Thursday, May 3, 2012

no parking

Photobucket Nakabili ng owner-type jeepney si Fidel. Sabihin pa ay sari-saring satsat ang naririnig niya mula sa mga kapitbahay. Inherent naman kasi sa mga kapitbahayan ang kailangang may opinion sa nangyayari sa kanyang kahanggan. Bulok naman daw ang owner ni Fidel. Bumili raw ito ng batong ipupukpok sa ulo. At kahit daw ibigay sa kanila iyon, di nila tatanggapin. Alam naman ni Fidel ang kondisyon ng kanyang nabiling sasakyan pero may mga dahilan siya kung bakit. Unang-una ay iyon lang ang kaya ng kanyang budget. Bukod doon, hindi siya tumitingin sa aesthetic value ng sasakyan. Mas pinagbatayan niya kung okey pa ang makina at under chassis. Dati siyang mekaniko bago naging clerk sa munisipyo kaya may alam siya sa sasakyan. At kayang-kaya na niyang gawin kung anuman ang mga dapat pang ayusin sa nabili niyang owner. Isa pa, sa gaya niya na matandang binata, kailangan niya ng mapaglilibangan. At dahil noon pa niya passion ang magkaroon ng sariling sasakyan, nang makakita siya ng kaya na ng kanyang budget, binili na niya. At araw-araw mula nang mabili niya ang owner, lagi niya itong kinakalikot basta wala siyang pasok sa munisipyo. Inaayos niya ang mga dapat ayusin. Nag-e-enjoy siya sa ginagawa at pakiramdam niya palibahasa ay laging nababatak ang katawan niya, sumisigla siya. Samantala, tuloy ang pagkutya sa kanya ng mga kapitbahay. Lagi na lang daw nakataas ang hood ng kanyang owner. Mas matagal pa raw ang pagkalikot dito ni Fidel kaysa sa pagmamaneho. Nagkikibit-balikat na lang siya. Sasakyan niya ito, anuman ang gusto niyang gawin, walang pakialam ang iba. Hanggang dumating ang problema. Sinita siya ni Daniel, isa nilang kapitbahay. Sa tapat kasi ng bahay nito nakaparada ang kanyang owner. Doon na lang kasi may bakante dahil kung anu-anong kalat ang nasa kalye nila. Di naman puwede sa tapat ng bahay niya dahil sa kabilang bahagi ang parking lane. Ipinaliwanag niya kay Daniel na karapatan naman niyang mag-park sa tapat ng bahay nito kasi kalye naman iyon. Isa pa, dahil taga-munisipyo nga siya ay kumuha siya ng overnight parking permit para nga kahit saan sa lugar nila ay puwede niyang iparada ang sasakyan. Maraming masasakit na sinabi sa kanya si Daniel. Kesyo ang yabang-yabang niya dahil taga-munisipyo. Bumili raw siya ng sasakyan ay wala naman siyang garahe. Di bale raw sana kung hindi mukhang basura ang kanyang sasakyan, kung brand new sana, hindi masakit sa mata. Walang nagawa si Fidel kundi tanggapin muna ang masasakit na salita ni Daniel. Ganoon talaga, siya ang dapat magpasensya dahil siya ang nakikiparada. Saka siguro naman ay sa una lang ito magagalit. Baka may inggit factor pa. Lilipas din siguro pag tumagal-tagal pa. Iyon ang akala niya… Minsan ay nakita niyang basag ang kanyang side mirror. Wala siyang mapagbintangan. Binutas din ang kanyang mga gulong. Ayaw niyang mambintang pero alam niyang si Daniel ang may gawa niyon. Nakikita niya sa mga ngisi nito kapag inaayos niya ang binalasubas na bahagi ng kanyang owner. Gusto niyang mapikon pero nagtimpi siya. Isang araw ng Lunes na may miting sila sa munisipyo at bihis na bihis siya, paglabas niya ng bahay ay napansin niyang nakatingin sa kanya ang mga kapitbahay. Kinutuban siya. Pagdating niya sa kanyang owner, natuklasan niya kung bakit. May dumi ng tao sa hood! Sariwang-sariwa pa. Ang pagkakatumpok ay parang cobra ng snake charmer na handang manuklaw. Ginawang kasilyas ang kanyang sasakyan! Gusto niyang masuka. Gusto rin niyang manuntok ng kahit sino. Sobrang kababuyan na ang ginawa sa owner niya. At parang nahuhulaan na niya kung sino ang may gawa niyon. Nagtaksi na lang muna siya papasok. Pagbalik niya kinahapunan saka na niya nilinis ang owner. Naririnig niya ang tawanan ng mga kapitbahay pero nagbingi-bingihan na siya dahil baka makapatay siya ng tao. Nakipag-usap siya sa kanilang chairman para maki-park sa tapat ng barangay tutal ay wala namang sasakyan ang kanilang barangay. Sinabi rin niya rito ang kanyang nagiging problema sa parking. Pumayag naman ito. Medyo malayo nga lang sa kanya pero at least ay hindi na siya makukunsumi. Pansamantala, nawala ang pambabalasubas sa kanyang sasakyan. At sa wakas ay tumigil na rin ang mga kapitbahay niya sa panlalait sa kanyang owner nang mapaganda niya ito nang todo. Mula sa pagiging bulok, unti-unti ay naging maporma. Nalaman din niya na si Daniel talaga ang sumasabotahe sa kanyang sasakyan, at ito rin ang nagbawas sa ibabaw ng hood ng owner. Hindi naman kasi lahat na kapitbahay niya ay inggit sa kanya, kaya may isang nakapagkuwento sa kanya nang makiusap ito sa kanya na itubos ng sedula. Buti na lang at hupa na ang galit niya kay Daniel, kung hindi ay baka nasampal niya ito. Hanggang mangyari ang insidenteng ito… Isang gabing nanonood siya ng America’s Next Top Model sa cable TV (isa sa mga fetish ni Fidel ang mga female Caucasians na balingkinitan) nang biglang magkaroon ng sigawan sa labas. Napadungaw siya at akala niya ay may saksakan na naman. Pag nagkakalasingan kasi ang mga tambay sa kanila, kadalasan ay nauuwi sa sakitan. Lumabas siya ng bahay at nakiusyuso. Nagkakagulo sa bahay ni Daniel. Narinig niyang inatake ito sa puso. Napasarap daw sa pagkain ng sitsarong baboy. Nakita pa niyang karga-karga ito ng mga kalalakihan habang ibinababa sa bahay. Nakangiwi na nakalabas ang dila, ang isang kamay ay nakabaluktot. Kanya-kanyang sigawan. Hanap kayo ng sasakyan! Nagkataon namang madalang ang dumaraang sasakyan noon dahil umulan ng malakas. Kahit traysikel ay walang nagagawi sa kanilang kalye dahil may malalim na baha pa ang ilang bahagi. Sa gitna ng chaos ay nakita siya ng isang kapitbahay. “Si Ka Fidel! ‘Yung owner ni Ka Fidel!” Sumunod ang reaction ng iba.“Oo nga! Ka Fidel, ‘yung owner mo! Dali! Dalhin natin sa ospital si Daniel!” Kung cliché ang kuwento, magmamadali si Fidel na kunin ang susi at ihatid sa ospital si Daniel. Pero sabi ko nga sa umpisa, puwedeng mahulaan ninyo ang ending, at ‘yun ang cliché. Kaso, dahil sa takbo ng mga pangyayari ay nagkaroon na ng character change ang ating bida sa gitnang bahagi pa lang ng kuwento. Nag-iba na rin ang takbo ng istorya at lumihis na sa formula. Napaangat ang kilay ni Fidel. Sa isip-isip niya, hindi ba’t bulok ang owner ko? At teka, akala ba ng mga ito ay ganoon siya ka-excited ihatid sa ospital ang taong umebak sa hood ng kanyang sasakyan? Nagkibit-balikat siya. Tumalikod, pumasok muli sa kanyang bahay at nag-enjoy sa legs ng mga kandidata sa ANTM na kasalukuyang rumarampa. Kinabukasan ay narinig niya sa satsatan muli ng mga kapitbahay na hindi naman na-DOA si Daniel pero baka maimbalido na. Naririnig din niya ang mga impit na pagmumura sa kanya. Napakayabang daw niya. Walang puso. Maramot. Lahat nang negatibo. Sana raw ay atakehin din siya sa puso, wala raw tutulong. Sumakay siya sa kanyang owner, ini-start iyon at umalis para pumasok sa opisina nang hindi apektado sa kanyang naririnig. Nag-iisa siya sa buhay, handa siya sa posibilidad na baka bangungutin isang gabi at mamatay sa higaan. Ganoon talaga, pag oras na niya, handa na siya. Sadya rin niyang hindi tinulungan si Daniel para maramdaman nito at ng kanyang mga kapitbahay ang sakit ng rejection. Hindi maka-Diyos ang ginawa niya, pero may sarili siyang dahilan kung bakit nang pukulin siya ng bato ay hindi tinapay ang ibinalik niya. Para sa kanya, may mga pagkakataon na kapag pinukol ka ng bato, bakal ang ibalik mo para maramdaman ng ibang tao kung paano ang mabukulan.

Tuesday, March 27, 2012

mid-life crisis

MAHIGIT isang buwan akong nawala sa sirkulasyon. I have to admit na dumaan yata ako sa panahon ng mid-life crisis, though bata pa naman ako para rito. Ha-ha, nasa denial stage ang mama!
Nagsimula ito nang minsang dumalaw ako sa bahay na minana ko sa Batangas. Gaya nang madalas kong sabihin, kapag umuuwi ako sa bahay ko ay wala akong mapuwestuhan dahil okupado ng mga pamangkin ko ang mga kuwarto. While watching The Lifestyle Channel on cable TV, nakakita ako ng mga featured na maliliit na bahay. Boom, right there and then ay naisip kong magtayo ng kubo para mayroon akong private space.
Noong magtatapos ako ng hayskul at pakiramdam ko ay di ako makakatuntong ng kolehiyo, plano ko noon na mag-enroll sa Manpower Training Center (TESDA na ngayon) at kumuha ng basic carpentry and cabinet making. Isa sa mga hilig ko noong bata pa ako ang pagkakarpintero, at katu-katulong ako ng aking ama noon sa paggawa ng tangkal (kulungan ng manok), kaya sanay-sanay ako sa mga carpentry tools. Naisip ko noon, kapag karpintero at mahusay ay hindi mawawalan ng trabaho.
Hindi sa pagmamayabang ay may talent talaga ako sa carpentry. Sa bahay namin ngayon ay kumpleto ako ng tools, at kung hindi masyadong kumplikado ang ire-repair sa bahay ay ako na lang ang gumagawa. Na-thrill ako sa idea na gumawa ng maliit na bahay (na siyempre ay may katulong din na karpintero talaga).
Nag-search ako sa net ng magandang design, at dahil mahilig ako sa kahoy, ito ang napili ko from viahouse.com:
Photobucket
Naisip ko rin, kapag may deadline ako ay pwedeng dito ko gawin. Masarap magtrabaho kung tahimik ang lugar at hindi maalinsangan.
Ang siste, habang naghahanap ako ng lokasyon sa lupang minana ko at nalaman nila ang mga plano ko, heto ang mga kapatid ko at nagsasabing kapag wala raw o nasa Maynila ako ay sa bahay na gagawin ko sila matutulog. May mga pamangkin din ako na nag-offer na sila ang maglilinis habang wala ako pero pwede raw bang doon sila tumambay since ang plano ko nga ay maglagay ng PC, internet connection at ilang appliances. Paano na naman ang aking privacy? Ako pa naman ang taong nahihirapang mag-extend ng tulong kapag may nanghihingi ng pabor.
Hindi ko na muna itinuloy ang aking dream small house.
Habang may pagtatalo pa sa isip ko kung itutuloy ang maliit na bahay o hindi, nakapanood naman ako sa turbo channel (sub-channel ng discovery) ng isang show na nagbubuo ng mga sasakyan. Naubos ang aking maghapon hanggang hatinggabi ng iba’t ibang palabas na lahat ay tungkol sa car assembly and restoration. Naging paborito ko si Chip Foose ng “Overhaulin’” at si Ryan Friedlinghaus ng “West Coast Customs.” Though sa “Wheeler Dealer” ay mas detalyado ang pagkakalikot ng mga sasakyang nire-restore.
Immediately, nag-flashback sa akin ang dalawang taon na naging trabaho ko sa Caltex Refinery sa Batangas City bilang maintenance technician noong late teens ko. Hindi ako natutong magmaneho pero sa mga trade skills na dinaan ko (metal works, mechanical, electrical and process control), sa pagmemekaniko ako mas nag-enjoy. May kakaibang thrill ang pag-screw (no pun intended), ang pagpapahid ng grasa, ang pagbubuo ng mga mechanical assembly. Biglang-bigla, hinanap ng ilong ko ang amoy ng shop na naghahalu-halo ang singaw ng petrolyo at usok ng mga makina.
Sa loob ng isang linggo, habang wala pa akong deadline ay wala akong ginawa kundi tumutok sa turbo channel at manood ng pagbabaklas at pagbubuo ng sasakyan. Bukod pa rito ang walang humpay kong pagbabasa sa net ng tungkol sa car assembly and troubleshooting. Para akong kumuha ng crash course sa automotive. And one crazy idea entered my mind: Magbubuo ako ng owner-type jeepney!
Parang ganito, salamat sa angelescity.olx.com.ph sa reference photo:
Photobucket
Maraming talyer sa lugar namin at nag-ikut-ikot ako. May isang maliit na talyer na walang kostumer ang pinasok ko. Nadatnan ko ang may-ari at isang tauhan niya na naglalaro ng dama (local chess). Mukhang matumal ang negosyo kaya padama-dama lang ang dalawa. Nakipaghuntahan ako, sinabi ko ang plano ko na magbuo ng basic lang na owner. Kung ako ang bibili ng piyesa, magkano nila bubuuin provided na ako ang magga-guide kung paano nila ia-assemble? Nagsabi sila ng presyo, at matapos ang konting tawaran ay nagkasundo kami. Pero hindi ako nagbigay ng down payment. Magka-canvass muna ‘kako ako ng materyales.
Gayun na lang ang gulat ng misis ko nang yayain ko siya sa Banaue, Quezon City (the so-called Mecca of automotive spare parts). Bakit daw? Magbubuo ‘kako ako ng owner. Ano raw nangyari sa plano kong bahay-kubo? It can wait, sabi ko na lang.
Halos isang linggo kaming naglalakad-lakad sa Banaue sa paghahanap ko ng makina at mga piyesa. Para kaming nag-beach sa pangingitim ng mga balat. Alam kong hindi nag-e-enjoy si misis pero sige lang siya sa pagsuporta sa trip ko. Nawalan siya ng kulay nang malaman na ang makina pala, ang pinakamababa ay nasa P60 thousand ang halaga! Naiisip siguro niya, saang kamay ng Diyos kukunin ng mister niya ang pambili sa pinagkakaabalahang ito? Ako naman ay punung-puno ng excitement sa aking ginagawa, samantalang oo nga pala, saan ko kukunin ang budget? Hindi bale, bahala na…
Isang umaga ay nakarinig ako ng sigawan sa labas ng bahay namin. Nang makiusyoso ako, nalaman kong dalawang kapitbahay ko ang nagsuntukan dahil sa pag-aagawan sa parking space. Iyon kasi ang isang problema sa Metro Manila, karamihan sa mga bahay ay walang garahe at sa kalsada nakakalat ang sasakyan. Ayon sa isang kapitbahay ko, nairita raw ‘yung nakaaway noong isa pa dahil laging sa tapat ng mga ito nakaparada ang sasakyan kaya wala maparadahan ng traysikel na pamasada. Nang ipinapaalis, nangatwiran ‘yung isa pa na nagbabayad siya ng road user’s tax kaya may karapatan siyang magparada ng kanyang kotse kahit saan. Ayun, nauwi sa boksing.
Doon din ako nagkaroon ng realization na oo nga pala, pag nabuo ‘yung owner, saan ko ipaparada ay nasa right lane ang bahay namin at wala rin kaming garahe? Sa pagsulpot ng tanong na iyon, mas nangibabaw ang isa pang nagging question: “KC, pag nabuo mo ‘yan, sino’ng magmamaneho e ni hindi ka nga marunong magbisikleta?”
Napaisip ako nang matagal…
Nang maghapong iyon, bagaman at hindi niya isinasatinig ay nagtataka marahil si misis kung bakit hindi ako naka-tune in sa turbo channel.
Kinabukasan ay pinuntahan ko ang talyer na kinontrata ko. Naglalaro pa rin ng dama ang mag-amo. Natuwa sila nang makita ako at nagtanong kung nakumpleto ko na ang mga materyales. Sinabi kong di na matutuloy ang project, pasensya na. Nalungkot sila (kuwarta na naging bato pa), pero naunawaan naman nila ako. Balik muna sila sa paglalaro ng dama.
Nagtaka (na naman) si misis nang makita niyang inilalabas ko ang mga piyesa ng computer na matagal ko nang planong buuin. Itutuloy ko na ‘kako kasi nababagalan na ako sa PC na ginagamit ko at ipapadala ko na lang sa mga pamangkin ko sa Batangas. Gusto ko na ng iCore na processor. Malapit na ‘kako ang deadline ng The Buzz, para matesting ko agad once na ma-assemble. Matagal ko nang plano ito, nabinbin nga lamang dahil sa iba’t ibang pinagkaabalahan ng isip ko.
Weekend ay dumating ang paborito kong technician mula sa Gigahertz Computer Store. In less than three hours ay buo ang PC, up and running. Dumating ang deadline ng The Buzz mula March 15-24, sa bagong PC ko na ‘yun tinapos. Ito rin ang unang blog na sinulat ko gamit iyon. At alam ko, habang nagde-deadline ako ay nawala ang stress ni misis sa kung anu-anong naiisip ko. Lahat nang misis ay kampante kapag nakikitang trabaho ang inaatupag ni mister at hindi mga weird na bagay na makakasira sa budget.
Photobucket
Okey na ako ngayon. Na-outgrow ko na ang pagpapagawa ng aking pangarap na private small house sa Batangas. Saka na lang muna. From time to time ay nanonood pa rin ako sa turbo channel, nangangarap na magkaroon balang araw ng sasakyan. Pero bago iyon, dapat muna akong matutong magmaneho. I know that God will help me para ma-overcome ko ang fear na humawak ng manibela.
Hindi ko alam kung sa nakalipas na mga araw ay talagang dumaan na ako sa mid-life crisis. Kung oo, salamat dahil maagang dumating at tapos na ako sa stage na iyon. Ha-ha-ha, na-accept na ng mama ang katotohanan!
Iniisip ko rin naman na marahil ay nag-revisit lang ako sa mga dating interes at trabaho ko noon at sinubukan ko lang kung kaya ko pa o kung mag-e-enjoy pa ba ako. Oo, kaya pa naman. Oo, nag-enjoy naman ako. ‘Yun nga lang, marami nang factors kung bakit dapat kalimutan ko na lang iyon at higit na pagbutihin na lamang ang kung ano ang skills at kakayahan ko sa ngayon.
Sa mga nagtatanong o nag-iisip, opo… nasa “line of four” na po ang edad ko. Puwedeng dumaranas na ako ng mid-life crisis, at puwede rin namang pumapalo na sa akin ang positibong kasabihang “Life begins at 40.” At ‘yun nga po, di naman ako natatakot na patuloy na sumubok at magsimula ng mga luma at bagong bagay kahit nagkakaedad na—doon po higit na nagiging makulay at challenging ang ating buhay.

Monday, February 13, 2012

monster

Photobucket


LAST year ay isang buwan na namahinga ang aking laptop na kung tawagin ko ay “monster.” Monster dahil sobra-sobra ang lakas nito. Sagad-sagaran ang specifications. Kahit ilang applications ang nakabukas, hindi nagha-hang at sobrang easy kung mag-open.
Produkto ito ng Compaq na ngayon ay pag-aari na rin ng Hewlett Packard o HP. Naengganyo akong bumili nito dahil sobrang bumaba ang presyo, and I thought it was a steal. Sa trabaho ko kasi, kailangan ko talaga ng monster na laptop o computer.
Nang mabili ko ito ay nag-research ako sa net ng tungkol sa nasabing unit. May mga message board na ang discussion ay may problema sa motherboard ang nasabing brand bagaman at maganda nga ang performance at medyo mura. Hindi iilang discussion ang nabasa ko na nagsasaad ng kagayang impormasyon. Ang sabi pa, after a year bago bumigay ang motherboard—kung kailan tapos na ang warranty. At aaminin kong medyo kinabahan ako roon.
Isang kaopisina ko sa ABS-CBN ang may kagayang unit bagaman at mas mababa ang specs kaysa sa aking monster. ‘Yun na nga, minsan ay inihahanap na niya ng buyer ang unit niya dahil bumigay nga raw ang motherboard at kung bibili raw siya ng pamalit na piyesa, para na rin siyang bumili ng bagong unit. Kaya ang plano niya, bumili na lang ng bago—at ibang brand na.
Last September nang bumigay rin ang motherboard ng unit ko. Walang indikasyon. Noong gabi ay ayos na ayos pa at nakapagtapos ako ng aking mga deadlines. Maayos ding nag-off. Pero kinabukasan nang buksan ko, ayaw nang mag-open.
Buti na lang at may mga extra akong computer sa bahay gaya ng Lenovo netbook na dinadala ko kapag may kliyente na ime-meet at kailangan kong mag-present ng project (a lot better than tablet); at isang ASUS Novalite desktop (with huge Samsung LED LCD monitor) na ginagamit ko kapag mahaba ang gagawin kong pagsusulat at kapag nagte-check ng PDF files sa mga home-based projects na ipinapadala ng artists. Mas mabilis pa ring mag-type sa regular keyboard at magtsek ng layouts sa malaking monitor. Uh, meron din akong Apple Mac Mini, pero magmula nang “hiramin” ng anak ko ay hindi na ibinalik.
Natutunan ko ang pagkakaroon ng maraming gamit para sa hanapbuhay sa ilang kakilala ko. Pag photographer ka, kailangan marami kang camera. Nang minsang nakadalaw ako sa bahay ni Aiza Seguerra, grabe ang dami ng gitara niya na lahat daw ay nagagamit niya depende sa mood. Same goes sa suki kong karpintero na laging may extra na tools. Ang mga comics artists, silipin mo ang drawing table at nakahilera ang mga pens at iba pang gamit sa pagdodrowing. Para nga naman pag pumalpak ang isa, hindi made-delay ang trabaho dahil may magagamit pa.
Anyway, dinala ko sa store na binilhan ko, at ang diagnostic ay bumigay nga raw ang motherboard. Ang problema, tapos na rin ang warranty. At kung papalitan, aabot ng P10,000 ang magagastos ko. Pinagpawisan ako nang malapot.
Suki ako sa store na iyon. Marami na rin akong nairekomendang mga kakilala para sa kanila kumuha ng unit. Sabi sa akin ng manager, ipapakiusap niya sa supplier ang unit ko dahil nga marami na akong nadalang customer sa kanila. After two days ay tumawag ako, at natanggap ko ang magandang balita—libre ang motherboard na ipapalit sa laptop ko.
Malas ako na sa dinami-rami nang na-produce na unit na kasabay ng laptop ko ay sa akin pa napunta ang “lemon.” Ang lemon ay ang term na ginagamit sa isang bagay (pwede ring tao) na mahina ang performance o depektibo. Nangyayari ito sa manufacturing industry, halimbawa’y sa kotse o appliances. Kahit pa gaano kahusay ang technology at quality control, may ilan-ilang unit na lalabas na madaling masira. Kung sa atin mapupunta ang mga ganitong lemon at tapos na ang warranty, sorry na lang tayo.
Mahirap ipaliwanag kung bakit may mga sumusulpot na lemon kahit gaano kaingat ang may-ari o gumagamit nito, kaya masasabi natin na kahit pa nga branded ang item, maingat man tayo o barubal sa paggamit nito, kung may depekto o wala ay batay na lang sa suwerte. Gayunpaman, pinakamahalaga na hawak natin ang resibo para kung dumating man ang pagkakataon na masira at pasok pa sa warranty, wala kayong magiging problema. In my case, nagkataon lang na naipag-ahente ko sila at pagkakataon naman ng store na binilhan ko na ibalik ang favor. May mga pagkakataon talaga na kapag loyal ka sa isang tindahan, madali ka nilang mauunawaan.
‘Yun nga lang, hindi na ako ganoon kakumpiyansa sa aking monster laptop—na isa palang lemon. But I’m still keeping it dahil para kaming komersyal ng San Miguel Beer—may pinagsamahan. May sticker (digital) na nagsasabing dumaan na ito sa crash test, and I am somehow hoping na ‘yung motherboard lang na pinalitan ang lemon sa kabuuan nito at maibabalik na nito ang paghataw sa trabaho na malabakulaw.
By the way, “Maligayang Araw ng mga Puso!” sa inyong lahat!

Thursday, January 19, 2012

kuwentong barbero

Photobucket

MADALAS akong magpakalbo ngayon dahil sa dalawang kadahilanan. Una ay medyo marami-rami na ang aking puting buhok, and the best way to hide them is to get bald (not bold) all the time. Ikalawa ay mas madaling mag-ayos ng sarili kapag may lakad. Hindi na kailangang magsuklay. And, oh, lagyan na rin natin ng third reason—I guess I look better sans hair.
Ang suki ko ngayong barbero ay si Rodel. Malapit lang sa amin ang barber shop kung saan siya naggugupit. Porsyento ang kitaan sa pagiging barbero. Sa P40 kada ulo ay P20 ang kanya. Kaya sa sampung ulo halimbawa sa isang araw ay may P200 siya, hindi pa kasama rito ang tip.
Okey maggupit si Rodel. Basta nagpagupit ako sa kanya ay kasama na ang ahit ng balbas. Hindi ko alam kung bakit naging balbasin ako samantalang noong binata ako ay walang indikasyon na magiging hairy ang aking mukha. Kapresyo ng gupit ang ahit, kaya ang P100 na ibinabayad ko, kasama na roon ang tip. Buwan-buwan ay nagpapagupit ako sa kanya. Kung minsan naman ay sa parlor kapag nagpapatanggal ako ng ingrown sa mga kuko sa paa. Isa pa itong ingrown sa mga abnormalities na lumabas sa akin nang nagkakaedad na ako.
At kapag sa parlor ako nagpakalbo at nakikita ni Rodel na ahit na ahit na ako kapag nagdaraan ako sa tapat ng barberya niya, obvious sa kanyang tingin sa akin na nagtatampo siya. At nagi-guilty rin naman ako. Kaya minsan na nagpagupit uli ako sa kanya, sinabi ko ang dahilan kung bakit nagpapagupit pa ako sa iba. At nauunawaan daw naman niya.
Maraming kuwentong barbero si Rodel mula sa pangungupahan niya sa mga bulok na apartment hanggang sa mga nagiging amo niya. Kapag bulok daw ang apartment at may mga mag-asawang naninirahan, siguradong nakapamboboso sila at di na kailangang bumili ng mga video scandals sa bangketa. Tiyempuhan naman daw ang paghanap ng mabait na amo sa barber shop. Pag medyo may edad na raw ang amo, mas mabait at hindi kuripot sa pagbibigay ng supplies gaya ng blade, shaving cream, polbo at tissue.
At kahit barber shop pala ay may anomalya rin. Noon daw bago pa lang siyang natututong maggupit, may nag-recruit sa kanya para mamasukan sa isang barber shop. Ang sabi sa kanya, P10 lang kada ulo ang porsyento niya. ‘Yun pala, P18 ang talagang ibinigay sa kanya ng may-ari. Pero dahil ang naglakad sa kanya para makapasok sa pagiging barbero ang nakipag-usap sa may-ari ng barber shop, at ito rin ang nag-aabot sa kanya ng porsyento, hindi niya nalaman na kinukupitan pala siya nito ng P8 kada ulo na matatapos niya. Nalaman na lang niya ang talagang rate niya nang minsang magbakasyon ang naglakad sa kanya at ang may-ari ang mismong nag-abot sa kanya ng kanyang porsyento. Nang sitahin daw niya ang naglakad sa kanya, ang P8 daw nito kada ulo ang pinakaporsyento naman nito sa pagpapasok sa kanya sa barber shop.
Pero ang pinakamatinding inabot daw niyang anomalya ay sa isang barber shop kung saan ang mga kasamahan niyang barbero ay mahihilig sa karera. Pagdating ng hapon, halos siya na lang ang natitira sa gupitan dahil ang mga kasamahan niya’y nakatutok na sa malapit na karerahan. Natural na siya ang malaki ang kita.
Isang kaibigan niyang barbero ang nagsabi sa kanya na gagawin siyang co-maker sa uutangin nitong pera sa Bumbay. Ayaw sana niya, pero ang dahilan daw ng kaibigan niya ay ibabayad sa tuition ng anak. Naawa naman siya, kaya kahit medyo nag-aalangan ay pumayag na rin siya.
Sa madaling sabi ay pinautang ng Bumbay ang kanyang kaibigan at kasamahang barbero ng P5,000. Kinahapunan daw ay napansin niyang naglilinis ng mga gamit ang kaibigan. Nang punahin niya, ang sabi raw ay ipahahasa ang mga gunting, shaver at labaha.
Kinabukasan, hindi na raw ito pumasok. Hanggang sa mga sumunod na araw. Maging ang kanilang amo pala ay nautangan nito. Kaya alam niyang hindi na ito magpapakita pa. Nang tawagan niya ang cellphone nito, hindi na niya makontak. At nagka-migraine daw siya sa pag-iisip na sa kanya sisingilin ng Bumbay ang P5,000 na inutang nito.
Siya nga ang siningil ng Bumbay. Na hindi naman niya puwedeng tanggihan dahil siya ang co-maker sa utang. Sabi pa niya sa akin, napakarami raw ulong dumaan sa kanyang mga kamay bago niya natapos hulugan ang utang. Sa P20 kada ulo, lumalabas na kinailangan niyang maka-quota ng 250 ulo para lang makaraos sa indulto. Naawa tuloy ako sa kanya.
Anyway, tanong ko sa kanya, ano ang natutunan niya sa mga nangyaring iyon sa kanyang career bilang barbero? Napakasimple ng sagot niya: “Hindi ko ‘yun gagawin sa mga baguhan, saka sa kasamahan ko sa trabaho.”
Kung sa iba siguro, ang isasagot ay hindi na magtitiwala sa mga kasamahan. Hindi na magpapalokong muli. Pero kay Rodel, para sa kanya, ang mga maling nakita niya at ginawa sa kanya ay di dapat gayahin. Ang pagsasamantala sa kapwa ay di dapat matutunan, at magtatapos iyon sa kanya bilang isang biktima.
Ang ganda, ano po? At sa isang barbero ko napulot ang aral na iyan sa buhay. Kuwentong barbero… pero makahulugan.
(Image courtesy of religiousintelligence.org)

Thursday, January 5, 2012

Maligayang kaarawan!

Photobucket

SA aking mga kaibigan at kakilala, karamihan sa kanila, ang naaalala ko lang ang birthday ay yaong mga nagdiriwang kapag Enero. Madali kasing tandaan dahil simula pa lang ng taon. Posibleng hindi ko matandaan ang eksaktong petsa, pero tiyak ako na buwan iyon ng Enero.
Nitong January 5 ay birthday ng aking Kuya Lito na pangatlo sa aming magkakapatid. Hindi ko lang alam kung ilang taon na siya pero sa palagay ko ay umaamoy na sa sisenta. Dahil kadalasang ako’y walang pera sa umpisa ng taon, Nobyembre pa lang ay pina-birthday ko na siya, kasama na rin doon ang papasko.
Sa The Batangas Post (local newspaper na 12 years ko nang hawak) ay dalawa ang may kaarawan pag Enero; sina Tatay Ani at Emway Malaluan. Medyo nalilito na rin ako kung anong petsa pero sa aking pagkaalam ay unang linggo ng buwan. Ang aking Pareng Emway (art director) ay bata-bata sa akin nang kaunti kaya kung hindi late 30s ay baka eksaktong kuwarenta. Si Tatay Ani naman (ang publisher) ay sobrang tibay at ang alam ko’y mid-80s na siya. Dinalaw ko siya noong Nobyembre at sabi ko nga sa kanya, mukha pa siyang malakas kaysa sa akin at napaka-sharp pa rin ng isip. Nakakatuwa ang energy level niya lalo na kapag usapang publication ang topic ng aming huntahan. Taglay niya talaga ang puso ng isang mamamahayag.
Noong nasa Atlas pa ako, marami sa aking mga dating kaopisina ang nagdaraos din ng kaarawan pag Enero. Ang aming editor-in-chief na si Mr. Tony Tenorio, gayundin ang mga editors na sina Tita Opi Concepcion (Pilipino Komiks), Tita Lourdes Fabian (Moviestar), ang ninong ko sa kasal na si Gaspar San Diego (Espesyal Komiks), ang layout artist na si Edmon Celerio (na anak ni Levi Celerio at kapatid ng famous Celerio bros na Louie at Joey) at ang lettering artist na si Danny Villanueva (kapatid ng mga illustrators na sina Rudamin ‘Rudy’ Villanueva at Orlee Vee).
Sa mga nabanggit ko sa itaas ay pinakabongga ang selebrasyon ng birthday ni Tita Des dahil editor siya ng showbiz magazine at maraming artista ang nagpapadala ng pagkain. Basta birthday niya, daig ang piyestahan sa dami ng litson, cake at ice cream sa editorial office.
Sa mga bago kong kaibigan at kakilala ay mga January birthday celebrators din lang ang natatandaan ko gaya nina Gener Pedrina na eksaktong New Year ang kapanganakan, at si Rommel “Omeng” Estanislao. Ang dalawa ay lagi kong kagrupo kapag may Komikon (Komiks Convention) at pare-pareho kaming taga-ABS-CBN.
Ngayong Enero rin ang birthday ng aking unica hija. Last year pa siya nag-18 pero walang party dahil mas pinili niyang mag-travel sa labas ng bansa bilang selebrasyon. Pabor naman iyon sa akin dahil hindi na ako mapapagod; ‘yun nga lang, hindi ko siya nakita nang magdalaga. Tumawag na lang siya sa akin eksaktong alas dose ng hatinggabi na hudyat ng kanyang pagdadalaga, at sinabing sobrang saya niya sa kanyang travel at nakakaiyak daw ang experience dahil napuntahan niya ang mga lugar na gusto niyang makita. At dahil magkalayo nga kami at kahit paano’y natupad ko ang kanyang pangarap na selebrasyon, napaiyak din ako sa kanyang kuwento. Isa ang pag-uusap na iyon naming mag-ama sa mga highlights ng aking 2011.
Ngayong disinuwebe na siya, tapos nang mag-aral at holder na rin ng professional license (not driver’s license), handa na rin daw siyang magtrabaho. At natutuwa naman ako na meron na siyang mga ganitong plano ngayon sa buhay, patunay na unti-unti ay dumarating na sa kanya ang maturity.
And I guess iyon ang pinakaimportanteng bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan—ang pagdaragdag ng maturity, hindi ng numero ng edad.
Sa mga January birthday celebrators, isang pagbati ng “Maligayang Karaawan!”

Tuesday, December 6, 2011

showbiz

Photobucket

LAST December 5 ay nakasabay ko sa elevator ng ELJ Building si KC Concepcion. Kasama niyang pumasok sa elevator si Erik Santos at ang Pilipinas Got Talent finalist na si Khalil Ramos. Pauwi na ako noon matapos magsulat ng article para sa January 2012 issue ng The Buzz Magasin.
Late na ang aming deadline na dapat ay noong Nov. 26 pa dinala sa imprenta. Pero dalawang malalaking issue ang pumutok; ang KC-Piolo breakup, at ang DJ Mo “repaired video.” Nagbakbak kami ng ilang article para ma-accommodate ang mas maiinit na showbiz happenings.
Walang beso-beso from KC dahil hindi naman niya ako kilala na entertainment editor. Sa mahabang panahon na editor ako ng showbiz magazine ay wala akong nakilalang artista, at kuntento na lang akong magsulat at mag-edit ng mga articles. Maganda na rin iyon para hindi ako maging bias.
Sensitive, ayon na rin kay Piolo, ang pinagdaraanan nila ni KC. Kaya naman ilang articles na ang na-edit ko ay hindi agad maaprub ng mga inampalan. Mahirap naman kasing sulatin ang isang balita na iisang panig lang ang naririnig at wala mula sa kabila. Paano magiging patas ang artikulo? Last resort, nang hindi pa rin okey ang pinakahuling nailatag na article ay nagsulat na lang ako ng analysis tungkol sa kanilang relasyon na inihalintulad ko sa isang ordinaryong magkasintahan na nagkaroon ng tampuhan. Ang sa kanila nga lang ay masyadong naging publicized dahil pareho silang artista. Kung gusto ninyong mabasa, maging ang pinakahuling statement ni Piolo ukol sa kanilang pinagdaraanan ni KC ngayon, (shameless plug, he-he) bili na lang po kayo ng kopya.
Mas mabilis kong nagawa ang Rhian Ramos-DJ Mo brouhaha dahil makatas ang balita. Isa itong showbiz news na nakakawindang talaga.
Sa pag-iyak ni KC at pagsasabing break na sila ni Piolo, maraming tumira sa actor dahil ang husga kaagad ay bakla ito. Unawain natin si KC sa paghahanap niya ng atensyon sa napakaguwapong boypren. Pero bata si KC at matured na si Piolo na marami nang priorities sa buhay bukod sa pag-ibig lang at kiligan blues. Medyo may generation gap na kaya hindi maiiwasan ang pagsulpot ng problema. Gayunpaman, saludo ako sa actor sa pagiging tahimik at pinatunayan ang pagiging gentleman kahit pa nga naging biktima siya ng bullying sa net.
Sa kaso ni Mo, mahirap din namang husgahan ang kanyang ginawa. Pero sa panghihiya niya sa kanyang ex-GF kahit pa gaano kabigat ang kanilang pinagdaanan, mukhang mas bakla yata ang kanyang paninindigan considering na mas malaki rin ang tanda niya kay Rhian at dapat na siya ang nagpakita ng maturity. Kapag minahal mo ang isang tao, hindi ka gagawa ng isang bagay na habampanahong nakakubabaw sa kanyang pagkatao. Kung kapatid ko si Rhian o tatay niya ako, pagkatapos kong mapanood ang video ay headline tiyak sa mga balita ang gagawin kong pagputol sa ibon ni Mo.
Siguro’y nagaganap ang mga bagay na ito para paalahanan na rin ang ating mga kabataang babae na maging maingat sa usapin ng pag-ibig sa panahon ngayon. Ang pagkakaroon ng sikat at guwapong boypren ay hindi nangangahulugan ng bed of roses. Maraming kaagaw, maraming tsismis, mapupuno ka ng insecurities.
Kung techie naman na gaya ni Mo ang inyong magiging boypren, kung makikipag-break kayo sa kanya, siguraduhin ninyong nasa possession ninyo ang kanyang hard drives at memory cards. Better yet, sunugin ninyo ang kanyang iMac.
Sa tingin ko kay KC ay masaya naman siya ngayon, malayo sa hitsura ng isang babaing nabigo sa pag-ibig. Mukhang mabilis siyang naka-move on, at malaki naman ang posibilidad na magkabalikan sila ni Piolo—gaya na rin nang ipinahiwatig ng actor na sana’y makapag-usap muli silang dalawa “without the pain”.
Si Rhian ang mukhang pinagsakluban ng langit at lupa at tiyak na matatagalan bago maka-recover. Pero maganda siya, bata pa at smart… sana pagbangon niyang muli ay hindi na siya madapa. At napaka-comforting para sa kanya na sa isyu nila ni Mo, nasa kanya ang simpatya ng mga tao.
Si Mo?
Well, nangangailangan daw siya ng “professional help”. Dahil sa kanyang ginawa, mukhang kailangan nga niya talaga. Nahaharap din siya sa kaso ng paglabag sa karapatan ng mga kababaihan.
Maige na iyon kaysa maputulan siya ng ibon.

Monday, November 28, 2011

day-off

Photobucket

ISANG araw ng Linggo iyon at may kakatagpuin akong kliyente sa isang fast food sa may Quezon Avenue. After lunch ang aming usapan, at dahil ako’y laging maaga sa mga ganitong usapan at ayokong nale-late, alas onse pa lang ay nasa meeting place na ako at nagbabasa ng Sunday news. Tinitingnan ko ang aking horoscope nang marinig kong may nagsalita sa aking harapan.
“Kanina ka pa?” boses babae iyon.
Nang tumunghay ako, hindi naman iyon ang aking kliyente. Ang babae sa harapan ko ay medyo maskulado, maitim, makapal ang buhok na walang style ang gupit pero may matamis na ngiti at mapuputing ngipin. Ang pagiging stocky niya ay lalong naging define sa suot niyang stripes na polo shirt at skinny jeans na generic.
Hindi ako maka-react. Agad siyang naupo sa harapan ko. Pagpapatuloy niya, “Buti nakita ko agad ang Spider-man sa T-shirt mo kaya nakilala agad kita.”
Tzing!
Naisip kong napagkamalan niya ako na ka-eyeball niya dahil sa kamisetang suot ko. Pero bago pa ako nakapagpaliwanag ay nagsalita siya uli. “Pakainin mo naman ako, gutom na ako. Naglaba pa kasi ako bago ako umalis sa bahay.”
Ewan kung bakit nagpatianod ako. Tiniklop ko ang binabasa ko at tinanong ko siya. “Ano’ng gusto mong kainin?”
“Kahit ano,” sagot niya. “Basta libre masarap kainin.” At sinundan niya iyon ng masarap na hagikhik.
Nagpunta ako sa counter at umorder ng combo para sa kanya. Nagkakape na ako noon kaya nagdagdag na lang ako ng hash brown para sa akin. Inalok niya ako pagkaabot ko sa kanya ng pagkain, tumango lang ako at humigop ng kape.
Nagtanong muli siya. “Dala mo ang kotse ng amo mo?”
Muntik ko nang naibuga ang hinihigop kong kape! Confirmed na househelp ang kaharap ko, at ang ka-eyeball niya na napagkamalan niyang ako ay isang family driver.
Nakatuwaan ko nang magpanggap. “Ah, hindi ko pwedeng gamitin iyon pag day-off, kasi sina Sir ang gumagamit. May lakad pag Sunday ang buong pamilya.”
Nagpakawala siya ng isang maikling, “Aah…”
Nagsimula kaming maghuntahan. Pinilit kong maging creative para makakuha ng mga datos sa kanya. Beinte uno anyos, panganay, laging nagpapadala ng pera sa pamilya. Tipikal na kuwento ng mga anak mahirap na napapadpad sa Maynila para makahanap ng magandang bukas. May BF sa province na di naman siya tine-text. At kapag nalulungkot at nangungulila sa minamahal, naghahanap ng ka-text para kapag day-off ay may ibang aktibidad maliban sa regular Inday routines.
Noong buhay pa ang Atlas ay marami akong kaibigan na madalas makipag-phone pal sa mga Inday at idine-date kapag day-off. Nagunguna na rito ang kababayan kong si Alex Areta, ang kumpare kong si Meyo de Jesus at bayaw na hilaw na si Benjie Valerio. Si Omeng Estanislao, once upon a time yata ay may naka-phone pal ding Inday.
At naitanong ko kay Inday, este, hindi ko nga pala alam ang pangalan niya, kung ano’ng probinsya niya.
“Ikaw naman makakalimutin,” sagot niya. “Sabi ko nga sa text Masbate.”
Masbate…
At nagbalik sa akin ang isang alaala noong third year high school ako.
Nag-aalaga kami ng baka noong nasa bukid pa ako at kalimitan ay mula sa Masbate ang naipapadala sa mga pamilihan sa Batangas. Excited ako isang umaga dahil sabi ng aking ama ay darating na ang torete (binatilyong baka) na aalagaan ko. Nang dumating ang trak na kinalululanan ng mga bagong dating na baka at isa-isang ibinaba, itinuro sa akin ng aking ama ang nakatoka para sa akin. Matapos pumirma ng aking ama sa dokumento (may rehistro ang mga baka), hinila ko na ang aking torete at isinoga sa isang haligi ng aming bahay.
Nagtititigan kami ng torete. Hinimas-himas ko ang ulo niya. Iniisip ko na after one year ay mabebenta na ito sa malaking halaga, at may porsyento ako sa pag-aalaga. Kausuhan ng cassette recorder noon at walkman, ‘yun ang plano kong bilhin sakaling mabenta ang baka. By next year din ay graduating na ako, may pambili na ako ng Truvenize na susuutin sa graduation.
Habang lumilipad ang aking isip, nagulat na lang ako sa ginawa ng torete. Bigla niya akong sinuwag! At kahit di pa siya masyadong malaki ay napakalakas, humagis ako at bumagsak sa bunton ng mga sinibak na kahoy na panggatong. Naramdaman kong may umagos na mainit sa bandang kanan ng noo ko. Nang kapain ko, dugo!
Kasunod niyon ay nagrumpi ang torete. Nagwala nang todo. Sumaklolo sa akin ang aking ama at binuhusan ito ng tubig para kumalma. Nilagyan ko naman ng dahon ng bayabas ang sugat sa aking noo.
“Mailap (wild) pala ito,” komento ng aking ama. “Mahihirapan kang alagaaan ‘yan.”
True enough, ang torete mula sa Masbate ay isa palang cow from hell. Lagi kaming nagbubuno kapag ililipat ko siya ng puwesto. Maraming beses niya akong nasuwag. Marami naman akong naubos na palapa ng saging sa kapapalo sa kanya. Nagkaroon ako ng galit sa kanya kaya pagkakagaling ko sa school at pupuntahan ko siya kung saan nakasoga, magbubuno agad kaming dalawa. Titiyakin ko na ang pagkakatali sa kanya ay hindi magbibigay sa kanya ng espasyo para masuwag ako. Sabi nga ng tatay ko, ako raw ang gumawa ng paraan para ito maging maamo.
At nang masanay na siya sa akin, naging mabait naman kalaunan. Nahahaplos ko na siya nang di nagiging bayolente, nasusubuan ng damo nang di na ako sinusuwag. Naging kaligayahan na ang pag-aalaga at pagpapataba sa kanya.
Mahirap mag-alaga ng hayop sa loob ng mahabang panahon dahil magkakaroon ka ng emotional attachment dito. Magiging bespren mo kahit pa kambing, baboy o manok. Kaya nang dumating ang time na ibebenta na ang bakang alaga ko na mula sa pagiging mailap ay naging maamo, nalungkot ako. Nakatingin siya sa akin nang isasakay na sa trak para dalhin siya sa pamilihan, parang nagpapasaklolo. Gusto kong mapaiyak sa isipin na baka gawin siyang de-lata. Iyon ang dahilan kung bakit di ako kumakain ng anumang luto mula sa karneng baka. Hanggang ngayon ay di ko pa rin siya nakakalimutan dahil sa aking pilat sa kanang noo.
“Manonood na ba tayo ng sine?”
Nagbalik ako sa kasalukuyan nang magsalita si Masbate girl. At may plano pa pala silang manood ng sine ng kanyang ka-eyeball! Eksakto namang nag-text ang ka-meet ko. Change venue raw kami, puntahan ko siya sa isang mall.
Time na rin sa akin para magpa-excuse sa kaharap ko. “Naku, pinauuwi na ako ng amo ko,” dahilan ko sa kanya pagka-reply ko sa kliyente. “Next time na lang tayo magsine.”
“Okey…” sabi niyang malungkot.
Na-guilty naman ako sa reaction niya. Nagbalik ako sa counter at nagpa-takeout ng dalawang combo at ibinigay ko sa kanya. Dalawa para sakaling dumating ang tunay niyang ka-meet, meron na silang makukukot. Binigyan ko rin siya ng P100. “Pantaksi,” sabi ko. At iniwan ko na siya.
“Text, text, ha?” pahabol niya.
“Sure,” sagot ko.
Hindi ko alam kung ano na ang nangyari pagkaalis ko. Dumating kaya ‘yung family driver? Natuklasan kaya niyang nagpanggap lang ang mamang naka-Spider-man T-shirt?
At ano kaya kung sumama ako sa kanyang manood ng sine?
Ah, siguro itatanong ko na lang kina Alex Areta, Meyo de Jesus, Benjie Valerio at Omeng Estanislao kung hanggang saan ba sila nakararating kapag day-off ang ka-date.