Wednesday, June 8, 2011

'i can't live... if living is without you'

Photobucket

NOONG isang araw ay nakatuwaan kong linisin at muling patugtugin ang aking Aiwa component. Isa ito sa mga una kong investment nang magpatayo kaming mag-asawa ng bahay. Medyo napabayaan na lang, mga anim na taon na siguro, mula nang makabili kami ng home theater.
Maganda ang tunog ng component na ito na may malalaking speakers at extra bass feature. Sa aking opinion bagaman at hindi ako audiophile, sa kabila ng magagandang reviews sa maliliit na digital speakers na malalakas ang tunog, iba pa rin ang hataw ng speakers na malalapad ang circumference.
Anyway, matapos kong linisin at matiyak ang mga connections ay ini-on ko ang component. Walang problema, hindi umusok, at nagpa-function pa ang mga mode. Ni-review ko nang bahagya ang user’s manual na naitago ko pa rin pala, at sandali pa ay nagsalang na ako ng CD. Dahil ako’y binatilyo ng dekada 80, ang napili kong patugtugin ay album ng Air Supply.
Masarap pa rin sa tenga ang hataw ng speakers. Malakas pero hindi nakakabingi. May hatid na adrenalin rush ang dagundong ng bass. Makalipas ang ilang sandali ay pumailanlang ang single na “Without You”, na ang akala ko noon ang titulo ay “I Can’t Live.”
Bahagya akong natigilan.
Kinapa ko sa alaala ang esensya ng kantang ito sa buhay ko. At naalala kong bigla—ito ang background music nang una akong makapanood ng live na bold show.
Mahigit isang buwan pa lang akong editor noon sa Atlas. Araw ng suweldo nang yayain ako ng mga barako sa editorial na mag-unwind daw naman kami. Schedule ko sana ng paglalaba sa boarding house pero dahil kailangang makisama ay pumayag ako sa anyaya. Alas otso raw ng gabi kami magkita-kita sa Farmer’s Plaza. Mas okey, sa isip-isip ko, dahil makapaglalaba pa ako. Malapit lang kasi ang boarding house na inuupahan ko noon, tapat lang ng Atlas, na isang sakay lang ng dyip at nasa Cubao na ako.
Excited din naman ako sa mga ganitong paanyaya. Para sa isang probinsyanong ang nightlife noong nasa Batangas pa ay maghanap ng aswang at tikbalang kapag kabilugan ng buwan, siguro naman ay kakaibang experience ang mararanasan ko ngayon.
Nang magkita-kita kami sa Farmer’s (karamihan ay mga lettering artists ang kasama ko) ay nag-inom muna kami sa basement at nakinig sa ilang banda na nag-perform. Alas diyes ay nagtungo na kami sa kalapit na night spot na hindi ko na matandaan ang pangalan kung Alibangbang ba o Salagubang—basta may “bang” sa huli na para bang nagpapaalala ng putukan. Pagkapasok pa lang namin ay nagsasayaw na sa maliit na entablado ang mga babaeng hubo’t hubad. Muntik na akong napaantanda, sabay bulong sa sarili ko na, “A-ah, walang ganire sa Batangas, eh!”
Naging exaggerated lang ako, hindi pa naman sila hubo’t hubad bagaman at ang suot nila na two-piece ay wala nang itinago sa imahinasyon ‘ika nga. Nagsasayaw sila na parang mga model ng swimsuit, kumakaway sa mga lalaking naroroon. Sabi ng waiter na nag-asikaso sa amin ay “big night” nila ngayon. Magsasayaw raw ang kanilang star dancer. Tinapik ako ng mga barakong kasama ko sabay kantiyaw: “Makakakita ka na ng hubad na seksing babae, hindi na hubad na baboy-ramo!” At nagkahalakhakan kami. Obviously, gusto nilang mag-enjoy ako sa pagkakataong iyon.
Hindi ako malakas uminom at hindi rin naman malakas sa pulutan pero masayang lumipas ang mga oras sa pagmamasid ko sa bagong kapaligirang iyon. Eksakto alas dose ng hatinggabi nang ianunsyo ng DJ ang “big night” at ang “star of the show”. Nagsimulang pumailanlang ang malambing na awitin:
“No, I can't forget this evening
Or your face as you were leaving
But I guess that's just the way the story goes…”
Mula kung saan ay lumabas ang isang napakaseksing babae. Naka-two-piece siya pero parang may kamison pa na pang-ibabaw. Matangkad, walang tiyan, maganda ang sukat ng dibdib at balakang, mahaba ang diretsong buhok. Gawin na lang nating peg si Sunshine Cruz noong di pa misis ni Cesar Montano. Nag-pole dancing siya sa entablado. Kung anu-anong kembot ang ginagawa—na sapat para magpatahimik sa kanina’y napakaiingay na kalalakihan.
Unang nahubad ang kamison.
Saglit pa, nawala ang saplot sa itaas.
Malamig naman ang aircon pero parang nag-El NiƱo sa loob ng pub sa tindi ng tumataas na excitement. Saglit pa, sabay sa lalong paglamlam ng ilaw ay wala nang tumatakip kahit dahon ng malunggay sa dancer. Ang mga mata ng kalalakihan ay lalong nanlaki (kasabay ang iba pang dapat lumaki), at ang mga bibig na kanina’y tikom, ngayo’y nakanganga.
“I can't live if living is without you
I can't give, I can't give anymore
Can't live if living is without you
Can't give, I can't give anymore…”
While in her naked glory ay bumaba ang star dancer sa entablado at isa-isang pinuntahan ang bawat mesang makursunadahan niya. Para siyang anaconda sa paggiling. Bago umalis ng table, inaabutan siya ng pera ng mga lalaking kuripot sa misis, pero pag nasa beerhouse ay parang mas mayaman pa kay Bill Gates kung gumastos.
Sa wakas ay huminto siya sa aming table at doon naman sumayaw. First time. First time kong nakakita ng ganoon. At kung shocking ang makakita ng aswang at engkanto, mas matindi ang shock ng makakita ng babaeng hubad sa unang pagkakataon. Humawak siya sa magkabilang balikat ko at ikiniskis nang bahagya ang katawan. Binulungan ako ng isa kong kasama: “Abutan mo…”
Kumapa ako sa bulsa at inilabas lahat ng perang papel na naroroon at iniabot ko sa babae. Tumingin siya saglit sa akin, ngumiti, mahinang “Thank you” at lumipat na siya ng ibang mesa.
Madaling-araw na kami nakauwi ng tropa pero hindi kaagad ako dinalaw ng antok. Paulit-ulit sa diwa ko ang mga naganap sa bar.
Iyon ang una kong immersion para sa mga gaya niya na ang means of livelihood ay pagbibigay ng kasiyahan sa mga kalalakihan. Sa aking pagiging journalist, lalo na noong nasa Manila Times na ako ay marami akong na-interview na entertainers. Iba-iba ang kuwento nila kung bakit nasadlak sa ganoong uri ng trabaho. Minsan ay mahirap paniwalaan. Pero lahat ay nagtatapos sa iisang konklusyon—kung may iba lang paraan, hindi nila gagawin iyon. At sino naman tayo para husgahan sila?
Hindi rin ako naengganyo nang todo sa mga ganitong uri ng paglilibang. Hindi ako puwedeng mag-aksaya lagi ng pera. Tama na ang isang gabi ng hubad na karanasan. Marami kaming utang. Nakasangla ang lupa. Kailangang bumili ng baka na gagamitin sa pagsasaka. Pasalamat ako at may maganda akong hanapbuhay. Hindi ko kailangang magsayaw—na pag minamasdan ko naman ang sarili ko sa salamin, mukhang walang gaybar na magkakamaling kunin ang aking service. Hindi ako naging hunk na gaya ng aking idol na si Jose Mari Lee.
Naikuwento ko lang ito dahil nga sa kanta ng Air Supply na kinanta rin ng iba’t ibang performers. Alam kong pamoso ang kantang ito sa mga big night. Sa mga gabi ng basaan sa girlie joints, sa bayuhan blues ng mga macho dancers.
Almost 20 years na ang eksenang iyon. Ang mala-Sunshine Cruz na dancer ay baka lola na ngayon at wala na ang dating tindig at alindog na kababaliwan ng mga kalalakihan. Nasaan man siya, sana ay nakaahon siya sa kahirapan at nagkaroon ng magandang buhay. At ang malungkot na ngiti niya noon, sana ay may sigla na ngayon—gaya ng linya sa kantang sinasayaw niya nang akin siyang makita:
“No, I can't forget this evening
Or your face as you were leaving
But I guess that's just the way the story goes
You always smile but in your eyes your sorrow shows
Yes, it shows…”

12 comments:

TheCoolCanadian said...

Dikong KC:

Ikaw ha? Nagkamali ka sa spelling ng isang pangalng ginamit mo. Actually, ang dapat na spelling no'n, eh, RENO MANIQUIS. Iyan ang original hunk at hunk na hunk pa rin hanggang ngayon. Ang tanging pangarap ko na lang ngayon ay maging isang: MAGTATAHO. Masarap at masustansiya ang taho kaya maraming mga Pinoy ang lulusog. Magkano na ba ang presyo ng isang basong taho? Mabuhay kaya ako bilang magtataho kung mag-migrate ako diyan sa Maynila? Mauwi kaya ako sa isang iskwater, o baka sa sidewalk ng Avenida na lang matulog at maging modelo ng mga pictorials ni Dennis Villegas na kung saang ang mga larawan ng buhay ay higit pa sa nagliliyab na apoy sa kagubatan? Naroong kumain ako ng PAGPAG FOOD, Magtampisaw sa tubig ng mga PUSALI at makisama sa mga batang naliligo roon? Makita rin kaya akong nakaupo sa bakod ng Quiapo church at NANGHUHULA, ang pa.rukyano ay ang may asim pang si Madam Auring na kasama si MYSTIKA. Tapos pupunta na rin siguro ako doon sa RONGOT at sasambahin si Dr Jose P Rizal at maging lifetime member ng simbahan nito. Ano kaya't ganitong lifestyle ang gawin kong buhay pagbalik ko diyan sa Pilipinas? Mauwi kaya sa HAPPILY EVER AFTER habang tinatahak ko ang landas doon sa papalubog na araw? Parang nakakaintriga ang ganitong existence. Wala ka nga lang makitang brochure na nag-iimbita sa mga tao sa abroad para mag-tour diyan at mag-group tour ng lifestyle na nabanggit. Palagay ko, marami ang sasali.

Yung original ng WITHOUT YOU ay si Harry Nilsson (lyrics and music). He died very young indeed, 53. He received the best male pop vocal in 1972 for "Without You."

kc cordero said...

TCC,
mahirap ma-achieve ang abs ni reno, hehe.
kung magiging magtataho ka rito, baka laging pakyawin ng mga matrona.
siyanga pala, off topic, kinontak ka ba ng GMA-7 para sa remake ng 'Temptation Island', di ba ikaw ang nagsulat niyon?

TheCoolCanadian said...

Hindi ako ang nagsulat ng Tempatation Island, si TOTO BELANO. Puro tarayan ang pelikulang iyon, he-he, at halos lahat ng dialogue ay si Joey Gosiengfiao ang gumawa. Joey was a fantastic person and we became very close after we made Bedspacers. Kahi't kailan ay hindi ko nakitang magalit iyon, ni magtaas ng boses sa mga artista during shootings. Ang lawak pa ng sense of humor nito, kaya nakakatuwang kasama. Noon, madalas niya akong imbitahin mag-dinner sa bahay niya sa Kamias, a stone's throw from the house of one of my bests friends, Mitch Gumabao. Life is too short, Dikong KC. Para bang: now you see it, now you don't. Mangilan-ngilan na ring mga taong kilala ko, ang iba, ka-edad ko, ang namaalam na mundo, perhaps to go to a better place where everyone is turned into a SPIRIT. Basta, kung ako ang papanaw, ayokong maging POLTERGEIST sa kabilang buhay. LOL.

kc cordero said...

TCC,
oo naman, mas masarap maging angel pag nasa sinapupunan na ng dakilang lumikha. :)

Knovs said...

KC,

Lagi ako dumadalaw dito sa blog mo naghihintay ng 'bago'.

Miss ko na ang mga ganitong kwento mo...parang bitin pa nga nung matapos ko na basahin. Kaya kahit alam kong busy ka, eto ang hirit ko... MORE! MORE!

kc cordero said...

knovs,
medyo na-censor ko lang nang konti knowing na medyo maraming kababaihan natin ang nagbabasa ng blog ko, he-he. baka medyo maka-offend kaya medya-medya lang.

dino (laging bata) said...

Hi Sir KC,

Salamat naman at nagkaroon ka na ng time na magkwento uli hehehe ...kulang 2 months yata na naghihintay ako ng kwento mo hehehe..

at dahil sa kwento mo, tuwing maririnig ko ang kanta na to eh..maiisip ko ang eksena mo sa loob ng _ _ _ _ _ _ _ _BANG! na nanonood ng show..hehehe..at baka mahirapan na rin ako na idedicate sa crush ko ang kanta na to....iba na ang maiisip ko eh...hahahahaha

Anonymous said...

he he he!

hindi ko na babanggitin ang pangalan ng mga dating kasama na mahilig sa mga bold shows, ang iba kasi'y nanamayapa na.

pero sila rin ang unang nagturo sa akin ng kagaya ng karanasan mo...

iyon ang time na parang walang kamatayan ang mga taga-komiks, masiglang-masigla pa noon ang comics industry sa pinas...

alex areta

kc cordero said...

kabayang alex,
buti nga mababait tayo, di na tayo nagturo sa mga sumunod sa atin, he-he.

meng fabian said...

Hi sir, may naalala lang din ako pero di sa kanta kundi sa editor ko. ng maging empleyado kasi ako ng west publication at kislap publication.
puro editor ko talaga ang kumakayag sa akin sa mga ganitong uri ng lugar, pero di ako sumasama(peksman). :)

malupit sa west pub. dahil wala pang sampung hakbang mula sa opisina, puro kumukutitap na ilaw na ng mga nag-o-all the way na ang makikita mo. diyan sa may scout lozano st., corner tomas morato. hehehe.

kc cordero said...

meng,
pag mga taga-publication talaga mahilig sa kumukuti-kutitap, hehe.
hindi ka pa pala nakapanood ng big night, hayaan mo ipaiimbita kita kay randy.

Anonymous said...

u still have d magic of entertaining ur reader while reading ur piece!!! bravo idol!!