LAGI akong namamangha sa lobo. Palibhasa kasi ay lumaki ako sa bukid na puro halaman lang ang nasa paligid, kapag nakakakita ako ng lobo noong bata pa ako ay rocket science na iyon sa akin. May mga pinsan ako sa kabayanan na mas matatanda sa akin, pag dinadalaw nila ako sa bukid ay lobo ang pasalubong nila sa akin, at sapat iyon para maglakbay ako sa ibang dimension habang nilalaro ko.
At siguro nga ang mga bata ay talagang fascinated sa lobo. Nang mag-second birthday ang anak ko ay sa bukid na nilakihan ko namin ginanap. Ang buong paligid ay pinalibutan namin ng lobo. Hindi pa man nagsisimula ang program, ang mga nanay ng mga batang imbitado ay nakapuwesto na sa mga lobo para pitasin. Actually, saglit lang ay kanya-kanya na silang kuha para sa kanilang mga anak. Parang mas importante pa ang lobo kaysa sa spaghetti at cake na handa.
Nang nag-aaral na ako, may mga tindang kendi na may kakambal na lobo. Kung kasing-edad ko kayo or mas matanda kaysa sa akin, aminin ninyong alam ninyo itong sinasabi ko. ‘Yun nga lang, hindi lumilipad ang lobong ito. Hinihipan, at nagkakaroon lang ng movement kapag ini-release ang hangin. Hindi ako nakakabili dahil walang pambaon, pero nakikilaro ako sa mga kaklase kong meron sa paghabol sa lobo pag pinakakawalan. Kung minsan, pag nagsasawa na sila o gusto ng ibang kulay, ibinibigay nila sa akin ang luma. Pinalolobo ko iyon pagdating sa bahay, isinasabit sa aming dingding at ini-imagine na umaangat sa ere gaya ng lobong kargado ng helium. Iyon ang masarap sa pagiging bata, ang imahinasyon ay parang katotohanan na rin.
Anyway, kamailan ay naimbitahan ako ng isang kaibigan na mag-attend ng 7th birthday party ng kanyang anak sa isang sikat na pizza house sa may UN Avenue. Tumanggi ako noong una dahil wala naman akong anak na maliit. Sabi niya ay kokonti ang bisita dahil mga matatanda naman talaga ang invited. May nauna na raw kasing celebration kung saan invited ang mga kalaro at kaklase ng anak niya. This time, mga kapamilya at kaibigan naman ng parents ang invited. May ganoon yata silang tradisyon pag may anak na sumasapit sa ikapitong taon. Dahil mahigpit ang imbitasyon, umoo ako.
Maganda ang venue at sa hagdan pa lang (sa second floor ginanap ang kainan) ay marami nang naka-display na lobo. Pumisil-pisil pa ako sa mga kumpul-kumpol habang umaakyat. Sa loob ay marami ring nakasabit sa mga upuan. May libre ring face painting. Sabi ng kaibigan ko, lahat ay dapat magpapintura ng mukha. Bagama’t ayoko ay hindi ko rin naman planong magpaka-killjoy. Nilagyan ng painting na dragon ang aking mukha at braso. For a while ay nagbalik ako sa pagkabata. Sabagay, walang ganito noong panahon ko. It’s not too late to rock and roll, ‘ika nga.
Nang matapos ang selebrasyon ay nakatuwaan kong magbitbit ng isang lobo. Habang nasa dyip ako ay pinagtitinginan ako ng mga pasahero. Naghilamos ako ng mukha, pero ang dragon sa kamay ko ay di ko inalis. Obvious na galing ako sa children’s party. But what the heck; kanya-kanyang trip lang ‘yan, at ‘ika nga ay walang basagan.
Ang lobo ay balak kong ipalaro sa dalawa kong dogs. Naalala ko noon na nag-uwi rin ako ng lobo mula sa party ng ABS-CBN at tuwang-tuwa ang dalawa nang ipalaro ko. Nang sumabog, kapwa sila nagtago sa ilalim ng mesa at matagal na di nakalabas. Nasa mga mata nila ang guilt dahil iniisip nilang may nasira silang gamit. Tuwang-tuwa ako noon sa expression nila at gusto ko uling ma-witness ang ganoong eksena.
Nang naglalakad na ako papauwi sa amin ay may nakasalubong akong nanay na nangangalakal at may tulak na kariton ng bote diyaryo. May tatlong anak siyang maliliit na nakasakay sa kariton. Ang batang lalaki, na sa wari ko ay pinakamatanda, ay kumislap ang mata pagkakita sa lobong dala ko. Sabi niya, “Kuya, akin na lang po ang lobo.”
Huminto sa pagtutulak ng kariton at tumingin sa akin ang nanay, at ngumiti na parang nakikiusap. “Akin na lang po ang lobo,” ulit ng bata, at maging ang dalawa niyang kapatid ay nanghihingi na rin. Tuwang-tuwa sila. Nagkibit-balikat lang ako at nagdiretso sa paglalakad.
Pagdating ko sa bahay ay excited na sumalubong ang dalawang dogs sa akin. Agad kong binitawan ang lobo at masaya nilang nilaro. Wala pa yatang ten seconds, “Boom!” Sumabog na ang lobo at ang dalawang dogs gaya ng dati ay nagtago sa ilalim ng mesa dahil sa guilt.
Pero mas matindi ang guilt na naramdaman ko...
Noon lang nag-sink in sa akin kung gaano kasaya sana ang mga musmos kung ibinigay ko sa kanila ang lobo. Baka mas kumislap ang kanilang mga mata, mas maluluwang ang mga ngiti. Baka natuwa ang nanay nila na hirap na hirap sa pagbobote-diyaryo at di sila mabilhan ng laruan. Baka hanggang ngayon, nilalaro pa nila ang lobo na iilang segundong pinaglaruan at pinasabog ng dalawang dogs.
Guilt...
Lapse in judgment. Sana pala ibinigay ko na lang sa kanila.
Iniisip ko na lang ngayon na sana’y nakalimutan na ng mga bata na minsan ay may maramot na mama silang nakasalubong at di sila binigyan ng lobo. At sana rin ay may ibang tao na mas mabait kaysa sa akin na sa paglilibut-libot nila araw-araw sakay ng kariton ng nanay nila, ay naaabutan sila kahit lumang laruan na nagpapakislap ng kanilang mga mata at naghahatid ng ngiti sa kanilang mga mukha.
2 comments:
KC: There is always: NEXT TIME. Sooner or later, tiyak na masasalubong mo uli ang mag-iina sa kariton. Abutan mo sila ng isang supot na hot pandesal at tiyak na sila'y matutuwa dahil kahi't paano'y magsisilbing pamatid-gutom. Hiwaan mo na rin ng mga keso para kahi't paano'y may maipalaman sila sa tinapay. Naalala ko noong ak'y teenager at nagsusulat sa TV. Pagkatapos naming mag-shooting nina Joey Gosiengfiao sa Rizal Avenue nang mga bandang ala-una ng umaga, may nakita akong magkapatid na nakahiga sa kariton. 16 yung lalaki, 8 ang babae. Sa awa ko ay kinausap ang mga ito at nang malaman ko ang kanilang kalagayan sa buhay ay naging episode tuloy ng aking mainstay show na ULILA with Rosa Rosal. The bot was played by Michael Sandico, and we introduced a little girl to play the role of his sister, Janice de Belen. Yung batang lalaki ay ipinagbili ng kanyang amang lasenggo sa isang operator ng gaybar sa Maynila at ginawang dancer/male prostitute na inilalabas ng mga well-off na mga BEKI (ito na pala ang tawag ngayon, ayon kay Tiyang AMY PEREZ na mahilig makipag-FACE TO FACE sa mga Beki)LOL. Nang mamatay ang kanilang ina, two weeks after ay nabundol ng tren ang kanilang ama kaya naulila ang mga ito. Doon sila sa Smokey Mountain ng Tondo naghahanap ng mga basurang maipagbili para may kainin sila. Tinalikuran ng batang lalaki ang buhay ng pagpuputa at mas matamis pa niyang hinarap ang isang buhay na napakahirap. Inabutan ko sila ng pera at sinabihang bumalik sila sa lugar na ito ng Avenida at may mga taong gusto sa kanilang tumulong. Nang mag-usap kami ni Rosa Rosal ay binanggit ko ang mga batang ito at agad na naghanap si Rose ng mabuting pamilyang mag-aampon sa magkapatid. At ito nga ang nangyari. Ang alam ko'y nakatapos ng commerce yung batang lalaki at yung batang babae ay naging nurse.
Mother Teresa once said: "If you can't feed a hundred people, then just feed one."
A helping hand could just be the beginning for someone in need to get back on his feet.
At aaminin ko sa iyong: kahi't kailan ay hindi ako nagpantasya sa lobo. Pinagpastasyahan ko yung mga balisong na iniispin ko sa katawan ng punong siniguelas. Tapos, pinadidipa ko against the tree yung mga anak ng farmers doon sa Bicol, and tuwang-tuwa pa sa pagbo-volunteer na sila ang ispinin ko. Naging napakagaling ko sa punyal kaya kahi't kelan ay wala akong napatay o nasugat man lang sa aking mga target. At kapag recess naman sa school, inilalapat ko ang aking splayed fingers sa desk at mabilisan kong tinutusuk-tusok ang in-between ng aking mga daliri. Talagang paspas ito, nguni't kahi't minsan man lang ay ni hindi ako nagalusan ng aking balisong. :)
JM,
meri xmas!
inaantabayanan ko ngang dumaan uli dine sa amin, dito lang kasi sila umiikot. bukod sa pandesal ay bibigyan ko rin ng sabong pampaligo at pamahid kontra lamok dahil marami kaming supply galing abs-cbn.
mahilig din naman ako sa balisong noong bata pa ako, sabihin pa'y sa amin naman ginagawa iyan. pero hindi pang-ispin ng kalaro kundi pangkayas ng dahon ng niyog na ginagawang walis. :)
Post a Comment