Thursday, January 19, 2012

kuwentong barbero

Photobucket

MADALAS akong magpakalbo ngayon dahil sa dalawang kadahilanan. Una ay medyo marami-rami na ang aking puting buhok, and the best way to hide them is to get bald (not bold) all the time. Ikalawa ay mas madaling mag-ayos ng sarili kapag may lakad. Hindi na kailangang magsuklay. And, oh, lagyan na rin natin ng third reason—I guess I look better sans hair.
Ang suki ko ngayong barbero ay si Rodel. Malapit lang sa amin ang barber shop kung saan siya naggugupit. Porsyento ang kitaan sa pagiging barbero. Sa P40 kada ulo ay P20 ang kanya. Kaya sa sampung ulo halimbawa sa isang araw ay may P200 siya, hindi pa kasama rito ang tip.
Okey maggupit si Rodel. Basta nagpagupit ako sa kanya ay kasama na ang ahit ng balbas. Hindi ko alam kung bakit naging balbasin ako samantalang noong binata ako ay walang indikasyon na magiging hairy ang aking mukha. Kapresyo ng gupit ang ahit, kaya ang P100 na ibinabayad ko, kasama na roon ang tip. Buwan-buwan ay nagpapagupit ako sa kanya. Kung minsan naman ay sa parlor kapag nagpapatanggal ako ng ingrown sa mga kuko sa paa. Isa pa itong ingrown sa mga abnormalities na lumabas sa akin nang nagkakaedad na ako.
At kapag sa parlor ako nagpakalbo at nakikita ni Rodel na ahit na ahit na ako kapag nagdaraan ako sa tapat ng barberya niya, obvious sa kanyang tingin sa akin na nagtatampo siya. At nagi-guilty rin naman ako. Kaya minsan na nagpagupit uli ako sa kanya, sinabi ko ang dahilan kung bakit nagpapagupit pa ako sa iba. At nauunawaan daw naman niya.
Maraming kuwentong barbero si Rodel mula sa pangungupahan niya sa mga bulok na apartment hanggang sa mga nagiging amo niya. Kapag bulok daw ang apartment at may mga mag-asawang naninirahan, siguradong nakapamboboso sila at di na kailangang bumili ng mga video scandals sa bangketa. Tiyempuhan naman daw ang paghanap ng mabait na amo sa barber shop. Pag medyo may edad na raw ang amo, mas mabait at hindi kuripot sa pagbibigay ng supplies gaya ng blade, shaving cream, polbo at tissue.
At kahit barber shop pala ay may anomalya rin. Noon daw bago pa lang siyang natututong maggupit, may nag-recruit sa kanya para mamasukan sa isang barber shop. Ang sabi sa kanya, P10 lang kada ulo ang porsyento niya. ‘Yun pala, P18 ang talagang ibinigay sa kanya ng may-ari. Pero dahil ang naglakad sa kanya para makapasok sa pagiging barbero ang nakipag-usap sa may-ari ng barber shop, at ito rin ang nag-aabot sa kanya ng porsyento, hindi niya nalaman na kinukupitan pala siya nito ng P8 kada ulo na matatapos niya. Nalaman na lang niya ang talagang rate niya nang minsang magbakasyon ang naglakad sa kanya at ang may-ari ang mismong nag-abot sa kanya ng kanyang porsyento. Nang sitahin daw niya ang naglakad sa kanya, ang P8 daw nito kada ulo ang pinakaporsyento naman nito sa pagpapasok sa kanya sa barber shop.
Pero ang pinakamatinding inabot daw niyang anomalya ay sa isang barber shop kung saan ang mga kasamahan niyang barbero ay mahihilig sa karera. Pagdating ng hapon, halos siya na lang ang natitira sa gupitan dahil ang mga kasamahan niya’y nakatutok na sa malapit na karerahan. Natural na siya ang malaki ang kita.
Isang kaibigan niyang barbero ang nagsabi sa kanya na gagawin siyang co-maker sa uutangin nitong pera sa Bumbay. Ayaw sana niya, pero ang dahilan daw ng kaibigan niya ay ibabayad sa tuition ng anak. Naawa naman siya, kaya kahit medyo nag-aalangan ay pumayag na rin siya.
Sa madaling sabi ay pinautang ng Bumbay ang kanyang kaibigan at kasamahang barbero ng P5,000. Kinahapunan daw ay napansin niyang naglilinis ng mga gamit ang kaibigan. Nang punahin niya, ang sabi raw ay ipahahasa ang mga gunting, shaver at labaha.
Kinabukasan, hindi na raw ito pumasok. Hanggang sa mga sumunod na araw. Maging ang kanilang amo pala ay nautangan nito. Kaya alam niyang hindi na ito magpapakita pa. Nang tawagan niya ang cellphone nito, hindi na niya makontak. At nagka-migraine daw siya sa pag-iisip na sa kanya sisingilin ng Bumbay ang P5,000 na inutang nito.
Siya nga ang siningil ng Bumbay. Na hindi naman niya puwedeng tanggihan dahil siya ang co-maker sa utang. Sabi pa niya sa akin, napakarami raw ulong dumaan sa kanyang mga kamay bago niya natapos hulugan ang utang. Sa P20 kada ulo, lumalabas na kinailangan niyang maka-quota ng 250 ulo para lang makaraos sa indulto. Naawa tuloy ako sa kanya.
Anyway, tanong ko sa kanya, ano ang natutunan niya sa mga nangyaring iyon sa kanyang career bilang barbero? Napakasimple ng sagot niya: “Hindi ko ‘yun gagawin sa mga baguhan, saka sa kasamahan ko sa trabaho.”
Kung sa iba siguro, ang isasagot ay hindi na magtitiwala sa mga kasamahan. Hindi na magpapalokong muli. Pero kay Rodel, para sa kanya, ang mga maling nakita niya at ginawa sa kanya ay di dapat gayahin. Ang pagsasamantala sa kapwa ay di dapat matutunan, at magtatapos iyon sa kanya bilang isang biktima.
Ang ganda, ano po? At sa isang barbero ko napulot ang aral na iyan sa buhay. Kuwentong barbero… pero makahulugan.
(Image courtesy of religiousintelligence.org)

No comments: