Wednesday, June 30, 2010

Aquino sings 'Watch What Happens,' 'Estudyante Blues' at party

P-Noy's inaugural speech: 'Tayo na sa tuwid na landas'

Photobucket

Ang pagtayo ko rito ngayon ay patunay na kayo ang aking tunay na lakas. Hindi ko inakala na darating tayo sa puntong ito, na ako’y manunumpa sa harap ninyo bilang inyong Pangulo. Hindi ko pinangarap maging tagapagtaguyod ng pag-asa at tagapagmana ng mga suliranin ng ating bayan.
Ang layunin ko sa buhay ay simple lang: maging tapat sa aking mga magulang at sa bayan bilang isang marangal na anak, mabait na kuya, at mabuting mamamayan.
Nilabanan ng aking ama ang diktadurya at ibinuwis niya ang kanyang buhay para tubusin ang ating demokrasya. Inalay ng aking ina ang kanyang buhay upang pangalagaan ang demokrasyang ito. Ilalaan ko ang aking buhay para siguraduhin na ang ating demokrasya ay kapaki-pakinabang sa bawa’t isa. Namuhunan na po kami ng dugo at handang gawin itong muli kung kakailanganin.
Tanyag man ang aking mga magulang at ang kanilang mga nagawa, alam ko rin ang problema ng ordinaryong mamamayan. Alam nating lahat ang pakiramdam na magkaroon ng pamahalaang bulag at bingi. Alam natin ang pakiramdam na magpagkaitan ng hustisya, na mabalewala ng mga taong pinagkatiwalaan at inatasan nating maging ating tagapagtanggol.
Kayo ba ay minsan ring nalimutan ng pamahalaang inyong iniluklok sa pwesto? Ako rin. Kayo ba ay nagtiis na sa trapiko para lamang masingitan ng isang naghahari-hariang de-wangwang sa kalsada? Ako rin. Kayo ba ay sawang sawa na sa pamahalaang sa halip na magsilbi sa taumbayan ay kailangan pa nila itong pagpasensyahan at tiisin? Ako rin.
Katulad ninyo ako. Marami na sa atin ang bumoto gamit ang kanilang paa – nilisan na nila ang ating bansa sa kanilang paghahanap ng pagbabago at katahimikan. Tiniis nila ang hirap, sinugod ang panganib sa ibang bansa dahil doon may pag-asa kahit kaunti na rito sa atin ay hindi nila nakikita. Sa iilang sandali na sarili ko lang ang aking inaalaala, pati ako ay napagisip din – talaga bang hindi na magbabago ang pamamahala natin dito? Hindi kaya nasa ibang bansa ang katahimikang hinahanap ko? Saan ba nakasulat na kailangang puro pagtitiis ang tadhana ng Pilipino?
Ngayon, sa araw na ito – dito magwawakas ang pamumunong manhid sa mga daing ng taumbayan. Hindi si Noynoy ang gumawa ng paraan, kayo ang dahilan kung bakit ngayon, magtatapos na ang pagtitiis ng sambayanan. Ito naman po ang umpisa ng kalbaryo ko, nguni’t kung marami tayong magpapasan ng krus ay kakayanin natin ito, gaano man kabigat.
Sa tulong ng wastong pamamahala sa mga darating na taon, maiibsan din ang marami nating problema. Ang tadhana ng Pilipino ay babalik sa tamang kalagyan, na sa bawa’t taon pabawas ng pabawas ang problema ng Pinoy na nagsusumikap at may kasiguruhan sila na magiging tuloy-tuloy na ang pagbuti ng kanilang sitwasyon.
Kami ay narito para magsilbi at hindi para maghari. Ang mandato ninyo sa amin ay pagbabago – isang malinaw na utos para ayusin ang gobyerno at lipunan mula sa pamahalaang iilan lamang ang nakikinabang tungo sa isang pamahalaang kabutihan ng mamamayan ang pinangangalagaan.
Ang mandatong ito ay isa kung saan kayo at ang inyong pangulo ay nagkasundo para sa pagbabago – isang paninindigan na ipinangako ko noong kampanya at tinanggap ninyo noong araw ng halalan. Sigaw natin noong kampanya: ‘Kung walang corrupt, walang mahirap.’ Hindi lamang ito pang-slogan o pang-poster – ito ang mga prinsipyong tinatayuan at nagsisilbing batayan ng ating administrasyon.
Ang ating pangunahing tungkulin ay ang magsikap na maiangat ang bansa mula sa kahirapan, sa pamamagitan ng pagpapairal ng katapatan at mabuting pamamalakad sa pamahalaan.
Ang unang hakbang ay ang pagkakaroon ng tuwid at tapat na hanay ng mga pinuno. Magsisimula ito sa akin. Sisikapin kong maging isang mabuting ehemplo. Hinding hindi ko sasayangin ang tiwalang ipinagkaloob ninyo sa akin. Sisiguraduhin ko na ganito rin ang adhikain ng aking Gabinete at ng mga magiging kasama sa ating pamahalaan.
Naniniwala akong hindi lahat ng nagsisilbi sa gobyerno ay corrupt. Sa katunayan, mas marami sa kanila ay tapat. Pinili nilang maglingkod sa gobyerno upang gumawa ng kabutihan. Ngayon, magkakaroon na sila ng pagkakataong magpakitang-gilas. Inaasahan natin sila sa pagsupil ng korapsyon sa loob mismo ng burukrasya.
Sa mga itinalaga sa paraang labag sa batas, ito ang aking babala: sisimulan natin ang pagbabalik ng tiwala sa pamamagitan ng pag-usisa sa mga ‘midnight appointments.’ Sana ay magsilbi itong babala sa mga nag-iisip na ipagpatuloy ang baluktot na kalakarang nakasanayan na ng marami.
Sa mga kapuspalad nating mga kababayan, ngayon, ang pamahalaan ang inyong kampeon.
Hindi natin ipagpapaliban ang mga pangangailangan ng ating mga estudyante, kaya’t sisikapin nating punan ang kakulangan sa ating mga silid-aralan.
Unti-unti din nating babawasan ang mga kakulangan sa imprastruktura para sa transportasyon, turismo at pangangalakal. Mula ngayon, hindi na pwede ang ‘pwede na’ pagdating sa mga kalye, tulay at gusali dahil magiging responsibilidad ng mga kontratista ang panatilihing nasa mabuting kalagayan ang mga proyekto nila.
Bubuhayin natin ang programang ‘emergency employment’ ng dating Pangulong Corazon Aquino sa pagtatayo ng mga bagong imprastruktura na ito. Ito ay magbibigay ng trabaho sa mga lokal na komunidad at makakatulong sa pagpapalago ng kanila at ng ating buong ekonomiya.
Hindi kami magiging sanhi ng inyong pasakit at perwisyo. Palalakasin natin ang koleksyon at pupuksain natin ang korapsyon sa Kawanihan ng Rentas Internas at Bureau of Customs para mapondohan natin ang ating mga hinahangad para sa lahat, tulad ng:
* de-kalidad na edukasyon, kabilang ang edukasyong bokasyonal para makapaghanap ng marangal na trabaho ang hindi makapag-kolehiyo;
* serbisyong pangkalusugan tulad ng PhilHealth para sa lahat sa loob ng tatlong taon;
* tirahan sa loob ng mga ligtas na komunidad.
Palalakasin at palalaguin natin ang bilang ng ating kasundaluhan at kapulisan, hindi para tugunan ang interes ng mga naghahari-harian, nguni’t para proteksyunan ang mamamayan. Itinataya nila ang kanilang buhay para mayroong pagkakataon sa katahimikan at kapayapaan sa sambayanan. Dumoble na ang populasyong kanilang binabantayan, nanatili naman sila sa bilang. Hindi tama na ang nagmamalasakit ay kinakawawa.
Kung dati ay may fertilizer scam, ngayon ay may kalinga nang tunay para sa mga magsasaka. Tutulungan natin sila sa irigasyon, extension services, at sa pagbenta ng kanilang produkto sa pinakamataas na presyong maaari.
Inaatasan natin ang papasok na Kalihim Alcala na magtayo ng mga trading centers kung saan diretso na ang magsasaka sa mamimili – lalaktawan na natin ang gitna, kasama na ang kotong cop. Sa ganitong paraan, ang dating napupunta sa gitna ay maari nang paghatian ng magsasaka at mamimili.
Gagawin nating kaaya-aya sa negosyante ang ating bansa. We will cut red tape dramatically and implement stable economic policies. We will level the playing field for investors and make government an enabler, not a hindrance, to business. Sa ganitong paraan lamang natin mapupunuan ang kakulangan ng trabaho para sa ating mga mamamayan.
Layunin nating paramihin ang trabaho dito sa ating bansa upang hindi na kailangan ang mangibang-bansa para makahanap ng trabaho. Nguni’t habang ito ay hindi pa natin naaabot, inaatasan ko ang mga kawani ng DFA, POEA at ng OWWA, at iba pang mga kinauukulang ahensya na mas lalo pang paigtingin ang pagtugon sa mga hinaing at pangangailangan ng ating overseas Filipino workers.
Papaigtingin namin ang proseso ng konsultasyon at pag-uulat sa taumbayan. Sisikapin naming isakatuparan ang nakasaad sa ating Konstitusyon na kinikilala ang karapatan ng mamamayan na magkaroon ng kaalaman ukol sa mga pampublikong alintana.
Binuhay natin ang diwa ng people power noong kampanya. Ipagpatuloy natin ito tungo sa tuwid at tapat na pamamahala. Ang naniniwala sa people power ay nakatuon sa kapwa at hindi sa sarili.
Sa mga nang-api sa akin, kaya ko kayong patawarin at pinapatawad ko na kayo. Sa mga nang-api sa sambayanan, wala akong karapatan na limutin ang inyong mga kasalanan.
To those who are talking about reconciliation, if they mean that they would like us to simply forget about the wrongs that they have committed in the past, we have this to say: there can be no reconciliation without justice. Sa paglimot ng pagkakasala, sinisigurado mong mauulit muli ang mga pagkakasalang ito. Secretary de Lima, you have your marching orders. Begin the process of providing true and complete justice for all.
Ikinagagalak din naming ibahagi sa inyo ang pagtanggap ni dating Chief Justice Hilario Davide Jr. sa hamon ng pagtatag at pamumuno sa isang Truth Commission na magbibigay linaw sa maraming kahinahinalang isyu na hanggang ngayon ay walang kasagutan at resolusyon.
Ang sinumang nagkamali ay kailangang humarap sa hustisya. Hindi maaaring patuloy ang kalakaran ng walang pananagutan at tuloy na pang-aapi.
My government will be sincere in dealing with all the peoples of Mindanao. We are committed to a peaceful and just settlement of conflicts, inclusive of the interests of all – may they be Lumads, Bangsamoro or Christian.
We shall defeat the enemy by wielding the tools of justice, social reform and equitable governance leading to a better life. Sa tamang pamamahala gaganda ang buhay ng lahat, at sa buhay na maganda, sino pa ang gugustuhing bumalik sa panahon ng pang-aapi?
Kung kasama ko kayo, maitataguyod natin ang isang bayan kung saan pantay-pantay ang pagkakataon, dahil pantay-pantay nating ginagampanan ang ating mga pananagutan.
Kamakailan lamang, ang bawa’t isa sa atin ay nanindigan sa presinto. Bumoto tayo ayon sa ating karapatan at konsensya. Hindi tayo umatras sa tungkulin nating ipaglaban ang karapatang ito.
Pagkatapos ng bilangan, pinatunayan ninyo na ang tao ang tunay na lakas ng bayan.
Ito ang kahalagahan ng ating demokrasya. Ito ang pundasyon ng ating pagkakaisa. Nangampanya tayo para sa pagbabago. Dahil dito, taas-noo muli ang Pilipino. Tayong lahat ay kabilang sa isang bansa kung saan maaari nang mangarap muli.
To our friends and neighbors around the world, we are ready to take our place as a reliable member of the community of nations, a nation serious about its commitments and which harmonizes its national interests with its international responsibilities.
We will be a predictable and consistent place for investment, a nation where everyone will say, ‘it all works.’
Inaanyayahan ko kayo ngayon na manumpa sa ating mga sarili, sa sambayanan, WALANG MAIIWAN.
Walang pangingibang-bayan at gastusan na walang wastong dahilan. Walang pagtalikod sa mga salitang binitawan noong kampanya, ngayon at hanggang sa mga susunod pang pagsubok na pagdadaanan sa loob ng anim na taon.
Walang lamangan, walang padrino, at walang pagnanakaw. Walang wang-wang, walang counter-flow, walang tong. Panahon na upang tayo ay muling magkawanggawa.
Nandito tayo ngayon dahil sama-sama tayong nanindigan at nagtiwala na may pag-asa.
The people who are behind us dared to dream. Today, the dream starts to become a reality. Sa inyong mga nag-isip pa kung tutulong kayo sa pagpasan ng ating krus, isa lang ang aking tanong – kung kailan tayo nanalo, saka pa ba kayo susuko?
Kayo ang boss ko, kaya’t hindi maaaring hindi ako makinig sa mga utos ninyo. We will design and implement an interaction and feedback mechanism that can effectively respond to the people’s needs and aspirations.
Kayo ang nagdala sa akin sa puntong ito – ang ating mga volunteers – matanda, bata, celebrity, ordinaryong tao, na umikot sa Pilipinas para ikampanya ang pagbabago; ang aking mga kasambahay, na nag-asikaso ng lahat ng aking mga personal na mga pangangailangan; ang aking pamilya, kaibigan at katrabaho, na dumamay, nag-alaga at nagbigay ng suporta sa akin; ang ating mga abogado, na nagpuyat para bantayan ang ating mga boto at siguraduhing mabibilang ang bawa’t isa; ang aking mga kapartido at kaalyado na kasama kong nangahas mangarap; at ang milyun-milyong Pilipinong nagkaisa, nagtiwala at hindi nawalan ng pag-asa – nasa inyo ang taospusong pasasalamat.
Hindi ko makakayang harapin ang aking mga magulang at kayong mga nagdala sa akin sa yugto ng buhay kong ito, kung hindi ko maisasakatuparan ang aking mga binitawang salita sa araw na ito.
My parents sought nothing less and died for nothing less than democracy, peace and prosperity. I am blessed by this legacy. I shall carry the torch forward.
Layunin ko na sa pagbaba ko sa katungkulan, masasabi ng lahat na malayo na ang narating natin sa pagtahak ng tuwid na landas at mas maganda na ang kinabukasang ipapamana natin sa susunod na henerasyon. Samahan ninyo ako sa pagtatapos ng laban na ito. Tayo na sa tuwid na landas.
Maraming salamat po at mabuhay ang sambayanang Pilipino!

Sunday, June 20, 2010

the best father's day ever...

JUNE 20, 2010
Happy father's day sa mga tatay na bumibisita sa aking blog.
Kahapon ay nagtapos na sa kolehiyo ang aking unica hija. Sa mga tatay na mayroon na ring anak, o mga anak, na graduate na sa college, you know the feeling. Walang kasinsarap, at kahit pala pinanday na sa apoy at bato ang puso ng isang ama... hindi maaaring hindi papatak ang luha sa pagsaksi sa anak na tumatanggap na ng college diploma. 'Ika nga ay isang pasanin sa balikat ang nawala, at bukod pa roon ay armado na ang anak sa pakikihamok sa buhay na kanyang haharapin.
Gusto ko sanang gumawa ng mahabang blog kung paano ako nagtiyaga para mapagtapos lang ang aking anak sa isang magandang college pero hindi na lang. Sasarilinin ko na lang iyon. Gusto ko lang na ipaalam na masayang-masaya ako, at ito ang pinakamasayang father's day sa akin.
Salamat sa aking anak at hindi ako binigo. You're only 17 years old, at sana ay makatulong ka sa bayan sa mga magagandang pagbabagong mangyayari sa hinaharap. Kung ano man ang iyong mga natutunan sa loob at labas ng unibersidad, magamit mo sana sa pagtulong sa kapwa at sa bayan... at sa iyong mga mahal sa buhay. Magkaroon ka rin ng takot sa Maykapal para tahakin mo ang tuwid na landas kapag ikaw ay tuluyan nang naging isang propesyunal na naglilingkod sa iyong kapwa Pilipino.
Bukas, June 21, ay birthday ng aking mahal na ama. Ang regalo ko naman sa kanya ay ang pagtupad sa kanyang payo na tulad niya, dapat ako ay maging isang responsableng padre de pamilya. Sa pamamagitan ng kanyang apo, I guess I did make my father, and my mother proud.

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Monday, June 14, 2010

congrats, kabayan...

Photobucket

ISANG kasing-init ng kapeng barako na pagbati sa aking kabayang Jovit Baldivino, ang kauna-unahang grand prize winner ng Pilipinas Got Talent. Kainam naman, ang dating nagtitinda ng siomai ngayon ay may tumataginting na P2 milyon. Balita ko ay bibili sila ng lupa sa kanilang lugar sa Batangas para mapag-ige ang pagsasaka. Magandang investment nga naman. At sana ay maging matagumpay si Jovit sa kanyang career dahil kitang-kita na rockstar material talaga.
Napansin ko lang, medyo hawig sila ng aking Kakang Mario Macalindong, na balita ko ay milyunaryo na rin ngayon. :)
Congrats, Jovit!

Thursday, June 10, 2010

rey villegas' in town

Photobucket

NAGBABAKASYON sa bansa ang kaibigang komikero/architect na si Rey Villegas. Naka-base na siya sa Singapore at dumalaw silang mag-anak sa Pilipinas for a much needed R&R.
Nagkita-kita kami last Monday, June 8, sa isang restobar sa Quezon City. Bukod sa kainan, ang pinakamasarap na bahagi ay ang huntahan tungkol sa komiks.

Photobucket
(Rey and Ner Pedrina)

Photobucket
(Dino Coperos and Omeng Estanislao)

Photobucket
(The great Hanibal Ibarra and Randy Valiente)

Photobucket
(Ner and Ron Tan)

Photobucket
(Ang ilan sa mga disipulo ng komiks sa Pilipinas)

Thursday, June 3, 2010

i love this poem

ANG PAGBABALIK
ni Jose Corazon de Jesus

Babahagya ko nang sa noo ay nahagkan,
sa mata ko'y luha ang nangag-unahan,
isang panyong puti ang ikinakaway
nang siya'y iwan ko sa tabi ng hagdan!
Sa gayong kalungkot na paghihiwalay,
nalulumbay ako't siya'y nalulumbay!
Nang sa tarangkahan ako'y makabagtas,
pasigaw ang sabing "Umuwi ka agad,"
ang sagot ko'y "Oo, hindi magluluwat...!"
Nakangiti ako, luha'y nalalaglag!

At ako'y nagtuloy, tinunton ang landas,
na kab’yak ang puso't naiwan ang kab’yak...
Lubog na ang Araw, kalat na ang dilim
at ang Buwan nama'y ibig nang magningning;
makaorasyon na noong aking datnin
ang pinagsadya kong malayong lupain;
k'wagong nasa kubo't mga ibong itim
ang nagsisalubong sa aking pagdating!
Sa pinto ng nar'ong tahana'y kumatok,
ako'y pinatuloy ng magandang loob;
kumain nang konti, natulog sa lungkot,
na ang puso'y tila ayaw nang tumibok;
ang kawikaan ko, pusong naglalagot,
tumigil kung ako'y talaga nang tulog!

Nang kinabukasang magawak ang dilim,
Araw'y namintang mata'y nagniningning,
sinimulan ko na ang dapat kong gawin:
Ako'y nag-araro, naglinang, nagtanim,
nang magdi-Disyembre, tanim sa kaingin,
ay ginapas ko na't sa irog dadalhin!

At umuwi akong taglay ko ang lahat,
mga bungangkahoy at sansakong bigas,
bulaklak ng damo sa gilid ng landas
ay sinisinop ko't panghandog sa liyag,
nang ako'y umalis siya'y umiiyak,
O! ngayon marahil siya'y magagalak!

At ako'y nagtulin, halos lakad-takbo!
Sa may dakong ami'y may'ron pang musiko,
ang aming tahana'y masayang totoo
at ang panauhin ay nagkakagulo!
"Salamat sa Diyos!" ang naibigkas ko,
"nalalaman nila na darating ako!"

Nguni, O! tadhana! Pinto nang mabuksan,
ako'y napapikit sa aking namasdan!
apat na kandila ang nangagbabantay
sa paligid-ligid ng irog kong bangkay,
mukhang nakangiti at nang aking hagkan
ang parang sinabi'y..."Paalam! Paalam!"