Thursday, November 28, 2013

Online Job

NOON ay nag-apply rin ako sa mga online jobs, kalimitan ay bilang translator. May artikulo o kuwento na nakasulat sa English at isasalin sa Tagalog. Natatanggap naman ako, pero pag pinapipirma na ako ng kontrata ay nagba-back out ako. Marahil ay hindi ako sanay sa trabahong nasa bahay lang, solo ang oras at walang kasalamuhang kaopisina.
Kung tutuusin ay maganda ang online job. Hindi ka matatrapik sa pagpasok sa opisina. Hindi ka magkukumahog sa pag-aalmusal at pagbibihis. At dahil nasa bahay ka lang, anytime ay puwede kang kumain o magmeryenda pag nagutom.
Ang problema lang sa online job ay depende ito sa iyong makukuhang kliyente—na either good or bad. Puwedeng matagal ang magiging kontrata, puwede rin namang maikli lang at hanap ka uli ng iba. Sa internet ay laging nagkalat ang online jobs, hahanap ka lang talaga ng eksakto sa iyong area of expertise.
Sa mga napagtatanungan ko na online ang trabaho ay wala raw naman silang nagiging problema sa pagsuweldo. On time dumarating ang pera sa kanilang account. Kung pakyaw naman ang trabaho gaya ng mga kaibigan kong illustrators, basta naipadala nila ang materials, agad ding nagbabayad ang client.
Nakakatipid din naman ang “employer” sa ganitong scheme. Unang-una ay hindi kailangan ang opisina dahil “virtual office” ang nagiging sistema. Dahil kada piraso o service ang trabaho, hindi kailangang magbayad ng benepisyo at bonus ng mga employees. Kung sumablay rin ang retainer, pwedeng hindi magbayad. Ito rin ang dahilan kung bakit ang isang retainer ay kailangang makatupad sa napag-usapang oras ng paghahatid ng serbisyo o material dahil hindi ito mababayaran kapag pumalpak.
Isang kasamahan ko dati sa trabaho ang sumubok sa ganitong sistema. Single mom kasi siya at sabi niya sa akin, kung online job ang papasukan niya ay mas matututukan niya ang kanyang anak dahil sa bahay na lang siya. Natanggap siyang English tutor para sa mga batang Korean.
Dahil nga hindi na siya nakatali sa otso oras na trabaho, bukod pa sa nasusubaybayan niya ang anak ay nagawa pa niyang mag-enroll para mag-masteral. Kung may master’s degree raw kasi siya, o kahit units lang, pag nag-update siya ng curriculum vitae sa online school kung saan siya retainer ay tataas din ang kanyang rate. Sa dati naming trabaho na laging may overtime, wala siyang panahon para mag-aral muli.
Two years ago ay bumalik na silang mag-ina sa Leyte kung saan naroon ang kanyang mga magulang at kapatid. Kahit nagbalik-probinsya siya, tuloy ang kanyang pagiging online tutor. Kung hindi ganito ang sistema ng kanyang trabaho at kaopisina ko pa rin siya, ang senaryo ay ganito: magre-resign siya sa aming opisina, pagdating sa Leyte ay saka pa lang uli maghahanap ng trabaho—na suwerte kung may makita agad.
Kasama nga pala ang kanyang pamilya sa mga sinalanta ni Yolanda. Noong kasagsagan ng bagyo ay nag-text at nag-email ako sa kanya pero hindi siya nagre-reply. Last week ay nagparamdam na siya na she’s okay, and the rest of her family. Nawasak nga lang daw ang kanilang bahay, pero unti-unti na silang nakaka-move on.
Ito ang interesting. Buti na lang daw at tuloy pa rin ang online job niya at sa suweldo niya umaasa sa ngayon ang buong pamilya dahil siya lang ang may trabaho. Ang iba niya kasing kapatid ay hindi pa maka-report sa physical job dahil wasak ang building ng mga pinapasukang opisina.
Kuwento pa niya sa akin, pagkahupang-pagkahupa ng bagyo ay binuksan agad niya ang kanyang fully-charged laptop na una niyang na-save dahil nga iyon ang kabuhayan niya. Ini-on ang kanyang pocket wifi, nag-log in sa kanilang site, at nag-lecture sa kanyang Korean student. Habang nagkakagulo sa paligid, nagtuturo siya sa isang batang dayuhan ng “A is for apple, B is for banana” na hindi nito alam ay nasa gilid na halos ng impiyerno si Ma’am.
But that’s life, at sadyang magiting ang dati kong kaopisinang ito.
Ang sitwasyon na nabanggit ko sa itaas ay isa rin sa mga plus point ng online job. Sa gitna ng kalamidad, basta may power source ang iyong computer na ginagamit at may internet connection, it’s just another day in the office.

Sa ngayon, hindi ko pa rin nakikita ang sarili ko na papasok sa online job sa kabila ng maraming plus points nito. Kung bakit, I still enjoy bullying my officemates. 

Monday, November 25, 2013

Niyog

ISA sa malaking perhuwisyong nagawa ni Yolanda ay ang pagkawasak ng coconut industry sa Leyte. One third ng ating supply ng niyog ay nagmumula sa probinsyang ito ayon sa Philippine Coconut Authority.
Last year ay naging masigla ang “buko industry”. Sa mga mall at kanto ay nagsulputan ang mga tindahan ng bottled buko. Masarap naman kasi lalo na pag nahaluan ng ilang ingredients gaya ng gatas, asukal at arnibal.
May mga pag-aaral din na nagsasabing may healing power ang buko bagaman at wala pang medical journal tungkol dito. Sa mga probinsya ay pinaniniwalaang gamot ang sabaw ng buko sa mga problema sa pag-ihi. Kung balisawsawin ka, buko ang inumin. Kung may hangover, uminom ng malamig na buko at tanggal ang migraine.
Maraming putaheng Pinoy naman ang nangangailangan ng gata ng niyog. Basta’t sinabing “ginatan”, ang isa sa pangunahing sangkap nito ay gata. Maging sa mga kakanin gaya ng puto, bibingka at suman ay kailangan ang niyog, gayundin sa mga panghimagas gaya ng ginatang saging, kamote o pinindot (bilog-bilog).
Sa tala ng PCA, nasa 208, 000 ektaryang niyugan ang nasalanta ng bagyo na may mahigit 22 milyong puno ng niyog na namumunga. Nasa 120,000 pamilya naman o halos 600,000 ang umaasa ng kanilang ikabubuhay sa industriyang ito. Ngayong wala na ang mga niyog, para silang nakaharap sa blangkong pader kung kailan muling makakabangon.
Wala namang problema sa pagtatanim at tiyak namang tutulong ang pamahalaan para muling makabawi ang mga magniniyog sa Leyte. Ang problema, aabutin ng lima hanggang sampung taon bago muling mamunga ang itatanim na niyog. At depende pa iyon sa variety.
Isa sa mga hiling ng mga magniniyog sa pamahalaan ay ang malinis kaagad ang mga nakatimbuwang na puno ng niyog para makapagsimula na silang magtanim. Ang iba naman ay nagpaplanong taniman muna ng mga halaman o gulay na madaling mamunga ang kanilang niyugan para kahit paano ay may kitain.
May mangilan-ngilan daw na puno ng niyog na nakatayo pa rin, ngunit sa tingin nila ay hindi na rin mamumunga kaya kailangan na ring putulin. Sa tantiya ng mga magniniyog sa Leyte ay aabutin din ng ilang buwan bago matanggal ang mga naghambalang na puno sa mga plantasyon. Plano nilang gawing tabla ang mga nabuwal na puno para magamit sa pagtatayo nila ng pansamantalang tirahan.
Pero hindi lamang ang mga magniniyog ang nasa industriyang ito ang apektado kundi maging ang mga magkokopra. Ang kopra ay pinatuyong laman ng niyog at ang katas nito ay ginagamit bilang sangkap ng sabon at shampoo. Ang pinakasapal (pinagkatasan) naman ay pinoproseso bilang pagkain ng mga hayop.
Dahil sa pangyayaring ito, hindi lang ang buko at niyog ang posibleng tumaas ang presyo kundi maging ang sabon, shampoo at animal feeds. Kaya ngayon pa lang, habang hindi pa ramdam ang epekto nito, i-enjoy na ninyo ang paborito ninyong buko juice.

Kidding aside, marami tayong kababayan na umaasa sa niyog bilang kanilang pangunahing pinagkakakitaan. At ngayong mismong ang PCA ang nagsasabing maraming taon ang bibilangin bago muling maitayo ang industriyang ito—linisin na kaagad ang mga taniman at nang makapagsimula nang muli ang mga taga-Leyte sa pagtatanim ng sinasabing “the tree of life”.

'Heroine of Social Media'

MATAGAL nawala sa eksena si Sen. Miriam Defensor-Santiago lalo na noong panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ang dating palabang senadora ay nanahimik. May mga nagsasabing hindi ito masyadong naging palapuna kay PGMA dahil may mga utang na loob ito sa dating pangulo. Napapuwesto sa gobyerno ang kanyang mister, at ang kanyang utol ay isa sa mga naging AFP Chief of Staff ng dating pangulo.
Kontra rin siya sa pagtatanggal kay dating chief justice Renato Corona sa panahong mataas ang clamor ng publiko na sibakin ito.
Madalas din siyang absent sa Senado dahil sa dinaramdam niyang “chronic fatigue syndrome”. Nagiging visible lang siya kapag naiimbitahan sa mga piling pagtitipon, at nagpapakawala ng kanyang mga patok na “pickup lines”.
Pero nang sumambulat ang eskandalo sa pork barrel kung saan sangkot ang ilang indibidwal at mga mambabatas ay tila bateryang na-recharge si Miriam—at muling lumabas ang pagiging palaban. Utos niya sa mga mambabatas na dawit sa pork: “Magpakamatay na kayo!”
Nakakahiya aniya na mga mambabatas pa ang sangkot sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Sa kauna-unahang pagharap ng tinaguriang pork barrel queen na si Janet Lim-Napoles sa Senate Blue Ribbon Committee ay muling nakita ng publiko ang dating Miriam. Bago ang nasabing hearing ay nag-tweet pa siya ng: "I will leave my sickbed to confront Janet Napoles tomorrow to show that she cannot take advantage of the right against self-incrimination. Naging sikat din ang unang linya niya kay Napoles na: "Oh there you are. Let me take a good look at you. I will not bully you. I hope you show me the same courtesy by telling me the truth and nothing but the truth.”
At mula nga noon, nakuha muli ni Miriam ang atensyon ng publiko.
Noong November 14 ay napaulat na pinagkaguluhan siya ng mga shoppers sa isang supermarket. Nagulat na lang umano ang senadora nang biglang dumagsa ang mga tao at nagpakuha kasama siya ng “selfie” para raw mai-post sa social media.
Ayon kay Miriam, “I only wanted to buy a desktop lamp for my home office. I was leaning on my foster daughter, and in just a few seconds, a horde materialized near the entrance to the supermart.”
Sinabi rin niya na nakiusap ang kanyang mga fans na patuloy siyang magbulgar ng mga kabulukan ng mga kapwa senador at iba pang public officials na sangkot sa pork barrel scam.
Paulit-ulit din umanong binabanggit sa kanya ng mga ito ang mga pangalan nina Janet Napoles at ng tatlong senador na binansagang “Tanda, Sexy at Pogi.”
“They were very kind to me, but acted with intense contempt at senators now charged with corruption. Those public officials involved in the pork barrel scam underestimate public anger at the extent of the plunder. If those crooks hope that this melee will die down, it is not going to happen,” sambit pa niya.
Kuwento pa ni Miriam ay kinailangang manghingi ng reinforcement ang kanyang security team dahil kinabahan ang mga ito na baka masaktan siya sa dami ng mga taong nagkakagulo sa kanya. Nakiusap din umano siya sa kanyang mga fans na pakawalan muna siya dahil isa’t isa ay gusto siyang mayakap matapos ang halos isang oras na pagdumog ng mga ito sa kanya dahil halos mapahiga na siya sa sahig. Naks, parang Kathryn Bernardo lang ang peg!
Dahil sa kanyang latest exploits ay binansagan ngayon ang senadora na “heroine of social media”.
Sa panahon ngayon na nawalan na ng tiwala ang mga mamamayan sa ating mga mambabatas ay muling bumabalik ang kanilang atensyon sa isang tinaguriang palaban, very popular, and once upon a time ay malakas na presidentiable. Matapos matalo sa pagkapangulo (na ayon sa kanya ay dinaya siya) ay sinabi ni Miriam na kinalimutan na niya ang kanyang pangarap na maging pangulo. Ngayong siya ang “heroine of social media”, hindi kaya magbago ang kanyang disposisyon?
Malaki ang maitutulong sa kanya ng social media sakaling pangarapin muli niyang maupo sa MalacaƱang.
Ngayong mukhang wala namang mapipili na mainam-inam sa mga pumupustura para sa 2016, marami ang naniniwala na baka ito na ang tamang panahon para kay Miriam.

And who knows, baka siya ang kauna-unahang magiging pangulo ng Pilipinas na produkto ng social media.

Sunday, November 24, 2013

Everybody loves a winner



MASAYA ang naging pagtanggap ng mga Pinoy sa panalo ni Manny Pacquiao laban kay Brandon Rios noong Linggo. Marami na naman ang umiidolo at humahanga sa kanya. Sa mga social networking sites, nang sumilip ako ay napakarami ng hashtag na “#Proud to be Pinoy.”
Hindi nakapagtataka. Everybody loves a winner.
At isa ito sa mga mali sa ating kultura...
 Sa nakaraang dalawang talo ni Manny—kay Timothy Bradley at sa makabiyak-pangang knockout kay Juan Manuel Marquez (not related to our editor-in-chief Danny “Bambo” Marquez)—ay wala halos sumalubong sa kanya sa airport. Kumalat din sa internet ang mga larawan niyang walang malay at nakahalik sa canvass at ginawang katatawanan. Ang karamihan sa mga manipulated photos na ito ay mga Pinoy rin naman ang gumawa. Hindi gaya kapag nanalo siya tulad ngayon na para siyang Sto. NiƱong gala na isa’t isa ay gusto siyang mahipo at mahawahan ng grasya.
Ganoon tayo kadaling makalimot. Samantala, bago ang dalawang sunod na pagkatalo niyang iyon ay lagi nating inia-identify kay Manny ang ating pagiging Pilipino.
Hindi lang naman sa Pambansang Kamao nangyayari ang ganitong sitwasyon. Kahit sa atin, naranasan nating mahalin ng ating mga kamag-anak at kaibigan sa panahong may negosyo o magandang trabaho tayo. Pero once na mabangkarote o kaya’y matanggal sa trabaho, karamihan sa mga taong malalapit sa atin ay iniiwasan na tayo na parang isang ketongin.
Isang kaibigan ko ang nagkuwento sa akin na noong nagtatrabaho pa siya bilang OFW sa South Korea ay napakarami niyang kamag-anak at kaibigan. Marami rin sa mga ito ang nakautang sa kanya. Palibhasa’y binata pa siya noon, sige lang siya sa paglalabas ng pera. Mabangung-mabango raw ang pangalan niya sa kanilang lugar. Kung kakandidato nga raw siya ay tiyak na talo ang kanilang incumbent barangay chairman.
Nang matapos ang kanyang kontrata ay nanghinayang siya sa pambayad sa tiket pauwi rito sa atin. Nagkataon pang may dati siyang kasamahan doon na nag-alok sa kanya na magtrabaho sila nang walang kontrata (dahil expired na ang kanilang working visa) sa kilala nitong employer. Medyo mababa nga lang ang suweldo. Pumayag siya.
Iyon nga lang, after six months ay nahuli sila ng mga awtoridad at ipinatapon dito sa Pilipinas. At na-block list pa siya sa South Korea.
Sinubukan niyang mag-apply sa ibang bansa pero tila naubusan na siya ng suwerte. Hindi na siya nakaalis.
Ang siste, may mga kaibigan siyang nagkalat ng tsismis na nanggahasa raw siya ng batang babaing South Korean kaya napalayas sa nasabing bansa. May iba namang ang sinasabi ay nagtulak siya roon ng droga. Napabalita rin na nagnakaw siya. At karamihan sa mga nagkakalat na ito ng maling balita tungkol sa kanya ay napautang niya noon.
Nang magsimula siyang maningil ng pautang ay wala ni isang nagbayad. Meron pang nanisi sa kanya na dapat ay naging mabait siya sa South Korea para hindi siya nawalan ng trabaho. Isa naman ang nagsabing nagpapanggap lang siyang walang pera pero tiyak daw na marami siyang nakatago sa bangko na kinita niya sa drug deal.
Ang tindi, ano po?
Ang ginawa ng aking kaibigan, ibinili niya ng traysikel ang nalalabing pera at iyon ang ginamit para kumita. Sa isip-isip niya, once na ngitian siyang muli ng suwerte, never again na magiging mapagbigay siya.
Ang ganitong sitwasyon ay malinaw na naisalarawan sa 1996 movie ni Tom Cruise na “Jerry Maguire.” Kung may time kayong panoorin, maganda ang pelikulang ito at makaka-relate kayo sa mga karakter. Bagay na bagay rin ang tagline nito na “Everybody loves him... everybody disappeared.”
May pagkakaiba si Manny at ang aking kaibigan. Hindi siya nagtampo sa mga Pinoy kahit nag-disappear na tayo nang akala natin ay laos na siya. Inialay pa niya ang panalo sa mga kababayan nating nasalanta ni Yolanda. At dahil diyan, lalo natin siyang dapat hangaan—kahit hindi na mahalin—dahil hindi naman tayo marunong magmahal ng ating mga national pride through thick and thin.

Thursday, October 17, 2013

Ang malupit na ina


BATO na ang puso ko sa mga napapanood kong balita sa telebisyon. Bahagi rin kasi iyon ng training ko bilang journalist. Hindi mo kailangang samahan ng emosyon ang trabahong ito. Ikaw man ang nagbabalita o nakapanood ng balita, hindi ka dapat maapektuhan.
Ngunit nasira ako sa kumalat na video ng isang ina na pinapalo ang kanyang anak habang naliligo ang paslit. Sobra akong na-bother.
Unang naging viral ang video sa mga social networking sites bago na-pick up ng mga TV stations.
Nakakaawa ang bata na halos dalawang taon lang. Ilang beses siyang sinuntok ng kanyang ina. Pinukpok ng tabo. Hinampas ng tuwalya.
Isipin ninyo ang ganoon kamurang katawan ng bata na tatanggap ng mabigat na parusa.
Sa video ay maririnig ang tili ng bata. Tili ng takot. Nang sakit na tinatamasa. Marahil ay paghingi na rin ng saklolo.
Shock ang una kong naramdaman. Mayroon bang ina na ganito kawalang puso? Sa patuloy niyang pananakit sa bata, kumulo na ang dugo ko. Marahil, kung sa harapan ko nangyayari ang ganitong kalupitan sa isang paslit, bawal man sa batas ang manakit ng babae ay baka sa unang pagkakataon ay makapanakit ako ng isang kabaro ni Eva.
Maya’t maya ay naghihintay ako ng update sa TV tungkol sa video na iyon. Bahagya akong napayapa nang malaman kong nakarating na pala sa kaalaman ng DSWD ang video at hinahanap na nila kung sino ang babaeng nananakit ng bata, ano ang relasyon nila sa isa’t isa. Humingi rin sila ng tulong sa NBI para matukoy kung tagasaan o kung sino ang nag-upload ng video. Tama ang sinabi ng taga-DSWD na hindi natin alam kung ano na ang sitwasyon ngayon ng dalawa. Matagal na ba iyong ginagawa ng babae sa bata? At huwag naman sanang itulot ng pagkakataon, ano pang kalupitan ang nagawa niya sa paslit?
Makalipas ang ilang araw ay na-relieve na ako. Natukoy na ang babae na taga-Negros Occidental. Anak nga niya ang bata. Pareho na silang nasa custody ng DSWD para sa mga proseso kung paano ibabalik sa normal ang kanilang buhay.
Umamin ang ina ng bata na problemado lang siya kaya sinasaktan ang anak. Hindi na umano maganda ang relasyon nila ng ama ng bata, at matigas daw ang ulo kaya niya pinalo. Ayaw raw kasing maligo.
Buti na lang at hindi ako ang nag-interview sa kanya. Dahil sa mga naging sagot niya, baka nasampal ko lang.
Ito ang hirap sa mga pumapasok sa relasyon at nagkakaanak pero hindi kayang panindigan. Kapag naaburido, ang anak ang pagbabalingan ng poot. Puno sila ng libog habang ginagawa ang bata, pero kapag nailabas na, konting iyak ng paslit ay halos patayin na. Hindi siya dapat naging ina.
Salamat na lang at nakunan ng isang kamag-anak ng babae ang kanyang pagmamalupit. Ayon sa kamag-anak, maging siya ay nabahala sa pananakit ng babae sa anak. Ang video raw ang ginamit nitong panakot sa babae na ia-upload nga sa net kapag hindi tinigilan ang nasabing kalupitan.
Sino man po kayo, salamat...
Sana ay marami pang kababayan natin ang tumulad sa may mabuting kalooban na ito na gumagawa ng paraan para mapigilan ang isang kademonyuhan. Sabi nga, “Evil triumphs when good men do nothing.”
At sa malupit na ina, ito lang ang masasabi ko: Darating ang panahon, ang batang ito na iyong pinagmalupitan ang siyang magbibigay sa iyo ng kaginhawaan sa buhay. Habang maaga, humingi ka na ng sorry sa kanya at mahalin mo na siya ngayon—bago siya matutong mamuhi sa iyo at suklian ka ng dobleng kalupitan paglaki niya.

Tuesday, October 1, 2013

Failed... sad face...

NAIBALITA ko kamakailan na may kakilala akong negosyante na nagplanong bilhin sana ang Atlas Publishing. Nakausap namin ang general manager na si Mr. Deo Alvarez at napagkayarian ng dalawa na mag-uusap sila in private tungkol sa presyo.
Well, mukhang hindi sila nagkasundo. "Failed" daw ang kanilang negosasyon. Ang sabi sa akin ng kakilala kong negosyante ay masyadong mataas ang presyo. End of the story.
Tuluyan nang nagsara ang Atlas last September 2013. Sa pagkaalam ko, ngayong October matatanggap ng kanilang mga empleyado ang separation pay.
Nakakalungkot ang nangyari. Sa Atlas ako nag-umpisang magsulat at maging editor. Bagaman at 17 years na pala akong wala sa company, apektado pa rin ako ng mga kaganapan sa kumpanyang nagpala sa akin sa loob naman ng pitong taon.
Sad face...

Tuesday, September 24, 2013

Senti lang...







MIYERKULES, SETYEMBRE 25, 2013.
Ang araw na ito ang ika-17 death anniversary ng aking ina. Namatay siya dahil sa medical malpractice sa isang ospital dito sa Batangas City.
Inamin naman sa akin ng doktor na nagkamali sila. Magpapa-check up lang siya ng mata, bigla siyang ipina-X-Ray. Sa edad niyang halos otsenta at nagsisigarilyo pa, siyempre ay malabo ang baga. Binigyan siya ng todong dosage kontra-PTB, at bumigay ang kanyang mga internal organs.
Nang kinagagalitan ko ang doktor ay sumabat ang attending nurse at inaway ako. Bakit daw ako nagagalit sa doktor? Iniwan pa niyang nakatali ang goma sa bisig ng aking ina na ginagamit kapag nagkukuha ng blood pressure.
Hindi ko alam kung bakit ganoon na lang ang pagtatanggol ng nurse na iyon sa doktor, samantalang ang huli ay maginoong umamin sa kanyang pagkakamali.
Marahil ay may guilt din ang nurse na iyon dahil naging bahagi siya sa pagpatay sa aking ina.
Sa mahabang panahon ay kinimkim ko ang poot sa nasabing ospital. Dumating ako sa puntong muntik nang sumama sa isang armadong grupo para lang mapasabog iyon.
Pero dinalaw ako sa panaginip ng aking ina. Aniya ay huwag na. Ang isang pagkakamali ay hindi maitutuwid ng karahasan.
Masakit sa akin ang mga unang taon na ginugunita ko ang kanyang kamatayan—nila ng aking ama. Mula sa malayong lugar ay bumibiyahe ako para dumalaw sa kanilang puntod, gayundin kapag birthday nila. Naging panata ko na iyon.
Minsan ay nanaginip ako na kitang-kita ko ang aking ama’t ina na nakasuot ng makinang na damit. Pareho silang masaya na nakatingin sa akin. Maliliwanag din ang kanilang aura. Kumakaway sila sa akin hanggang sa tuluyang maglaho sa aking paningin.
May kaibigan akong psychic at naikuwento ko sa kanya ang tungkol sa panaginip. Sabi niya sa akin ay narating na ng kaluluwa ng aking ama’t ina ang pinakamataas na antas ng cleansing o paglilinis sa mga kasalanang nagawa nila sa mundo. Dagdag pa niya, tuluyan nang nagpaalam sa akin ang mga magulang ko dahil iyon na ang hudyat na sasapit na sila sa kaharian ng Maykapal.
Itinanong niya sa akin ang mga ginagawa ko para sa kaluluwa ng aking mga magulang. Sabi ko, lagi kong ipinagdarasal at ipinagtitirik ng kandila basta may pagkakataon, pag death anniversary nila, pag birthday. Lagi rin ‘kako akong humihingi ng tawad sa mga kasalanan at pagkukulang ko sa kanila bilang anak—lalung-lalo na sa aking ina.
Sabi niya sa akin ay nakatulong ang mga ginagawa ko para mapabilis ang kanilang pagkalinis ng kaluluwa. At ang maganda pa, sabay silang nagtungo sa kaharian ng Maykapal. Kung mayroon man umano silang naging paghihirap dito sa lupa, puno na sila ng kaligayahan ngayon.
At naniniwala akong ganoon nga. Dahil kahit maging ako ay puno na rin ng kapayapaan para sa kanila. Hindi na rin sila dumalaw sa aking panaginip.
Naaalala ko pa rin ang mapait na kamatayan ng aking ina lalo na sa ganitong petsa. Malinaw pa rin sa akin ang mga eksena sa ospital; ang pag-amin ng doktor, ang pagmumura sa akin ng nurse. Pero inalis ko na sa puso ang poot. Sila na ngayon ang may bagahe sa dibdib dahil sa kasalanang nagawa nila.
Madalas kong ipayo sa aking mga nakakakilala na kung buhay pa ang kanilang mga magulang ay ibigay na nila ang lahat na magpapaligaya sa mga ito. Para kung sakali mang dumating na ang panahon ng paghihiwa-hiwalay rito sa lupa, nagawa nila ang kanilang tungkulin sa kanilang mga magulang.
Maliit na babae lang ang aking ina. Masayahin. May magandang disposisyon sa buhay. Laging sinasabi sa akin ng aking ama na kung hindi ang aking ina ang naging katuwang niya sa buhay, hindi siya magiging masaya sa kanyang pagiging padre de pamilya. Iyon din naman ang sabi ng aking ina, masuwerte siya sa aking ama na bukod sa tall, dark and handsome ay napakaresponsable pa.
Ngayong araw na ito ay gagawin ko muli ang mga bagay na lagi kong ginagawa kapag sasapit ang ganitong petsa. Hahalungkatin ko mula sa alaala ang masasayang sandaling kasama ko ang pinakamahalagang babae sa buhay ko—ang aking ina—mula sa pag-uugoy niya sa akin ng duyan hanggang sa kanyang paglisan. Ang mga liham niya sa akin. Ang mga iniwang payo na pilit kong sinusunod kahit wala na siya.
“Sana’y di magmaliw ang tangi kong yaman
Nang munti pang bata sa piling ni Nanay...
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko ay pag-ibig..."
Salamat, Inay... at kumustang muli sa inyo ni Tatay.

Thursday, September 5, 2013

Atlas Publishing, Inc. September 30, 2013



LAST September 3, 2013, Martes, ay muli akong nakatuntong sa bakuran ng Atlas Publishing Inc. sa Cubao, Quezon City. Huli akong nakapunta sa kanilang opisina maybe 5 years ago nang kumuha ako ng employment certification.
“Banned” ako sa bakuran ng Atlas dahil sa dalawang kadahilanan. Una ay “nasipa” ako sa publication na ito noong 1996 nang mabili ng National Bookstore mula sa Roces family. Ikalawa, that very same year ay idinemanda ko naman ito dahil sa copyright issue.
Iyon din marahil ang dahil kaya medyo paranoid sila sa akin. Noong ilabas ko ang “Filipino Komiks” noong 2007 under Risingstar Printing ay pinasulatan nila ako sa kanilang abogado citing “copyright issues” at kailangang ihinto ang publication ng nasabing komiks dahil nakakalito raw sa readers at baka akalaing iyon ang “Pilipino Komiks”. Tinawagan din ako ng National Bookstore na kung hindi ko ititigil, kailangan kong i-pull out ang ibang titles ng Risingstar sa kanilang outlets. Ang naging desisyon ko, mas mainam na ang may negosyo kaysa may ipinaglalabang kaso.
Anyway, nagpunta ako sa Atlas kasama ang isang negosyante para BILHIN ang kumpanya.
Hindi kayo nagkakamali ng basa. Plano naming BILHIN ang Atlas—sana...
Kung bakit, tuluyan nang magsasara ang Publishing ngayong Setyembre 2013.
Nakaharap namin ng kasama kong negosyante ang general manager ng Atlas na si Mr. Deo Alvarez. Sinabi ng manager na totoo ngang magsasara na sila. At totoo rin na ipinagbibili na nila ang mga titles nila, gaya ng sabi sa amin ng isang empleyado nila na nag-arrange sa amin para sa harapang iyon.
Sinabi ni Mr, Alvarez na ang “for sale” ay ang mga titles nila.
Dahil ako ang nagsasalita para sa negosyante, sinabi kong mas interesado kaming bilhin, sana, ang Publishing. Sagot niya, hindi puwede dahil pinag-isa na ng NBS ang Publishing at Lithographic nang mabili nila ito sa mga Roces. Gagamitin pa rin umano ng NBS ang Lithographic (printing press) para sa ibang produkto nito gaya ng paper bag, etc.
TRIVIA: Noong nasa Roces family pa ang Atlas ay nahahati ito sa dalawa; Atlas Publishing Inc. at Atlas Lithographic Services Inc. “Publishing” para sa mga magazine at komiks; “Lithographic” sa imprenta.
Sa halip ay inialok niya sa kasama kong negosyante ang mga titles nila gaya ng MOD, Moviestar at People’s Balita. Hindi nabanggit ang mga komiks title dahil matagal na ring wala sa circulation. Kung ano ‘yung existing nila sa market, ‘yun ang inialok.
Nagsagawa sila ng computation para malaman kung paano ang magiging presyo. Nagpaalam ako saglit para sumilip sa editorial department at baka may mga dati pa akong kaopisina roon. Sad to say, hindi na raw pinare-report ang mga empleyado.
Nakausap ko naman ang cashier na siya pa ring cashier namin noon sa Roces Avenue nang lumibot ako saglit. Natandaan pa niya ako. Inihahanda na niya ang separation pay ng mga tao. Kaunting kumustahan. May mga tao pa rin sa advertising department bagaman at wala na akong kilala, at matamlay ang atmosphere.
Ganoon talaga pag may nagsasarang kumpanya. Laging malungkot. Ganito rin halos ang eksena noon sa Roces Avenue noong 1996. Lahat ay naglilinis ng table, nag-eempake.
Nang pauwi na kami ng kasama kong negosyante ay sinabi niyang hindi pa malinaw ang usapan. Malabo pa lalo’t hindi naman ang Publishing mismo ang ipinagbibili. Pero baka raw naman bago matapos ang month na ito ay ilang beses pa silang mag-usap ni Mr. Alvarez.
Ang produktibo sa pangyayaring ito ay nawala na ang animosity sa amin ni Mr. Alvarez. Maayos ang aming naging paghaharap. Masaya niya akong tinanggap sa kanyang opisina, at nagpakita naman ako ng todong respeto sa kanya. Pinuri ko rin ang kanyang health dahil kahit almost 90 years old na, malakas pa rin at sharp.
Ilang araw bago ang meeting na iyon ay kinausap ako ng kasama kong negosyante at sinabi niyang kung sakali bang bilhin niya ang Atlas ay handa akong pangasiwaan iyon. Puwede naman ‘kako. Aaminin kong “thrilled” ako sa ideyang iyon. May mga kakatwang pangyayari sa buhay ng tao, at masarap isipin na ang kumpanyang dating sumipa sa iyo, biglang dumating ang pagkakataon na ikaw na mismo ang magpapatakbo.
Pero sa ngayon, ideya pa lang iyon. Malaki rin ang posibilidad na hindi mag-materialize lalo na kung hindi naman talaga ibebenta ng NBS ang mismong company. Ang tiyak, tuluyan nang magsasara ang kabanata ng Atlas na sa loob ng mahabang panahon ay umaliw sa mga Pinoy sa pamamagitan ng kanilang mga komiks at iba pang reading materials—at nagbigay ng malaking oportunidad sa mga naging empleyado nito, tulad ko, na ma-explore ang publishing industry.
Pansamantala, hindi muna ako magsasabi sa Atlas Publishing Inc. ng “thanks for the memories”. Malay natin, baka naman tulad ng isang nobela sa komiks ay may “itutuloy” pa.