Thursday, September 5, 2013

Atlas Publishing, Inc. September 30, 2013



LAST September 3, 2013, Martes, ay muli akong nakatuntong sa bakuran ng Atlas Publishing Inc. sa Cubao, Quezon City. Huli akong nakapunta sa kanilang opisina maybe 5 years ago nang kumuha ako ng employment certification.
“Banned” ako sa bakuran ng Atlas dahil sa dalawang kadahilanan. Una ay “nasipa” ako sa publication na ito noong 1996 nang mabili ng National Bookstore mula sa Roces family. Ikalawa, that very same year ay idinemanda ko naman ito dahil sa copyright issue.
Iyon din marahil ang dahil kaya medyo paranoid sila sa akin. Noong ilabas ko ang “Filipino Komiks” noong 2007 under Risingstar Printing ay pinasulatan nila ako sa kanilang abogado citing “copyright issues” at kailangang ihinto ang publication ng nasabing komiks dahil nakakalito raw sa readers at baka akalaing iyon ang “Pilipino Komiks”. Tinawagan din ako ng National Bookstore na kung hindi ko ititigil, kailangan kong i-pull out ang ibang titles ng Risingstar sa kanilang outlets. Ang naging desisyon ko, mas mainam na ang may negosyo kaysa may ipinaglalabang kaso.
Anyway, nagpunta ako sa Atlas kasama ang isang negosyante para BILHIN ang kumpanya.
Hindi kayo nagkakamali ng basa. Plano naming BILHIN ang Atlas—sana...
Kung bakit, tuluyan nang magsasara ang Publishing ngayong Setyembre 2013.
Nakaharap namin ng kasama kong negosyante ang general manager ng Atlas na si Mr. Deo Alvarez. Sinabi ng manager na totoo ngang magsasara na sila. At totoo rin na ipinagbibili na nila ang mga titles nila, gaya ng sabi sa amin ng isang empleyado nila na nag-arrange sa amin para sa harapang iyon.
Sinabi ni Mr, Alvarez na ang “for sale” ay ang mga titles nila.
Dahil ako ang nagsasalita para sa negosyante, sinabi kong mas interesado kaming bilhin, sana, ang Publishing. Sagot niya, hindi puwede dahil pinag-isa na ng NBS ang Publishing at Lithographic nang mabili nila ito sa mga Roces. Gagamitin pa rin umano ng NBS ang Lithographic (printing press) para sa ibang produkto nito gaya ng paper bag, etc.
TRIVIA: Noong nasa Roces family pa ang Atlas ay nahahati ito sa dalawa; Atlas Publishing Inc. at Atlas Lithographic Services Inc. “Publishing” para sa mga magazine at komiks; “Lithographic” sa imprenta.
Sa halip ay inialok niya sa kasama kong negosyante ang mga titles nila gaya ng MOD, Moviestar at People’s Balita. Hindi nabanggit ang mga komiks title dahil matagal na ring wala sa circulation. Kung ano ‘yung existing nila sa market, ‘yun ang inialok.
Nagsagawa sila ng computation para malaman kung paano ang magiging presyo. Nagpaalam ako saglit para sumilip sa editorial department at baka may mga dati pa akong kaopisina roon. Sad to say, hindi na raw pinare-report ang mga empleyado.
Nakausap ko naman ang cashier na siya pa ring cashier namin noon sa Roces Avenue nang lumibot ako saglit. Natandaan pa niya ako. Inihahanda na niya ang separation pay ng mga tao. Kaunting kumustahan. May mga tao pa rin sa advertising department bagaman at wala na akong kilala, at matamlay ang atmosphere.
Ganoon talaga pag may nagsasarang kumpanya. Laging malungkot. Ganito rin halos ang eksena noon sa Roces Avenue noong 1996. Lahat ay naglilinis ng table, nag-eempake.
Nang pauwi na kami ng kasama kong negosyante ay sinabi niyang hindi pa malinaw ang usapan. Malabo pa lalo’t hindi naman ang Publishing mismo ang ipinagbibili. Pero baka raw naman bago matapos ang month na ito ay ilang beses pa silang mag-usap ni Mr. Alvarez.
Ang produktibo sa pangyayaring ito ay nawala na ang animosity sa amin ni Mr. Alvarez. Maayos ang aming naging paghaharap. Masaya niya akong tinanggap sa kanyang opisina, at nagpakita naman ako ng todong respeto sa kanya. Pinuri ko rin ang kanyang health dahil kahit almost 90 years old na, malakas pa rin at sharp.
Ilang araw bago ang meeting na iyon ay kinausap ako ng kasama kong negosyante at sinabi niyang kung sakali bang bilhin niya ang Atlas ay handa akong pangasiwaan iyon. Puwede naman ‘kako. Aaminin kong “thrilled” ako sa ideyang iyon. May mga kakatwang pangyayari sa buhay ng tao, at masarap isipin na ang kumpanyang dating sumipa sa iyo, biglang dumating ang pagkakataon na ikaw na mismo ang magpapatakbo.
Pero sa ngayon, ideya pa lang iyon. Malaki rin ang posibilidad na hindi mag-materialize lalo na kung hindi naman talaga ibebenta ng NBS ang mismong company. Ang tiyak, tuluyan nang magsasara ang kabanata ng Atlas na sa loob ng mahabang panahon ay umaliw sa mga Pinoy sa pamamagitan ng kanilang mga komiks at iba pang reading materials—at nagbigay ng malaking oportunidad sa mga naging empleyado nito, tulad ko, na ma-explore ang publishing industry.
Pansamantala, hindi muna ako magsasabi sa Atlas Publishing Inc. ng “thanks for the memories”. Malay natin, baka naman tulad ng isang nobela sa komiks ay may “itutuloy” pa.

4 comments:

Reno said...

Aba'y kung matuloy ang pagbili niyo sa Atlas, KC, ay ipiniprisinta ko na ang sarili ko bilang art director o anumang posisyong nababagay. :)

kc cordero said...

reno,

no problem :)

macoy said...

best of luck sir kc! nakaka-encourage isipin kung sakali mang kayo ang magpatuloy sa atlas.

kc cordero said...

ty, mccoy :)