Tuesday, March 15, 2011
if memory serves me right...
NANONOOD ako ng balita sa TV nang mabanggit ang pangalan ng mama sa picture na siya na palang Philippine Secretary of Science and Technology (dating DOST) ngayon. Saka biglang nag-flashback sa akin. And I hope my memory will serve me right:
Early 90’s nang may kumontak sa akin para gumawa ng komiks, editor na ako sa Atlas Publishing noon. Nag-report ako sa opisina nila sa may Mother Ignacia Street, Quezon City. Maliit lang ang office pero maganda.
Tungkol sa poso o artesian well ang gagawing komiks ayon sa nakausap ko. “Magsaysay Well” ang model ng poso na may nakakabit sa pinakadulo na special casing para huwag sumama ang mga buhangin at foreign objects kapag humigop ng tubig. Nanalo ang nasabing modelo ng poso sa isang pakontes ng pamahalaan kaya nabigyan ng pondo para magamit sa mga lugar na malapit sa dagat at mahirap ang supply ng potable water. Ang inventor ng poso ay si Engr. Mario Montejo.
Nag-enjoy ako sa paggawa ng script na bukod sa technical aspect ay nilagyan ko ng drama. Medyo sariwa pa ako sa aspetong teknikal noon dahil kagagaling ko lang sa stint bilang technician sa Caltex Refinery. Ang kinuha kong artist ay si Alfred Pacolor na graduate naman ng civil engineering (hindi na siya kumuha ng board dahil malakas ang kita noon sa komiks).
Nang tapos na ang komiks at sumingil kami ni Alfred sa opisina ay nakaharap namin mismo ang inventor. Binasa niya ang kuwento (though approved na sa kanya bago ipinadrowing) at na-impress siya sa translation ko ng technical terms, gayundin sa artworks ni Alfred. Ipinaalis lang niya ang bahagi ng kuwento na binanggit ko ang mga achievements niya at mga papuri sa kanyang husay bilang engineer. Huwag na raw isama iyon. Naisip ko, low profile ang mamang ito.
Gaya ng iba kong projects ay hindi ako nagkaroon ng kopya ng komiks nang ipa-print na nila. ‘Yun din ang una at huling pagkakataon na nagkita-kita kami.
Na-realize ko lang habang nanonood ako ng partikular na balita na siya nga ang engineer na iyon. Medyo nagkaedad na kasi halos 20 years na rin iyon, bagaman at iyon pa rin naman ang mukha niya.
Anyway, natuwa lang ako. Sana minsan magsanga uli ang landas namin at magpagawa uli siya ng komiks.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
At ako naman ang magdodrwawing kuya KC. panalo yang raket na yan. hehe
meng,
oo, gustung-gusto nga kitang maka-tandem. :)
Post a Comment