Thursday, January 5, 2012

Maligayang kaarawan!

Photobucket

SA aking mga kaibigan at kakilala, karamihan sa kanila, ang naaalala ko lang ang birthday ay yaong mga nagdiriwang kapag Enero. Madali kasing tandaan dahil simula pa lang ng taon. Posibleng hindi ko matandaan ang eksaktong petsa, pero tiyak ako na buwan iyon ng Enero.
Nitong January 5 ay birthday ng aking Kuya Lito na pangatlo sa aming magkakapatid. Hindi ko lang alam kung ilang taon na siya pero sa palagay ko ay umaamoy na sa sisenta. Dahil kadalasang ako’y walang pera sa umpisa ng taon, Nobyembre pa lang ay pina-birthday ko na siya, kasama na rin doon ang papasko.
Sa The Batangas Post (local newspaper na 12 years ko nang hawak) ay dalawa ang may kaarawan pag Enero; sina Tatay Ani at Emway Malaluan. Medyo nalilito na rin ako kung anong petsa pero sa aking pagkaalam ay unang linggo ng buwan. Ang aking Pareng Emway (art director) ay bata-bata sa akin nang kaunti kaya kung hindi late 30s ay baka eksaktong kuwarenta. Si Tatay Ani naman (ang publisher) ay sobrang tibay at ang alam ko’y mid-80s na siya. Dinalaw ko siya noong Nobyembre at sabi ko nga sa kanya, mukha pa siyang malakas kaysa sa akin at napaka-sharp pa rin ng isip. Nakakatuwa ang energy level niya lalo na kapag usapang publication ang topic ng aming huntahan. Taglay niya talaga ang puso ng isang mamamahayag.
Noong nasa Atlas pa ako, marami sa aking mga dating kaopisina ang nagdaraos din ng kaarawan pag Enero. Ang aming editor-in-chief na si Mr. Tony Tenorio, gayundin ang mga editors na sina Tita Opi Concepcion (Pilipino Komiks), Tita Lourdes Fabian (Moviestar), ang ninong ko sa kasal na si Gaspar San Diego (Espesyal Komiks), ang layout artist na si Edmon Celerio (na anak ni Levi Celerio at kapatid ng famous Celerio bros na Louie at Joey) at ang lettering artist na si Danny Villanueva (kapatid ng mga illustrators na sina Rudamin ‘Rudy’ Villanueva at Orlee Vee).
Sa mga nabanggit ko sa itaas ay pinakabongga ang selebrasyon ng birthday ni Tita Des dahil editor siya ng showbiz magazine at maraming artista ang nagpapadala ng pagkain. Basta birthday niya, daig ang piyestahan sa dami ng litson, cake at ice cream sa editorial office.
Sa mga bago kong kaibigan at kakilala ay mga January birthday celebrators din lang ang natatandaan ko gaya nina Gener Pedrina na eksaktong New Year ang kapanganakan, at si Rommel “Omeng” Estanislao. Ang dalawa ay lagi kong kagrupo kapag may Komikon (Komiks Convention) at pare-pareho kaming taga-ABS-CBN.
Ngayong Enero rin ang birthday ng aking unica hija. Last year pa siya nag-18 pero walang party dahil mas pinili niyang mag-travel sa labas ng bansa bilang selebrasyon. Pabor naman iyon sa akin dahil hindi na ako mapapagod; ‘yun nga lang, hindi ko siya nakita nang magdalaga. Tumawag na lang siya sa akin eksaktong alas dose ng hatinggabi na hudyat ng kanyang pagdadalaga, at sinabing sobrang saya niya sa kanyang travel at nakakaiyak daw ang experience dahil napuntahan niya ang mga lugar na gusto niyang makita. At dahil magkalayo nga kami at kahit paano’y natupad ko ang kanyang pangarap na selebrasyon, napaiyak din ako sa kanyang kuwento. Isa ang pag-uusap na iyon naming mag-ama sa mga highlights ng aking 2011.
Ngayong disinuwebe na siya, tapos nang mag-aral at holder na rin ng professional license (not driver’s license), handa na rin daw siyang magtrabaho. At natutuwa naman ako na meron na siyang mga ganitong plano ngayon sa buhay, patunay na unti-unti ay dumarating na sa kanya ang maturity.
And I guess iyon ang pinakaimportanteng bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan—ang pagdaragdag ng maturity, hindi ng numero ng edad.
Sa mga January birthday celebrators, isang pagbati ng “Maligayang Karaawan!”

1 comment:

Ner P said...

maraming salamat sa bati sir!

happy new year!!!


Ner P