VIOLENT REACTION: Puro libro di naman matuto!
Monday, August 22, 2011
Wednesday, August 17, 2011
may mali ba sa picture? (UPDATED)
THANKS sa mga nag-comment at sumilip. Wala naman talagang mali sa picture maliban sa patagilid ko ito kinunan sa camera.
Sa isang building ito na may 'ghosts' daw. Para sa mga hindi nakaaalam, sideline ko ang pagiging 'ghostbuster' kaya nang imbitahan ako para tingnan kung may multo nga, pinuntahan ko. Nagkuha ako ng ilang shots gaya ng mga sumusunod:
May multo nga ba? Wala naman. Ang dark image sa dulo ay ang janitress na kasalukuyang naglilinis. Wala ring 'orbs'.
"Orbs are believed (by many) to be ghosts in the form of balls of light. They are life forms that travel in groups and are believed to be the human soul or life force of those that once inhabited a physical body here on earth.
"Psychics claim to talk to them on a regular basis, and ghost hunters encounter them quite frequently. It is said that they are those spirits that have willingly stayed behind because they feel bound to their previous life or previous location for whatever reason. Because of this obsession they tend to become similar to a psychotic human beings. It should be said that the majority of us when we die proceed gladly and willingly to the next level of existence after saying our quiet good-byes, which means we're off to the spirit world.
"Then again, as stated, a select few elect to stay behind because of a refusal to move on. Apparently the longer they stay behind, the harder it is to find their way to the next level, which again, is the spirit world."--(Ghoststudy.com)
Well, na-amaze lang ako na pag patagilid ang lente, mas maganda ang kuha at ang hitsura ng building--at hindi eerie ang paligid.
Friday, August 12, 2011
pagbisita kay omeng
MAHIGIT kalahating taon ko na palang hindi nakikita si Omeng (Rommel Estanislao). Last time na nag-meet kami ay noong magkaroon ng komiks event sa Rockwell Makati early this year. Bagaman at nagkaka-text kami at nagkakausap sa telepono, iba pa rin siyempre ang pisikal na komunikasyon.
Nami-miss ko na ang grupo nila sa Creatives ng ABS-CBN Publishing; Pol, Popoy, Gary. Halos lahat kasi sila ay umalis na roon. Wala na akong nakakasama pag kumakain sa Loop, wala na ring nakakahuntahan ng mga kabastusan, komiks, photography, arts, massage, etc.
Anyway, last Wednesday, August 10 ay dinalaw ko siya sa kanilang haybol sa San Roque, Marikina City. Konting trivia, almost two years akong tumira sa lugar na ito. Ito rin ang una kong pagbabalik sa nasabing place after more than a decade. Tagarito ang bayaw ko na nagturo sa akin na gumawa ng bag, at nagtrabaho ako sa Saniwares Mfg. Co. na ang planta naman ay nasa Santolan, Pasig City. Uh, patay na ‘yung bayaw ko, at sarado na rin ang Saniwares.
May isang magasin kasi na gustong i-feature ang mga mini sculptures ni Omeng at kung paano niya ginagawa. Kinontak ako ng staff ng nasabing magasin at nakiusap na ako ang maging tulay nila para ma-interview ang uber popular cartoonist/artist na ito. Nagpaunlak naman si Omeng, at kahit busy ay nagbigay ng kanyang 110% para sa interview.
May masarap pang meryenda na mismong siya at ang daddy niya ang nagluto matapos ang interview. Nagbigay rin siya ng mga sikat na komiks niya sa mga dalagang nag-interview sa kanya.
Mukhang OK na OK naman si Omeng at ine-enjoy ang kanyang artistic freedom. Minsan ay dadalawin ko siya uli, hindi dahil nami-miss ko na naman siya. Masarap balikan ang masarap niyang pameryenda!
suwerte sa raffle
ANG biyenan kong lalaki ang isa sa pinakamasuwerteng tao na nakilala ko pagdating sa mga pa-raffle. Noong dumadalaw-dalaw pa lang ako kay misis, naririnig ko nang nanalo siya ng ganito o kaya’y ganoon. Minsan naman, sa huweteng siya tumatama. Tumataya rin siya sa lotto kaya di na ako magtataka na posibleng matsambahan din niya iyon.
Two years ago, nanalo siya sa Colt 45 promo ng isang Honda XRM. Big time, di ba? Hindi nga siya makapaniwala. Noong time na iyon almost P60,000 ang Honda XRM, kaya naman nang idating dito sa amin ay marami ang tumatawad ng P30,000. Sabi ko sa kanya, keep it para remembrance, at marunong namang magmotor ang bayaw ko.
Last week nanalo naman siya sa Marlboro promo ng iPod Shuffle (see picture). Ibinigay na lang niya sa akin kasi hindi naman daw siya mahilig sa gadgets.
Uh, ito ang suwerte!
Thursday, August 11, 2011
lugi sa bargain
NAKA-SALE sa National Bookstore sa Mall of Asia (and I guess sa iba pa nilang branches) ang set na ito ng drawing pen: Graphic Art Liner. Tatlong piraso na iba’t ibang point ang laman ng bawat pouch. Sa presyong P222 na naging P111, steal na, di ba?
Nagkamali ako na hindi ko tiniyak nang todo ang bawat pen. Sa tatlong piraso na nakuha ko—0.2, 0.4 at 0.5, palpak ‘yung 0.2. Tuyo na pala ang ink.
Ang isa ko pang mali, naitapon ko na ang resibo kaya hindi ko na puwedeng palitan.
Just in case na maging interesado rin kayo, tsek n’yo lang nang maige para hindi kayo malugi sa bargain.
Wednesday, August 3, 2011
for evil to triumph...
KAMAKAILAN ay napabalita ang taxi driver na nagsoli ng mga mamahaling sapatos ni Ruffa Gutierrez. Nakakatuwa ang mga ganitong honest na taxi driver.
Malayo ito sa ugali ng taxi driver na nasakyan ko noong July 31 kung kailan napakalakas pa naman ng ulan.
May binili ako sa Mall of Asia noon at eksaktong pag-uwi ko ay bumuhos ang ulan. Wala akong dalang payong kaya basta na lang ako pumara ng taxi. Nagbukas ng bintana ang driver at tinanong ako kung saan. Dahil nga nabigla ako sa ulan, hindi ko agad naramdaman na balasubas ang driver. Basta kasi ang isang taxi driver ay nagtanong kung saan ang destinasyon, nasa 99% na may demonyo sa utak ang masasakyan mo. Dahil bawal na bawal na magtatanong kung saan ang byahe mo. Dito lang sa Maynila nangyayari iyon. Sa ibang panig ng bansa na may taxi, walang tanung-tanong ang mga driver, pagkasakay mo na lang.
Anyway, nasa loob na ako ng taxi at umaandar na nang magdeklara siya na hindi daraan sa regular na rutang dinaraanan ko pauwi. Nang itanong ko kung bakit, ang simpleng sagot niya ay hindi raw siya dumaraan doon. Matrapik daw. As if may bahagi ng Metro Manila na walang trapik lalo na kung umuulan.
Malakas ang ulan at kahit gusto kong bumaba na lang ay hindi ko magawa. Sa madaling sabi ay napasuot kami sa lugar na hindi ko alam, at napakatrapik. Sabi ko sa kanya, ayaw niyang dumaan sa ruta ko dahil matrapik pero mas matindi naman ang trapik na nasugagaan namin.
Wala siyang reaksyon.
Napansin ko pa na hindi niya hinahataw ang pagmamaneho kapag nasa maluwag na daan kami. Na-realize ko na siguro ay naka-boundary na ang tarantado at pinagkakakitaan na lang niya ako.
Mahina ako sa lugar, isa ito sa mga problema ko. Kahit napuntahan ko na ang isang lugar ay di ko iyon matatandaan. Madalas akong maligaw. Sa pagbabasa ko ng mga kalye, nalaman kong nasa Makati kami. Ano’ng ginagawa namin sa Makati ay galing akong MOA? Kaya pala nang nasa Taft Avenue kami, sa halip na kumaliwa siya at tugpain ang Quirino Avenue ay nagtuluy-tuloy pa kami. Sabi niya sa akin sa South Superhighway raw kami daraan. E, di ganoon din, sa Qurino rin kami tutumbok bakit lumayo pa?
Hindi ako handang makipag-away kapag umuulan. Ulan ang aking kryptonite. Nang makita ko ang metro ng taxi ay nasa P130 na. Dapat ay nasa bahay na ako sa amount na iyon. At ngayong naka-stuck kami sa trapik sa Makati, sa aritmetik ko ay aabutin kami ng mahigit P200. Gusto kong atakihin sa puso.
Ang mamang drayber ay mga 30-plus siguro ang edad. Malaki ang katawan, maitim. Kung ako’y magiging judgmental, sa hitsura ng mukha niya ay mukhang di talaga gagawa ng mabuti.
Gusto kong sisihin ang sarili ko for lapse of judgment. Dapat talaga nang magtanong siya kanina kung saan ako ay di na ako sumakay. Pero wala na akong magagawa, hostage na ako ng sitwasyon.
Pero sorry na lang ang mamang drayber na ito kung na-underestimate niya ako. Mukha akong lambutin at duwag, pero hindi niya alam na mula bata pa lang ako ay hasang-hasa na ang aking criminal mind. Nag-isip na lang ako kung paano makagaganti sa kanya.
Sa wakas ay nakarating kami sa amin. Umabot sa P227 ang aking babayaran. Halos doble ng aking regular na nagiging metro. Nang dumukot ako ng wallet ay nagsalita ang driver: “Boss, tip naman d’yan. Mahirap magmaneho pag umuulan.”
O, hindi ba’t ang kapal ng mukha?
Sinimulan ko na ang pagganti. Sabi ko sa kanya, actually naglalaro lang sa P130-140 ang binabayaran ko. Hindi siya kumibo. Pagsilip ko sa wallet ko, sandali lang ‘kako at kulang ang pamasahe ko. Kukuha lang ako sa bahay. Lumabas ako sa taxi.
May kasabihan sa amin sa Batangas na kapag nasa sariling bakuran ka na, puwede ka ng magmatapang. Ngayon, pagkakataon ko na.
Paglabas ko ay nagdeklara ako. Sabi ko sa kanya, patayin na niya ang metro dahil hindi ko na babayaran pag may pumatak pa dahil wala na ako sa loob. Hindi rin naman ‘kako ako “waiting” dahil hindi na ako sasakay uli. Napasimangot siya.
Pagkapasok ko sa aming bakuran ay isinara ko ang gate. Ini-lock. Pagkatapos ay nagbilang ako ng mga beinte-singko sentimos na iniipon ko sa isang garapon. Inabot ako ng mahigit kalahating oras sa pagbibilang. Naririnig kong bumubusina ang taxi, pero keber, ‘ika nga? Umabot na sa mahigit P100 ang naipon kong 25 cents. Dala ang garapon, lumabas uli ako ng gate. May dala rin akong baseball bat. Uulitin ko, kapag nasa sariling bakuran ka na, puwede ka ng magmatapang.
Paglabas ko ng gate ay nakapayong ang taxi driver at galit na sa sobrang inip sa akin. Sigaw niya, “Ang tagal n’yo naman!” Malakas na rin ang naging sagot ko sa kanya, “Kanina nang nasa trapik tayo di ka nainip!” Napatingin siya sa dala kong baseball bat.
Iniabot ko sa kanya ang P100 bill at ang garapon. Sabi ko sa kanya, ‘yung nasa garapon ang maghuhusto sa kulang. Kumpleto ‘kako ‘yun pero kung gusto niya, pwede rin niyang bilangin uli.
Kitang-kita ko ang pagka-shock sa mukha niya habang hawak-hawak ang garapon. Napatingin uli siya sa dala kong baseball bat. Pagtingin niya uli sa akin, ipinaramdam ko sa balik-tingin ko sa kanya na I mean business. Kung papalag siya, either ang lulod niya ang madurog o alinman sa mga salamin ng taxi niya. Naglalapitan na rin ang mga tambay sa amin na nakapansin sa sitwasyon. Napailing ang dorobong drayber at sumakay na lang uli sa taxi niya bago paharurot na umalis.
Akala niya, ha?
Tumawag din ako sa opisina nila dahil kinuha ko ang plate number at phone number ng kanilang kumpanya. Nagpakilala akong isang pasahero na kinotongan ng kanilang drayber. Magrereklamo ‘kako ako sa LTFRB.
Nangako ang nakausap ko na tatanggalin nila ang driver na nagsakay sa akin huwag na lang daw akong magreklamo. Fair enough, sabi ko sa nakausap ko, pero itse-check ko pa rin kung talagang tinanggal nila. Tatawag uli ako, sabi ko pa.
Ngayon, ano kaya ang pakiramdam ng balasubas na drayber na iyon? Gaya ko ay nag-iisip din kaya siya na nagkaroon siya ng lapse in judgment at sana ay hindi na lang niya pinasakay ang mamang mukhang lambutin at madaling takutin?
“All that is necessary for evil to triumph is for good men to do nothing,” ayon kay Edmund Burke. Lagi kong sinasabi na hindi siguro ako nabibilang sa kategorya ng “good men”, pero paminsan-minsan ay may mga mali sa lipunan na gusto kong maging part ako na maituwid iyon.
At muli, nakakatuwa kung lahat sanang taxi driver ay gaya nang nagsoli ng mga sapatos ni Ruffa.
Wednesday, July 27, 2011
makinilya
NOONG nasa kolehiyo pa ako, circa 80s, ay na-curious ako kung ano ang nasa itaas ng mahabang hagdanang kahoy na nadaraanan ko sa kalye ng P. Genato sa Batangas City paakyat sa isang lumang gusali. Minsan ay inakyat ko. Nalaman ko na “typing school” pala iyon. Aralan ng pagmamakinilya.
Maraming nag-aaral magmakinilya sa nasabing opisina at iba’t iba rin ang edad. May bata, matanda. Sa pagkakatanda ko ay P15 per session ang sinabing “tuition” sa akin ng receptionist. Noong time na iyon ay mahalaga pa ang P15 para sa estudyanteng gaya ko na isang kahig isang tuka.
Noon ko pa gustong matutong magmakinilya. Isang pinsan ko na hindi naman nakatapos ng kolehiyo ang nag-aral magmakinilya at naging pasaporte niya iyon para makapagtrabaho sa munisipyo. Isa pa, kapag gagawa ng report sa school ay mahal din ang magbayad sa typist. Kung marunong magmakinilya, madali nang makisuyo sa kaklaseng may makinilya.
Noong panahong iyon ay parang mamahaling laptop din ang turing sa makinilya, katunayan ay may kapitbahay kami na meron nito noon pero ni hindi puwedeng pindutin kahit isang letra—baka raw masira.
Nabanggit ko sa isang kaklase ko ang plano ko na mag-aral mag-type. Sabi niya, huwag na raw nakinilya ang pag-aralan ko. Nalaman ko na naka-enrol siya sa isang computer school na tuwing hapon ang session. Nag-aaral daw siya ng “Wordstar”. Ipinakita pa niya sa akin ang sample printouts ng ginawa niya na “The quick brown fox”, na para sa akin noong mga panahong iyon ay masyadong hi-tech.
May mga computer subjects na rin kami noon sa kursong kinuha ko, at mukhang okey naman sa akin ang computer dahil madali kong maunawaan ang principle na nag-start sa Boolean algebra, kaya lang ay kulang kami sa hardware. Kung gusto mong mas maging malalim ang pag-aaral ng computer gaya ng COBOL, Wordstar, etc., may mga training schools na rin noon sa Batangas na nag-o-offer ng specialty course. ‘Yun nga lang, special din ang tuition fee. At kung masakit isipin para sa akin ang P15 per session sa typing class, lalo na sa computer training.
Kinalimutan ko pansamantala ang plano. Nabalitaan ko na lang na ang kaklase ko ay natanggap sa isang malaking process company sa Batangas dahil sa kanyang naging training sa computer. Iba talaga ang nauuna sa teknolohiya.
Ang hindi pagkatuto sa makinilya ang isa sa pinakamalaki kong dilemma nang magsimula akong magsulat sa komiks. Kaya nagpapasalamat ako noon sa EIC ng Atlas Publishing na si Mr. Tony Tenorio na tinatanggap niya ang scripts ko kahit sulat-kamay. Maganda naman ang handwriting ko, salamat sa ilang semestre ng technical drawing sa college.
Kahit nang kunin ako ni Mr. Tenorio na editor sa Atlas, iyon pa rin ang worry ko. Sa halos pitong taon ko sa pagiging komiks editor, nakakagamit lang ako ng makinilya kapag gumagawa ng pagination at transmittal ng deadline. Hindi ako makapag-ensayo kahit may ilang makinilya sa Atlas dahil laging ginagamit ng mga nagraraket.
Ito rin ang dahilan kaya hindi ako nakagawa ng maraming nobelang prosa. Kapag gumagawa ako ng pocketbooks ay in long hand, at kung hindi ang misis ko ang nagta-type, ibinabayad ko pa sa iba. At hindi biro ang magsulat ng 120 pages na nobela na sulat-kamay lang.
Sa mga editors namin noon ay maraming mahusay mag-type, lalo na ang mga produkto ng Polytechnic University of the Philippines. Kilala ang mga taga-PUP noon na talagang malulupit sa typing. Marami rin sa mga kasamahan ko ang bumili ng sariling typewriter lalo na noong kalakasan pa ng pocketbooks.
Mayroon ding matandang mama na regular na naglilinis/repair ng mga makinilya sa Atlas noon—payat, laging naka-polo ng bulaklakin at nakapomada ang buhok.
Bago nagsara ang opisina ng Atlas sa Roces Avenue ay dumami na ang nagbebenta ng surplus na makinilya na worth P800 na lang. Pero marami sa mga kaopisina ko noon ay nakakabili na ng computer. Mararamdaman sa paglaganap ng surplus na makinilya na mukhang maiisantabi na ang paggamit nito.
Hanggang sa umalis ako noong 1997 sa Atlas ay di ako marunong magmakinilya at mag-computer. Nang mag-freelance ako ay long hand pa rin ang pagsusulat ko ng pocketbooks at ibinabayad ang encoding. Ang pagiging computer illiterate ko ang isa sa dahilan kung bakit hindi ako nagtagal sa Star Cinema—kung saan kailangang mabilis kang mag-type sa PC lalo na kung may script revisions.
Natuto lang ako mag-computer noong 1999 nang nasa ABS-CBN Publishing na ako. Salamat at pinuwersa ako ni Tita Opi Concepcion (na EIC ko noon) na matuto na dahil ang paglalagay ng corrections ay sa digital files na mismo. Nagsimula sa pasundut-sundot noon, sa ngayon ay maipagyayabang ko na kaya ko nang makipagkarera ng typing kahit sa mga record holder sa words per minute.
At nagpapasalamat naman ako kay Tita Opi at pinilit niyang mawala ang takot ko sa keyboard. Kung hindi ako natutong mag-encode, baka bouncer na lang ako ngayon sa alinmang club sa Quezon Avenue.
Minsan ay nakita ko sa SM Foodcourt sa Cubao ang matandang naglilinis ng mga makinilya noon sa Atlas. Nakaupo siya sa isang table at malayo ang iniisip. I wonder kung meron pang nagpapa-service sa kanya ng makinilya ngayon. Pero hindi nagbago ang kanyang fashion sense—naka-polo pa rin ng bulaklakin at nakapomada ang buhok.
Sa mga government offices na lang nakikita ang mga makinilya ngayon dahil ginagamit pa nila sa malalaking forms at resibo na kailangang manual ang gamitin.
Hindi na ako napapadako sa kalye sa Batangas kung saan nakatayo ang typing school noon. I bet wala na rin iyon. Anu’t anuman, may koneksyon iyon sa isa sa mga ‘What ifs’ sa buhay ko—ano kaya ang naging takbo ng buhay ko kung nag-aral ako noon ng typing? Napunta kaya ako sa mundo na ginagalawan ko ngayon?
Subscribe to:
Posts (Atom)