Thursday, June 30, 2011

kuwentong rubber shoes

Photobucket

MAHILIG ako sa rubber shoes. Sabagay, kahit naman sinong lalaki. Cool na cool ang dating kung naka-rubber shoes pag namamasyal at naka-casual lang ng suot. Gayundin kapag naglalaro. Sa mga department stores, sa section ng rubber shoes ako nagtatagal ng pagwi-window shopping.
Noong bata pa ako ay hindi ako nagkaroon ng sariling rubber shoes. Sa maniwala kayo o hindi, kahit tsinelas lang ay hindi pa ako halos makabili noon. May mga pagkakataon noong nasa elementary pa lang ako na nakaranas akong pumasok nang walang suot sa paa. Noong high school, pag teenager na siyempre ay nakakahiya nang walang suot sa paa pag papasok sa school, kaya ang sandalyas na namana ko sa aking pinsan ay talagang tinipid ko ang paggamit para huwag agad mapudpod.
Ang kawalan din ng rubber shoes ang problema ko noon pag oras ng PE. Pag may liga ng basketball. O kahit simpleng lakaran lang ng barkada.
Kaya sabi ko sa sarili noon, pag nagkapera ako balang araw ay susuotan ko ng pinakamahal na rubber shoes ang paa ko na matagal na pinarusahan ng mainit na kalsada pag tag-araw, at putik kung tag-ulan.
Nang maging scholar ako ng Caltex noong college, nakakabawas ako sa aking stipend ng pambili ng sapatos. Pero kausuhan noon ng “topsider” kaya pansamantalang nawala sa isip ko ang pagbili ng rubber shoes. Isa pa, may mga kaklase ako na ang mga tatay ay nagtatrabaho sa Saudi Arabia, kaya ang kanilang pinaglumaang Adidas ay ibinibigay na lang sa akin.
Nang tumira ako sa Marikina City huling quarter ng 1988 ay nakuha akong “import” sa 3-on-3 basketball league nila at naglaro ako sa team na pagmamay-ari ng isang may pagawaan ng bag. Kasama sa bayad ang rubber shoes (kasikatan ng Grosby noon) pero pinera ko na lang dahil kailangan ko ng allowance. Noong time na ‘yon ay nakikipanuluyan lang ako sa isang malayong kamag-anak na may bakery bilang “alilang-kanin.” Meaning, habang nakatira ka sa kanila ay gagawin mo ang lahat ng odd jobs pero libre kain. Naging tagadurog ako ng lumang tinapay. Ang nakuha ko namang pera kapalit ng rubber shoes na worth P300 (na malaking halaga pa noon) ay ginamit ko sa paghahanap ng trabaho.
Nasa Atlas Publishing na ako nang makabili ng masasabi kong kauna-unahan kong rubber shoes na ginamit ko sa inter-komiks league. Iyon din ang first time na na-in love ako sa Nike. Since then, nagkasunud-sunod na ang pagbili ko ng nasabing brand.
Hanggang noong 2007 ay nagna-Nike pa ako. Natigil lang nang mapahilig naman ako sa tsinelas nang mauso ang flip-flops—lalung-lalo na ang sikat na Havaianas. Pero mas mura ang binibili ko dahil hindi ko ma-reconcile na gagamit ako ng tsinelas na libo ang halaga. Hindi pa naman pangganoon ang level ko. Okey na ako sa Banana Peel.
Last year ay nakakita ako sa sale ng Adidas Superstar at Puma Skrum Trainer. Halos 70% ang discount at dahil matagal na rin akong hindi nagra-rubber shoes ay binili ko pareho dahil sobrang bagsak-presyo nga. Isa pa, pinayuhan ako ng doctor na magsapatos muli dahil medyo dumarami ang aking varicose veins—na ayon sa kanya—bukod sa nasa genes ay dahil na rin sa sobrang pagtitsinelas. Kaya for the first time, hindi muna ako nag-Nike.
Pero mahirap kalimutan ang first love. Sabi nga ni John Grishman sa nobela niyang “The Bleachers” ay, “There’s always something magical about first love.” Bagaman at unang pag-ibig sa opposite sex ang tinutukoy niya—totoo rin pala iyon sa mga bagay na una mong nakasanayan. In my case, ang Nike shoes.
Sa mga una kong kuwento ay sinasabi kong mahilig akong mag-alkansya at hanggang ngayon ay ginagawa ko pa rin iyon at binibiyak lang pag may gusto akong bilhin. Nagkataon na may Nike shoes akong nakita na sobrang nagpapalaway sa akin. Sabi ng misis ko, bilhin ko na raw kaysa laging akong nangangarap. Dahil siya ang aking boss, at para huwag masira ang budget ay pinaanak ko muna ang aking piggy bank, at ensigida ay nagpunta kami sa mall at binili ang pangarap na shoes.
Sabihin pa ay anong ligaya ng aking mga paa na sanay na sanay sa yakap ng goddess of strength, speed, and victory. Para akong laging nakayapak sa ulap.
Hanggang kamakailan lang ay maganap ang hindi ko inaasahan...
Sakay ako ng jeep habang papauwi sa amin. Sa tapat ko ay nakaupo ang mag-ina na mukhang galing sa school. Prep pa lang siguro ang chubby na batang lalaki na mukhang makulit—parang totoy na Alex Areta. Ayaw niyang isuot ang polong uniform at gusto ay naka-sando lang. Hirap na hirap sa pagsaway sa kanya ang ina na marahil ay thirty-something pa lang. Kumakain ang bata ng hamburger, at sa isang kamay ay may malaking plastic nang hinihigop niyang sa-malamig. No wonder kung bakit may pagka-chubby siya.
Noong una ay naaaliw siya sa suot kong Marvel T-shirt. Hindi ko alam kung marunong na siyang bumasa pero panay ang sigaw niya ng “Spider-Man!” Ah, the power of visuals. Maya-maya ay napadako ang tingin niya sa sapatos kong colorful.
Ang sumunod ay kalamidad.
Ibinuhos niya sa sapatos ko ang lahat nang iniinom niyang sa-malamig!
Napasigaw ang ina niya at ako naman ay na-shock. Sa hitsura pa lang ng bata ay halata nang sutil ito, at nawala sa isip ko ang mag-ingat. Pati ang mga sago’t gulaman ng iniinom niya ay napabuhos sa sapatos ko.
Kumulo ang dugo ko. Naramdaman kong umagos ang pawis ko sa likod sa galit. Pero ano’ng magagawa ko ay bata ang may kasalanan? At kasalanan din ng nanay niya kung hindi tinuturuan ang anak ng kagandahang asal.
Ang mas nakadagdag sa bad trip ko ay di man lang sinaling ng ina ang kanyang anak. Ang sabi lang sa mahinang boses, “Ang kulit mo talaga, magagalit sa ‘yo ang mama.” At kahit alam kong di pa dapat sila bumaba ay nagpara na para makaalpas sa kaaliwaswasang ginawa ng anak niya.
Shock din ang ibang pasahero. Iba’t iba ang reaksyon nila. Maraming nabuwisit sa bata, meron din sa ina. Blangko naman ang isip ko. Pinakamahirap na sitwasyon kapag isang musmos ang gumawa sa iyo ng kasalanan.
May isang ale na nag-abot sa akin ng tissue na pamunas. Habang pinupunasan ko ang sapatos, isang mamang medyo senior citizen na ang humirit: “Marami naman niyan sa Greenhills.”
Excuse me, gusto ko sanang sabihin. Hindi po japeyk ito! Pero kung bawal pumatol sa musmos, ganoon din naman sa senior.
Isang ginang naman ang nagsabi sa akin na, “Dapat pag ganyang kaganda ang sapatos hindi nasakay sa dyip.”
Makes sense to me. To lighten up the mood, sinagot ko na lang siya ng: “Naubos po kasi sa sapatos ang aking pantaksi.”
Nawalan na ako ng gana sa aking bagumbagong Nike at sinuwerte ang bayaw ko—na hindi tumanggi nang ibigay ko, provided na siya ang maglalaba.
Nasa proseso uli ako ng pag-iipon ngayon para sa panibagong rubber shoes. Muli kong binubusog ng mga barya ang aking piggy bank. Mga ilang buwan lang siguro, posibleng sa Christmas season ay makabili akong muli ng bagong sapatos.
At sakaling maulit ang insidente—sabi nga sa amin sa Batangas, “A-ah, baka ako’y makapanumbi na!”

11 comments:

TheCoolCanadian said...

“A-ah, baka ako’y makapanumbi na!”

Meaning?

:)

Ang ganda pa naman nu'ng Nike mo. Very colorful. Okay ba talaga sa paa ang Nike shoes? I can't remember if I've ever used one before. Makapag-hanap nga sa tindahan ng mga sapatos nang masubukan. Ito ba, okay rin sa pag-jogging? Ang advice kasi sa akin ng foot doctor ay NEW BALANCE ang gamitin. Hindi kaya stock holder ang hinayupak kaya laging iginigiit niya ang New Balance? Pasensiya ka na sa pagiging ignoramus ko sa runner shoes. Para kasing ang tingin ko sa kanila ay pare-pareho. Pero dahil dito sa iyong artikulong sapatos (at nadurog pa ang puso ko sa bahaging isinasalaysay mo ang iyong childhood), at nasagkaan ang pagpatak ng aking mga luha dahil naging kolektor ka na rin ng sapatos na paborito mo later. Parang gusto ko na rin tuloy mag-alkansiya na rin ngayon. Nakakatuwa siguro yung sandali na babasagin mo na ang alkansiya. Parang noong mga panahon na sasabihin ng mga teachers natin sa elementary school na mag-alkansiya, di ba? Kaso, hindi pa ako nakasubok na mag-alkansiya. Maganda siguro kung may alkansiyang rebulto ni Buddha, ano. :) Kasi, mataba, mas marami kang maiipon. Kung rebulto naman ng nasirang si PALITO, baka pambili ng HOT PANDESAL, kulang pa. He-he.

Nakakaaliw itong entry mong ito, Dikong KC. Sana lagi mong lalagyan ng mga anecdotes ng iyong mga personal na karanasan at nang matuto kami sa iyong mga natutuhan ding bagay sa buhay. Bittersweet, at nakakapukaw ng damdamin.

kc cordero said...

The Cool Canadian,
Salamat.
Masarap sa paa ang Nike pero siguro ay dahil na rin sa epekto ng kanilang marketing strategy na gumagamit ng popular athletes as endorsers.
naging habit ko na ang pag-aalkansiya kasi noong bata pa ako, kailangang may ipon para sa pasukan ay may maibili ng mga kuwaderno, lapit at bolpen. palagay ko nga ay ito ang dapat ituro sa mga kabataan ngayon para mayroon silang ideya kung paano magtipid at mag-impok.
ok rin ang new balance though hindi ganoon ka-popular dito sa pilipinas. iyan ang brand na gamit ni misis.
pero ang dream shoes ko talaga ay "Saucony" kaya lang ay hindi na available dito sa pilipinas.

Anonymous said...

a-ah, siya! ako'y napasampol pa! ha ha ha!

kabayang alex

kc cordero said...

pareng kabayan,
pasensya na at eksakto ka sa peg, he-he.

kc cordero said...

TCC,
MAKAPANUMBI in batangas jargon means makapanapak. :)

dino (laging bata) said...

hahahahaha....magkahalong inis at tawa ang naramdaman ko sa kwento mo sir....ako naman any nasukahan ng bata sa bus...kaya tuwing sasakay ako ng bus, tingin muna sa makakatabi..kahit sa jip...

sana ung susunod na shoes mo eh, di na mabiktima ng mga sutil na bata at walang pakialam na nanay kesehodang makaperwisyo sila ng ibang tao...grrrrrrrrrrrr.........
hehehehehehehe..

kc cordero said...

dino,
balik-tsinelas muna ako. :)

Hazel Manzano said...

Ako din mahilig ako sa rubbershoes lalo na mga makukulay! Ganda ng istorya mo!

Norby Ela said...

salamat sir KC sa pag-add. :-)

Meyo said...

grabe naman!!!!puga!!!!bili ka na lang ulit!isama mo na ako,ha ha ha !

Temporary Walls new york said...

Very nice and beautiful.The combinations of the color was very amazing. Thanks for sharing.