Tuesday, September 7, 2010

si alipio at ilang kuwentong mais...

Photobucket

HINDI Alipio ang tunay niyang pangalan. Iyon lang ang nakatuwaan kong itawag sa kanya. Mais vendor siya at isa ako sa mga suki niya sa aming kalye.
Malinis ang histura ni Alipio at lagi siyang naka-sandong puti na halatang bagong suot. Hindi rin masyadong pawisan. Maganda ang porma ng katawan at walang tiyan—dala marahil ng araw-araw na paglalakad.
Malayo ang ruta niya sa pagtitinda ng mais. Nagmumula siya sa Tondo at tumatagos sa Pandacan. Hindi naman siya puwedeng sumakay kahit pabalik na dahil sa kanyang kariton at banyera.
Mahilig ako sa mais palibhasa’y lumaki sa bukid. Basta wala akong pasok ay siguradong ito ang meryenda ko. Sapul nang manirahan ako sa lugar namin ngayon halos 18 taon na ang nakalilipas, dumaraan na rito si Alipio. Naging magkahuntahan kami, at nang lumaon ay nagkaroon na ako ng discount. Huwag ko raw sasabihin sa mga kapitbahay ko na mababa ang bigay niya sa akin. Maliit na sikreto lang iyon, kaya kong itago.
Ayon kay Alipio, ang iba pang mga vendor sa lugar namin ay halos mga kasabay rin niyang sumulpot doon gaya ng matandang sorbetero at ang magtataho. Early 20s pa lang daw ang mga edad nila nang sila’y magsimulang magtinda, at kakatwa na kahit nagbabatian sila at minsan-minsa’y nagpapalitan ng tinda, hindi nila alam ang pangalan ng isa’t isa.
Kilala ko rin ang magtataho. Sa kanilang tatlo ay siya ang “success story.” Nakatapos na ang mga anak niya at ang misis niya ay nagtatrabaho sa NSO. Ayaw lang daw niyang tumigil sa pagtataho dahil pakiramdam niya’y maaga siyang mamamatay. May sarili na rin daw silang bahay at lupa. Gayun pala ‘kako, pero ang takal niya ng taho pag bumibili ako ay hindi naman tumataas. Ngiti lang ang sagot niya. Malinis din ang magtataho na ito, payat at lagi ring naka-T-shirt na puti.
Malihim naman ang magsosorbetes. Bukod sa kuwento niyang mas malakas ang ice cream pag tag-ulan (really?) ay wala siyang nababanggit tungkol sa sarili kahit anong piga ko. Well, ang sabi niya sa akin, pag summer daw kasi ay maraming kaagaw na tinda gaya ng halu-halo, scramble at smoothies. Wala ring pasok ang mga bata kaya wala siyang school na matambayan kaya mahina ang sorbetes pag tag-araw. Galante naman siya sa takal ng kanyang ice cream kapag wala akong kasabay na bumibili.
Kay Alipio ako mas bumibili dahil mas masustansya ang mais at dito nga sanay ang tiyan ng isang laking bukid na gaya ko. Ayon sa kanya ay maganda ang kita sa mais na P15 ang isang piraso. May kinukuhanan daw siya sa Divisoria na halos P4 lang ang isang piraso, at dagdag na gastos na lang ang paglalaga. Ang pinakamalaking sakripisyo aniya ay ang paglalako dahil nga sa haba ng kanyang nilalakad.
Sabi ko sa kanya, sa tindi ng kondisyon ng kanyang katawan ay kayang-kaya niyang sumali sa mga marathon. Gaya ngayong October na may “Takbo Para sa Ilog Pasig” kung saan isa ako sa mga tatakbo. Sumali ‘kako siya at kahit ako na ang magbayad ng kanyang fee. Pero wala raw siyang hilig sa mga ganitong okasyon. Ang Sabado’t Linggo niya ay nakalaan sa pahinga, at konting inom ng Red Horse na mag-isa. “Mahirap ang may kainuman, pare,” natatawa pa niyang sabi sa akin. “Minsan pinainom mo na ikaw pa ang sasaksakin!”
Hindi rin daw ligtas sa indulto ang kanyang trabaho. Minsan na rin siyang “natiketan” ng pulis. Nagkataon daw na may bumili sa kanya at hindi niya naisampa sa bangketa ang kanyang kariton. “Illegal parking” ang kanyang naging violation, at pinakawalan lang siya matapos magbayad ng P200. Inaalok daw niya ng mais, pero mas gusto ng garapal na pulis ang dos siyentos na kanyang pinagpaguran. Susko po, Ka Indo, sabi nga ni Ka Tunying Taberna ng DZMM.
Noong Lunes kagagaling ko lang sa opisina at naglalakad na ako pauwi sa bahay, bandang 5:30 ng hapon ay narinig kong sumisigaw ng “Mais! Mais!” si Alipio sa may likuran ko. Hinapon sabi ko sa isip ang kumag, pero okey lang dahil makakapagmeryenda ako. Masarap kasabay ng barakong kape ang mais na nilaga lalo pa’t hindi dumating sa aming usapan ang kliyente kong dapat ay nagbayad sa akin na isang buwan ko nang sinisingil dahil may babayaran din ako kay Kabayang Alex Areta na aking kumpare. Nakakahiya na sa aking kumpare, baka maisoli na sa akin ang kandila. Hinintay ko si Alipio sa tapat ng bahay namin. Habang bumibili ako, pinuna kong late yata ngayon ang kanyang epektos. Mukha ‘kakong tinanghali siya ng paglalaga ng mais.
Nabigla ako sa sagot niya…
“Hindi naman. Maaga pa rin. Bumagal na lang ang paglalakad ko. Kuwarenta’y tres na kasi ako. Ramdam kong mabibigat na ang mga paa ko,” kaswal na sabi niya.
Hindi ko alam pero pagkaalis niya tulak ang kanyang kariton at tinatanaw ko siya papalayo ay nakaramdam ako ng awa sa kanya. Totoo ngang mabagal na ang kanyang paglalakad. Noon pag sumigaw siya ng “Mais! Mais” ay kailangan kong tumakbo palabas ng bahay para abutan siya. Kaya nga ayaw na ayaw ng misis ko na siya ang uutusan kong lumabas pag narinig ko ang sigaw ni Alipio. Sandali lang kasi ay wala na agad si Alipio sa paningin.
Darating pala ang panahon na pagabi na nang pagabi ang magiging meryenda ko kung tuluyang babagal ang paglakakad ni Alipio. At sa mga susunod na taon, kayanin pa kaya niya ang mula Tondo hanggang Pandacan na paglalakad?
Ilagay natin ang mga sarili natin sa katayuan ni Alipio anuman ang ating hanapbuhay. May pagkakataon din na napakabilis natin sa ating ginagawa, at kahit marami ay kaya nating tapusin. Sa pansarili kong pagtataya sa aking sarili, hindi na ako ganoon kabilis ngayon. Well, sharp pa naman ang isip. Pero ang katawan at espiritu ay hindi na ganoon kasipag. Sa maraming pagkakataon, mas gusto ko sanang wala munang ginagawa, walang iniisip, walang corporate pressure, walang mga balasubas na kasamahan sa opisina, etc… etc.
Sa kaso ni Alipio, iisa ang landas na kanyang tinatahak araw-araw. Ang insidente sa kotong cop ay minsan lang nangyari. Hindi naman niya nabanggit kung sawa na ba siya sa ginagawa niya o hindi pa. Nagkataon lang na ang kanyang katawan ay inaabutan na ng wear and tear. Darating siguro ang panahon na hanggang Tondo na lang ang kaya niyang libutin, at ako naman ay mag-iisip na rin siguro ng bagong memeryandahin.
At tayong iba ang hanapbuhay na bukod sa wear and tear mentally and physically ay marami pang stress sa katawan, kailangan sigurong paminsan-minsan ay mag-chill out.
For the meantime, habang malakas-lakas pa si Alipio, halina kayo at sabayan ninyo akong ngumasab ng napakasarap na mais—with margarine and salt—at tinda ng isang naghahanapbuhay nang malinis at marangal.

4 comments:

kabayangalex17 said...

ganda!

napa-extra pa ang pangalan ko. ha ha ha!

Soulkeeper said...

ay kaganda ng pagkakasalaysay ng kwento ere.

Anonymous said...

UGG Halendi Pure White Gold, UGG Halendi Pure White Gold

other max shoes, other max shoes

Air Max 360, Air Max 360

Air Jordan 4, Air Jordan 4

chemise lacoste discount, chemise lacoste discount

ugg classic boots, ugg classic boots

Harley David said...

sir/madam meron ka pa ba contact sa nasabi mong nag wo work sa NSO? tanong ko lang kung pwede tulungan ako na ipahugot ang legal papers ko na gawin single ang CENOMAR? possible kaya yun...pls email me at dude_wherez_my_bike@yahoo.com