Ano ba iyan. Nasaan ang delikadesa ng mga kalalakihang ito? Matatanda na ba ito o mga kabataan? Kung mga gurang, mga walang pinagkatandaan. Kung mga kabataan, nasaan ang mga magulang nito para turuan sila ng magandang asal?

Nakakabaliw. Binalaruha ng mga taong hindi naman tagariyan ang lugar ninyo, at kayo na namumuhay ng disente at payapa ang siyang laging pinepeste. Parang doon iyan sa Forbes Park noon. Okay ang mga bahay sa kabilang ibayo, after ng bakod na semento, naglipana ang mga masasamang loob.

Maski saan yata, iyan na ang nangyayari sa Pilipinas. Dapat talagang i-emphasize ang education. Kapag wala nito, labu-labo ang labas. Walang mga disiplina, walang mga pagkukusa para sa comunidad, walang pakialam kahi't sino pa ang masagasaan nila. Nakaka-high blood nga. Take a deep breath and relax. Huwag mo na lang pansinin at baka ma-stroke ka pa.
:(

kc cordero said...

JM,
mga kasing-edad na natin ang mga hinayupak kaya tama ang sabi mo na walang pinagkatandaan.
don't worry hindi na rin naman ako masyadong agresibo sa away ngayon. 'yun nga lang, ang mga ganitong eksena ay isa sa mga problema ngayon sa urban living. maraming di na rumerespeto sa 'area of responsiblity'. minsan nga sa bakod namin nagulat na lang ako may nakasampay na damit ng kapitbahay. masikip na kasi ang metro manila, kokonti na ang space. :(
kumusta? saan ngayon ang iyong christmas vacation?

dino (laging bata) said...

PANALO KA SIR HEHEHE...BELAT SA MGA PERHUWISYO!!!!