Sunday, March 6, 2011
simple lang ang buhay
NAGBAYAD ako ng P20 sa driver ng jeepney. Nang suklian niya ako, nang kuwentahin ko ay P15. P8 ang minimum na pasahe sa rutang iyon. Sabi ko sa driver, nagkamali siya nang pagsusukli. Dose pesos lang dapat ang sukli ko. Sobra yata.
“Wala akong barya. Okey lang,” sagot niya na malumanay. Ibig sabihin ay nagpaparaya na lang siya. Siya na lang ang lugi huwag lang ang kanyang pasahero.
Bihira ang driver na ganito. Ang iba kapag walang panukli ay mainit ang ulo at pilit kang pasusukahin ng sensilyo huwag lang silang malugi. Ang iba naman, kulang ang isusukli para ikaw ang abonado at hindi sila.
Hindi natin sila masisi kung minsan. Ang mahal na ng krudo. Pag tumaas naman ang pamasahe, operator din lang ang nakikinabang. Gayunpaman, hindi dahilan ang ekonomiya at presyo ng gasolina para mawala ang values.
Naawa naman ako sa driver na mabait. Isinoli ko sa kanya ang P5. Ako na lang ang malugi ng P2 huwag na siya.
Simple lang ang buhay. Pag mabait ang isang tao, magaan para sa iba na magparaya para sa kanya. Pero kung salbahe, mahirap sundin ang kasabihang pag binato ka ng bato ay tinapay ang iyong ibalik. Hindi ko sinusumang ang nasa Banal na Kasulatan. Mahirap lang talagang sundin para sa tao ang mga Dakilang Aral.
Gayunpaman, sabi ko nga, napakagaan ang pagpaparaya kung ang nakikita mo mula sa iba ay pagpaparaya rin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment