Tuesday, November 13, 2012

salamin

Photobucket

GUMAGAMIT na ako ng salamin sa pagbabasa. Naramdaman ko ang paglabo ng aking mga mata noong 2006 pa. Nag-text sa akin ang misis ko, nang babasahin ko na, hindi ko na mabasa samantalang noong umaga ay nakapag-proofread pa ako ng article na nakasulat sa maliliit na tipo.
For a while ay may struggle sa akin kung magsasalamin na ba ako o hindi. Galing ako sa pamilya na both sides ay mabilis lumabo ang mga mata. May mga pinsan ako na high school pa lang ay nagsasalamin na.
Anyway, inabot pa ng isang taon bago ako nagdesisyon na magsalamin na. Kailangan ko na, lalo na sa uri ng aking hanapbuhay.  Hindi kailangang magkamali sa pagtipa sa keyboard, at kailangan kong laging nagbabasa ng iba’t ibang reading materials.
Sa isang sikat na optical center ako nagpagawa ng salamin. Mahusay ang optometrist. High-tech na rin ang kanilang gamit sa pagti-check sa kalagayan ng mata ng pasyente. Pagsilip ko sa kanilang machine, may printout na lumabas at nakalagay na roon ang grado ng aking mata. Maayos pa naman daw, may astigmatism lang ako. Ibig sabihin ay hindi na balanse ang linaw ng aking mga mata. Sinukatan ako. Maraming lenses ang ipinasubok sa akin hanggang sa makuha ang swak na swak sa aking mata. Pagkalipas ng dalawang araw ay nakuha ko ang aking salamin—at napakalaking ginhawa ang naidulot niyon sa akin lalo na sa pagbabasa. Sa malayo naman ay malinaw pa ang aking tingin hanggang ngayon dahil far-sighted ako.
Dahil naging concern na ako sa aking mga mata, at may lahi rin kami na nagkakaroon ng katarata, nagpatingin na rin ako sa ophthalmologist para makatiyak lalo pa’t lagi rin akong may nararamdamang iritasyon kapag matagal na akong nagbabasa. Natuwa naman ako nang malaman kong healthy pa ang aking mga mata at walang signs ng pagkakaroon ng katarata. Pagod lang daw kaya laging nagluluha—at binigyan niya ako ng pampatak para marelaks at ipatak ko raw tuwing umaga bago ako magtrabaho. Kulang daw sa lubrication ang aking mga mata.
Naging suki ko naman ang optometrist na pinagpagawaan ko ng salamin--na kahawig pa ng aking isang ninang sa kasal, kaya "ninang" na ang tawag ko sa kanya though di naman niya ako binibigyan ng discount. Nakailang palit ako sa kanya ng frame—medyo mahal nga lang dahil kilala na sila sa industriya. Wala rin akong nagiging problema sa pagbabasa sa mga lens na ginagawa nila dahil nga high-tech ang kanilang mga aparato.
Nitong bago nag-undas ay nagkaroon ako ng problema. Naiwan ko kung saan ang aking salamin at di ko na ma-locate. Senior moment? Hindi pa naman siguro (lol). Dahil long weekend at marami akong nakaantabay na libro na gustong basahin, malaking problema sa akin ang pagkawala ng mahalagang instrumento sa ngayon ng aking pang-araw-araw na buhay.
Kung bakit naman sinumpong ako ng pagkakuripot, at sa halip na sa suki kong optometrist ay sa malapit lang sa lugar namin na klinik ako nagpunta. Ang naisip ko lang naman, malapit at madali kong makukuha. Medyo malayo kasi sa amin ‘yung suki ko dahil kailangan ko pang sadyain sa mall.
Matanda na ang optometrist na nag-attend sa akin. Pumili lang ako ng murang frame. Tinanong niya ang edad ko. May ipinasukat siya sa aking lens. Itinanong kung nababasa ko ang mga letra sa ibinigay niyang parang cue card. Okey rin, sabi ko. Pero di kagaya sa suki ko, wala siyang machine na ipinasilip sa akin. Hindi rin siya nagpasukat sa akin ng iba't ibang lens. Old school, naisip ko na lang.
Kinabukasan ay kinuha ko na ang salamin. Sinubukan ko, okey naman. Nagbayad ako, umuwi sa bahay at naghanda na sa pagbabasa. Saka ko natuklasan ang problema.
Hindi talagang katugma ng aking mata ang salamin. Na-realize kong iginawa lang ako ng lolang optometrist ng reading glass at ang pinagbatayan lang niya ng lens ay ang aking edad. At dahil magkaiba ang grado ng aking dalawang mata, sandali lang at naramdaman kong hindi okey ang salamin. Nahihilo ako at parang masusuka.
Nakahiyaan ko namang ibalik sa klinik bagaman at may karapatan ako. Ayoko na lang bigyan ng alalahanin ang matandang optometrist na habang sinusukatan ako ng salamin noong unang punta ko sa klinik niya ay napakaraming kuwento tungkol sa kanyang malawak na karanasan sa paggawa ng salamin sa mata. Nang naghuhuntahan kami ay para akong nakatagpo ng isang long lost grandma. Saka ewan ko, pero ayokong nagbibigay pa ng mga alalahanin sa mga nakatatanda lalo na kung mabait. Lugi ang pakiramdam ko, pero may mga pagkakataon na nangyayari ang ganito.
At isang bagay ang na-realize ko ngayon. High-tech na ang panahon at kailangan ang mga bagay na tulad ng pagpapagawa ng salamin ay sa mga moderno na klinik na talaga ikonsulta. Higit sa lahat—kung saan subok mo na ang isang bagay, doon ka dapat mag-stick.
Ngayon, sinulat ko ang blog na ito gamit ang salamin sa mata mula sa suki kong optometrist—at napakasarap muling tumipa ng mga letra.

3 comments:

aey said...

Naka-relate ako sa post mo, KC. Ramdam ko mismo ang mga nabanggit mong pakiramdam dahil minsan na rin akong nagkaron ng kahawig na experience sa pagpili ng reading glass gawa ng wala sa lugar na pagtitipid o simpleng katamaran na sadyain ang nararapat puntahan. Ayos!

TheCoolCanadian said...

KC I used to have astigmatism, but I've decided one day to have eye laser surgery (called PRK - no touch, unlike Lasik). In PRK, the surgeon doesn't touch your eyes at all. Two lasers are used. First, the outer layer of your eye will be "Burned" to change its shape, then another laser is used to reshape the eyeball itself. Each eye took only two minutes, and Voila! From 650 grade down to nothing, and when my eyes finally healed, my vision was better than the normal 20-20. Now, my vision is 20-15.

I can do anything without having those pesky contact lenses I used to have. I drive, swim, jump, run, dive, etc, as free as a bird.

I love modern technology. It reshapes (pun intended) our lives to make them better.

Hallelujah!

TheCoolCanadian said...

KC: I used to have astigmatism. Several years ago, I heard about Laser Surgery. I went for it. I had PRK (the "no touch" laser surgery, unlik Lasik where the surgeon has to make a slice). In PRK, two lasers are used. The first one is to make the covering of your eyes thinner, then the second laser for re-shaping your eyeball. Both eyes procedure took only 4 minutes, then voila! Astigmatism gone, contact lenses gone. And when my eyes finally healed, my vision became better than normal 20/20. My vision became 20/15.

Now, I can swim, drive, run, jump, dive, play basketball, PIKO, TUMBAMPRESO, SKIPPING ROPE, HULAHOOP, THUMBLING, FLYING KICK, BAHAY-BAHAYAN, BALISONG, ETC. without those pesky contact lenses.

Modern technology is amazing. I could no longer imagine myself living in the 1800s (I was born in 1850 hence I'm now 162 years old) I hope my Math is correct. Har, har, har.

If one day you feel helpless from not having glasses, always remember that there's other solutions to your problem. :)