Wednesday, June 15, 2011
kuwentong karate
ROGER MERCA
SI MASTER (Na akala mo kung sino lang)
HINDI natin aakalain na minsan, sa kung saan-saang bahagi lang ng ating bansa, may mga simpleng kababayan natin na naghahangad ng maganda para sa ating mga kabataan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang pambihirang kaalaman.
Nakilala ko si Roger Merca, isang karate instructor, minsan na napagawi ako sa isang parke malapit sa Cuneta Astodome, Pasay City. Pinanood ko siyang magturo ng martial arts sa ilang kabataan. Nagkainteres ako dahil noong nasa kolehiyo ako ay nag-aral din ako ng karate at umabot sa green belt. Hindi ko na nga lang naipagpatuloy nang mag-graduate ako.
Kasama ni Roger sa pagtuturo ang isa pang instructor na nagpakilala lang na si “Master”. Mas mataas ang ranggo ni Master kumpara kay Roger—na kakukuha lang pala ng kanyang black belt.
Nakakatuwang panoorin ang mga batang nag-eensayo. Sa totoo lang, malaki ang impluwensya ng martial arts sa mga kabataan para mahubog sa disiplina. Taliwas sa inaasahan ng iba na ang isang nag-aral ng martial arts o self defense ay mahilig sa away, kabaligtaran iyon sa katotohanan. Sa club na pinag-aralan ko, ang Association for the Advancement of Karate-Do o AAK, ay may panuntunan kami na, “To use this art only when all other forms of self preservation have failed.” Mapapansin ang katagang “self preservation”. Ibig sabihin nito, kung makatatakbo ka mula sa away ay gawin mo. At sa isang may knowledge ng self defense, hindi karuwagan ang umiwas o tumakbo sa away—bahagi iyon ng disiplina.
Sa mga bansa na pinagmulan ng sining ng self defense na ginagamit ngayon worldwide ay mapapansin ang disiplina ng kanilang mga mamamayan. Mga bata pa lang ay tinuturuan na sila sa mga paaralan bilang preparasyon sa kanilang paglaki at maging bahagi ng kanilang hukbong sandatahan. Siguro ay magandang gayahin natin dito sa atin ang ganoong sistema lalo pa at napakaraming kabataang Pinoy na ngayon ang walang disiplina. Sa maagang pagdidisiplina sa mga mamamayan nagsisimula ang pagiging makabayan.
Nang pansamantalang magkaroon ng break ang pag-eensayo ay nakahuntahan ko sina Roger at Master. Ayon sa kanila ay sinisimulan pa lang nila ang asosasyon sa bahaging iyon ng Pasay City. May malaki silang samahan sa Luneta Park. Kung gusto ko raw ay pwede akong mag-member. Mura lang ang membership fee, at kailangan lang na bumili ako sa kanila o magdala ng sariling kimono.
Sa sinabi nilang rate ay mas makamumura ako kaysa mag-enrol sa karate club ng isang celebrity. Noon ko pa planong mag-ensayo uli para madisiplina ko ang sarili ko pag-eehersisyo at iba pang physical conditioning. Isa pa, naghahanap na rin ako ng ibang mapaglilibangan na papawisan naman ako.
Naging advocacy na rin daw nila ang pagtuturo ng karate, unang-una ay dahil ito ang alam nilang gawin. Ikalawa, natutuwa raw sila kapag maraming kabataan ang natututo at nagkakaroon ng disiplina at self confidence. Sana nga raw ay marami pa silang mahikayat na sumali sa kanilang asosasyon.
Maituturing ding mga tahimik na bayani sina Roger at Master. Kung may mga gaya ni Efren PeƱaflorida na nagmumulat sa ating mga kabataan ng kahalagahan ng pagbabasa at edukasyon, nililinang naman nila ang disiplina at pisikal na aspeto sa buhay ng ating mga kabataan.
Nakakatuwa na kahit sa parke lang ginaganap ang ensayo ay may mga magulang na sinusuportahan ang kanilang mga anak para matuto ng martial arts. Maganda nga naman ito kaysa nasa bahay at nakababad sa computer, kumakain ng sitsirya hanggang maging obese at maka-develop ng kung anu-anong sakit.
Kung sa inyong lugar ay may mga gaya nina Roger at Master, hikayatin ninyo ang inyong mga anak na makiensayo sa kanila o sumali sa kanilang club. O kaya ay puwede ring kayo para mabanat naman ang mga ugat at kasu-kasuan.
Importante sa mga kabataan ang matuto ng self-defense. Bukod sa disiplina, nakaka-develop din ito ng self confidence. At nakatutuwa ang mga parents na ine-encourage ang kanilang mga anak sa ganitong aktibidad.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment