WALA akong sariling puwesto sa bahay
kapag nagsusulat o nagbabasa. Kahit saan lang basta komportable ang upo dahil
medyo madaling mapagod ang aking likod. Ang aking misis ang nag-suggest na
dapat ay may sarili akong workstation.
Sabi ko ay pang-artist lang ang
workstation. Saka nasanay na ako nang palipat-lipat. Gayunpaman, naglaro na rin
sa isip ko ang ideya na magkaroon nga ng sariling puwesto.
Pinaka-ideal ang ilalim ng aming hagdan
sa second floor. May space kasi roon na ginawa naming imbakan ng mga lumang
gamit at nilagyan lang namin ng kurtina para hindi masakit sa mata. Karamihan sa
mga nakaimbak doon ay mga plato at iba pang gamit sa kusina, libro, mga regalong
di nabuksan, kahon ng mga biniling appliances, lumang appliances at kung
anu-ano pa.
Si misis na rin ang nag-suggest na iuwi
ko na lang sa probinsya ang mga lumang gamit namin at gawin kong workstation
ang malilibreng space. Na-excite ako sa idea, umarkila ng sasakyan at ipinakuha
ko sa utol ko ang mga lumang gamit para iuwi na lang sa Batangas.
Si misis na rin ang nagpintura sa
nabakanteng space. Sumunod ay naghanap kami ng table. Nagkataon naman na ‘yung
model na nakita namin sa SM Hypermart ay eksakto sa space; pati clearance na
tig-2 inches sa buong paligid ay nag-eksakto rin para madaling iusod kapag
nililinis.
May mga piyesa ako ng PC na hindi
nagagamit kaya kinomisyon ko ang paborito kong technician sa Gigahertz para
ipagbuo ako ng kickass na unit. Sa ngayon ay mas desktop ang gamit ko at
standby na lang ang laptop.
Mahilig ako sa paligid na walang kalat
o mga dekorasyon. Nasanay kasi ako na walang nakikitang mga nakadikit sa pader
dahil pakiramdam ko ay nakakadagdag lang sa inaalikabok.
Kaya ngayon, heto na. Simple lang. Masarap
ang bentilasyon. Maliwanag ang area. Okey rin ang cushion at sandalan ng upuan.
Iniisip ko lang na lagyan ng seksing poster ni Danica Patrick ‘yung malawak na
space sa harapan—kaya lang ay kokontra iyon sa prinsipyo ko na walang nakasabit
sa paligid. At isa pa, baka hindi pumayag si misis!
1 comment:
Simple at maaliwalas, sa aking pakiwari, ang kinalabasan ng workstation mo. Ayos yan. Hangad ko na taglay nito ang anumang karagdagang sangkap na makatutulong sa lalong ikagaganda ng iyong mga maisusulat pa.
Post a Comment