Thursday, June 30, 2011

kuwentong rubber shoes

Photobucket

MAHILIG ako sa rubber shoes. Sabagay, kahit naman sinong lalaki. Cool na cool ang dating kung naka-rubber shoes pag namamasyal at naka-casual lang ng suot. Gayundin kapag naglalaro. Sa mga department stores, sa section ng rubber shoes ako nagtatagal ng pagwi-window shopping.
Noong bata pa ako ay hindi ako nagkaroon ng sariling rubber shoes. Sa maniwala kayo o hindi, kahit tsinelas lang ay hindi pa ako halos makabili noon. May mga pagkakataon noong nasa elementary pa lang ako na nakaranas akong pumasok nang walang suot sa paa. Noong high school, pag teenager na siyempre ay nakakahiya nang walang suot sa paa pag papasok sa school, kaya ang sandalyas na namana ko sa aking pinsan ay talagang tinipid ko ang paggamit para huwag agad mapudpod.
Ang kawalan din ng rubber shoes ang problema ko noon pag oras ng PE. Pag may liga ng basketball. O kahit simpleng lakaran lang ng barkada.
Kaya sabi ko sa sarili noon, pag nagkapera ako balang araw ay susuotan ko ng pinakamahal na rubber shoes ang paa ko na matagal na pinarusahan ng mainit na kalsada pag tag-araw, at putik kung tag-ulan.
Nang maging scholar ako ng Caltex noong college, nakakabawas ako sa aking stipend ng pambili ng sapatos. Pero kausuhan noon ng “topsider” kaya pansamantalang nawala sa isip ko ang pagbili ng rubber shoes. Isa pa, may mga kaklase ako na ang mga tatay ay nagtatrabaho sa Saudi Arabia, kaya ang kanilang pinaglumaang Adidas ay ibinibigay na lang sa akin.
Nang tumira ako sa Marikina City huling quarter ng 1988 ay nakuha akong “import” sa 3-on-3 basketball league nila at naglaro ako sa team na pagmamay-ari ng isang may pagawaan ng bag. Kasama sa bayad ang rubber shoes (kasikatan ng Grosby noon) pero pinera ko na lang dahil kailangan ko ng allowance. Noong time na ‘yon ay nakikipanuluyan lang ako sa isang malayong kamag-anak na may bakery bilang “alilang-kanin.” Meaning, habang nakatira ka sa kanila ay gagawin mo ang lahat ng odd jobs pero libre kain. Naging tagadurog ako ng lumang tinapay. Ang nakuha ko namang pera kapalit ng rubber shoes na worth P300 (na malaking halaga pa noon) ay ginamit ko sa paghahanap ng trabaho.
Nasa Atlas Publishing na ako nang makabili ng masasabi kong kauna-unahan kong rubber shoes na ginamit ko sa inter-komiks league. Iyon din ang first time na na-in love ako sa Nike. Since then, nagkasunud-sunod na ang pagbili ko ng nasabing brand.
Hanggang noong 2007 ay nagna-Nike pa ako. Natigil lang nang mapahilig naman ako sa tsinelas nang mauso ang flip-flops—lalung-lalo na ang sikat na Havaianas. Pero mas mura ang binibili ko dahil hindi ko ma-reconcile na gagamit ako ng tsinelas na libo ang halaga. Hindi pa naman pangganoon ang level ko. Okey na ako sa Banana Peel.
Last year ay nakakita ako sa sale ng Adidas Superstar at Puma Skrum Trainer. Halos 70% ang discount at dahil matagal na rin akong hindi nagra-rubber shoes ay binili ko pareho dahil sobrang bagsak-presyo nga. Isa pa, pinayuhan ako ng doctor na magsapatos muli dahil medyo dumarami ang aking varicose veins—na ayon sa kanya—bukod sa nasa genes ay dahil na rin sa sobrang pagtitsinelas. Kaya for the first time, hindi muna ako nag-Nike.
Pero mahirap kalimutan ang first love. Sabi nga ni John Grishman sa nobela niyang “The Bleachers” ay, “There’s always something magical about first love.” Bagaman at unang pag-ibig sa opposite sex ang tinutukoy niya—totoo rin pala iyon sa mga bagay na una mong nakasanayan. In my case, ang Nike shoes.
Sa mga una kong kuwento ay sinasabi kong mahilig akong mag-alkansya at hanggang ngayon ay ginagawa ko pa rin iyon at binibiyak lang pag may gusto akong bilhin. Nagkataon na may Nike shoes akong nakita na sobrang nagpapalaway sa akin. Sabi ng misis ko, bilhin ko na raw kaysa laging akong nangangarap. Dahil siya ang aking boss, at para huwag masira ang budget ay pinaanak ko muna ang aking piggy bank, at ensigida ay nagpunta kami sa mall at binili ang pangarap na shoes.
Sabihin pa ay anong ligaya ng aking mga paa na sanay na sanay sa yakap ng goddess of strength, speed, and victory. Para akong laging nakayapak sa ulap.
Hanggang kamakailan lang ay maganap ang hindi ko inaasahan...
Sakay ako ng jeep habang papauwi sa amin. Sa tapat ko ay nakaupo ang mag-ina na mukhang galing sa school. Prep pa lang siguro ang chubby na batang lalaki na mukhang makulit—parang totoy na Alex Areta. Ayaw niyang isuot ang polong uniform at gusto ay naka-sando lang. Hirap na hirap sa pagsaway sa kanya ang ina na marahil ay thirty-something pa lang. Kumakain ang bata ng hamburger, at sa isang kamay ay may malaking plastic nang hinihigop niyang sa-malamig. No wonder kung bakit may pagka-chubby siya.
Noong una ay naaaliw siya sa suot kong Marvel T-shirt. Hindi ko alam kung marunong na siyang bumasa pero panay ang sigaw niya ng “Spider-Man!” Ah, the power of visuals. Maya-maya ay napadako ang tingin niya sa sapatos kong colorful.
Ang sumunod ay kalamidad.
Ibinuhos niya sa sapatos ko ang lahat nang iniinom niyang sa-malamig!
Napasigaw ang ina niya at ako naman ay na-shock. Sa hitsura pa lang ng bata ay halata nang sutil ito, at nawala sa isip ko ang mag-ingat. Pati ang mga sago’t gulaman ng iniinom niya ay napabuhos sa sapatos ko.
Kumulo ang dugo ko. Naramdaman kong umagos ang pawis ko sa likod sa galit. Pero ano’ng magagawa ko ay bata ang may kasalanan? At kasalanan din ng nanay niya kung hindi tinuturuan ang anak ng kagandahang asal.
Ang mas nakadagdag sa bad trip ko ay di man lang sinaling ng ina ang kanyang anak. Ang sabi lang sa mahinang boses, “Ang kulit mo talaga, magagalit sa ‘yo ang mama.” At kahit alam kong di pa dapat sila bumaba ay nagpara na para makaalpas sa kaaliwaswasang ginawa ng anak niya.
Shock din ang ibang pasahero. Iba’t iba ang reaksyon nila. Maraming nabuwisit sa bata, meron din sa ina. Blangko naman ang isip ko. Pinakamahirap na sitwasyon kapag isang musmos ang gumawa sa iyo ng kasalanan.
May isang ale na nag-abot sa akin ng tissue na pamunas. Habang pinupunasan ko ang sapatos, isang mamang medyo senior citizen na ang humirit: “Marami naman niyan sa Greenhills.”
Excuse me, gusto ko sanang sabihin. Hindi po japeyk ito! Pero kung bawal pumatol sa musmos, ganoon din naman sa senior.
Isang ginang naman ang nagsabi sa akin na, “Dapat pag ganyang kaganda ang sapatos hindi nasakay sa dyip.”
Makes sense to me. To lighten up the mood, sinagot ko na lang siya ng: “Naubos po kasi sa sapatos ang aking pantaksi.”
Nawalan na ako ng gana sa aking bagumbagong Nike at sinuwerte ang bayaw ko—na hindi tumanggi nang ibigay ko, provided na siya ang maglalaba.
Nasa proseso uli ako ng pag-iipon ngayon para sa panibagong rubber shoes. Muli kong binubusog ng mga barya ang aking piggy bank. Mga ilang buwan lang siguro, posibleng sa Christmas season ay makabili akong muli ng bagong sapatos.
At sakaling maulit ang insidente—sabi nga sa amin sa Batangas, “A-ah, baka ako’y makapanumbi na!”

Monday, June 20, 2011

Wednesday, June 15, 2011

kuwentong karate

Photobucket
ROGER MERCA

Photobucket
SI MASTER (Na akala mo kung sino lang)

HINDI natin aakalain na minsan, sa kung saan-saang bahagi lang ng ating bansa, may mga simpleng kababayan natin na naghahangad ng maganda para sa ating mga kabataan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang pambihirang kaalaman.

Nakilala ko si Roger Merca, isang karate instructor, minsan na napagawi ako sa isang parke malapit sa Cuneta Astodome, Pasay City. Pinanood ko siyang magturo ng martial arts sa ilang kabataan. Nagkainteres ako dahil noong nasa kolehiyo ako ay nag-aral din ako ng karate at umabot sa green belt. Hindi ko na nga lang naipagpatuloy nang mag-graduate ako.
Kasama ni Roger sa pagtuturo ang isa pang instructor na nagpakilala lang na si “Master”. Mas mataas ang ranggo ni Master kumpara kay Roger—na kakukuha lang pala ng kanyang black belt.
Nakakatuwang panoorin ang mga batang nag-eensayo. Sa totoo lang, malaki ang impluwensya ng martial arts sa mga kabataan para mahubog sa disiplina. Taliwas sa inaasahan ng iba na ang isang nag-aral ng martial arts o self defense ay mahilig sa away, kabaligtaran iyon sa katotohanan. Sa club na pinag-aralan ko, ang Association for the Advancement of Karate-Do o AAK, ay may panuntunan kami na, “To use this art only when all other forms of self preservation have failed.” Mapapansin ang katagang “self preservation”. Ibig sabihin nito, kung makatatakbo ka mula sa away ay gawin mo. At sa isang may knowledge ng self defense, hindi karuwagan ang umiwas o tumakbo sa away—bahagi iyon ng disiplina.
Sa mga bansa na pinagmulan ng sining ng self defense na ginagamit ngayon worldwide ay mapapansin ang disiplina ng kanilang mga mamamayan. Mga bata pa lang ay tinuturuan na sila sa mga paaralan bilang preparasyon sa kanilang paglaki at maging bahagi ng kanilang hukbong sandatahan. Siguro ay magandang gayahin natin dito sa atin ang ganoong sistema lalo pa at napakaraming kabataang Pinoy na ngayon ang walang disiplina. Sa maagang pagdidisiplina sa mga mamamayan nagsisimula ang pagiging makabayan.
Nang pansamantalang magkaroon ng break ang pag-eensayo ay nakahuntahan ko sina Roger at Master. Ayon sa kanila ay sinisimulan pa lang nila ang asosasyon sa bahaging iyon ng Pasay City. May malaki silang samahan sa Luneta Park. Kung gusto ko raw ay pwede akong mag-member. Mura lang ang membership fee, at kailangan lang na bumili ako sa kanila o magdala ng sariling kimono.
Sa sinabi nilang rate ay mas makamumura ako kaysa mag-enrol sa karate club ng isang celebrity. Noon ko pa planong mag-ensayo uli para madisiplina ko ang sarili ko pag-eehersisyo at iba pang physical conditioning. Isa pa, naghahanap na rin ako ng ibang mapaglilibangan na papawisan naman ako.
Naging advocacy na rin daw nila ang pagtuturo ng karate, unang-una ay dahil ito ang alam nilang gawin. Ikalawa, natutuwa raw sila kapag maraming kabataan ang natututo at nagkakaroon ng disiplina at self confidence. Sana nga raw ay marami pa silang mahikayat na sumali sa kanilang asosasyon.
Maituturing ding mga tahimik na bayani sina Roger at Master. Kung may mga gaya ni Efren Peñaflorida na nagmumulat sa ating mga kabataan ng kahalagahan ng pagbabasa at edukasyon, nililinang naman nila ang disiplina at pisikal na aspeto sa buhay ng ating mga kabataan.
Nakakatuwa na kahit sa parke lang ginaganap ang ensayo ay may mga magulang na sinusuportahan ang kanilang mga anak para matuto ng martial arts. Maganda nga naman ito kaysa nasa bahay at nakababad sa computer, kumakain ng sitsirya hanggang maging obese at maka-develop ng kung anu-anong sakit.
Kung sa inyong lugar ay may mga gaya nina Roger at Master, hikayatin ninyo ang inyong mga anak na makiensayo sa kanila o sumali sa kanilang club. O kaya ay puwede ring kayo para mabanat naman ang mga ugat at kasu-kasuan.

Photobucket
Photobucket
Photobucket
Importante sa mga kabataan ang matuto ng self-defense. Bukod sa disiplina, nakaka-develop din ito ng self confidence. At nakatutuwa ang mga parents na ine-encourage ang kanilang mga anak sa ganitong aktibidad.

Wednesday, June 8, 2011

'starting over again'

Photobucket

Photobucket

NAISULAT ko kamakailan na kinain ng anay ang halos lahat nang reference materials ko for cartooning. Ang insidenteng iyon ay nagpalamlam sa interes ko na matuto pang lalo ng sining na ito. For a while ay kinalimutan ko na ang pagdo-doodle at tinanggap sa sarili ko na siguro ay malabo sa reyalidad ang plano ko na makagawa ng komiks na ako mismo ang nagdibuho—cartoon style.
Last week ay napagawi ako sa isang branch ng Booksale at nagulat ako sa bumulaga sa akin—Bruce Blitz Big Book of Cartooning. Isa si Blitz sa mga una kong reference bago ko natuklasan si Randy Glasbergen. Pareho kong nakakapa ang style nila, though I am more comfortable with the latter.
Mas komprehensibo ang Bruce Blitz Big Book of Cartooning kumpara sa dalawang manuals niya na meron ako dati bago nakain ng anay. Almost P2,000 ang presyo nito sa Powerbooks at limitado pa. Matagal na akong na-order pero walang available. Hulog ng langit na nakakita ako sa Booksale—na halos wala pang P300 ang presyo.
So, praktis-praktis na uli at baka sakaling matuto pang mag-cartoons. ‘Ika nga ay parang matandang aso na puwede pa ring matuto ng bagong tricks. Nakaka-inspire naman ang foreword ni Blitz—basta raw may interes sa cartooning at may time magpraktis, malaki ang posibilidad na matuto.

'i can't live... if living is without you'

Photobucket

NOONG isang araw ay nakatuwaan kong linisin at muling patugtugin ang aking Aiwa component. Isa ito sa mga una kong investment nang magpatayo kaming mag-asawa ng bahay. Medyo napabayaan na lang, mga anim na taon na siguro, mula nang makabili kami ng home theater.
Maganda ang tunog ng component na ito na may malalaking speakers at extra bass feature. Sa aking opinion bagaman at hindi ako audiophile, sa kabila ng magagandang reviews sa maliliit na digital speakers na malalakas ang tunog, iba pa rin ang hataw ng speakers na malalapad ang circumference.
Anyway, matapos kong linisin at matiyak ang mga connections ay ini-on ko ang component. Walang problema, hindi umusok, at nagpa-function pa ang mga mode. Ni-review ko nang bahagya ang user’s manual na naitago ko pa rin pala, at sandali pa ay nagsalang na ako ng CD. Dahil ako’y binatilyo ng dekada 80, ang napili kong patugtugin ay album ng Air Supply.
Masarap pa rin sa tenga ang hataw ng speakers. Malakas pero hindi nakakabingi. May hatid na adrenalin rush ang dagundong ng bass. Makalipas ang ilang sandali ay pumailanlang ang single na “Without You”, na ang akala ko noon ang titulo ay “I Can’t Live.”
Bahagya akong natigilan.
Kinapa ko sa alaala ang esensya ng kantang ito sa buhay ko. At naalala kong bigla—ito ang background music nang una akong makapanood ng live na bold show.
Mahigit isang buwan pa lang akong editor noon sa Atlas. Araw ng suweldo nang yayain ako ng mga barako sa editorial na mag-unwind daw naman kami. Schedule ko sana ng paglalaba sa boarding house pero dahil kailangang makisama ay pumayag ako sa anyaya. Alas otso raw ng gabi kami magkita-kita sa Farmer’s Plaza. Mas okey, sa isip-isip ko, dahil makapaglalaba pa ako. Malapit lang kasi ang boarding house na inuupahan ko noon, tapat lang ng Atlas, na isang sakay lang ng dyip at nasa Cubao na ako.
Excited din naman ako sa mga ganitong paanyaya. Para sa isang probinsyanong ang nightlife noong nasa Batangas pa ay maghanap ng aswang at tikbalang kapag kabilugan ng buwan, siguro naman ay kakaibang experience ang mararanasan ko ngayon.
Nang magkita-kita kami sa Farmer’s (karamihan ay mga lettering artists ang kasama ko) ay nag-inom muna kami sa basement at nakinig sa ilang banda na nag-perform. Alas diyes ay nagtungo na kami sa kalapit na night spot na hindi ko na matandaan ang pangalan kung Alibangbang ba o Salagubang—basta may “bang” sa huli na para bang nagpapaalala ng putukan. Pagkapasok pa lang namin ay nagsasayaw na sa maliit na entablado ang mga babaeng hubo’t hubad. Muntik na akong napaantanda, sabay bulong sa sarili ko na, “A-ah, walang ganire sa Batangas, eh!”
Naging exaggerated lang ako, hindi pa naman sila hubo’t hubad bagaman at ang suot nila na two-piece ay wala nang itinago sa imahinasyon ‘ika nga. Nagsasayaw sila na parang mga model ng swimsuit, kumakaway sa mga lalaking naroroon. Sabi ng waiter na nag-asikaso sa amin ay “big night” nila ngayon. Magsasayaw raw ang kanilang star dancer. Tinapik ako ng mga barakong kasama ko sabay kantiyaw: “Makakakita ka na ng hubad na seksing babae, hindi na hubad na baboy-ramo!” At nagkahalakhakan kami. Obviously, gusto nilang mag-enjoy ako sa pagkakataong iyon.
Hindi ako malakas uminom at hindi rin naman malakas sa pulutan pero masayang lumipas ang mga oras sa pagmamasid ko sa bagong kapaligirang iyon. Eksakto alas dose ng hatinggabi nang ianunsyo ng DJ ang “big night” at ang “star of the show”. Nagsimulang pumailanlang ang malambing na awitin:
“No, I can't forget this evening
Or your face as you were leaving
But I guess that's just the way the story goes…”
Mula kung saan ay lumabas ang isang napakaseksing babae. Naka-two-piece siya pero parang may kamison pa na pang-ibabaw. Matangkad, walang tiyan, maganda ang sukat ng dibdib at balakang, mahaba ang diretsong buhok. Gawin na lang nating peg si Sunshine Cruz noong di pa misis ni Cesar Montano. Nag-pole dancing siya sa entablado. Kung anu-anong kembot ang ginagawa—na sapat para magpatahimik sa kanina’y napakaiingay na kalalakihan.
Unang nahubad ang kamison.
Saglit pa, nawala ang saplot sa itaas.
Malamig naman ang aircon pero parang nag-El Niño sa loob ng pub sa tindi ng tumataas na excitement. Saglit pa, sabay sa lalong paglamlam ng ilaw ay wala nang tumatakip kahit dahon ng malunggay sa dancer. Ang mga mata ng kalalakihan ay lalong nanlaki (kasabay ang iba pang dapat lumaki), at ang mga bibig na kanina’y tikom, ngayo’y nakanganga.
“I can't live if living is without you
I can't give, I can't give anymore
Can't live if living is without you
Can't give, I can't give anymore…”
While in her naked glory ay bumaba ang star dancer sa entablado at isa-isang pinuntahan ang bawat mesang makursunadahan niya. Para siyang anaconda sa paggiling. Bago umalis ng table, inaabutan siya ng pera ng mga lalaking kuripot sa misis, pero pag nasa beerhouse ay parang mas mayaman pa kay Bill Gates kung gumastos.
Sa wakas ay huminto siya sa aming table at doon naman sumayaw. First time. First time kong nakakita ng ganoon. At kung shocking ang makakita ng aswang at engkanto, mas matindi ang shock ng makakita ng babaeng hubad sa unang pagkakataon. Humawak siya sa magkabilang balikat ko at ikiniskis nang bahagya ang katawan. Binulungan ako ng isa kong kasama: “Abutan mo…”
Kumapa ako sa bulsa at inilabas lahat ng perang papel na naroroon at iniabot ko sa babae. Tumingin siya saglit sa akin, ngumiti, mahinang “Thank you” at lumipat na siya ng ibang mesa.
Madaling-araw na kami nakauwi ng tropa pero hindi kaagad ako dinalaw ng antok. Paulit-ulit sa diwa ko ang mga naganap sa bar.
Iyon ang una kong immersion para sa mga gaya niya na ang means of livelihood ay pagbibigay ng kasiyahan sa mga kalalakihan. Sa aking pagiging journalist, lalo na noong nasa Manila Times na ako ay marami akong na-interview na entertainers. Iba-iba ang kuwento nila kung bakit nasadlak sa ganoong uri ng trabaho. Minsan ay mahirap paniwalaan. Pero lahat ay nagtatapos sa iisang konklusyon—kung may iba lang paraan, hindi nila gagawin iyon. At sino naman tayo para husgahan sila?
Hindi rin ako naengganyo nang todo sa mga ganitong uri ng paglilibang. Hindi ako puwedeng mag-aksaya lagi ng pera. Tama na ang isang gabi ng hubad na karanasan. Marami kaming utang. Nakasangla ang lupa. Kailangang bumili ng baka na gagamitin sa pagsasaka. Pasalamat ako at may maganda akong hanapbuhay. Hindi ko kailangang magsayaw—na pag minamasdan ko naman ang sarili ko sa salamin, mukhang walang gaybar na magkakamaling kunin ang aking service. Hindi ako naging hunk na gaya ng aking idol na si Jose Mari Lee.
Naikuwento ko lang ito dahil nga sa kanta ng Air Supply na kinanta rin ng iba’t ibang performers. Alam kong pamoso ang kantang ito sa mga big night. Sa mga gabi ng basaan sa girlie joints, sa bayuhan blues ng mga macho dancers.
Almost 20 years na ang eksenang iyon. Ang mala-Sunshine Cruz na dancer ay baka lola na ngayon at wala na ang dating tindig at alindog na kababaliwan ng mga kalalakihan. Nasaan man siya, sana ay nakaahon siya sa kahirapan at nagkaroon ng magandang buhay. At ang malungkot na ngiti niya noon, sana ay may sigla na ngayon—gaya ng linya sa kantang sinasayaw niya nang akin siyang makita:
“No, I can't forget this evening
Or your face as you were leaving
But I guess that's just the way the story goes
You always smile but in your eyes your sorrow shows
Yes, it shows…”