Wednesday, July 29, 2009

toklat

Photobucket

HINDI panot o ukab sa buhok ang sinasabi kong Toklat. Isa siyang askal (asong kalye) na bagong alaga ng aking mga kapitbahay.
Medyo nagtataka siguro kayo kung bakit ang sabi ko ay bagong alaga ng aking mga kapitbahay at hindi kapitbahay o partikular na isang tao lang. Mahilig kasing mag-alaga ng mga askal ang mga kapitbahay ko pero ayaw nila ng responsibilidad. Ibig sabihin, kung may asong pakalat sa kalye ay okey lang na pakainin nila, palakihin at kung malaki na, may okasyon at napagtripan—puwedeng pulutan.
‘Yun ang malungkot.
Anyway, si Toklat ay isa sa mga naging anak ng alagang aso ng pinsan ng misis ko. Ang nanay niya, na tawagin nating si Apol, ay nakatali lang sa ilalim ng isang puno ng abandonadong barangay hall at kung sinu-sino rin ang nagpapakain. Nang mabuntis si Apol ay nakaligtas siya sa pagiging kaldereta. Nanganak siya ng anim na kyut na tuta, isa na rito si Toklat.
Pinakapangit at pinakamaliit si Toklat sa magkakapatid at binigyan ko siya ng pangalang Toklat dahil panot o kalbo ang balahibo niya malapit sa buntot—isang deficiency ng mga tuta na kulang sa vitamins, o posible ring dahil sa bulate. Ito rin ang naging tawag sa kanya ng lahat. Nang nakakalakad na sila, napansin kong kahit pangit ay siya ang pinakamalambing at mukhang matalino. Kapag wala akong ginagawa ay lumalabas ako para silipin ang mga tuta. Madalas lumapit sa akin si Toklat, at kahit pangit ay medyo nilalaro ko nang konti. Napansin kong lumalaki ang panot niya sa may likod kaya inisip kong siguro ay hindi siya magtatagal. Gayunpaman, hanggang sa may humingi na sa ibang tuta ay buhay pa rin siya. Naturalmente, dahil sa kanyang hitsura ay walang nakagusto sa kanya.
Nang maiwan siya ay nasolo niya ang pagdede kay Apol kaya hindi nakapagtatakang lumusog si Toklat at unti-unting nawala ang panot. Kuminis na rin ang balahibo. Dahil nagkaroon ako ng fondness sa kanya ay lagi ko siyang binibigyan ng ‘treat’ (matigas na pagkain ng aso) para maupod ang mga ngipin niya. Basta nakita niya ako, alam niyang it’s chowtime. Iba rin ang respond niya sa akin kumpara sa ibang kapitbahay ko—salamat sa treat.
Gusto ko na sana siyang iuwi sa bahay pero sabi ng misis ko ay hindi na siya handa sa panibagong pet dahil dalawa na ang aso namin. Nakita ko rin na delikado si Toklat sa dalawang mongrels ko dahil minsang sumunod siya sa akin, at palibhasa’y maliit pa ay nakalusot sa gate, nahabol siya ng dalawa naming alaga at muntik nagulpi. Mabuti na lang at nakatakas.
Minsan na dadalhan ko siya ng treat ay hindi ko makita. Nang hanapin ko, sabi ng isang kapitbahay ko ay nasa bahay nila dahil nasagasaan. Doon daw nahiga at hindi na niya pinaalis. Na-shock ako. Tinanong ko ang lagay. Baka raw mamatay. Pilay na pilay raw. Talop ang buong katawan. Kita ang buto sa kanang paa.
Maging ako ay kinilabutan nang makita ko siya sa kawawang histura. Para siyang karneng may balahibo! Halos two months old pa lang siya kaya durog halos ang paa sa hulihan. Nakadapa siya at nang makita ako ay sumigla ang mga mata, pero halatang-halata ang sakit na nararamdaman. Bahagya kong hinipo ang paa niyang halos durog at hinimod niya ang kamay ko na parang nahingi ng saklolo. Muli, naisip ko, hindi magtatagal ang tutang ito.
Iniabot ko sa kanya ang treat pero hindi niya kinuha. Isinubo ko sa kanya pero hindi niya kinagat. Iniinda niya ang sakunang inabot. Mas gusto niyang hinihimod ang napakalaking sugat.
Sabi ng isang kapitbahay ko ay gagaling daw naman siguro dahil hindi sa ulo ang disgrasya. Ganyan naman ang aso, sabi pa niya, alam gamutin ang sarili.
Sana nga, naisip ko, dahil hindi ko rin maako ang responsibilidad na maipagamot siya. Kinuskos ko na lang ang ulo niya. Sorry, Toklat, sana nga ay maka-survive ka.
Naging busy ako at laging umaalis kaya hindi ko na nabalitaan ang nangyari sa kanya. Nakita ko na lang na nakakalakad na uli siya kahit paika-ika. Tuwang-tuwa nang lumapit sa akin. Sinilip ko ang sugat niya, kita pa rin ang malaking bahagi ng buto pero naghihilom na. Binigyan ko agad siya ng treat, at binanatan niya iyon na sabik na sabik. That’s great, doggie.
Magaling na magaling na si Toklat ngayon at binatilyo na. Makinis at mukhang magiging malaking aso. Paborito siya ng mga tambay sa amin dahil maamo. Noong isang araw ay nagdedebate pa sila kung kaninong birthday matotoka si Toklat. Ang lagay pala ay kandidato talaga siya na makaldereta.
Dalawang beses ko nang inabandona ang kaligtasan ni Toklat at sa pagkakataong ito ay nagi-guilty na ako. Sana ay nagbibiro lang ang mga tambay sa amin na sa kanilang mga bituka nakatakdang humimlay nang todo ang kawawang aso. Kung hindi naman, may paraan para mapigil ko sila nang hindi ko kokontrahin ang kanilang trip.
Next week ay schedule ng bakuna ng dalawa kong mongrel. Plano kong pabakunahan din si Toklat kahit anti-rabies lang. Kapag nalaman ng mga kapitbahay ko na medyo namuhunan na ako sa kanya kahit konti, malaki ang posibilidad na makaligtas siya na maging pulutan.

Photobucket
(Si Toklat habang naglalamiyerda sa aming barangay. This photo, taken by me, also appears in my DA account, entitled 'I Am Legend'.)

Monday, July 13, 2009

facebook

MAYROON akong Facebook account pero ginawa ko lang yata ito nang ma-invite ni Ner, pero hindi ko naman ginagamit at ni wala akong entry. Marami akong natatanggap na invitation pero hindi ko na po ina-accept kasi inactive naman ang account ko, with three photos courtesy of Ner. Dito lang po ako active sa blogspot, and a little bit sa DA. :)

Sunday, July 5, 2009

super...

Photobucket

DON'T even have enough time to sleep, eat, read, etc. Nabawian pa ako ng trabaho ng isang kliyente dahil hindi ko na naasikaso. Mga one week pa siguro ang ganitong sitwasyon—dispensa muna sa mga kaibigan na napangakuan. Nagpapayaman lang po...