TEENAGER pa ako at nasa college na nang
mapanood ko ang isang binatang kapitbahay namin na malupit na hinihimay sa
kanyang gitara ang “The One You Love” ni Glenn Frey. Kausuhan noon ng nasabing
kanta. Nagkainteres akong mag-aral maggitara dahil doon.
Maramot ang binata. Ayaw akong
turuan, at ni ayaw akong pahawakin ng kanyang gitara.
Nanalo ako sa isang campus writing
contest. High school pa lang ay nananalo na ako sa writing contest bukod sa
track and field na siyang sport ko noon (Run, Forrest, run!). May nililigawan
palang teacher ang maramot na binata—na guro ko naman noong elementary. Nang malaman
niyang nakakasulat ako, igawa ko raw siya ng love letter.
“Turuan mo akong maggitara,” sabi
ko sa kanya. “Igagawa kita ng love letter kay Ma’am.”
“Hindi lang kita tuturuan. Ibibigay
ko pa sa iyo ang isa kong gitara pag napaoo natin siya,” sagot naman niya.
Deal.
At nagpalitan ng love letters ang
dalawa—na kahit magkapitbahay ay idinadaan pa sa post office. Mula sa
pagsasabing may gusto si binatang gitarista kay Ma’am hanggang maging sila na
nga—na umabot yata ng 10 palitan ng love letters—ay alam ko ang mga nangyayari
sa kanilang romansa. Kaya nang ipabasa ni binatang gitarista sa akin ang sagot
ni Ma’am na “Oo na nga, tayong dalawa na...” ay dala na rin niya ang isa niyang
“luma na” (termino sa Lumanog guitar na pinagsawaan na) at issue ng Jingle
Magazine kung saan nasa cover si Glenn Frey, at may kantang The One You Love
with chords sa loob. Ang saya-saya ni Karlo Cesar!
Nagkatuluyan ang dalawa. Nang ikasal
sila ay special guest nila ako noong gabi bago sila nagpunta sa hotel kung saan
sila magha-honeymoon. Sabi ni Ma’am sa akin, nagulat daw siya na dati pala niyang
estudyante noong elementary ang “nagpasagot” sa kanya. Siyempre, hindi na ako
sumama sa kanilang honeymoon. Later on ay nag-migrate na sila sa Amerika.
Ang malungkot na bahagi, hindi ako
natutong maggitara. Nakabisado ko lahat nang chords sa chart, pero wala ako sa
tiyempo. Hindi ko rin makanta ang The One You Love dahil wala ako sa tono.
May naging kaibigan akong faith
healer bago ako lumuwas ng Maynila. Ibinigay ko sa kanya ang gitara para turuan
naman niya akong manghuli ng multo.
May koneksyon pa rin ang love
letter, gitara at multo sa naging buhay ko.
Love letter—dahil naging editor ako
ng Extra Komiks ng Atlas na karamihan ay love story ang laman. Isa ako sa
iilang lalaking naging romance writer in Filipino. Up to now, editor ako ng mga
kuwento tungkol sa love.
Gitara—sa kabila ng kawalan ko ng
talent sa music ay ilang songhits magazines na concept ko ang sumikat at nagpayaman
sa publishers ng Risingstar.
Ghost hunting—naging editor ako ng
komiks na True Ghost Stories ng Atlas; ng Nginiig! at Sindak! ng ABS-CBN; at
Ghost Mini Pocketbook (na, again, ay isa sa nagpayaman sa publishers ng
Risingstar).
Goodbye, Glenn Frey. Hindi tayo
magkakilala, pero isa ako sa mga nagmahal sa musika mo.
No comments:
Post a Comment