Tuesday, September 24, 2013

Senti lang...







MIYERKULES, SETYEMBRE 25, 2013.
Ang araw na ito ang ika-17 death anniversary ng aking ina. Namatay siya dahil sa medical malpractice sa isang ospital dito sa Batangas City.
Inamin naman sa akin ng doktor na nagkamali sila. Magpapa-check up lang siya ng mata, bigla siyang ipina-X-Ray. Sa edad niyang halos otsenta at nagsisigarilyo pa, siyempre ay malabo ang baga. Binigyan siya ng todong dosage kontra-PTB, at bumigay ang kanyang mga internal organs.
Nang kinagagalitan ko ang doktor ay sumabat ang attending nurse at inaway ako. Bakit daw ako nagagalit sa doktor? Iniwan pa niyang nakatali ang goma sa bisig ng aking ina na ginagamit kapag nagkukuha ng blood pressure.
Hindi ko alam kung bakit ganoon na lang ang pagtatanggol ng nurse na iyon sa doktor, samantalang ang huli ay maginoong umamin sa kanyang pagkakamali.
Marahil ay may guilt din ang nurse na iyon dahil naging bahagi siya sa pagpatay sa aking ina.
Sa mahabang panahon ay kinimkim ko ang poot sa nasabing ospital. Dumating ako sa puntong muntik nang sumama sa isang armadong grupo para lang mapasabog iyon.
Pero dinalaw ako sa panaginip ng aking ina. Aniya ay huwag na. Ang isang pagkakamali ay hindi maitutuwid ng karahasan.
Masakit sa akin ang mga unang taon na ginugunita ko ang kanyang kamatayan—nila ng aking ama. Mula sa malayong lugar ay bumibiyahe ako para dumalaw sa kanilang puntod, gayundin kapag birthday nila. Naging panata ko na iyon.
Minsan ay nanaginip ako na kitang-kita ko ang aking ama’t ina na nakasuot ng makinang na damit. Pareho silang masaya na nakatingin sa akin. Maliliwanag din ang kanilang aura. Kumakaway sila sa akin hanggang sa tuluyang maglaho sa aking paningin.
May kaibigan akong psychic at naikuwento ko sa kanya ang tungkol sa panaginip. Sabi niya sa akin ay narating na ng kaluluwa ng aking ama’t ina ang pinakamataas na antas ng cleansing o paglilinis sa mga kasalanang nagawa nila sa mundo. Dagdag pa niya, tuluyan nang nagpaalam sa akin ang mga magulang ko dahil iyon na ang hudyat na sasapit na sila sa kaharian ng Maykapal.
Itinanong niya sa akin ang mga ginagawa ko para sa kaluluwa ng aking mga magulang. Sabi ko, lagi kong ipinagdarasal at ipinagtitirik ng kandila basta may pagkakataon, pag death anniversary nila, pag birthday. Lagi rin ‘kako akong humihingi ng tawad sa mga kasalanan at pagkukulang ko sa kanila bilang anak—lalung-lalo na sa aking ina.
Sabi niya sa akin ay nakatulong ang mga ginagawa ko para mapabilis ang kanilang pagkalinis ng kaluluwa. At ang maganda pa, sabay silang nagtungo sa kaharian ng Maykapal. Kung mayroon man umano silang naging paghihirap dito sa lupa, puno na sila ng kaligayahan ngayon.
At naniniwala akong ganoon nga. Dahil kahit maging ako ay puno na rin ng kapayapaan para sa kanila. Hindi na rin sila dumalaw sa aking panaginip.
Naaalala ko pa rin ang mapait na kamatayan ng aking ina lalo na sa ganitong petsa. Malinaw pa rin sa akin ang mga eksena sa ospital; ang pag-amin ng doktor, ang pagmumura sa akin ng nurse. Pero inalis ko na sa puso ang poot. Sila na ngayon ang may bagahe sa dibdib dahil sa kasalanang nagawa nila.
Madalas kong ipayo sa aking mga nakakakilala na kung buhay pa ang kanilang mga magulang ay ibigay na nila ang lahat na magpapaligaya sa mga ito. Para kung sakali mang dumating na ang panahon ng paghihiwa-hiwalay rito sa lupa, nagawa nila ang kanilang tungkulin sa kanilang mga magulang.
Maliit na babae lang ang aking ina. Masayahin. May magandang disposisyon sa buhay. Laging sinasabi sa akin ng aking ama na kung hindi ang aking ina ang naging katuwang niya sa buhay, hindi siya magiging masaya sa kanyang pagiging padre de pamilya. Iyon din naman ang sabi ng aking ina, masuwerte siya sa aking ama na bukod sa tall, dark and handsome ay napakaresponsable pa.
Ngayong araw na ito ay gagawin ko muli ang mga bagay na lagi kong ginagawa kapag sasapit ang ganitong petsa. Hahalungkatin ko mula sa alaala ang masasayang sandaling kasama ko ang pinakamahalagang babae sa buhay ko—ang aking ina—mula sa pag-uugoy niya sa akin ng duyan hanggang sa kanyang paglisan. Ang mga liham niya sa akin. Ang mga iniwang payo na pilit kong sinusunod kahit wala na siya.
“Sana’y di magmaliw ang tangi kong yaman
Nang munti pang bata sa piling ni Nanay...
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko ay pag-ibig..."
Salamat, Inay... at kumustang muli sa inyo ni Tatay.

No comments: