Tuesday, March 17, 2009

piggy bank, yellow pad and netbook

Photobucket

KAPAG may mahigpit tayong pangangailangan saka natin naiisip kung bakit may mga pagkakataon na nagiging bulagsak tayo sa pera. Sabagay ay hindi naiiwasan ang ganoong attitude na kapag may hawak tayong pera ay nawawala tayo sa sarili kung ano ba ang dapat gawin dito o ano ang mas priority na bilhin. Usually kapag nakahawak tayo ng pera na medyo malaki, ang una nating naiisip na paglaanan ay ang mga bagay na ibinabandera ng mga commercials. Guilty ako sa ganitong aspeto at biktima ng mapanghalinang mga patalastas.
Kagaya noong December na on impulse ay bumili ako ng set ng RJ guitar and amplifier samantalang marami naman akong gitara sa bahay and I’m not a good guitar player. Bihira rin naman akong tumugtog. Natuwa lang ako sa porma at sa size. Matapos kong mabili, nakatambak lang sa bahay at ni hindi ko pa naise-setup man lang. Na-realize ko lang ang pagkakamali ko nang magdatingan ang bills at muntik na akong kinapos dahil sa hindi naman importanteng bagay na aking nabili.
Last week ay nagsabi sa akin si Inez na medyo kailangan na niya ng laptop dahil dumarami na ang kanilang research works at magsisimula na rin siya ng thesis at practicum. Unlike me ay hindi siya impulsive buyer. Nang magsimula siyang mag-college ay nalaman niyang kailangan niyang magtipid sa maraming bagay, hindi nga lang sa pagkain dahil importanteng malusog ang katawan. Ang gamit niyang cellphone ay noong nasa high school pa siya.
Sabi ko sa kanya ay puwede naman niyang gamitin ang laptop ko na halos hindi ko nabubuksan. Nagdadalawang-isip siguro siya dahil medyo malapad at may kabigatan kumpara sa naglalabasang netbooks ngayon. Nagkibit-balikat lang siya, based on her reaction, parang sinasabi niyang, “Sige, kung wala puwede na ‘yan.”
She’s doing well in school at matagal ko na ring plano na bigyan siya ng reward. Nagkataon naman na kung kailan siya nagsabi ay malakas ang aming gastos at malapit na uli ang kanilang enrolment. Hindi ko pa nakukumpleto ang pambayad niya para sa susunod na semester.
Saka ko naman naalala ang aking ‘piggy bank.’
Hindi naman talagang piggy bank. Para itong transparent na water jug na regalo sa akin ng aking mother-in-law three years ago. Nakatuwaan ko itong lagyan ng mga barya (P20, P50, P100) kapag may natitira sa bulsa ko, at P200 kapag payday mula nang matanggap ko. Kahit may mga pagkakataon na gipit kami ay pinaglalabanan ko ang tukso na buksan ito. Matapos naming mag-usap ni Inez ay sinilip ko ang ‘piggy bank’. Mukhang marami na talagang laman. Good thing na hindi ko naisipang magbukas ng account sa alinmang bangko ni Celso Delos Angeles at nagkasya na lang ako sa good old fashioned way of saving money, kung nagkataon nakasama pa ako sa nagoyo ng criminal genius. Binilang ko ang laman at mukhang mapapasaya ko ang aking dalagita.
Nag-Google ako ng mga available netbooks sa mga computer store. May ilang modelo na below P10,000 ang presyo at kung basic computing and Internet lang naman ay puwede na. Maliliit nga lang ang screen na 7 inches. Nang ipakita ko kay Inez ang mga unit ay mukhang hindi siya kumbinsido dahil maliit ang screen at hindi ganoon kalaki ang storage. Nang mag-search pa kami, ang Lenovo Ideapad ang nag-swak sa kanyang panlasa lalo pa at medyo maganda na ang size ng screen nito na 10.2 inches. Kung sakali, gusto raw niya ang kulay red.
Ang plano ko sana talaga ay mabilhan siya ng MacBook pero malabong makaipon agad ako sa panahong ito. Ang secondhand naman ay mataas din ang presyo, at dahil wala nang warranty, napakadelikado kapag nagkatrobol lalo pa at mahal ang spare parts ng Mac gaya ng naging karanasan ni Reno Maniquis.
Last Sunday ay nakuha ni Inez ang kanyang netbook. Nang magbayad ako ay dala-dala ko ang aking mga naipon at nagulat ang cashier sa sobrang daming barya na dala ko. Tumama ‘kako ako sa huweteng. At dahil cash ang payment, sangkatutak din ang nakulimbat kong freebies.
Habang tinu-tune up ni Inez ang netbook sa bahay ay ikinuwento ko sa kanya kung gaano kahirap ang buhay-estudyante noong araw. Maghihintay ka sa library kung kailan mo mahihiram ang libro na hindi puwedeng iuwi sa bahay. Kung walang pampa-xerox, madalian mong babasahin at isusulat sa yellow pad ang mahahalagang detalye at saka mo na lang ire-rewrite nang maayos pag-uwi sa bahay at pagsasamahin kung ano ang natanim sa isip habang nagbabasa at ang naitala sa yellow pad. Kapag naiwala mo pa ang pinagsulatang yellow pad, katumbas iyon ng file ngayon na aksidenteng na-trash, na-corrupt o kaya’y na-virus.
Ngayon, sa pamamagitan ng Internet ay walang limit ang pagkukunan ng impormasyon. Basta may WiFi, anytime ay puwedeng magbukas ng laptop at mahahanap ang mga kailangang tapusing assignment.
But that’s life. Kanya-kanyang panahon, kanya-kanyang sistema at sitwasyon.
Enjoy naman siya sa kanyang netbook at mukhang lalong na-inspire sa pag-aaral. Ako naman ay balik sa pag-iipon ng barya sa aking piggy bank na muntik nang mag-close account. Siguro ay mas lalakihan ko na ang ihuhulog dito ngayon dahil napatunayan kong malaki pala ang maitutulong lalo na sa mga pagkakataong kailangang-kailangan ang cash.

Thursday, March 12, 2009

of good name and great riches...

Photobucket

ISANG bagong kaopisina ko sa ABS-CBN Publishing at mula sa ibang department ang naging curious sa pangalan ko. Ano raw ang ibig sabihin ng KC? Mula nang gamitin ko ang nickname na ito ay makalibong beses na akong tinanong nang ganito.

Sa Atlas Publishing na lang ako naging KC. Nahabaan kasi ako sa Karlo Cesar kung bubuuin ko pa ang mga first names ko sa byline. Noong una ay may period pa ito sa bawat initials (K.C. Cordero) hanggang sa nakatamaran na siguro ng mga illustrator na lagyan ng period at naging KC na nga lang.
Sabi ng kaopisinang nabanggit ko na sa itaas, pag ipinanganak daw noong ‘60s at dalawa ang first name ay tiyak na galing sa mayamang angkan. Well, mayaman ang angkan ng tatay ko pero kami mismo ay hindi.

Ayon sa aking ama, ang aking lola ang nagbigay ng aking pangalan. No wonder na noong bata pa ako at buhay pa ang aking lola ay ako ang kanyang paboritong apo. At kung paano naisip ng lola ko ang aking pangalan ay isang interesting na kuwento.

Noong araw na barilin si Dr. Jose Rizal sa Bagumbayan ay isa ang aking lola sa mga sinundo ng mga sundalong Kastila para saksihan ang gagawing pagpaslang sa ating dakilang bayani. Mula sa Batangas ay ilang araw na naglakad ang aking lola kasama ang ilan pang ‘ilustrado’ mula sa lalawigan. Teener pa lang siya noon; about the age of the so-called dainty daisy.

Isa sa mga sundalong Kastila diumano ang nagkaroon ng crush sa aking lola. (Haba ng hair ni Lola!). Binigyan ng nasabing soldado ng espesyal na atensyon ang aking lola mula pagsundo hanggang sa paghahatid sa kanila pabalik sa Batangas.

Hindi doon natapos ang infatuation ng nasabing foot soldier sa aking lola at madalas na itong dumalaw sa kanya para manligaw. Ngunit ang panganay na kapatid ng aking lola ay isang barakong ‘cacique’ noong mga panahong iyon, at ang lugar na kanyang pinamamahalaan bilang lider ay isa sa malakas magpasok ng rentas internas sa kaban ng mga Kastila kaya nagawan nito ng paraan na maipalipat ng destino ang nasabing sundalo. Hindi naman yumabong ang pag-iibigan ng aking lola at ng sundalo ngunit nagkaroon siguro siya ng fondness rito kaya makalipas ang ilang dekada, ang pangalan ng nasabing sundalo ay siyang ipinangalan niya sa pinakahuli at paborito niyang apo.

Marami akong naging nicknames o bansag mula sa mga kababaryo ko at kaklase pero walang tumawag sa akin ng KC—at sa Atlas na nga lang nangyari iyon. At the height of my ‘freak popularity’ as a comics and paperback writer/editor, madalas akong mapagkamalang babae ng mga readers. Nakatatanggap ako noon ng fan mails mula sa mga lalaki at nagtatanong kung ‘dalaga’ pa ako. Nakatanggap din ako ng ilang marriage proposals, mula pa rin sa mga lalaki. Isang fan ko ang nag-ilusyon na kamukha ko raw siguro si Lucy Torres!

Madalas din akong mapagkamalang bakla. Sa mga gatherings ng mga writer ay naiipakilala ako na ang 70s-80s entertainment writer na si KC Guerrero. Ang mga ganitong insidente ang dahilan kung bakit may mga pagkakataon na binubuo ko ang mga pangalan ko sa byline para malaman ng readers na lalaki po ako. Nang sumikat si KC Montero ay nabawasan ang aking agony. May kapangalan na ako na lalaki rin.

Hindi ko alam kung bakit pero may mga kaopisina ako na ‘Karlo Cesar’ ang ipinangalan sa kanilang mga anak. Ano na kaya ang nangyari sa mga batang iyon ngayon?

Maging ang mga kapatid ko ay isinunod din sa pangalan ko ang ilan sa kanilang mga anak. Kaya sa baryo namin ay ilan-ilan ang pamangkin ko na ‘Karlo Cesar’; all of them bums and forgettable namesakes. The bastards can’t even tell the difference between a subject and a predicate. Worst, they can’t play good basketball.

Minsang nagbibiruan kami ng misis ko habang kumakain ay napag-usapan namin ang mga pangalan. Sabi ko sa kanya, ano kaya kung magpalit ako ng pangalan? Tanong niya, ano raw ang ipapalit ko?
She’s a big fan of Spider-man kaya sabi ko sa kanya, siguro ay Peter Parker. Hindi ba’t napaka-cool kung itatanong kung sino ang mister niya at ang isasagot niya ay walang iba kundi si Peter Parker Cordero?

Hindi niya natapos ang pagkain sa katatawa. At ang kanyang naging disposisyon, bahala raw ako pero hinding-hindi siya magpapalit ng pangalan para maging Mrs. Maryjane ‘Peter Parker’ Cordero!

At naisip ko rin naman, with such a big name comes great responsibilities. Aba, nakaka-pressure naman yata ‘yon! Kaya stick na lang ako sa pangalan ko ngayon.

Second year high school ako nang pumanaw ang mahal kong lola. Iyon ang panahon na masyado akong engrossed sa biology at bawat bagay na makita ko; tao, hayop o halaman, ay iniisip ko kung saang kingdom kasama, anong phylum, anong class, scientific name, etc. etc. Kung sa panahong ito nangyari ang kanyang pagpanaw, my criminal mind fully developed, tiyak na bago niya hinigit ang kanyang huling hibla ng hininga ay nakapagpamirma ako sa kanya ng dokumento na nagsasaad na isinasalin niya sa akin ang ilang puwesto niya sa palengke ng Batangas Public Market.

Honestly, naiisip ko ito kung minsan, and I guess that could have scared the hell of my relatives na siyang nakamana ng kanyang mga naiwang yaman. Ano ba naman ‘yung masingil ko si Lola sa pagbibigay sa akin ng isang pangalan na nagpapaalala sa kanya ng isang binatang marahil ay hinangaan din naman ng kanyang puso?

Ngunit sa mas madalas na pagkakataon ang takbo ng aking isip ay nasa liwanag. Naiisip ko, siguro nga ay nakatakdang punanaw si Lola na wala pa akong alam sa buhay para ang pamanang maiiwan niya sa akin ay wala sa porma ng pera o yaman kundi sa pagkakaroon ng maliit na pangalan pero minamahal at nirerespeto ng sinuman. Sabi nga sa Proverbs: 22: 1, “A good name is rather to be chosen than great riches…”

Minsang namimitas kami ng aking ama ng mga hinog na kape ay naitanong ko sa kanya na kung wala bang ibinigay na pangalan ang aking lola sa akin, may naisip ba siya na dapat kong naging pangalan? Matagal siyang nagbalik-tanaw sa diwa bago sumagot na wala raw. Hindi na raw siya nakapag-isip dahil naroon ang lola ko nang sumulpot ako sa sangmaliwanag—at pagkakita na mayroon akong LAWIT—oramismong nagdeklara kung ano ang aking magiging pangalan.

Hula ko lang… kung hindi ako pinangalanan ng aking lola ay malamang na naging junior ako dahil walang kapangalan ang aking ama sa mga kapatid kong lalaki. Kung nagkataon, makikilala sana ninyo ako hindi bilang Karlo Cesar A. Cordero kundi Luis A. Cordero II. Aba, may dating! Parang ang guwapo! Hindi na mukhang Lucy Torres kundi Richard Gomez.

At kung Luis nga ang naging pangalan ko, alam ko na kung ano ang aking magiging nickname at kung paano ninyo ako ige-greet kapag nagkikita-kita tayo.

Sige nga, sabay-sabay: “I love you, LUCKY… Cordero!”

Tuesday, March 10, 2009

the buzz magasin april 2009 issue

Photobucket

NGAYON ko lang na-realize na kahit pala associate editor ako ng The Buzz Magasin ay hindi na ako nakapagsusulat ng anumang articles dito, and I’m just doing what I am suppose to do—ang mag-edit ng mga submitted articles ng aming mga contributors, and from time to time ay magbigay ng opinion kung ano ang mga pagbabagong dapat gawin.
Sa mga unang isyu ng The Buzz Magasin noong umpisahan ito year 2003 ay laging marami akong sinusulat na articles, usually mga banner stories pa. Kumpara sa pagsusulat sa komiks, paperbacks, literary magazines and newspapers, I found out that writing showbiz articles was also some sort of a leap of faith. Napapasok mo ang teritoryo ng mga celebrities, nalalaman mo ang kanilang pagiging mortal sa kabila ng kasikatan. Bagong karanasan iyon sa akin noon, and it was amusingly fun. Iyon din ang panahon na ang The Buzz Magasin ay naglalaro ang circulation sa 100,000 copies per issue.
Pero kung nagtatrabaho kayo sa publication (o siguro kahit naman saang kumpanya), ang sitwasyon ay hindi laging bed of roses. At one point I decided that I should put my showbiz writings on hold and simply concentrate on editing chores.
Sa isyu ngayon, April 2009, na lalabas middle of this month ay nagsulat muli ako ng dalawang articles; a three-page tribute to the Pinoy king of rap Francis Magalona who passes away a couple of days ago, and a report on the much heralded reunion concert of the Eraserheads. Sana nabigyang-katarungan ko ang mga nasabing articles. Well, Tintin, our managing editor was so touched by my Francis M article that she lifted my last paragraph there and posted on her online journal.
On Saturday and Sunday (March 14-15), the whole staff of The Buzz Magasin will have a teambuilding and workshop to be held somewhere in San Pablo City. Medyo malapit siguro kina Ka Gerry Alanguilan, pero hindi namin siya aabalahin at baka makagat kami nina Boney at Milky—his now two famous dogs. If we wanna see the famous komikero in flesh, maybe the staff should attend in one of his komikero meetings.
Anyway, the teambuilding and the workshop are the much needed tools in our plans to reformat our magazine starting next issue para lalong mag-enjoy ang mga kapamilya at mga kapuso. Habang umaasa ako na makapagsulat muli ng maraming showbiz articles, target naman ng team na madoble o matriple ang aming circulation—na sa tingin ko ay hindi naman masyadong mataas na goal.

Saturday, March 7, 2009

FrancisM

Photobucket

NAGTATANGHALIAN kami kahapon sa The Loop ng ELJ Building, ABS-CBN nang kumalat ang usap-usapan na sumakabilang-buhay na si Francis Magalona. Nang makita kong ipina-flash sa TV screen ang balita, totoo na pala talaga. Isa ako sa milyun-milyong Pilipinong nakaramdam ng kalungkutan sa naganap.
Fan ako ni Kiko hindi siguro dahil sa kanyang musika kundi sa kanyang pagiging role model. Sa kabila ng kanyang pagiging abala sa trabaho ay maayos niyang naitataguyod ang kanyang pamilya. Isa rin siya sa mga artist na laging nagtataas ng antas ng pagiging Pilipino sa paningin ng mundo, at ang mensahe ng kanyang awitin ay nananawagan ng patriotismo.
Sa larangan ng musika, kasama siya sa mga nirerespeto ng mga musikerong mula sa iba’t ibang genre. Pinaangat niya sa mainstream ang Pinoy rap, at siya lang ang matagumpay na nakapag-merge ng rap at Pinoy rock.
Tapos na sana kami ng deadline ng April 2009 issue ng The Buzz Magasin noong Friday na pumanaw siya pero nag-request ako sa mga kasamahan ko kung puwede pang mag-extend ng araw para maihabol ang ilang pahinang tribute para kay Kiko, at pumayag naman sila. Kailangang kilalanin at dakilain ang mga nagawa at naiambag ng isang tunay na artist sa larangan ng musika at pelikula.
(NOTE: Above image lifted from Francis M’s online T-shirt store)

Sunday, March 1, 2009

'In His Steps' illustrated by Fred Carrillo

Photobucket
Photobucket
Photobucket

HINDI ko na inabutan na aktibo pa sa local comics si G. Fred Carrillo, but if my memory serves me right, noong bata pa ako ay drowing niya ang isang nobela sa Liwayway na bahagyang nasubaybayan ko na tungkol sa isang aso, named Rex, na nag-alaga ng batang lalaki na nakaligtas sa plane crash. Posibleng mali ako pero ang hagod at pigura ng mga karakter sa nobelang iyon ay hawig dito sa religious comics na siya ang nagdrowing.
Sa Booksale ko nadampot ang komiks na ito na may pamagat na ‘In His Steps’ at sinulat ni Charles Sheldon. Google yielded a lot of results about this comics and of Charles Sheldon when I searched about it at kung may makukuha akong images dahil tinatamad sana akong mag-scan. Naka-credit din ito kay Mang Fred. Maraming edition ang novel na ito at iba’t ibang artist ang nagdibuho.
Copyrighted ang edition na ito noong 1994 and it is safe to conclude na ginawa ni Mang Fred ang illustrations nito earlier than the said date. Sa editorial box ay malaki ang pangalan niya as the penciller, at siya rin ang nag-ink ng pages 1-23 at pages 81-92. Maganda ang quality ng papel na ginamit, perfect binding at makapal din ang cover.
May nakita akong image nito sa isang online store na nagbebenta ng mga gawa ni Mang Fred pero masyadong maliit kaya napilitan akong mag-scan ng cover at ilang pahina.
Dahil religious novel ay walang masyadong action scenes na nakapagpakita sana ng dynamics ng artworks ni Mang Fred, pero maoobserbahan ang ganda ng kanyang hagod at klasikong style.

Saturday, February 28, 2009

links...

Photobucket

PASENSYA na at lately ko na lang naasikaso ang maglagay ng links dito. Marami na ang nag-add sa akin sa kanilang blog list kaya bilang courtesy ay idinagdag ko rin sila sa akin. Thank you sa inyo. Kung meron pa akong hindi nabibisitang blogs na naka-add pala ako sa inyong links/friends just let me know para mailagay ko rin kayo.

Saturday, February 7, 2009

wala na si egay...

Photobucket

“WALA na si Egay…”
Bumibili ako sa isang tindahan sa aming barangay nang marinig ko ang balitang ito. Wala na si Egay. Sa bahagyang sandali, parang may tumakas na kung ano sa katawan ko. Nakita ko pa lang siya noong isang araw, at biniro ko pa.

Si Egay ang errand guy sa aming barangay. Walang pamilya. Hindi nakapag-aral. Sa barangay hall na rin siya nakatira at umaakto bilang barangay tanod. Nabubuhay siya sa pamamagitan ng pagsunod sa utos o ipinagagawa ng mga taga-barangay—na may kaukulang bayad naman.

Tahimik siya at walang kibo. Kung may gusto man siyang sabihin, hindi niya halos maisatinig lalo na kung hihingi siya ng dagdag na bayad sa ipinag-utos sa kanya. Wala siyang pinipiling trabaho; tagalinis ng baradong poso negro o kanal, tagapintura, tagabuhat, tagahabol sa nakawalang aso, etc. etc. Typical jack of all trades.

Una akong nagkaroon ng interaksyon kay Egay nang ipalinis ko ang lugar na kinatatayuan ng aming bahay ngayon. May dating lumang bahay na yari sa kahoy na guho na nakatayo sa aming kinalulugaran ngayon. Naghahanap ako ng mapapapaglinis nang may makapagturo sa akin sa kanya. Napansin ko agad ang mga katangian niya na binanggit ko sa itaas. Ipinakita ko rin sa kanya ang lugar na kanyang lilinisin at tinanong ko kung magkano niya ako sisingilin. Ngumiti lang siya, kumamot sa ulo, at makalipas ang mahabang sandali ay sinabing P150 raw isang araw. Pumayag naman ako at sabi ko sa kanya, kung kailangan niyang magpahinga o kung tinatamad siya, kahit paunti-unti lang ang trabaho. Alam ko namang mahirap magbaklas ng lumang bahay at siya pa rin ang magtatapon ng mga basura.

Makalipas ang mahigit dalawang linggo ay natapos niya ang pagbabaklas. Humanga ako kung paano niya nagawa. Kahit kapirasong kahoy, walang natira. Nang bayaran ko na siya, matagal siyang tumitig sa pera. Nang itanong ko kung may problema, pagkatapos muli ng mahabang sandali, kumamot siya sa ulo, nahihiyang ngumiti at nagsabing pahingi naman daw ng dagdag na two hundred pesos. Dahil nasiyahan ako sa trabaho niya, nagdagdag ako ng P500.

Iyon ang simula nang madalas kong pakikiusap sa kanya kapag may kailangan akong ipaayos sa bahay o ipabuhat.

Siya rin ang punong abala sa Christmas Party ng mga taga-komiks na ginanap sa amin last December 20; nag-ayos ng tolda, naghakot ng mga mesa at silya, at naglinis ng barangay comfort room. Maghapon siyang nagbubuhos ng tubig sa comfort room basta’t may komikerong napa-jingle. Kaya naman labis akong nagpasalamat sa kanya nang singilin na niya sa kanyang serbisyo nang matapos ang kasayahan.

At ngayon ay wala na si Egay…

Biktima siya ng karahasan.

Ayon sa kuwento, naglalakad isang gabi si Egay nang may bumato sa kanya. Nakilala niya kung sino ang nambato kaya nagpunta siya sa barangay hall para humingi ng saklolo at kastiguhin ang nanakit sa kanya. Kasama ang ilang tanod, pinuntahan nila ang bahay ng salbaheng nambato sa kanya.

Sa kasamaang palad, mukhang pinaghandaan ng pamilya ng nambato sa kanya ang gagawin niyang paninita. Ang pamilya nang nambato sa kanya ay sinasabing sadyang lahi ng mga gangster at nagtatag ng isang fraternity. Kumakatok daw si Egay sa gate nang marahas na bumukas ang gate at lumabas ang napakaraming kamag-anak nang nambato sa kanya. Sa gulat ng ibang barangay tagay, este, barangay tanod, nagtakbuhan ang mga ito. Tumakbo rin si Egay ngunit nadapa. Dito na siya kinuyog ng mga kriminal.

Ayon pa sa kuwentong narinig ko, habang ginugulpi si Egay ay may sumigaw nang, “Patayin na ‘yan!” At palibhasa’y utak-kriminal at marami sila, may nakadampot ng bato at inihampas sa ulo ni Egay.

Napailing ako sa bahaging ito ng salaysay ng aking nakausap.

Ang masaklap, menor-de-edad pa pala ang humampas ng bato sa kanyang ulo. Isang kabataan na sa halip na nagbabasa ng aklat o nagsasaya sa buhay na puno ng sigla, ang nasa utak ay karahasan at pagpatay.

At kung sino man ang nakatatanda na nagbigay ng utos na patayin na si Egay, halimbawa siya ng isang demonyong nabuhay sa lupa.

Ilang araw palang na-comatose si Egay. May mga mabubuting kababayan natin ang nagdonasyon para madugtungan ang kanyang buhay ngunit sadya sigurong maikli lang ang nakalaan para sa kanya sa mundong ito. Noong isang araw, matapos siyang basbasan ng pari sa abiso na rin ng doktor, hinigit na niya ang huling hibla ng kanyang hininga.

Muli, sa nangyari sa kanya ay maitatanong natin: Bakit ang mga gaya pa niya na may halaga at may silbi sa pamayanan at sa mga tao ang naging biktima ng kahayupan ng mga taong nabubuhay sa dilim?

Noong isang araw ay nakita kong may itinatayong tent sa harap ng aming barangay hall. Naunawaan ko ang mensahe: Simula na ng burol kay Egay. Matagal akong napatitig sa mga kalalakihang nagtatayo ng tent. Ang nakikita ko ay si Egay pag may okasyon sa aming barangay na masiglang nag-aasikaso at tumutulong. Naramdaman kong may bumara sa aking lalamunan at namasa ang aking mga mata. May mga kabarangay ako na nanonood sa nagaganap at lahat sila, kung babasahin ang expression sa mga mukha, ay tulad din ng sa akin ang nadarama.

Hindi ko alam kung may mga kamag-anak si Egay na maghahain ng demanda para makamit ang katarungan. Hindi ko rin alam kung ano ang nakasaad sa barangay code kung paano makapaghahabol ng katarungan ang isang gaya niyang tanod na napatay sa pagtupad sa tungkulin. Alam kong hindi palalampasin ng aming barangay chairman ang sinapit ni Egay.

Nauuso ang mga gang war ngayon. Ang pagbuo ng grupo ng mga walang kuwentang tao na ang tanging layunin ay maghasik ng karahasan na nagreresulta sa pag-utang sa buhay ng mga inosenteng tao na gaya ni Egay. Mas nakakakilabot ito kaysa sa mga nababasa nating horror stories.

Para kay Egay, maligayang paglalakbay pabalik sa sinapupunan ng ating Maykapal. Pagpasensyahan mo na kaming mga natulungan mo noon na walang nagawa para ikaw naman ang tulungan sa oras na kinailangan mo kami…