Tuesday, September 25, 2012

nakakatuwa...

Photobucket

NAKATUWAAN ko lang pitikan ng camera ng cellphone ang mga batang ito habang trapik sa isang kalye sa Makati City. Kahit sa bangketa ay nagrerepaso ng kanilang mga aralin. Sana lang ay hindi abalahin ng mga magulang at utusan ng kung anu-anong mga gawaing bahay. Sa aking palagay, kapag ang mga bata ay nasa moment ng pagbubuklat ng kanilang mga kuwaderno at libro, hayaan lang.
Sana makatapos ang mga batang ito ng pag-aaral at makakita ng mas magandang tirahan sa hinaharap.

Thursday, August 9, 2012

here comes the sun...

Photobucket

NAIKUWENTO ko last time na napasama ako sa gimik noong July 27. Araw iyon ng Biyernes, pero Huwebes pa lang ay maulan na rito sa Manila—at walang bagyo ayon sa Pagasa.
Araw ng Sabado ay wala ring tigil ang ulan, and usually ay TV day ko iyon kaya okey lang ang ulan. Maraming palabas sa TV ang sinusubaybayan ko pag weekend. Sunday ay nagyaya ang mga relatives ni Misis na manood ng Batman; sumama naman kami pero hindi kami nanood kundi naglakad-lakad lang sa mall para makapag-unat-unat ng buto. Pauwi kami bandang hapon ay malalim na ang baha sa mga kalsadang aming dinaanan.
At simula sa panahong iyon ay hindi pa sumisilip man lang ang araw. Tuloy ang habagat at malakas na ang usap-usapan na simula na raw ng siyam-siyam na araw ng pag-ulan. Medyo kinabahan na ako. Malalakas na ang nagiging pag-ulan, at dahil bahain na nga ang Maynila, kinukutuban ako na may mangyayaring hindi maganda.
Noong a-sais ng Agosto ay nakapasok pa ako sa opisina pero basambasa na ang paligid at may baha na sa bawat nadaraanan ko—wala pa ring tigil ang ulan. Martes ay hindi na ako nagbakasakali lalo pa’t tumataas na ang level ng tubig sa Marikina River at nasa kritikal na level naman ang mga dam. Kinagabihan ay grabe ang buhos ng ulan, para bagang nabutas na ang langit. Miyerkules ay nag-anunsyo na ang ilang pribadong kumpanya na huwag na munang pumasok ang mga empleyado dahil nagbukas na ng gate ang mga dam, at lumampas na sa kritikal ang Marikina River.
Wala pa kaming baha bandang umaga. Tumawag pa sa akin si Tatay Ani, publisher ng The Batangas Post, ng long distance at nakibalita dahil napanood daw niya sa TV na sa Nagtahan ay lampas-tao na ang baha at malapit lang kami roon. Safe pa naman ‘kako, at maraming salamat sa pag-aalala. Pero bandang alas tres ng hapon ay rumagasa ang baha, napakabilis at pinasok agad ang aming bahay.
May itaas ang bahay namin kaya nakilipat ang mga kamag-anak ni Misis. Siksikan kami dahil medyo maliit ang space. Pero sa panahon ng kalamidad, ang importante ay safe. Nagsalu-salo kami sa kung anong pagkain ang meron. Risky nang lumabas dahil malakas ang agos ng baha.
Nabawasan naman ang buhos ng ulan noong Huwebes. Bandang tanghali ay sumikat ang araw nang matindi—matapos ang halos dalawang linggo! Nakikinig ako sa radyo dahil walang kuryente, at nagsasaya raw ang buong Maynila sa muling pagsikat ng araw. Here comes the sun, sabi pa ng announcer.
Nang sumilip ako sa bintana at makita ang sikat ng araw ay halos mapaluha ako. Ang sinag niyon at init na pumawi sa ginaw na nararamdaman ko ay mensahe ng Panginoon. Pinagpapala tayo sa gitna ng kalamidad. Mensahe rin iyon na posibleng tapos na ang habagat.
Dumarating ang kalamidad para subukin kung hanggang saan ang ating pananampalataya. Nakakatuwa na sa kabila ng tila kawalan na ng values ng maraming Pilipino, hindi naman tayo bumibitaw sa pananalig sa Maykapal.
Ang sikat ng araw matapos ang mahabang panahon ng ulan ay isang munting milagro. Laging may liwanag gaano man katagal namayani ang karimlan.
Habang sinusulat ko ang blog na ito ay maaraw na muli sa Kamaynilaan at maliwanag na maliwanag ang aming bintana. Ang bangungot ng habagat at baha ay napawi na. Sabi nga ng Beatles:
“Here comes the sun
Here comes the sun,
And I say it’s all right...”


(Larawan mula kay: jeromedowney_ca)



Sunday, July 29, 2012

TGIF

Photobucket
Photobucket
Photobucket


BAGAMAN at madalas akong ginagabi sa labas ay wala akong nightlife. Ang night life ay ‘yung nagpupunta ka sa mga kainan at inuman—na sa lingo ng mga bagets ngayon ay gimik.
Noong Biyernes (Hulyo 27) ay naimbitahan ako ng isang grupo ng mga kakilala na mixed ng mga bagets at forgets. May kaunting salu-salo dahil may nagdaos ng kaarawan at gustong magpakain. Sa Timog area (Quezon City) ang kitakits, and since nagtatapos ako ng deadline ng The Buzz Magasin at naroon din lang ako sa malapit, nagpaunlak ako.
Noong binata pa ako ay medyo may nightlife ako. Madalas akong maisama ng mga lasenggo sa Atlas Publishing Inc. kung saan-saang inuman sa Cubao. Nang magkaasawa ako ay hindi na dahil ang pambayad sa beer/pulutan at pang-tip sa waitress ay kailangang ilaan na sa budget ng pamilya. Well, may mga pagkakataon naman na nakakalabas pa rin, pero ‘ika nga ay once in a blue moon na.
Maulan noong Biyernes pero tuloy ang gimik. Kumain muna kami sa Tramway (along Morato) na eat-all-you can. Ang isang tao ay P300 ang babayaran, pero puwedeng kumain nang sagad hanggang leeg. Hindi ako foodie kaya mga basic lang ang kinain ko. Maraming prutas kaya doon ako medyo nagpasasa. Sa Tramway pa lang ay uminom na ang mga kasama ko, pero dahil hanggang alas diyes lang open ang place, nabitin.
Lumipat kami sa Torio’s Grill na hindi ko na nalaman kung anong street iyon dahil sobrang lakas ng ulan. Siksikan kami sa Patrol. Sa isip-isip ko’y napasubo yata ako dahil baka bumaha ay ang hirap umuwi. Kaya lang, dahil naroon na ay bahala na.
Bukana pa lang ng Torio’s ay nagbabadya na ng kasayahan. Malakas ang music mula sa live band. Laganap ang sanghaya ng mababangong pulutan. Sa loob ay hati ang populasyon ng lalaki at babae. Noong dekada 80 hanggang 90 ay wala halos mga babae sa mga inuman maliban sa mga hostess at waitress. Ngayon ay mas maraming babae ang tumutoma kaysa sa mga lalaki. Salamat sa mga serbesang “light” na paborito nilang inumin.
Wala akong planong uminom nang gabing iyon dahil magka-copyread pa ako kinabukas kaya sabi ko sa mga kasama ko ay hanggang kape na lang ako at magpapababa ng busog. Umorder sila ng bucket at pulutan. Kadarating lang sa mesa namin ng inorder ay nagkaroon agad ng suntukan!
Sa labas ng venue ang rambol. Agad isinara ng security ang gate. Isang kasama ko ang sumilip para makiusyoso. Pagbalik niya, balita niya, “Pare, mga babae at lalaki ‘yung nagsasapakan. Mga lasing na!”
Sa loob-loob ko, iba na talaga ang panahon.
Hindi ako nakiusyoso dahil may phobia ako sa ganitong mga eksena. Minsang nasa bar din ako ay may nag-away rin sa labas at nakisilip ako. Nang magkabatuhan ay isang piraso ng basag na bote ang tumama sa paa ko. Sa bahay ko na nakita na may nakabaon palang bubog sa hita ko at palibhasa’y lasing ako ay di ko naramdaman. Kaya pala malagkit ang sapatos ko, basa na ng dugo.
Anyway, may dumating na mobile at naaresto ang mga nagkakagulo sa labas. Tahimik na nag-inuman ang mga kasama ko. Nagpahinga sandali ang banda para kumain, babalik pa raw sila para sa kanilang final set. Isang lasing na lalaki sa katabi naming mesa ang na-bad trip at nabitin yata sa sound tripping dahil medyo sumasayaw-sayaw siya kani-kanina lang. Pinayapa siya ng mga waitress.
Pero mukhang bitin talaga siya sa music. Kumuha ng kutsara’t tinidor at tinambol niya ang mga bote ng beer at plato ng pulutan. Bukod doon, hinawi pa niya ang mga baso’t bote sa mesa niya. Kalansingan. Napapalingon na sa kanya ang ibang naroroon. Sa isip-isip ko, trobol ito. Marami nang lasing sa paligid, at ang ginagawa ng lalaki ay nag-aanyaya ng suntukan.
“Hindi okey ‘to,” sabi ng isang kasama ko. “Baka magkabatuhan!”
Maagap naman ang isang waitress at tinawag ang sobrang laki ng katawan na bouncer. Nilapitan ng bouncer ang buraot na lalaki at nakangiting kinausap. Pinanood ko kung papalag ang lasing. Kung sakali, dahil pang-MMA ang katawan ng bouncer, makakakita siguro ako ng customer na lilipad palabas ng inumang iyon.
Nagkamayan ang dalawa. Sa higpit ng pagkakakamay ng bouncer ay napangiwi ang lasing na lalaki. Lihim akong natawa. Mensahe iyon na umayos ang lalaki dahil kung hindi ay matindi pa sa pisil na iyon ang aabutin niya. Saglit pa ay nagbayad na ang lalaki at natulog na lang sa mesa. Mainam na nga naman iyon kaysa makatulog siya sa buntal.
Medyo napayapa na ang sitwasyon. Tumugtog uli ang banda. Okey naman, medyo nakakabingi nga lang dahil sobrang lapit namin sa stage. Nag-enjoy ang mga kasama ko sa babaing singer dahil alam nila ang mga kinakanta nito at nakakasabay pa sila (bukod pa sa cute ito at flawless). Ako’y walang alam sa mga kinakanta niya dahil matagal na rin akong hindi updated sa mga usong kanta ngayon—though ‘yung huling kinanta niya ay medyo pamilyar sa tenga ko dahil naririnig ko sa mga stereo ng dyip na sinasakyan ko: Price Tag.
Dahil ‘yung singer lang naman yata ang habol ng mga kasama ko, pagkatapos ng final set ng banda ay nagbayad na kami—este, sila pala! Nag-CR muna ako para kahit matrapik sa pag-uwi ay di ako ma-jingle. Pagbukas ko ng pinto ng CR, tatlong lalaki ang nagkokontes sa pagsuka! Nawala ang nararamdaman kong wiwi. Ang amoy ng nakakaalibadbad na suka ay pumawi sa busog na taglay ko pa. Bad trip, pero ganito talaga sa mga inuman.
Nag-offer ang nag-imbita sa akin na ihahatid ako pero magkaiba naman kami ng way saka masyadong malayo ang kanyang uuwian kaya sabi ko ay huwag na lang, magtataksi na lang ako. Salamat sa blowout, nag-enjoy ‘kako ako. Inabutan pa niya ako ng pantaksi na tinanggihan ko. Na ipinilit niya kaya kinuha ko na rin.
Honestly, nag-enjoy naman talaga ako. Hindi na nga lang ako sanay lalo na pag nag-aamoy trobol. Ayoko na rin ng masyadong malakas na music kahit pa ang kumakanta ay hot chick. Mas gusto kong nasa bahay; nagbabasa, nanonood ng TV, nagkakalikot, tumatakbo sa treadmill, nagpapaligo ng tuta, nakikipaghuntahan kay Misis, natutulog. Tapos na nga siguro ako sa nightlife, sa mga gimik lalo na pag Thank God It’s Friday. Pero okey na rin ang paminsan-minsan ay ganito na nayayaya—lalo na kung libre. 

Thursday, July 12, 2012

'National Nutrition Month'

Photobucket


LUMILIIT na ang bilang ng mga Pilipinong kumakain ng gulay. Ang konsumo ng isang Pinoy noong 1978 mula 145 gramo kada araw ay bumaba sa 110 na lamang kada araw noong 2008.
Ang datos noong 2008 ay mas mababa ng 290 gramo kaysa 400 gramo ng gulay at prutas na karaniwang konsumo kada araw na rekomendado ng World Health Organization.
Ang Cordillera ang pangunahing pinagmumulan ng temperate climate vegetables at may pinakamataas na konsumo ng gulay na 169 gramo kada araw noong 2008. Ang CALABARZON at ang Autonomous Region of Muslim Mindanao ang nagtala ng pinakamababa na 92 gramo kada tao kada araw.
Dahil dito, isinusulong ang pagkain ng gulay tuwing Lunes sa mga paaralan kaugnay na rin ng pagdiriwang ng National Nutrition Month tuwing Hulyo at nakaangkla ngayong taon sa temang "Pagkain ng gulay, ugaliin, araw-araw itong ihain.”
May 10 dahilan sa mababang konsumo ng gulay na matatagpuan sa FNRI sa isang pag-aaral na ipinagawa ng National Nutrition Council 2005 gaya ng impluwensiya ng mga miyembro ng pamilya na hindi kumakain ng gulay, hindi pagkagusto sa gulay dahil sa lasa at pagkayari nito, preperensiya sa karne, mga kulturang paniniwala sa gulay (gaya ng ang pagkain ng kalabasa ay nagdudulot ng ketong), mahal ang mga gulay, pagkatakot sa mga kemikal at pestisides, mas mahabang preparasyon sa pagluluto ng gulay, preperensiya sa mga fast food at instant foods, kakulangan ng supply, kakulangan ng pagkakaunawa sa benepisyong nutrisyunal at pangkalusugan ng mga gulay.
Sa isang ulat ng WHO, ang mga gulay, bilang kasama sa malusog na diyeta ay nakakatulong sa pagharang ng mga pangunahing hindi- nakakahawang sakit at kakulangan sa micro-nutritionist. Halos 1.7 milyon ang namamatay araw-araw sa buong mundo na sanhi ng mababang konsumo prutas at gulay.
Sa buong mundo, ang kakulangan sa pagkain ng prutas at gulay ay tinatayang sanhi ng may 14 porsiyento pagkamatay sa gastro-intestinal cancer, 11 porsiyento kamatayan sa ischemic heart disease at may siyam na porsiyento ang namamatay sa atake sa puso (stroke o heart attack).
Upang maengganyo ang mga bata na kumain ng gulay, ang mga magulang o mga tagapag-alaga ay kailangang pangunahan ang pagkain ng gulay. Kailangang imonitor ang mga magulang ang sarili nilang uri ng pagkain upang ma-develop ng kanilang mga anak at panatilihin ang malusog na uri ng pagkain.

(NOTE: Ang blog entry na ito ay bahagi ng promosyon ng National Nutrition Month campaign. Ang illustration ay kay Phillip V. Cruz (SKP), courtesy of The Batangas Post.)

Thursday, May 3, 2012

no parking

Photobucket Nakabili ng owner-type jeepney si Fidel. Sabihin pa ay sari-saring satsat ang naririnig niya mula sa mga kapitbahay. Inherent naman kasi sa mga kapitbahayan ang kailangang may opinion sa nangyayari sa kanyang kahanggan. Bulok naman daw ang owner ni Fidel. Bumili raw ito ng batong ipupukpok sa ulo. At kahit daw ibigay sa kanila iyon, di nila tatanggapin. Alam naman ni Fidel ang kondisyon ng kanyang nabiling sasakyan pero may mga dahilan siya kung bakit. Unang-una ay iyon lang ang kaya ng kanyang budget. Bukod doon, hindi siya tumitingin sa aesthetic value ng sasakyan. Mas pinagbatayan niya kung okey pa ang makina at under chassis. Dati siyang mekaniko bago naging clerk sa munisipyo kaya may alam siya sa sasakyan. At kayang-kaya na niyang gawin kung anuman ang mga dapat pang ayusin sa nabili niyang owner. Isa pa, sa gaya niya na matandang binata, kailangan niya ng mapaglilibangan. At dahil noon pa niya passion ang magkaroon ng sariling sasakyan, nang makakita siya ng kaya na ng kanyang budget, binili na niya. At araw-araw mula nang mabili niya ang owner, lagi niya itong kinakalikot basta wala siyang pasok sa munisipyo. Inaayos niya ang mga dapat ayusin. Nag-e-enjoy siya sa ginagawa at pakiramdam niya palibahasa ay laging nababatak ang katawan niya, sumisigla siya. Samantala, tuloy ang pagkutya sa kanya ng mga kapitbahay. Lagi na lang daw nakataas ang hood ng kanyang owner. Mas matagal pa raw ang pagkalikot dito ni Fidel kaysa sa pagmamaneho. Nagkikibit-balikat na lang siya. Sasakyan niya ito, anuman ang gusto niyang gawin, walang pakialam ang iba. Hanggang dumating ang problema. Sinita siya ni Daniel, isa nilang kapitbahay. Sa tapat kasi ng bahay nito nakaparada ang kanyang owner. Doon na lang kasi may bakante dahil kung anu-anong kalat ang nasa kalye nila. Di naman puwede sa tapat ng bahay niya dahil sa kabilang bahagi ang parking lane. Ipinaliwanag niya kay Daniel na karapatan naman niyang mag-park sa tapat ng bahay nito kasi kalye naman iyon. Isa pa, dahil taga-munisipyo nga siya ay kumuha siya ng overnight parking permit para nga kahit saan sa lugar nila ay puwede niyang iparada ang sasakyan. Maraming masasakit na sinabi sa kanya si Daniel. Kesyo ang yabang-yabang niya dahil taga-munisipyo. Bumili raw siya ng sasakyan ay wala naman siyang garahe. Di bale raw sana kung hindi mukhang basura ang kanyang sasakyan, kung brand new sana, hindi masakit sa mata. Walang nagawa si Fidel kundi tanggapin muna ang masasakit na salita ni Daniel. Ganoon talaga, siya ang dapat magpasensya dahil siya ang nakikiparada. Saka siguro naman ay sa una lang ito magagalit. Baka may inggit factor pa. Lilipas din siguro pag tumagal-tagal pa. Iyon ang akala niya… Minsan ay nakita niyang basag ang kanyang side mirror. Wala siyang mapagbintangan. Binutas din ang kanyang mga gulong. Ayaw niyang mambintang pero alam niyang si Daniel ang may gawa niyon. Nakikita niya sa mga ngisi nito kapag inaayos niya ang binalasubas na bahagi ng kanyang owner. Gusto niyang mapikon pero nagtimpi siya. Isang araw ng Lunes na may miting sila sa munisipyo at bihis na bihis siya, paglabas niya ng bahay ay napansin niyang nakatingin sa kanya ang mga kapitbahay. Kinutuban siya. Pagdating niya sa kanyang owner, natuklasan niya kung bakit. May dumi ng tao sa hood! Sariwang-sariwa pa. Ang pagkakatumpok ay parang cobra ng snake charmer na handang manuklaw. Ginawang kasilyas ang kanyang sasakyan! Gusto niyang masuka. Gusto rin niyang manuntok ng kahit sino. Sobrang kababuyan na ang ginawa sa owner niya. At parang nahuhulaan na niya kung sino ang may gawa niyon. Nagtaksi na lang muna siya papasok. Pagbalik niya kinahapunan saka na niya nilinis ang owner. Naririnig niya ang tawanan ng mga kapitbahay pero nagbingi-bingihan na siya dahil baka makapatay siya ng tao. Nakipag-usap siya sa kanilang chairman para maki-park sa tapat ng barangay tutal ay wala namang sasakyan ang kanilang barangay. Sinabi rin niya rito ang kanyang nagiging problema sa parking. Pumayag naman ito. Medyo malayo nga lang sa kanya pero at least ay hindi na siya makukunsumi. Pansamantala, nawala ang pambabalasubas sa kanyang sasakyan. At sa wakas ay tumigil na rin ang mga kapitbahay niya sa panlalait sa kanyang owner nang mapaganda niya ito nang todo. Mula sa pagiging bulok, unti-unti ay naging maporma. Nalaman din niya na si Daniel talaga ang sumasabotahe sa kanyang sasakyan, at ito rin ang nagbawas sa ibabaw ng hood ng owner. Hindi naman kasi lahat na kapitbahay niya ay inggit sa kanya, kaya may isang nakapagkuwento sa kanya nang makiusap ito sa kanya na itubos ng sedula. Buti na lang at hupa na ang galit niya kay Daniel, kung hindi ay baka nasampal niya ito. Hanggang mangyari ang insidenteng ito… Isang gabing nanonood siya ng America’s Next Top Model sa cable TV (isa sa mga fetish ni Fidel ang mga female Caucasians na balingkinitan) nang biglang magkaroon ng sigawan sa labas. Napadungaw siya at akala niya ay may saksakan na naman. Pag nagkakalasingan kasi ang mga tambay sa kanila, kadalasan ay nauuwi sa sakitan. Lumabas siya ng bahay at nakiusyuso. Nagkakagulo sa bahay ni Daniel. Narinig niyang inatake ito sa puso. Napasarap daw sa pagkain ng sitsarong baboy. Nakita pa niyang karga-karga ito ng mga kalalakihan habang ibinababa sa bahay. Nakangiwi na nakalabas ang dila, ang isang kamay ay nakabaluktot. Kanya-kanyang sigawan. Hanap kayo ng sasakyan! Nagkataon namang madalang ang dumaraang sasakyan noon dahil umulan ng malakas. Kahit traysikel ay walang nagagawi sa kanilang kalye dahil may malalim na baha pa ang ilang bahagi. Sa gitna ng chaos ay nakita siya ng isang kapitbahay. “Si Ka Fidel! ‘Yung owner ni Ka Fidel!” Sumunod ang reaction ng iba.“Oo nga! Ka Fidel, ‘yung owner mo! Dali! Dalhin natin sa ospital si Daniel!” Kung cliché ang kuwento, magmamadali si Fidel na kunin ang susi at ihatid sa ospital si Daniel. Pero sabi ko nga sa umpisa, puwedeng mahulaan ninyo ang ending, at ‘yun ang cliché. Kaso, dahil sa takbo ng mga pangyayari ay nagkaroon na ng character change ang ating bida sa gitnang bahagi pa lang ng kuwento. Nag-iba na rin ang takbo ng istorya at lumihis na sa formula. Napaangat ang kilay ni Fidel. Sa isip-isip niya, hindi ba’t bulok ang owner ko? At teka, akala ba ng mga ito ay ganoon siya ka-excited ihatid sa ospital ang taong umebak sa hood ng kanyang sasakyan? Nagkibit-balikat siya. Tumalikod, pumasok muli sa kanyang bahay at nag-enjoy sa legs ng mga kandidata sa ANTM na kasalukuyang rumarampa. Kinabukasan ay narinig niya sa satsatan muli ng mga kapitbahay na hindi naman na-DOA si Daniel pero baka maimbalido na. Naririnig din niya ang mga impit na pagmumura sa kanya. Napakayabang daw niya. Walang puso. Maramot. Lahat nang negatibo. Sana raw ay atakehin din siya sa puso, wala raw tutulong. Sumakay siya sa kanyang owner, ini-start iyon at umalis para pumasok sa opisina nang hindi apektado sa kanyang naririnig. Nag-iisa siya sa buhay, handa siya sa posibilidad na baka bangungutin isang gabi at mamatay sa higaan. Ganoon talaga, pag oras na niya, handa na siya. Sadya rin niyang hindi tinulungan si Daniel para maramdaman nito at ng kanyang mga kapitbahay ang sakit ng rejection. Hindi maka-Diyos ang ginawa niya, pero may sarili siyang dahilan kung bakit nang pukulin siya ng bato ay hindi tinapay ang ibinalik niya. Para sa kanya, may mga pagkakataon na kapag pinukol ka ng bato, bakal ang ibalik mo para maramdaman ng ibang tao kung paano ang mabukulan.

Tuesday, March 27, 2012

mid-life crisis

MAHIGIT isang buwan akong nawala sa sirkulasyon. I have to admit na dumaan yata ako sa panahon ng mid-life crisis, though bata pa naman ako para rito. Ha-ha, nasa denial stage ang mama!
Nagsimula ito nang minsang dumalaw ako sa bahay na minana ko sa Batangas. Gaya nang madalas kong sabihin, kapag umuuwi ako sa bahay ko ay wala akong mapuwestuhan dahil okupado ng mga pamangkin ko ang mga kuwarto. While watching The Lifestyle Channel on cable TV, nakakita ako ng mga featured na maliliit na bahay. Boom, right there and then ay naisip kong magtayo ng kubo para mayroon akong private space.
Noong magtatapos ako ng hayskul at pakiramdam ko ay di ako makakatuntong ng kolehiyo, plano ko noon na mag-enroll sa Manpower Training Center (TESDA na ngayon) at kumuha ng basic carpentry and cabinet making. Isa sa mga hilig ko noong bata pa ako ang pagkakarpintero, at katu-katulong ako ng aking ama noon sa paggawa ng tangkal (kulungan ng manok), kaya sanay-sanay ako sa mga carpentry tools. Naisip ko noon, kapag karpintero at mahusay ay hindi mawawalan ng trabaho.
Hindi sa pagmamayabang ay may talent talaga ako sa carpentry. Sa bahay namin ngayon ay kumpleto ako ng tools, at kung hindi masyadong kumplikado ang ire-repair sa bahay ay ako na lang ang gumagawa. Na-thrill ako sa idea na gumawa ng maliit na bahay (na siyempre ay may katulong din na karpintero talaga).
Nag-search ako sa net ng magandang design, at dahil mahilig ako sa kahoy, ito ang napili ko from viahouse.com:
Photobucket
Naisip ko rin, kapag may deadline ako ay pwedeng dito ko gawin. Masarap magtrabaho kung tahimik ang lugar at hindi maalinsangan.
Ang siste, habang naghahanap ako ng lokasyon sa lupang minana ko at nalaman nila ang mga plano ko, heto ang mga kapatid ko at nagsasabing kapag wala raw o nasa Maynila ako ay sa bahay na gagawin ko sila matutulog. May mga pamangkin din ako na nag-offer na sila ang maglilinis habang wala ako pero pwede raw bang doon sila tumambay since ang plano ko nga ay maglagay ng PC, internet connection at ilang appliances. Paano na naman ang aking privacy? Ako pa naman ang taong nahihirapang mag-extend ng tulong kapag may nanghihingi ng pabor.
Hindi ko na muna itinuloy ang aking dream small house.
Habang may pagtatalo pa sa isip ko kung itutuloy ang maliit na bahay o hindi, nakapanood naman ako sa turbo channel (sub-channel ng discovery) ng isang show na nagbubuo ng mga sasakyan. Naubos ang aking maghapon hanggang hatinggabi ng iba’t ibang palabas na lahat ay tungkol sa car assembly and restoration. Naging paborito ko si Chip Foose ng “Overhaulin’” at si Ryan Friedlinghaus ng “West Coast Customs.” Though sa “Wheeler Dealer” ay mas detalyado ang pagkakalikot ng mga sasakyang nire-restore.
Immediately, nag-flashback sa akin ang dalawang taon na naging trabaho ko sa Caltex Refinery sa Batangas City bilang maintenance technician noong late teens ko. Hindi ako natutong magmaneho pero sa mga trade skills na dinaan ko (metal works, mechanical, electrical and process control), sa pagmemekaniko ako mas nag-enjoy. May kakaibang thrill ang pag-screw (no pun intended), ang pagpapahid ng grasa, ang pagbubuo ng mga mechanical assembly. Biglang-bigla, hinanap ng ilong ko ang amoy ng shop na naghahalu-halo ang singaw ng petrolyo at usok ng mga makina.
Sa loob ng isang linggo, habang wala pa akong deadline ay wala akong ginawa kundi tumutok sa turbo channel at manood ng pagbabaklas at pagbubuo ng sasakyan. Bukod pa rito ang walang humpay kong pagbabasa sa net ng tungkol sa car assembly and troubleshooting. Para akong kumuha ng crash course sa automotive. And one crazy idea entered my mind: Magbubuo ako ng owner-type jeepney!
Parang ganito, salamat sa angelescity.olx.com.ph sa reference photo:
Photobucket
Maraming talyer sa lugar namin at nag-ikut-ikot ako. May isang maliit na talyer na walang kostumer ang pinasok ko. Nadatnan ko ang may-ari at isang tauhan niya na naglalaro ng dama (local chess). Mukhang matumal ang negosyo kaya padama-dama lang ang dalawa. Nakipaghuntahan ako, sinabi ko ang plano ko na magbuo ng basic lang na owner. Kung ako ang bibili ng piyesa, magkano nila bubuuin provided na ako ang magga-guide kung paano nila ia-assemble? Nagsabi sila ng presyo, at matapos ang konting tawaran ay nagkasundo kami. Pero hindi ako nagbigay ng down payment. Magka-canvass muna ‘kako ako ng materyales.
Gayun na lang ang gulat ng misis ko nang yayain ko siya sa Banaue, Quezon City (the so-called Mecca of automotive spare parts). Bakit daw? Magbubuo ‘kako ako ng owner. Ano raw nangyari sa plano kong bahay-kubo? It can wait, sabi ko na lang.
Halos isang linggo kaming naglalakad-lakad sa Banaue sa paghahanap ko ng makina at mga piyesa. Para kaming nag-beach sa pangingitim ng mga balat. Alam kong hindi nag-e-enjoy si misis pero sige lang siya sa pagsuporta sa trip ko. Nawalan siya ng kulay nang malaman na ang makina pala, ang pinakamababa ay nasa P60 thousand ang halaga! Naiisip siguro niya, saang kamay ng Diyos kukunin ng mister niya ang pambili sa pinagkakaabalahang ito? Ako naman ay punung-puno ng excitement sa aking ginagawa, samantalang oo nga pala, saan ko kukunin ang budget? Hindi bale, bahala na…
Isang umaga ay nakarinig ako ng sigawan sa labas ng bahay namin. Nang makiusyoso ako, nalaman kong dalawang kapitbahay ko ang nagsuntukan dahil sa pag-aagawan sa parking space. Iyon kasi ang isang problema sa Metro Manila, karamihan sa mga bahay ay walang garahe at sa kalsada nakakalat ang sasakyan. Ayon sa isang kapitbahay ko, nairita raw ‘yung nakaaway noong isa pa dahil laging sa tapat ng mga ito nakaparada ang sasakyan kaya wala maparadahan ng traysikel na pamasada. Nang ipinapaalis, nangatwiran ‘yung isa pa na nagbabayad siya ng road user’s tax kaya may karapatan siyang magparada ng kanyang kotse kahit saan. Ayun, nauwi sa boksing.
Doon din ako nagkaroon ng realization na oo nga pala, pag nabuo ‘yung owner, saan ko ipaparada ay nasa right lane ang bahay namin at wala rin kaming garahe? Sa pagsulpot ng tanong na iyon, mas nangibabaw ang isa pang nagging question: “KC, pag nabuo mo ‘yan, sino’ng magmamaneho e ni hindi ka nga marunong magbisikleta?”
Napaisip ako nang matagal…
Nang maghapong iyon, bagaman at hindi niya isinasatinig ay nagtataka marahil si misis kung bakit hindi ako naka-tune in sa turbo channel.
Kinabukasan ay pinuntahan ko ang talyer na kinontrata ko. Naglalaro pa rin ng dama ang mag-amo. Natuwa sila nang makita ako at nagtanong kung nakumpleto ko na ang mga materyales. Sinabi kong di na matutuloy ang project, pasensya na. Nalungkot sila (kuwarta na naging bato pa), pero naunawaan naman nila ako. Balik muna sila sa paglalaro ng dama.
Nagtaka (na naman) si misis nang makita niyang inilalabas ko ang mga piyesa ng computer na matagal ko nang planong buuin. Itutuloy ko na ‘kako kasi nababagalan na ako sa PC na ginagamit ko at ipapadala ko na lang sa mga pamangkin ko sa Batangas. Gusto ko na ng iCore na processor. Malapit na ‘kako ang deadline ng The Buzz, para matesting ko agad once na ma-assemble. Matagal ko nang plano ito, nabinbin nga lamang dahil sa iba’t ibang pinagkaabalahan ng isip ko.
Weekend ay dumating ang paborito kong technician mula sa Gigahertz Computer Store. In less than three hours ay buo ang PC, up and running. Dumating ang deadline ng The Buzz mula March 15-24, sa bagong PC ko na ‘yun tinapos. Ito rin ang unang blog na sinulat ko gamit iyon. At alam ko, habang nagde-deadline ako ay nawala ang stress ni misis sa kung anu-anong naiisip ko. Lahat nang misis ay kampante kapag nakikitang trabaho ang inaatupag ni mister at hindi mga weird na bagay na makakasira sa budget.
Photobucket
Okey na ako ngayon. Na-outgrow ko na ang pagpapagawa ng aking pangarap na private small house sa Batangas. Saka na lang muna. From time to time ay nanonood pa rin ako sa turbo channel, nangangarap na magkaroon balang araw ng sasakyan. Pero bago iyon, dapat muna akong matutong magmaneho. I know that God will help me para ma-overcome ko ang fear na humawak ng manibela.
Hindi ko alam kung sa nakalipas na mga araw ay talagang dumaan na ako sa mid-life crisis. Kung oo, salamat dahil maagang dumating at tapos na ako sa stage na iyon. Ha-ha-ha, na-accept na ng mama ang katotohanan!
Iniisip ko rin naman na marahil ay nag-revisit lang ako sa mga dating interes at trabaho ko noon at sinubukan ko lang kung kaya ko pa o kung mag-e-enjoy pa ba ako. Oo, kaya pa naman. Oo, nag-enjoy naman ako. ‘Yun nga lang, marami nang factors kung bakit dapat kalimutan ko na lang iyon at higit na pagbutihin na lamang ang kung ano ang skills at kakayahan ko sa ngayon.
Sa mga nagtatanong o nag-iisip, opo… nasa “line of four” na po ang edad ko. Puwedeng dumaranas na ako ng mid-life crisis, at puwede rin namang pumapalo na sa akin ang positibong kasabihang “Life begins at 40.” At ‘yun nga po, di naman ako natatakot na patuloy na sumubok at magsimula ng mga luma at bagong bagay kahit nagkakaedad na—doon po higit na nagiging makulay at challenging ang ating buhay.

Monday, February 13, 2012

monster

Photobucket


LAST year ay isang buwan na namahinga ang aking laptop na kung tawagin ko ay “monster.” Monster dahil sobra-sobra ang lakas nito. Sagad-sagaran ang specifications. Kahit ilang applications ang nakabukas, hindi nagha-hang at sobrang easy kung mag-open.
Produkto ito ng Compaq na ngayon ay pag-aari na rin ng Hewlett Packard o HP. Naengganyo akong bumili nito dahil sobrang bumaba ang presyo, and I thought it was a steal. Sa trabaho ko kasi, kailangan ko talaga ng monster na laptop o computer.
Nang mabili ko ito ay nag-research ako sa net ng tungkol sa nasabing unit. May mga message board na ang discussion ay may problema sa motherboard ang nasabing brand bagaman at maganda nga ang performance at medyo mura. Hindi iilang discussion ang nabasa ko na nagsasaad ng kagayang impormasyon. Ang sabi pa, after a year bago bumigay ang motherboard—kung kailan tapos na ang warranty. At aaminin kong medyo kinabahan ako roon.
Isang kaopisina ko sa ABS-CBN ang may kagayang unit bagaman at mas mababa ang specs kaysa sa aking monster. ‘Yun na nga, minsan ay inihahanap na niya ng buyer ang unit niya dahil bumigay nga raw ang motherboard at kung bibili raw siya ng pamalit na piyesa, para na rin siyang bumili ng bagong unit. Kaya ang plano niya, bumili na lang ng bago—at ibang brand na.
Last September nang bumigay rin ang motherboard ng unit ko. Walang indikasyon. Noong gabi ay ayos na ayos pa at nakapagtapos ako ng aking mga deadlines. Maayos ding nag-off. Pero kinabukasan nang buksan ko, ayaw nang mag-open.
Buti na lang at may mga extra akong computer sa bahay gaya ng Lenovo netbook na dinadala ko kapag may kliyente na ime-meet at kailangan kong mag-present ng project (a lot better than tablet); at isang ASUS Novalite desktop (with huge Samsung LED LCD monitor) na ginagamit ko kapag mahaba ang gagawin kong pagsusulat at kapag nagte-check ng PDF files sa mga home-based projects na ipinapadala ng artists. Mas mabilis pa ring mag-type sa regular keyboard at magtsek ng layouts sa malaking monitor. Uh, meron din akong Apple Mac Mini, pero magmula nang “hiramin” ng anak ko ay hindi na ibinalik.
Natutunan ko ang pagkakaroon ng maraming gamit para sa hanapbuhay sa ilang kakilala ko. Pag photographer ka, kailangan marami kang camera. Nang minsang nakadalaw ako sa bahay ni Aiza Seguerra, grabe ang dami ng gitara niya na lahat daw ay nagagamit niya depende sa mood. Same goes sa suki kong karpintero na laging may extra na tools. Ang mga comics artists, silipin mo ang drawing table at nakahilera ang mga pens at iba pang gamit sa pagdodrowing. Para nga naman pag pumalpak ang isa, hindi made-delay ang trabaho dahil may magagamit pa.
Anyway, dinala ko sa store na binilhan ko, at ang diagnostic ay bumigay nga raw ang motherboard. Ang problema, tapos na rin ang warranty. At kung papalitan, aabot ng P10,000 ang magagastos ko. Pinagpawisan ako nang malapot.
Suki ako sa store na iyon. Marami na rin akong nairekomendang mga kakilala para sa kanila kumuha ng unit. Sabi sa akin ng manager, ipapakiusap niya sa supplier ang unit ko dahil nga marami na akong nadalang customer sa kanila. After two days ay tumawag ako, at natanggap ko ang magandang balita—libre ang motherboard na ipapalit sa laptop ko.
Malas ako na sa dinami-rami nang na-produce na unit na kasabay ng laptop ko ay sa akin pa napunta ang “lemon.” Ang lemon ay ang term na ginagamit sa isang bagay (pwede ring tao) na mahina ang performance o depektibo. Nangyayari ito sa manufacturing industry, halimbawa’y sa kotse o appliances. Kahit pa gaano kahusay ang technology at quality control, may ilan-ilang unit na lalabas na madaling masira. Kung sa atin mapupunta ang mga ganitong lemon at tapos na ang warranty, sorry na lang tayo.
Mahirap ipaliwanag kung bakit may mga sumusulpot na lemon kahit gaano kaingat ang may-ari o gumagamit nito, kaya masasabi natin na kahit pa nga branded ang item, maingat man tayo o barubal sa paggamit nito, kung may depekto o wala ay batay na lang sa suwerte. Gayunpaman, pinakamahalaga na hawak natin ang resibo para kung dumating man ang pagkakataon na masira at pasok pa sa warranty, wala kayong magiging problema. In my case, nagkataon lang na naipag-ahente ko sila at pagkakataon naman ng store na binilhan ko na ibalik ang favor. May mga pagkakataon talaga na kapag loyal ka sa isang tindahan, madali ka nilang mauunawaan.
‘Yun nga lang, hindi na ako ganoon kakumpiyansa sa aking monster laptop—na isa palang lemon. But I’m still keeping it dahil para kaming komersyal ng San Miguel Beer—may pinagsamahan. May sticker (digital) na nagsasabing dumaan na ito sa crash test, and I am somehow hoping na ‘yung motherboard lang na pinalitan ang lemon sa kabuuan nito at maibabalik na nito ang paghataw sa trabaho na malabakulaw.
By the way, “Maligayang Araw ng mga Puso!” sa inyong lahat!