Friday, December 28, 2012

'duck walk'

http://s163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/?action=view&current=dognduck.jpg" target="_blank">http://i163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/dognduck.jpg
" border="0" alt="Photobucket">

NOONG isang araw ay nakatuwaan kong makipaglaro sa isa naming aso. Siya kasi ‘yung tipo ng aso na hindi maharot. Though paminsan-minsan ay tumatakbo, mas gusto niyang nakahiga sa ilalim ng mesa at tila nagmumuni-muni.
Sa panonood ko sa Animal Channel sa Cable TV ay sinasabi ng mga pet experts na mahalagang may pisikal na aktibidad ang mga pets lalo na ang mga aso. Kung lagi silang nakaungkot, mas prone sila sa pagkakasakit. At mas gusto kong makipaglaro sa aso dahil libre—kaysa sa ipagamot siya.
Since hindi ko siya maakit na lumabas sa ilalim ng mesa at tila nagpakamatay pa nang tinatawag ko ang pangalan, naisip kong mag-improvise ng style. Dahil nakaupo ako, biglang-bigla ay nakatuwaan kong mag-duck walk. Ito ‘yung habang nakaupo ka, ilalagay mo ang dalawang kamay mo sa likod saka ka lalakad na parang bibe sabay huni ng “kwak-kwak!”
Habang nagda-duck walk ako, mukhang naging epektibo sa aking pet. Nanlaki ang mga mata niya sa excitement, lumabas sa ilalim ng mesa at hinabol ako na para siyang humahabol sa bibe. ‘Yun nga lang, ang bilis ko namang napagod.
Habang umiinom ako ng tubig ay napatingin ako sa wall clock. Alas tres ng hapon. Bigla akong nag-down memory lane. May isang pangyayari sa buhay ko na may kinalaman din sa duck walk—noong grade one ako.
It was the ‘70s, folks, at grade one nga ako noon. Sa pagkatanda ko ay pissed off ang aming teacher dahil maraming hindi makabasa at sobrang iingay pa ng mga kaklase ko. Hinampas niya ng kanyang nakatatakot na stick (na alam kong maraming puwet na ang napalo kasama na ang sa mga kapatid ko at pinsan) ang mesa at sapat iyon para tumahimik ang klase.
Noong panahong iyon ay uso pa ang pagpaparusa ng mga guro sa mga estudyante. At kapag naparusahan ka ni Ma’am, stigma iyon. Gagawing joke sa iyo ng mga kaklase. Ipapanakot na isusumbong ka sa iyong ina na naparusahan ka ni Ma’am. At ang iyong nanay naman, sa halip na sugurin si Ma’am ay siguradong makukurot ka rin, mapipingot o mapapalo dahil sa hiya kay Ma’am. Noon ay ganoon ka-powerful ang isang guro—hindi tulad ngayon na mahawakan lang sa anit ang pupilong di makabasa ay kakasuhan na agad ng ina ang guro sa principal’s office at babantaang ipatatanggal sa serbisyo. Eh, paano naman kung bukod sa tanga talaga ang bata ay matigas pa ang ulo? Siyempre’y kahit papaano’y pipisikalin ni Ma’am.
Anyway, sabi ni Ma’am ay magda-duck walk ang sinumang mahuli niyang gagawa ng mali. ‘Yun nga lang, hindi namin define kung ano ‘yung mali. Siguro ay kung maingay o hindi makabasa.
Ilan agad ang nasampulan ni Ma’am. Para silang mga bibe na nagkarera sa loob ng classroom habang kumakwak-kwak. Siyempre pa ay walang makatawa dahil baka makasama sa mga nagmistulang bibe.
Kung bakit naman nang mapatingin sa akin si Ma’am ay bigla akong napahikab! Isinigaw niya ang pangalan ko sabay sabing sumama ako sa mga nagda-duck walk.
Marami akong kasuntukan noong ako’y grade one at kitang-kita ko sa mga mata nila ang tuwa. Na-shock naman ako dahil ano ba ang kasalanan ko? Hindi ako maingay. Mabilis akong magbasa dahil kahit grade one pa lang ako’y nababasa ko na ang mga kuwento sa komiks at mga prosa sa Liwayway. Napahikab lang ako may parusa na. Napaiyak ako.
Sa pagkatanda ko’y iyon ang unang pagkakataon na nagawa kong sumuway sa nakatatanda sa akin—at sa isang guro pa. Sabi ko sa sarili ko’y hinding-hindi ako lalakad na parang isang bibe—mangyari na ang mangyayari! Lalong tumaas ang boses niya nang maramdaman niyang hindi ako tatalima. Lumapit siya sa akin at hinila ako pero kumapit ako sa desk. Dala niya ang stick niya kaya alam kong pag tumayo’y ako ay tiyak na tiyak ang lagapak sa puwet. Ang pagkakakapit ko sa desk ay parang lingkis ng sawa sa puno. Anu’t anuman, hindi ako bibitaw.
Naramdaman ko ang lagitik sa may braso ko. Doon niya ako pinalo. Lalong lumakas ang aking iyak—na naging sigaw nang makita ko ang mapulang-mapulang guhit sa aking braso. Mas hinigpitan ko ang hawak sa desk. Sa isip-isip ko, patayin na ninyo ako pero hindi ako magpapaka-BiBe Gandanghari.
Hindi na niya sinundan ang palo sa akin, at sa pagkatanda ko, hanggang sa mag-uwian kami ay hindi na nag-lecture si Ma’am at nagpakopya na lang ng mga nakasulat sa pisara. Marahil ay nahimasmasan din siya sa sobrang lakas ng palo sa akin na parang matabang alupihan ang naging latay.
Nang umuwi ako ay nakita ng aking ina ang latay sa aking braso. Namumugto rin ang mga mata ko kaya alam niyang may nangyari sa school. Ikinuwento ko sa kanya, at sabi lang niya sa akin, sana raw ay nag-duck walk na lang ako. At nilagyan niya ng Vicks vaporub ang aking latay. Hindi na niya ako pinalo—pero tanung nang tanong kung hanggang sa mag-uwian daw ba ay galit pa sa akin si Ma’am. Alam kong mas concern siya sa galit ni Ma’am kaysa sa naging latay ko. Maging ang aking ama, nang makita ang latay ay simple lang ang naging reaksyon: matigas daw siguro ang ulo ko.
See? Kung ngayon nangyari ito, TV Patrol tiyak si Ma’am.
Mabuti na lamang at araw ng Biyernes naganap iyon. Dumaan ang Sabado’t Linggo na umiwas akong makipaglaro sa mga kaklase kong kapitbahay ko lang. Ayokong maging tampulan ng kanilang tukso at tawanan. Pagkakaligo ko ay nilalagyan ng Inay ng Vicks ang aking latay, kaya pagdating ng Lunes, wala na. Pero nagsakit-sakitan ako ng tiyan sa loob ng isang linggo para di muna ako pumasok dahil ayoko pang makita si Ma’am. Nahalata iyon ni Inay, at hinayaan muna niya ako. Kaya makalipas ang isang linggo, pagpasok ko uli ay wala na ang aking latay—at hindi ako tinatawag ni Ma’am sa recitation o anuman. Pero napapansin kong palihim niyang tinitingnan ang braso ko na kanyang inasbaran. May ilan akong kaklaseng hindi nakalimot sa insidente at tinutudyo ako na kaya di ako pumasok ay dahil napagpalo ako ni Ma’am.
Sa isip-isip ko, eh, ano? At least hindi ako naging bibe. Ang mga kaklase ko kasing napa-duck walk ni Ma’am, ang tukso nila lagi ay kung nakapangitlog na raw! Mas macho naman sa pakiramdam ang nakipagmatigasan ka kay Ma’am kaysa tuksuhin na may egg na lumabas sa iyong derrière, di baga?
Anyway, nakakapagod mag-duck walk para lang pasayahin ang isang matamlay na aso. Kamakailan ay nakabili ako ng laruang bibe na humuhuni. Basta narinig niya ang huni, sapat iyon para siya magrumpi at tumakbu-takbo.
Good boy!

2 comments:

Anonymous said...

Hanip naman iyang Ma'am na iyan. Sana, doon sa kabilang buhay, siya naman ang hinagupit ni San Pedro.

Anyway, ganito ba ang sinabi mong Duck Walk?

http://www.youtube.com/watch?v=A_xEJwwuX6Y

or ito?

http://www.youtube.com/watch?v=e5lPjg0GhFM

kc cordero said...

Yes. Kaya lang 'yung parusa sa amin, ang kamay ay nasa likod kaya mas mahirap. :)