Monday, March 20, 2017

Biyahe



PUWEDE ko namang habulin ang dumaang bus. Pero parang tinamad akong tumakbo. Puno na rin naman ng pasahero at baka ang makasakay ko ay mga amoy-pawis na kahit umaga pa lang. Ewan ko ba, nagiging ugali na ng mga Pinoy ang katamaran sa paliligo at pagsesepilyo kahit marami namang tubig sa ating bansa.
Hinintay ko na lang ang pagdaan ng susunod na bus. Habang nasa ilalim ako ng puno na aking kinanlungan, bigla akong may naisip.
Ang pagsakay pala sa bus ay para ring kung paano tayo makipagsapalaran sa ating buhay.
Kung minsan ay nagmamadali tayo kaya kahit mahirap ang biyahe ng buhay na ating tinatahak ay sumasabak tayo. Para tayong pasahero na nakikipaggitgitan sa marami marakarating lang sa pupuntahan kahit pa hindi komportable ang puwesto natin sa sasakyan.
Pero bakit nga ba tayo nagmamadali?
Dahil nagmamadali rin ang iba at gusto nating makasabay sa kanilang pag-unlad?
Naghahabol na tayo sa oras dahil ginahol tayo sa paghahanda noong may oras pa?
O talaga lang gusto natin ang sitwasyon na kahit alam nating siksikan na at mahirap sumakay, tsinatsambahan na lang natin ang kapalaran?
Ang byahe patungo sa pangarap ay laging masalimuot. Kung minsan, ang sasakyan ng tadhana na para sa atin ay hindi natin alam kung may nakalaan pa sa atin na upuan—o kailangan na lang nating sumabit para hindi tayo maiwanan.
Anyway, back to reality. Makalipas ang ilang minuto ay dumaan na ang kasunod na bus at komportable akong nakaupo sa pagitan ng dalawang mababango at bagong paligong kolehiyala. Kung ganito ang makakasakay ko araw-araw, handa akong maghintay ng bus kahit medyo late na ako sa pupuntahan.


Tuesday, January 19, 2016

Goodbye, Glenn Frey


TEENAGER pa ako at nasa college na nang mapanood ko ang isang binatang kapitbahay namin na malupit na hinihimay sa kanyang gitara ang “The One You Love” ni Glenn Frey. Kausuhan noon ng nasabing kanta. Nagkainteres akong mag-aral maggitara dahil doon.
Maramot ang binata. Ayaw akong turuan, at ni ayaw akong pahawakin ng kanyang gitara.
Nanalo ako sa isang campus writing contest. High school pa lang ay nananalo na ako sa writing contest bukod sa track and field na siyang sport ko noon (Run, Forrest, run!). May nililigawan palang teacher ang maramot na binata—na guro ko naman noong elementary. Nang malaman niyang nakakasulat ako, igawa ko raw siya ng love letter.
“Turuan mo akong maggitara,” sabi ko sa kanya. “Igagawa kita ng love letter kay Ma’am.”
“Hindi lang kita tuturuan. Ibibigay ko pa sa iyo ang isa kong gitara pag napaoo natin siya,” sagot naman niya.
Deal.
At nagpalitan ng love letters ang dalawa—na kahit magkapitbahay ay idinadaan pa sa post office. Mula sa pagsasabing may gusto si binatang gitarista kay Ma’am hanggang maging sila na nga—na umabot yata ng 10 palitan ng love letters—ay alam ko ang mga nangyayari sa kanilang romansa. Kaya nang ipabasa ni binatang gitarista sa akin ang sagot ni Ma’am na “Oo na nga, tayong dalawa na...” ay dala na rin niya ang isa niyang “luma na” (termino sa Lumanog guitar na pinagsawaan na) at issue ng Jingle Magazine kung saan nasa cover si Glenn Frey, at may kantang The One You Love with chords sa loob. Ang saya-saya ni Karlo Cesar!
Nagkatuluyan ang dalawa. Nang ikasal sila ay special guest nila ako noong gabi bago sila nagpunta sa hotel kung saan sila magha-honeymoon. Sabi ni Ma’am sa akin, nagulat daw siya na dati pala niyang estudyante noong elementary ang “nagpasagot” sa kanya. Siyempre, hindi na ako sumama sa kanilang honeymoon. Later on ay nag-migrate na sila sa Amerika.
Ang malungkot na bahagi, hindi ako natutong maggitara. Nakabisado ko lahat nang chords sa chart, pero wala ako sa tiyempo. Hindi ko rin makanta ang The One You Love dahil wala ako sa tono.
May naging kaibigan akong faith healer bago ako lumuwas ng Maynila. Ibinigay ko sa kanya ang gitara para turuan naman niya akong manghuli ng multo.
May koneksyon pa rin ang love letter, gitara at multo sa naging buhay ko.
Love letter—dahil naging editor ako ng Extra Komiks ng Atlas na karamihan ay love story ang laman. Isa ako sa iilang lalaking naging romance writer in Filipino. Up to now, editor ako ng mga kuwento tungkol sa love.
Gitara—sa kabila ng kawalan ko ng talent sa music ay ilang songhits magazines na concept ko ang sumikat at nagpayaman sa publishers ng Risingstar.
Ghost hunting—naging editor ako ng komiks na True Ghost Stories ng Atlas; ng Nginiig! at Sindak! ng ABS-CBN; at Ghost Mini Pocketbook (na, again, ay isa sa nagpayaman sa publishers ng Risingstar).
Goodbye, Glenn Frey. Hindi tayo magkakilala, pero isa ako sa mga nagmahal sa musika mo.




Thursday, October 23, 2014

not exactly a love story...

Photobucket

HINDI rin masasabing first love. Mas tamang sabihin na noon ako unang humanga sa isang kagandahan.
Fourth year high school ako noon, mid 80s. Second year high school naman siya. Tawagin na lang natin sa pangalang Paris—dahil para siyang Pinay version ni Paris Hilton; maganda at maamo ang mukha, diretso ang mahabang buhok, balingkinitan, matangkad para sa isang 14 years old—and unlike the original Paris, masyado siyang mahinhin.
Kapag umaga ay dumaraan siya sakay ng dyip papasok sa private school sa kabayanan. Ako naman ay naglalakad patungo sa barangay high school. Sa hapon, ganoon din ang eksena; sakay siya ng dyip papauwi sa kanila, nagmamadali naman ako sa paglalakad dahil naghihintay na ang mga nagugutom kong alagang manok, kambing at baka.
Sa bawat eksenang ganito ay nagtatama ang aming mga mata… at nagkakangitian. Mula Lunes hanggang Biyernes ay paulit-ulit ang eksenang ganito at ang ngiti niya ay parang aurora borealis na nagbibigay ng liwanag sa aking buhay.
Sabi ng isa kong pinsan ay nangangarap lang daw ako nang ikuwento ko sa kanya si Paris. Huwag daw akong maghangad ng mataas.
May katwiran siya. Mayaman sina Paris at ako’y hamak na anak ng magsasaka. Langit at lupa ang pagitan. Ngunit malakas ang loob ko na ang pakikipagpalitan niya ng ngiti sa akin ang unti-unting gumigiba sa kung anumang pader na nakapagitan sa amin.
Ayokong isipin ninyo na masyado akong egotistical, male chauvinist pig. Sa aking palagay, noon ay hindi naman ako alangan kay Paris kung hitsura ang pag-uusapan. Hindi ako katangkaran, pero I could pass as a boy next door when I was younger. Maganda ang performance ko sa school at kahit ako’y payat ay masyado akong athletic. Sabi nga ng mga kaklase kong babae noon, kung may pera lang daw ako sa bulsa, boyfriend material na.
Minsang bumibili ako ng kerosene sa tindahan ay nagkataon na bumibili rin si Paris ng folder at coupon bond. Nag-‘hi!’ ako sa kanya at nagsukli naman siya ng mahinhing ‘hello…’ Itinanong ko kung para saan ang binibili niya, may project daw siyang tatapusin. Nang itanong naman niya kung para saan ang kerosene na binili ko, bigla akong naging makata. Sabi ko sa kanya, sisindihan ko sana ang sarili ko kung hindi niya ako kinausap. Nagpakawala siya ng masarap na tawa. Feeling ko noon, sa maikling interaction na iyon, close na agad kami.
Naging simula iyon ng pagbabantay ko sa kanya sa tindahan at pagpapalitan namin ng maliliit na kuwento kapag natitiyempuhan ko siya roon. Mahilig pala siyang magbasa ng Mills and Boon series. Naisip kong mag-ipon ng pabeinte-beinte singko sentimos para mabilhan ko siya bilang regalo. Tinitipid ko ang baon ko para lang masorpresa siya kapag nabili ko na ang latest edition.
Minsan ay maglakas-loob akong sabihin sa kanya na ihahatid ko siya pauwi sa kanila. Pumayag naman siya. Habang daan ay nagkukuwento siya ng tungkol sa mga nababasa niyang pocketbooks. Nang bigla ay mapahinto siya sa paglalakad… at namutla. Makakasalubong pala namin ang kanyang ina.
Bata pa ang kanyang ina noon, early 40s. Kahawig niya, at kung sa panahon ngayon, nasa kategorya ng isang hot mama. Agad nameywang ang kanyang ina, at sa pagkagulat ko, bago pa man lang ako nakapagmagandang hapon ay binanatan na ako ng mura—at mga panlalait na ‘ika nga sa aming baryo ay hindi kayang kainin ng aso.
“P@#$%$^^^&&*(@#!” sigaw ng ina ni Paris sa akin na ang dulo ng hintuturo ay halos isundot sa aking mata. “Nanliligaw ka sa anak ko ay wala nga kayong makain! Tingnan mo nga ang hitsura mo! Tigilan mo’ng anak ko! P@#$%$^^^&&*(@#!”
Wala akong naisagot kahit ano. Napaiyak si Paris at nagtatakbo papauwi. Napahiya siguro sa akin. Bago sumunod sa kanya ang kanyang ina ay sinabihan pa ako na layuan ang anak niya. “May kinabukasan ang anak ko, huwag mong balasubasin!” sigaw pa ng matapobreng ale.
Habang papauwi ako, noon ko lang naramdaman ang maawa sa aking sarili. Bakit sa buong maghapon ay para naman akong sinagasaan ng malas? Bakit puro panlalait ang nakuha ko ay hindi naman Friday the 13th?
Noong umaga kasi sa klase, pinagdadala kami ng titser namin sa PE ng basahan. Wala akong dala. Nang tanungin niya ako kung bakit wala akong basahan, isang kaklase ko ang sumagot, “Suot po kasi niya, ma’am!” At nagtawanan ang buong klase.
Hindi kasi ako nakakabili ng damit noon at tatlong pirasong kamisetang puti lang ang pinagpapalit-palit ko sa buong linggo. Open book naman sa aming school kung gaano kami kahirap noon. At sa mga pagkakataong tulad nito, kung may project o kontribusyon, siguradong magiging object of ridicule ako dahil lagi akong hindi nakakapagbigay.
Dahil napagtawanan ako sa klase, oras ng recess ay lumapit ako sa isang kaklase ko na nagsisigarilyo. Hindi pa ako nakakahawak man lang ng yosi noon. Pahingi naman ‘kako ng isang stick at makapag-alis ng sama ng loob. Binugahan niya ako ng usok sa mukha at mapanlait na, “Kung magbibisyo ka, ang una mong pag-aaralan ay ang magkaroon ng perang pambili! Huwag ‘yang ganyang nanghihingi ka! Masamang tingnan na magsisigarilyo ka nguso lang ang dala mo!”
Gusto ko siyang bigyan ng suntok sa sikmura pero naisip kong tama naman siya. Ang hindi lang tama ay ang sobrang pagka-sarcastic niya. Gayunpaman, ramdam na ramdam ko ang pagkapahiya. Strike two.
Mas masakit ang strike three. Ayon sa aking adviser, dahil ilang linggo na lang at graduation na, baka raw hindi ako makasama sa honor roll dahil hindi pala ako miyembro ng Kabataang Barangay. Iniisip ko pa naman na kung gagradweyt ako na honor student, redeeming factor iyon sa mahabang panahon na panlalait sa akin ng aking mga kaklase.
Ang ikaapat, nakausap ko ang coach na nagbubuo ng team kung saan kasali ako para sa inter-barangay summer basketball league. Inalis na raw niya ako sa mga player niya dahil wala pa akong uniform ay malapit na ang parada.
At ang pinakahuli nga, ang insidente sa mommy ni Paris.
Iniisip ko kung ano ang kinain ko noong umaga at inararo naman akong masyado ng malas. Murphy’s Law. Kung alam ko lang na I was into a series of rude awakenings, hindi na muna sana ako bumangon sa higaan.
Ang lalong nagpalungkot sa akin, ibinalita ng isa kong pinsan na ipinagkakalat pala kung kani-kanino ng mommy ni Paris ang ginawang panghihiya sa akin. Kaya pala bawat kapitbahay namin ay napapatingin sa akin.
Pero okey lang. magsasaka ako pero halaman lang ang aking itinatanim, hindi sama ng loob. Hindi rin ako nagbalak makabawi balang araw; ni hindi ako nagbitaw ng mga katagang babangon ako’t dudurugin kita, o kaya’y bukas luluhod ang mga tala. Ang tanging konsolasyon ko, kausuhan noon ng USA for Africa/We Are the World at kumpara sa mga nagugutom sa Africa ay mas masuwerte pa rin ako. And it was the 80s; the fashion sucks but the music is inspiring. Ang national anthem ko ay ang Never Surrender ni Corey Hart. Inspiring din ang Bagets movie ni Maryo J. Delos Reyes kung saan naka-relate ako sa karakter ni Herbert Bautista, at ang Karate Kid na ang mensahe ay kahit mahina ka ay kaya mong lumaban. Walang panahon para maging emo; life must go on. Nagbuo ako ng isang resolusyon kahit hindi New Year: Forget Paris.
Kaya nawala na sa eksena ang umaga at hapong pagngingitian namin ni Paris. Ang iniipon kong pambili ng Mills and Boon paperback para sa kanya ay ginamit ko sa mga project sa school, hindi ko na rin pinakokopya ang kaklase kong maramot sa sigarilyo, at hindi baleng magtapos akong walang honors.
Nagkaroon na rin ako ng konting pride. Naisip ko rin, hindi excuse ang pagiging poor para maging masyadong mabait. Nang magsimula ang inter-barangay ay kinukuha akong scorer ng aming coach. Kahit adik ako sa basketball ay tumanggi ako. Kumbaga, hindi na nga ako inimbita sa kainan paghuhugasin naman ako ng plato?
Nakatuon na ang atensyon ko noon sa pagpasok sa college. Kumuha ako ng two-year technical course at masasabi kong mas okey ang buhay college ko kaysa high school. Na-develop na nang todo ang interes ko sa Filipino language at naging staff ako ng college paper. Ibinuhos ko ang panahon sa pagbabasa at pagsusulat at halos lahat yata ng contest ay napanalunan ko—hindi lang ang beauty contest dahil wala naman akong planong maging si Bebe Gandanghari.
Nakikita ko pa rin si Paris, may mga guys na naghahatid na sa kanya. Hindi ako nasasaktan; I’m past the Romeo and Juliet stage of my life, at mas priority ko na ang makatapos ng pag-aaral agad at matubos ang lupa namin na napasangla na sa bangko.
Hindi na ako nag-attend ng graduation sa college at naghanap na agad ako ng trabaho sa Maynila. Nakipanirahan bilang alilang-kanin sa mga kamag-anak pansamantala. May dramatikong pangyayari kung bakit ako nakarating sa Atlas Publishing pero saka na lang iyon. Bago matapos ang dekada 80, ang pinakamaapoy na dekada sa buhay ko, naging editor ako sa komiks. Dito na nagsimula ang maraming pagbabago sa buhay ko.
Masyado ng mahaba, okey lang bang mag-fast forward na ako?
So, bihira na akong makauwi sa aming baryo. Minsang umuwi ako ay may tsismis pa akong nasagap. Nabuntis pala si Paris pero hindi pinakasalan ng lalaki. Nalungkot ako para sa kanya. Ang huling balita ko kasi bago ito, nagtatrabaho siya sa isang department store sa Makati. Doon yata nakilala ang lalaking nanloko sa kanya.
Para namang sinadya ng pagkakataon, nang paluwas na ako sa Maynila ay nakasakay ko pa siya sa dyip. Magkatapat kami. Buntis na nga. Wala akong nasabi sa kanya. Panay naman ang iwas niya ng tingin sa akin. Maganda pa rin siya subalit wala na ang sigla sa mga mata dala ng kahihiyang sinapit. Nabalitaan ko rin nang manganak siya.
Ewan kung bakit lagi kaming nagkakatagpo sa dyip. Dahil siguro sa ganoong eksena kami nagsimula. Minsang dumalaw ako sa aking parents ay nakasabay ko uli siya dala ang kanyang baby. Gano’n muli ang eksena namin na parehong nag-iiwasan ng tingin kahit magkatapat. Sa haba ng byahe ay nagutom yata ang baby at umiyak. Wala pa naman siyang dalang bote ng gatas kaya napilitan siyang ilabas ang kanyang boobs at magpadede! Sa napaka-awkward na sitwasyon na iyon, kahit malayo pa ako sa amin ay nagpara na ako at bumaba bitbit ang dalawang balde ng biscuit na pasalubong ko sa aking mga kamag-anak.
Sa nangyari kay Paris ay nabawasan din ang pagkapalalo ng kanyang mommy. Isang pinsan kong babae ang nagsabing nakakuwentuhan niya ang ina ni Paris at nabalitaan na medyo nagkatrabaho na ako (I’m keeping a low profile here). Sayang nga raw kasi nanligaw raw ako kay Paris… sana ako na lang daw ang nakatuluyan ng anak niya. Ang tanong pa raw sa pinsan, kung sakali raw bang magpakita akong muli ng interes kay Paris, wala raw kayang masabi ang parents ko? Okey lang daw kaya sa mga oldies ko kahit may anak na si Paris? Nabaligtad na ang sitwasyon. Sa akin na siya naninimbang ngayon.
On my part, okey lang siguro. Pag mahal mo ang isang tao, mamahalin mo kung ano siya, kung ano man ang nakaraan niya. Pero binura na ng panahon ang pahina ng aking aklat kung saan kasama si Paris since during that time I was already dating a Salma Hayek look-alike… and eventually became the girl I am now sharing the rest of my life with. O, kinilig kayo, ha?
Hindi naman naging todong malupit ang kapalaran kay Paris. Nakatagpo rin siya ng lalaking magtototoo sa kanya at sa pagkaalam ko’y nagpakasal sila. Medyo may edad nga lang ‘yung lalaki. Halos kasing-edad ng matapobre niyang mommy. Kapag may mga okasyon sa aming baryo gaya ng fiesta, semana santa, etc na napapadalaw ako ay nakikita ko pa rin siya. ‘Yun nga lang, we totally became strangers to one another. Walang ‘hi’, walang ‘hello.’
Hindi rin naman ako nagtanong kahit minsan sa sarili ko ng ‘what if’ naging kami. Kung may damdamin man kami noon sa bawat isa, naging parang passenger plane na bago pa man nakapag-take off ay pinasambulat na ng mga terorista.
O parang St. Elmo’s Fire na bago pa nakapagpamangha sa nakakita ay naging kidlat na sumambulat at pumatay sa kanya.
But there were times that I do remember Paris with fondness. Dahil sa kanya ay marami akong natutunan sa buhay. And with that, hindi ko man siya naging first love at hindi man tuluyang umusbong ang aming mga murang damdamin noon, para sa kanya, maraming salamat… At sana’y gaya ko ay masaya rin siya sa piling ng lalaking minahal niya.
I don’t know kung ano ang naging estado ko sa puso niya. Iniisip ko na lang na siguro sa nakalipas na panahon, ang naging bahagi ko sa buhay niya ay gaya na lang ng isang linya sa awitin ni Joey Albert: “I remember the boy, but I don’t remember the feelings anymore…”

Wednesday, September 24, 2014

Kuwentong Hilmarc's Construction Corporation

Ang kontrobersyal na Makati Parking Building (Photo from the web)



NANG lumabas ang issue tungkol sa kontrobersyal na Makati City Hall-slash-Parking Lot building, na ang contractor ay ang Hilmarc’s Cosntruction Corporation, parang may pamilyar na tunog, ‘ika nga, ng kampana na umalingawngaw sa magkabilang tainga ko. At iyon na nga, naalala kong naging bahagi ako ng kumpanyang ito.
Hindi ako naging empleyado ng Hilmarc’s, sa halip ay sa isang kumpanya na pag-aari ng pamilya nila ako naging bahagi—ang Corazon Publishing na nasa ilalim naman ng isa pang kumpanya nila, ang Trinitas Publishing. Year 2002 noon.
Ang Trinitas Publishing ay isang publication ng mga textbooks. Nang magplano silang maglabas ng pocketbooks at songhits magazines ay itinayo nila ang Corazon Publishing.
Noong umpisa ay sa mismong opisina ng Hilmarc’s sa E. Rodriguez kanto ng New York Street sa may Cubao, Quezon City naroon ang editorial office ng Corazon. Kasa-kasama namin ang mga engineers, artchitects at iba pang empleyado nila. Tahimik ang lugar, laging busy ang mga empleyado. Isa sa mga enjoy na enjoy ako ay ang kanilang canteen. Masasarap at mura ang mga pagkain. Nang ma-recognize ng kanilang chef ang pangalan ko at nagkataong may mga nobela pala ako sa komiks na sinubaybayan niya noong nasa Atlas Publishing pa ako, laging puno ang lalagyan ko ng ulam pag umo-order ako, bukod pa ang paminsan-minsang libreng meryenda.
Nang maisaayos na ang condominium unit na talagang nakalaan para sa editorial ay lumipat na kami sa may Hillcrest Street, along E. Rodriguez pa rin. Sa Corazon Publishing ay nakapagsulat sina Tita Opi Concepcion, Vincent Kua, Benjie Valerio, Flora Simon Rivera, Diana Morrow, Beth Rivera, Ron Mendoza, Nadz Tabuso, Maureen Pelayo at ang ngayon ay sikat na sikat na PHR writer na si Camilla. Karamihan sa kanila noon ay gumamit ng pen names. May mga baguhan din noon na nabigyan ko ng break sa pagsusulat.
Naging staff ko naman ang mga mula sa sister companies ng GASI na sina Ruby Solano at Cecille Carillo—na sa pagkaalam ko ay niligawan ng mga bigating comics illustrators na sina Randy Valiente at Rommel Fabian.
Naging close ako sa panganay na anak ng mga may-ari ng Hilmarc’s, si Edong. Kahit engineering graduate ay mahusay siyang mag-layout. Si Edong ang gumawa ng company logo at masthead ng mga products. Kung minsan ay siya na rin ang naglalatag ng cover. Noong time na iyon ay nagrre-review na siya para sa board exams.
Maayos naman ang takbo ng sirkulasyon ng mga produkto palibhasa’y kokonti pa ang kumpetisyon noon at maganda pa ang sitwasyon ng pagpa-publish lalo na ng pocketbooks at songhits. Nabago lang ang lahat nang manalo ang Trinitas sa bidding para sa textbooks at ipinasa sa editorial team ng Corazon ang trabaho. Sabi ng management sa akin, doon muna kasi sa siguradong kita. Kaya nag-shift kami sa textbooks.
Ilang buwan din naming inasikaso ang mga textbooks na ang mga nagsulat ay pawang mga PhDs at may masterals na ayaw na ayaw na may babaguhin ako sa kanilang mga sinulat. Kakaibang karanasan din ang makatrabaho ang mga ganitong matataas ang pinag-aralan—at ego. Gayunpaman, naitawid namin nang maayos ang proyekto at natapos namin bago ang deadline sa Department of Education.
Balik na sana uli kami sa pocketbooks at songhits nang magkaroon ng panibagong development. May expansion ang Hilmarc’s at kailangan kaagad ng bagong office. Ang desisyon, ilipat ang Corazon sa Bulacan kung saan nakabase ang Trinitas Publishing. Dahil masyadong malayo, nagpaalam na muna ako gayundin ang iba kong staff na Metro Manila-based. Hindi ko kaya ang Monday to Friday na pagko-commute sa ganoon kalayong destinasyon ng trabaho. Later on naman ay napapunta na ako sa Manila Times.
Ilang buwan lang ako sa Corazon pero masasabi kong maganda ang pamamalakad nila sa mga empleyado. Naipaghulog nila kami sa SSS pero hindi kinaltasan at binuwisan ang aming suweldo. Nang magpaalam kami ay binigyan pa kami ng separation pay kahit wala pa kaming isang taon sa kanila. Kumbaga, napakaayos ng paghihiwalay. Gusto pa nga nila akong bigyan ng project na sa bahay ko gagawin, pero hindi ko na naipagpatuloy.
Madalas ko ring makasalamuha noon ang mag-asawang may-ari ng Hilmarc’s. Ang lalaki ay tahimik lang, napakasimpleng tao at minsan na may bara ang lababo sa opisina ay siya pa mismo ang nag-ayos. Makuwento naman ‘yung babae at relihiyosa. At dahil ako’y mapagpanggap, pag alam kong may meeting kaming dalawa ay magbabasa muna ako ng mga berso sa Bibliya, mememoryahin at isisingit iyon sa aming huntahan—na labis niyang ikinatutuwa.
Noon pa man ay marami na silang construction projects—at talagang maganda na ang buhay nila dahil may eskuwelahan pa sila sa Bulacan at housing projects. Minsan ay naisasakay ako ng lalaki sa magagara nilang sasakyan. Nagkaroon din kami ng company outing sa Pundaquit, Zambales kung saan may napakaganda silang resort.
Sa kontrobersyal na issue ng Makati Linkin Park, este, Makati Building, ang hirap mag-isip kung saan ako papanig sapagkat nakita ko ang mga positibong bahagi ng Hilmarc’s at ng mga taong nakapaloob dito. Kung pupuntahan ninyo ang kanilang website ay makikita ninyo ang iba pa nilang proyekto na bukod sa magaganda na ay hindi naman balot ng kontrobersya.
Engineer na si Edong, at siya rin ang publisher ng Clavel, ang nag-iisang sneaker magazine. May kakilala akong empleyado nila at nakukumusta pa rin daw naman ako, maging ng ibang mga naging bossing ko roon.
Umaasa akong malalagpasan ng Hilmarc’s ang isyung ito. Sabagay, hindi naman talaga sa kanila nakatuon ang pansin ng publiko kundi sa mga taong kumuha ng kanilang serbisyo na may iba yatang motibo kaya ipinatayo ang nasabing gusali.


Tuesday, August 12, 2014

'mariposa'

MAY “phobia” si Misis kapag nakakakita ng paru-parong mariposa sa loob ng aming bahay. Nagsimula ito noong 2008 nang habang namamalantsa siya ay may dumapong mariposa sa kanya. Napasigaw pa siya dahil matatakutin siya sa mga insekto. Makalipas ang ilang sandali ay nag-ring ang aming telepono. Isang kamag-anak niya ang nasa linya at nagbabalita na ang paborito niyang uncle ay namayapa na—ilang minuto pa lang ang nakakalipas.
Ilang mariposa pa ang dumalaw sa aming bahay—at ang laging kasunod niyon ay ang balitang may kamag-anak siyang namayapa.
Binigyan niya tuloy ng kahulugan na ang ganoong pangyayari ay lagi niyang naiiugnay sa isang malapit sa amin na namayapa na. Ako naman, bagaman at may kaunti ring pamahiin sa katawan, ay laging sinasabi sa kanya na baka nagkakataon lamang. Pero sabi nga niya, kung nagkakataon lang, bakit palagi naman?
Noong August 5 ng gabi, habang paakyat ako sa aming hagdan ay sinalpok ako sa mukha ng malaking mariposa. Bigla akong kinabahan pero binalewala ko lang iyon. Nakita rin pala ni Misis na noon ay kasunod ko sa pag-akyat ang nasabing paru-paro. Sigaw niya, “Ay, mariposa! Saan galing ‘yan?”
Hindi ako sumagot at pilit binalewala ang nangyari. Pero aaminin kong may kabang biglang bumundol sa aking dibdib, lalo pa nang sabihin niyang sino na naman kaya ang namaalam?
Tatlong kapatid kong babae ang medyo hindi okey ang kalusugan sa ngayon. Ang isa ay kasama sa aksidente sa JAM kamakailan, malubhang nasugatan at patuloy na nasa ospital. Ang isa ay na-mild stroke habang ang isa naman ay sadyang hinain ang katawan. Ang isip ko ay natutuksong mangumusta sa kanila kahit gabi na para lang makatiyak ako na wala ni isang sinamang-palad sa kanila noon. Ito ang naglalaro sa isip ko dahil tiyak na walang nangyari sa side ni Misis dahil maagap silang magbalita. Ang mga kamag-anak ko naman o kadugo, kung mabalitaan kong pumanaw na ay kung kailan nailibing na pala. Pero nanaig sa akin ang huwag maniwala sa mariposa. Nagkataon lang, pilit kong isinisiksik sa isip.
Nawala na sa isip ko kinabukasan ang tungkol sa mariposa. Lunch time ay nakatanggap ako ng text mula sa isa kong pamangkin. Napanganga ako nang mabasa ko ang mensahe. Isa sa mga best friend at kumpare ko ang namatay noong gabi! Naaksidente sa motorsiklo.
Sobra akong nalungkot...
Ang kaibigan/kumpare kong ito ay matagal kong kasa-kasama at kalaro noong mga bata pa kami. Matanda ako sa kanya ng tatlong taon. Nagkahiwalay lang kami nang magkatrabaho na siya at ako naman ay lumuwas ng Maynila. Sa tagal ng aming paghihiwalay ay nagkita lang kami nang kunin niya akong ninong ng panganay na anak niya. Maysakit ako noon at kalalabas lang ng ospital, pero dahil sa hiya ko sa kanya ay pinilit kong maka-attend ng binyagan—na labis naman niyang ikinatuwa. At dahil yata sa sobrang tuwa, may mga piyesa siya ng binubuong owner-type jeep na hindi na raw niya itutuloy dahil may AUV na siya, kunin ko na lang daw at ako na ang magbuo. Hindi ko na rin naman nabalikan.
Maganda ang naging buhay niya dahil pareho silang may trabaho na mag-asawa at nakapagpatayo agad ng bahay. Iyon nga lang, wala na akong naging balita sa kanya at kung ilan ang naging anak niya.
Iyon na rin pala ang huli naming pagkikita...
Hindi na ako nakapunta sa libing niya kaya lalo akong nalungkot. Humingi na lang ako ng sorry sa kanya, at nangakong lagi kong aalalahanin ang aming kabataan. Ang masayahin niyang personalidad, ang magandang direksyon sa buhay.
Sana rin ay maging babala sa lahat nang nagmomotorsiklo ang nangyari sa kanya. Lagi na ay nasa panganib kapag sa sasakyang dalawa lang ang gulong ka sakay kahit gaano ka pa kaingat.
At ang tungkol sa mariposa, na sabi nga ni Misis ay hindi pa sumasablay sa pagpapahiwatig, marahil nga ay nagparamdam ang kaibigan ko sa akin. Natutuwa naman ako. Ibig lang sabihin, isa ako sa mga espesyal na tao sa naging journey niya sa mundo dahil noong oras na binawian siya ng buhay ay isa ako sa kanyang unang dinalaw.

Rest in peace, Eli, my friend and kumpare... Nasa sinapupunan ka nang muli ng Maykapal, sa isang bahagi na puno na ng kapayapaan.

Wednesday, June 18, 2014

boom... panis!


NOONG isang araw ay tumunog ang aking cellphone. May tumatawag. Hindi nakalista sa aking contacts ang number kaya hindi ko sinagot. Allergic na kasi ako sa mga tawag na wala sa aking phone book. Kung minsan ay mga pamangkin ko lang na nanghihingi ng load, o kaya ay kapatid na nanghihingi naman ng pambili ng gamot.
Hindi naman tayo nagmamaramot. Kung minsan lang kasi ay hassle lalo na kung may importanteng ginagawa.
Anyway, walang tigil sa katatawag ang may-ari ng number. Dahil iniisip kong baka naman ma-low batt ako ay sinagot ko na lang. Inipit ko ang aking boses para kunwari, kung sakali, ay namali lang ng pindot ang natawag.
Pag-hello ko, sabi ng nasa kabilang linya: “Pare!”
Inisip ko kung kaninong boses iyon sa mga kumpare ko pero wala akong matandaan na ganoong boses. Sa ipit na tinig pa rin ay tinanong ko siya: “Sino ‘to?”
“Si Ricardo ito, pare...” sagot niya.
Na-realize kong hindi ko siya kilala. Wala akong acquaintance o kaya ay kumpare na Ricardo ang pangalan. Magalang kong sabi sa kanya sa ipit pa ring boses, “Wrong number po.”
Tumawa siya. Sa pagkagulat ko, ang sumunod niyang sinabi, “Bakla ka, ano?” At humalakhak siya nang malakas.
Okey, inakala niyang gay ako dahil sa inipit kong boses. Malaki ang boses ko at nang minsang mag-guest ako sa DZJV sa Laguna ay pinansin iyon ng isang lady DJ at sinabing puwede raw akong announcer. I never thought na pag inipit ko pala ang aking bedroom voice ay boses beki na ako.
“O...” patuloy ng lalaki. “Hindi ka na nagsalita. Bakla ka, di ba?”
That got into my nerve. Hindi naman sa ayokong mapagbintangan akong bakla kundi dahil sa pitik ng pananalita niya ay para bagang isang krimen ang maging bakla. Sabi ko sa kanya, “May problema ba kung bakla ako? Kasalanan ba iyon?”
Ang lakas ng tawa niya. “Sabi ko na nga bakla ka, eh!” at hindi matapus-tapos ang tawa niya.
Tutal ay hindi naman ako ang mauubusan ng load ay hinayaan ko lang siya. Sa dami na rin ng mga nakatalo kong salbahe—pisikal man o verbal—lagi akong nakakapuntos sa huli. Alam kong later on ay mabibingguhan ko rin siya.
“Tagasaan ka, beki?” tanong niya sa mapang-asar na tinig.
“Quiapo...” sagot ko.
“Talaga?” naramdaman ko ang excitement sa boses niya. “May kilala ka bang Usmad?”
“Saan ba si Usmad dito sa Quiapo?” tanong ko.
“Malapit lang sa simbahan. May atraso ‘yan sa akin, eh,” bahagyang nagkaroon ng galit sa tinig niya.
“Anong atraso?”
“Eh, kinasuhan ako ng tarantadong ‘yan, eh!” sigaw niya.
“Anong kaso?” kaswal kong tanong.
“E-estafa...” nauutal niyang sambit.
Well, it takes a veteran journalist to realize if the person he’s conversing is telling the truth or not. Naramdaman ko, batay sa mga factors na sinabi niya na posibleng hindi estafa ang ikinaso sa kanya.
“Sumabit ka sa droga, ano?” tanong ko sa kanya.
Hindi siya sumagot.
Kinargahan ko ang tanong sa kanya. “Ilang taon ang senstensya sa ‘yo? Mabigat na kaso ang drug pushing.” Sa ngayon ay ina-assume kong nasa kulungan na siya.
Wala na ang bravado sa boses niya nang sumagot. “S-sampung taon, pare...” aniyang nauutal.
Bingo!
Ngayon, ako naman ang nasa opensiba.
Isa siyang bilanggo. Inisip kong nag-trial dial lang siya kung may sasagot sa number na tsinambahan niya. Huwag na tayong magtaka kung kahit preso ay cellphone, nangyayari ito lalo na kung gaya niya na dating pusher at may koneksyon sa sindikato—maliit man o big time.
Napangiti ako sa naisip na pangganti sa kanya.
“Ilang taon ka ‘kamo riyan sa loob?” tanong ko sa kanya.
“Sampu...” malungkot niyang sagot.
“Diyan ka na mamamatay,” walang pusong sabi ko sa kanya.
Naramdaman ko ang pagkabigla sa boses niya nang sumagot. “Ha? Bakit mo nasabi?”
Tumawa ako. Ako naman ang kriminal ngayon. “Eh, marami na akong beses nakarating ng bilangguan. ‘Yung mga preso na nakikita ko, diyan na namamatay.”
“Hindi mangyayari sa akin ‘yun!” maagap niyang sagot. “Pitong taon na nga lang, laya na ako.”
“’Yung mga huling taon ang delikado,” sabi ko naman sa kanya. “Kasi hihina na ang katawan mo, pati resistensya. Pag tinamaan ka ng pigsa sa puwet, damay pati bituka mo niyon. Diretso kamatayan na ‘yun. Mabubulok na lahat nang laman-loob mo...”
May hinanakit sa boses niya nang muling magsalita. “Pambihira ka, pare. Sa halip na pinalalakas mo ang loob ko tinatakot mo pa ako.”
“Yun ang totoo, e. sinasabi ko lang sa ‘yo.”
Huminga siya nang malalim. “Sa halip na palakasin mo ang loob ko, ganyan ka pa.”
Ibinato ko sa kanya ang sisi. “Kanina nang pinagbibintangan mo akong bakla ang saya-saya mo, ang yabang-yabang mo. Ngayon sinabi ko lang ang posibleng maging kamatayan mo, naduwag ka na. Ganyan talaga singilin ng tadhana ang mga nagbebenta ng droga. Nabubulok sa kulungan at diyan na namamatay. Baka nga netx week tamaan ka na ng pigsa.”
Nag-busy na ang linya niya.
After 10 minutes ay tumunog muli ang cellphone ko. Ang kriminal muli. Sinagot ko.
“Pare...” ngayon ay mahinahon na ang boses niya. “Sorry kanina na sinabi kong bakla ka. Biro lang ‘yun. Malungkot dito sa loob, puwede ba tayong maging magkaibigan?”
Napangiti ako. At nagpasyang isagad na ang pambibinggo sa kanya. “Huwag na lang, pare... Pag naging magkaibigan tayo ay malulungkot lang ako dahil mami-miss kita...”
Nagulat siya. “Ha? Bakit mo ako mami-miss?”
“Eh, kasi sabi ko nga sa ‘yo... mamamatay ka na!” at ako naman ang humalakhak.
Hindi ko siya kita at hindi ko alam ang hitsura niya pero parang nahuhulaan ko ang naging expression niya. ‘Ika nga ni Vice ganda, “Boom, panis!”

Sunday, February 23, 2014

Where art thou, brethren?

Matagal na akong naghahanap sa mga naging kaklase ko noong college sa kursong Petroleum Refinery Maintenance Technician. Special course iyon, (scholarship program) at walo lang kaming magkaklase. Monday, Tuesday and Saturday ay nasa school kami. Wednesday to Friday ay trabaho na sa Caltex Refinery. I guess ako ang pinakabata—at pinakapayat.
Twenty five years after our graduation ay wala na akong naging balita sa kanila. Hindi na rin kami nagkita-kita. Wala ring na-absorbed sa amin sa Caltex dahil nag-freeze hiring.
Kahit sa net ay wala akong makita. Imposible namang hindi sila marunong mag-computer dahil long before the first PC came into the Philippines, nagde-design na kami ng circuit board, and we can even troubleshoot the most sophisticated process instruments made by Texas and Toshiba.
Naalala ko na ‘yung isa kong kaklase ay may kapatid na dalaga noon na nag-cum laude sa isang college sa Batangas, and I met her personally back then. I searched for her name and eureka, may FB siya. Good thing na kahit married na siya, ginagamit pa rin niya ang maiden name niya.
Nagpakilala akong classmate ng kapatid niya. Buti naman at sumagot. Her brother daw is taking care of their sick mom who’s suffering from cancer. Hindi siya sumagot nang itanong ko kung ilan na ang anak ni Classmate.
Sa mga kaklase ko ay siya ang pinaka-close ko noon. Ang alam ko’y nag-pursue siya ng engineering though di ko alam kung natapos niya.
Guwapo siya at kung sa panahon ngayon ay kahawig ni Joross Gamboa. Sa FB ng utol niya ay nakakita ako ng isang picture na naka-tag siya. Hindi ko halos siya makilala dahil sobrang naging mama ang hitsura at umitim nang todo.
Ibinigay ko sa sister niya ang number ko para tawagan ako o mag-text. Still waiting for him to get in touch.
Sa  picture, ang classmate ko ‘yung nasa left na naka-white at tumatagay. Back in college, hindi siya bumabarik. Looks like he’s having a good time. Ang ale marahil ang nanay niya na inaalagaan niya ngayon.
Sana may makita pa akong iba kong kaklase.