Wednesday, June 18, 2014

boom... panis!


NOONG isang araw ay tumunog ang aking cellphone. May tumatawag. Hindi nakalista sa aking contacts ang number kaya hindi ko sinagot. Allergic na kasi ako sa mga tawag na wala sa aking phone book. Kung minsan ay mga pamangkin ko lang na nanghihingi ng load, o kaya ay kapatid na nanghihingi naman ng pambili ng gamot.
Hindi naman tayo nagmamaramot. Kung minsan lang kasi ay hassle lalo na kung may importanteng ginagawa.
Anyway, walang tigil sa katatawag ang may-ari ng number. Dahil iniisip kong baka naman ma-low batt ako ay sinagot ko na lang. Inipit ko ang aking boses para kunwari, kung sakali, ay namali lang ng pindot ang natawag.
Pag-hello ko, sabi ng nasa kabilang linya: “Pare!”
Inisip ko kung kaninong boses iyon sa mga kumpare ko pero wala akong matandaan na ganoong boses. Sa ipit na tinig pa rin ay tinanong ko siya: “Sino ‘to?”
“Si Ricardo ito, pare...” sagot niya.
Na-realize kong hindi ko siya kilala. Wala akong acquaintance o kaya ay kumpare na Ricardo ang pangalan. Magalang kong sabi sa kanya sa ipit pa ring boses, “Wrong number po.”
Tumawa siya. Sa pagkagulat ko, ang sumunod niyang sinabi, “Bakla ka, ano?” At humalakhak siya nang malakas.
Okey, inakala niyang gay ako dahil sa inipit kong boses. Malaki ang boses ko at nang minsang mag-guest ako sa DZJV sa Laguna ay pinansin iyon ng isang lady DJ at sinabing puwede raw akong announcer. I never thought na pag inipit ko pala ang aking bedroom voice ay boses beki na ako.
“O...” patuloy ng lalaki. “Hindi ka na nagsalita. Bakla ka, di ba?”
That got into my nerve. Hindi naman sa ayokong mapagbintangan akong bakla kundi dahil sa pitik ng pananalita niya ay para bagang isang krimen ang maging bakla. Sabi ko sa kanya, “May problema ba kung bakla ako? Kasalanan ba iyon?”
Ang lakas ng tawa niya. “Sabi ko na nga bakla ka, eh!” at hindi matapus-tapos ang tawa niya.
Tutal ay hindi naman ako ang mauubusan ng load ay hinayaan ko lang siya. Sa dami na rin ng mga nakatalo kong salbahe—pisikal man o verbal—lagi akong nakakapuntos sa huli. Alam kong later on ay mabibingguhan ko rin siya.
“Tagasaan ka, beki?” tanong niya sa mapang-asar na tinig.
“Quiapo...” sagot ko.
“Talaga?” naramdaman ko ang excitement sa boses niya. “May kilala ka bang Usmad?”
“Saan ba si Usmad dito sa Quiapo?” tanong ko.
“Malapit lang sa simbahan. May atraso ‘yan sa akin, eh,” bahagyang nagkaroon ng galit sa tinig niya.
“Anong atraso?”
“Eh, kinasuhan ako ng tarantadong ‘yan, eh!” sigaw niya.
“Anong kaso?” kaswal kong tanong.
“E-estafa...” nauutal niyang sambit.
Well, it takes a veteran journalist to realize if the person he’s conversing is telling the truth or not. Naramdaman ko, batay sa mga factors na sinabi niya na posibleng hindi estafa ang ikinaso sa kanya.
“Sumabit ka sa droga, ano?” tanong ko sa kanya.
Hindi siya sumagot.
Kinargahan ko ang tanong sa kanya. “Ilang taon ang senstensya sa ‘yo? Mabigat na kaso ang drug pushing.” Sa ngayon ay ina-assume kong nasa kulungan na siya.
Wala na ang bravado sa boses niya nang sumagot. “S-sampung taon, pare...” aniyang nauutal.
Bingo!
Ngayon, ako naman ang nasa opensiba.
Isa siyang bilanggo. Inisip kong nag-trial dial lang siya kung may sasagot sa number na tsinambahan niya. Huwag na tayong magtaka kung kahit preso ay cellphone, nangyayari ito lalo na kung gaya niya na dating pusher at may koneksyon sa sindikato—maliit man o big time.
Napangiti ako sa naisip na pangganti sa kanya.
“Ilang taon ka ‘kamo riyan sa loob?” tanong ko sa kanya.
“Sampu...” malungkot niyang sagot.
“Diyan ka na mamamatay,” walang pusong sabi ko sa kanya.
Naramdaman ko ang pagkabigla sa boses niya nang sumagot. “Ha? Bakit mo nasabi?”
Tumawa ako. Ako naman ang kriminal ngayon. “Eh, marami na akong beses nakarating ng bilangguan. ‘Yung mga preso na nakikita ko, diyan na namamatay.”
“Hindi mangyayari sa akin ‘yun!” maagap niyang sagot. “Pitong taon na nga lang, laya na ako.”
“’Yung mga huling taon ang delikado,” sabi ko naman sa kanya. “Kasi hihina na ang katawan mo, pati resistensya. Pag tinamaan ka ng pigsa sa puwet, damay pati bituka mo niyon. Diretso kamatayan na ‘yun. Mabubulok na lahat nang laman-loob mo...”
May hinanakit sa boses niya nang muling magsalita. “Pambihira ka, pare. Sa halip na pinalalakas mo ang loob ko tinatakot mo pa ako.”
“Yun ang totoo, e. sinasabi ko lang sa ‘yo.”
Huminga siya nang malalim. “Sa halip na palakasin mo ang loob ko, ganyan ka pa.”
Ibinato ko sa kanya ang sisi. “Kanina nang pinagbibintangan mo akong bakla ang saya-saya mo, ang yabang-yabang mo. Ngayon sinabi ko lang ang posibleng maging kamatayan mo, naduwag ka na. Ganyan talaga singilin ng tadhana ang mga nagbebenta ng droga. Nabubulok sa kulungan at diyan na namamatay. Baka nga netx week tamaan ka na ng pigsa.”
Nag-busy na ang linya niya.
After 10 minutes ay tumunog muli ang cellphone ko. Ang kriminal muli. Sinagot ko.
“Pare...” ngayon ay mahinahon na ang boses niya. “Sorry kanina na sinabi kong bakla ka. Biro lang ‘yun. Malungkot dito sa loob, puwede ba tayong maging magkaibigan?”
Napangiti ako. At nagpasyang isagad na ang pambibinggo sa kanya. “Huwag na lang, pare... Pag naging magkaibigan tayo ay malulungkot lang ako dahil mami-miss kita...”
Nagulat siya. “Ha? Bakit mo ako mami-miss?”
“Eh, kasi sabi ko nga sa ‘yo... mamamatay ka na!” at ako naman ang humalakhak.
Hindi ko siya kita at hindi ko alam ang hitsura niya pero parang nahuhulaan ko ang naging expression niya. ‘Ika nga ni Vice ganda, “Boom, panis!”

Sunday, February 23, 2014

Where art thou, brethren?

Matagal na akong naghahanap sa mga naging kaklase ko noong college sa kursong Petroleum Refinery Maintenance Technician. Special course iyon, (scholarship program) at walo lang kaming magkaklase. Monday, Tuesday and Saturday ay nasa school kami. Wednesday to Friday ay trabaho na sa Caltex Refinery. I guess ako ang pinakabata—at pinakapayat.
Twenty five years after our graduation ay wala na akong naging balita sa kanila. Hindi na rin kami nagkita-kita. Wala ring na-absorbed sa amin sa Caltex dahil nag-freeze hiring.
Kahit sa net ay wala akong makita. Imposible namang hindi sila marunong mag-computer dahil long before the first PC came into the Philippines, nagde-design na kami ng circuit board, and we can even troubleshoot the most sophisticated process instruments made by Texas and Toshiba.
Naalala ko na ‘yung isa kong kaklase ay may kapatid na dalaga noon na nag-cum laude sa isang college sa Batangas, and I met her personally back then. I searched for her name and eureka, may FB siya. Good thing na kahit married na siya, ginagamit pa rin niya ang maiden name niya.
Nagpakilala akong classmate ng kapatid niya. Buti naman at sumagot. Her brother daw is taking care of their sick mom who’s suffering from cancer. Hindi siya sumagot nang itanong ko kung ilan na ang anak ni Classmate.
Sa mga kaklase ko ay siya ang pinaka-close ko noon. Ang alam ko’y nag-pursue siya ng engineering though di ko alam kung natapos niya.
Guwapo siya at kung sa panahon ngayon ay kahawig ni Joross Gamboa. Sa FB ng utol niya ay nakakita ako ng isang picture na naka-tag siya. Hindi ko halos siya makilala dahil sobrang naging mama ang hitsura at umitim nang todo.
Ibinigay ko sa sister niya ang number ko para tawagan ako o mag-text. Still waiting for him to get in touch.
Sa  picture, ang classmate ko ‘yung nasa left na naka-white at tumatagay. Back in college, hindi siya bumabarik. Looks like he’s having a good time. Ang ale marahil ang nanay niya na inaalagaan niya ngayon.
Sana may makita pa akong iba kong kaklase.


'ear/headphone generation'



TUWING sasakay ako ng jeep ay may napapansin ako—halos lahat nang kapasahero ko ay may nakasaksak na earphone sa kanilang tainga. Either nakikipag-usap sa kanilang cellphone o nakikinig ng music.
Okey lang naman ito. Sa tindi ng trapik, mas mainam mag-sound tripping kaysa mainip at uminit ang ulo sa usad pagong na biyahe.
Pero hindi lang sa mga sasakyan laging nakasaksak sa tainga ng ating mga kababayan ang kanilang earphone. Kahit sa kanilang opisina o workplace ay nagiging habit na rin nila ito. May nabasa akong balita na sa isang opisina ay ipinagbawal ang pakikinig sa music gamit ang earphone sa oras ng trabaho—lalo pa’t hindi naman daw sila call center.
Kahit ang mga kababayan nating naghahalungkat ng basura ay cool na cool sa pagsa-sound tripping habang nangangalakal.
Kaya masasabi natin na sa pamamagitan ng earphone, talagang pantay-pantay ang mga Pinoy. Salamat din sa mga murang MP3 mula sa China, can afford na tayong magkaroon ng gadget na ito milyunaryo man tayo o tambay.
Pero mainam ba itong laging nakasaksak sa tainga ang earphone? Sa mga medical news na nababasa ko ay dapat daw ay mahina lang ang volume. Kailangan din naman na pagpahingahin ang tainga. Hangga’t maaari, after 30 minutes ay alisin muna.
Ang problema rito ay pag nasanay na laging nakapasak sa tainga ang earphone na para bang bahagi na ito ng ating katawan. Kagaya ng isang aplikante na nag-apply noon sa akin bilang layout artist. Nang tawagin siya ng HR para makausap ko na, nang lumapit sa akin ay nakapasak sa tainga ang earphone. Medyo napikon ako dahil parang walang modo dahil alam naman niyang iinterbyuhin siya, hindi muna inalis.
Ang nakakabuwisit pa, tuwing magtatanong ako ay aalisin niya sa isang tainga ang earphone. Pag sasagot, ibabalik uli.
Hindi ko na tinapos ang interview at sinabi ko sa kanyang lubus-lubusin na muna ang pakikinig ng music bago maghanap ng trabaho. Ang kumag naman, parang hindi apektado at basta na lang umalis sa harap ko.
Isang pagkakataon naman na sakay muli ako ng jeep. May dalagang nakaupo sa harapan, nasa likuran ako ng drayber. Tanung nang tanong ang drayber kung saan bababa ang babae para masuklian niya, hindi sumasagot dahil hindi yata naririnig. Nang hindi na nagsasalita ang drayber saka tinanggal ang earphone at nagtanong, “Ano ‘yun, manong?” Natawa na lang ang drayber.
Hindi roon natapos ang kuwento. Pagsapit sa isang kanto ay bumaba ang babae. Sinundan namin siya ng tingin dahil nagkomento ang drayber ng: “Ayaw muna kasing alisin ‘yung nakasalpak sa tainga.” Pagkasabi niya noon ay nakarinig kami ng malakas na lagabog, sigawan ng mga tao at langitngit ng preno.
Nasagasaan pala ang babae! Bigla raw tumawid kahit go na. Nakita na lang naming pinagkakaguluhan siya at isinasandal sa may bangketa.
Napaantanda tuloy ang drayber. “Diyos ko, ‘yung pasahero ko! Kanina pa kasi parang wala sa sarili dahil doon sa pinakikinggan niya!”
At ilan lamang ito sa hindi mabilang na anekdotang may kaugnayan sa paggamit ng earphone.
Mahilig din ako sa music, at may koleksyon ako ng MP3 players, earphones at headphones. Pero hindi ako nakikinig kung hindi rin lang break time o kapag nasa bahay ako at walang ginagawa.
Ang mga ganitong gadget ay for entertainment purposes. Ibig sabihin, gamitin mo kapag nagre-relax ka, nakahiga sa bahay o nasa isang lugar na ikaw lang. Puwede rin sa mahahabang biyahe. Pero ang magsalpak ka ng earphone sa tainga kapag may kausap ka ay kabastusan. Panganib naman kung naglalakad ka sa mga lugar na maraming nagdaraang sasakyan. Puwedeng paborito mong kanta ang kasalukuyang nagpe-play, pero unahin mo ang iyong kaligtasan.
Uulitin ko, cool ang makinig ng music o anupaman gamit ang earphone, pero ilalagay natin sa lugar lalo pa’t tayong mga Pinoy ay mahilig umabuso sa maraming bagay.


Tuesday, February 11, 2014

premonisyon

MAY premonisyon o pangitain nga ba ang komedyanteng si Arvin “Tado” Jimenez bago ito pumanaw?
Isang araw bago maganap ang aksidente ay nag-post sa kanyang Instagram account si Tado ng larawan niya na may caption na: "North o South.... cemetery".
Mayroon din siyang librong “TADO JIMENEZ (All About Myself, Not Yours). Sa cover ay nakalagay ang “1974 to ?”
Ang mga ito nga ba ay pagpapahiwatig na nararamdaman niya ang nalalapit niyang wakas?
Tayong mga Pilipino ay mahihilig sa mga ganitong pag-aanalisa kapag ang isang tao ay namatay na. Inaalam natin ang kanyang huling mga aktibidad at mula roon ay iniuugnay natin kung nagkaroon ba siya ng premonisyon o hindi. Sa madalas na sitwasyon, sinasabing nagkaroon nga.
Noong medyo bata-bata pa ako nagkaroon ako ng interes sa mga bagay na may kinalaman sa pagtuklas ng psychic powers ng isang tao dahil na rin sa isang magazine na hinawakan ko na ganito ang tema. Napag-alaman ko sa mga nakikila kong professional psychics na lahat tayo ay may third eye, iba-iba nga lang ang level. May sobrang taas, may iba naman na minsan lang kung sumulpot. Dito na pumapasok ang premonisyon. Ang minsang sulpot na iyon ng angking psychic power ay kadalasan umanong nararamdaman ng isang taong malapit nang mamaalam sa mundo, at sa tuwina ay may kinalaman iyon sa nalalapit niyang wakas.
Kung mga psychic ang tatanungin, ang mga huling aktibidad ni Tado ay positibo na nagkaroon siya ng premonition. At nakadaragdag iyon ng lungkot sa atin na mga tagahanga niya dahil ngayon lang natin nalaman ang kahulugan ng kanyang mensahe.
Isang dati kong kasamahan sa isang publication ang may kahindik-hindik ding karanasan ukol sa permonisyon. Dekada 70 raw noon at medyo maluwag pa sa EDSA. Summer vacation at kaga-graduate lang nila ng high school kaya silang mga dating magkaklase ay panay ang lakwatsa.
Isang classmate nila na big time ang mga magulang ang nakatanggap ng big time rin na graduation gift sa mga ito—isang owner jeepney. Marunong nang magmaneho ang kanyang kaklaseng ito kaya nang i-test drive ang owner jeepney ay siksikan silang buong tropa at binagtas ang EDSA. Sigawan daw sila nang sigawan sa saya at ang tataas ng energy level. Maya-maya ay napadaan sila tapat ng isang punerarya na may naka-display na mga ataul. Bahagya raw nitong inihinto ang owner at minasdan ang mga kabaong.
Nagsalita raw ang kanyang kaklase ng: “Pag ako ang natodas gusto ko ay ‘yung kulay blue!”
Tawanan daw silang lahat, at muli na nitong pinaharurot ang sasakyan.
Palibahasa’y mga kabataan at maluwag ang daan kaya ang tulin ng kanilang takbo. Hanggang maya-maya ay nagdeklara ito ng: “Walang preno! Walang preno!”
Ang sigawan nila ng kasayahan ay napalitan ng panic. Hanggang sa tumbukin nila ang isang poste ng kuryente. Ang huli raw niyang namalayan ay umikot ang owner jeepney bago nagdilim ang lahat sa kanya.
Sa ospital na siya nagkamalay pati ang iba niyang mga kaklase. Ang masaklap, patay ang nagmamaneho.
Habang nakikipag-usap sila sa mga magulang nito ay nabanggit nila ang sinambit nito nang mapatapat sila sa punerarya. Sabi tuloy ng mga kamag-anak nito ay nagkaroon ng premonisyon ang kanilang kaklase. At bilang pagtupad na rin sa nasambit nito, kulay blue nga ang kinuhang ataul ng mga magulang para rito.
Nagkataon nga lang ba ang pangyayaring ito gaya ng kay Tado o sa iba pa nating kakilala na sa ating palagay ay nagkaroon ng premonisyon bago ang kanilang kamatayan?
O mga halimbawa lang ito ng pamosong kasabihang: “Be careful with what you wish for’?


Thursday, February 6, 2014

predikamento...

ISA ang insidenteng ito sa mga bagay na hanggang ngayon ay nakasakay pa rin sa aking balikat at hindi ko maipagpag. Marahil ay marami sa inyo ang makaka-relate sa kuwento kong ito.
Nakatanggap ako ng text message sa isang numero na hindi nakalagay sa aking phone book. Nakuha raw niya ang number ko sa isa kong pamangkin. Nagpakilala na anak daw siya ng isang pinsan ko na nasa malayong probinsya. Dahil may load ako nang araw na iyon ay tinawagan ko ang number.
Totoo naman ang sinabi niya. Katabi pa niya noon ang kanyang ama na pinsan ko, at nagkausap kami. Sa pagkatanda ko, huli kong nakita ang pinsan kong ito noong 1997 pa nang ilibing ang aking ina.
Hindi ko pa nakita kahit minsan ang anak na ito ng pinsan ko. May asawa na rin ito at mga anak ayon sa kanyang kuwento. Sinabi niyang pagluwas daw niya ng Maynila ay gusto niya akong makita. Sabi ko, okey lang.
Makalipas ang ilang araw ay nag-text siya uli sa akin. Nasa Maynila na raw siya. Saan ‘kako siya nag-i-stay. Nagulat ako nang sabihin niyang sa Philippine General Hospital.
Sa pagpapalitan namin ng text messages ay nalaman kong may cancer pala siya, at malala na. Wala na raw siyang buhok at mahinang-mahina na. Puntahan ko raw siya.
Na-off ako sa sitwasyon. Mula kasi nang parehong bawian ng buhay sa ospital ang aking ama’t ina ay nagka-phobia na ako sa ospital. Ang aking ama ay halos dalawang linggong naratay, gayundin ang aking ina bago binawian ng buhay. Sa haba ng mga panahon ng kanilang paghihirap sa pakikipaglaban sa sakit ay iba’t ibang mukha rin ng naghihirap na mga pasyente ang aking nakita. Sa kalunus-lunos na mga senaryong iyon, doon nagsimula ang aking trauma na pumasok ng ospital o makakita ng maysakit. Kaya pag may kapatid akong naoospital, sinasabi ko sa kanila na pasensya na kung di ako nakadalaw—at alam naman nila ang aking predicament.
Nagdahilan na lang ako sa anak ng aking pinsan na medyo busy pa ako sa trabaho at stay-in sa opisina. Kung kasama naman ‘kako niya ang kanyang ama, baka puwedeng magkita na lang kami ng tatay niya. Pero ibang kamag-anak daw ang kasama niya.
Ang labis na nakabigla sa akin ay nang sabihin niyang makikiusap muna siya na sa amin sila tutuloy dahil wala silang matutuluyan. Nagka-migraine ako sa kanyang request.
Iba kasi ang sitwasyon sa probinsya kapag manunuluyan ka. Malawak ang bakuran, may malalakaran o mapupuwestuhan ang mga bisita sa labas. May mga kasama sa bahay na talagang taumbahay lang kaya may mag-aasikaso ng pagluluto ng pagkain at ibang pangangailangan.
Dito sa Maynila ay iba...
Sa kaso ko, maliit ang aming bahay na halos kasya lang kaming mag-anak. Walang ibang matutulugan o mapupuwestuhan kahit isa lang na bisita. Minsang dinalaw ako ng kaibigan kong galing South Korea, naghanap pa ako ng murang otel na tutuluyan niya just to extend my hospitality. At siyanga pala, bahay iyon ng aking misis—hindi sa akin.
Pero ngayon na medyo marami ang magiging bisita, hindi ko alam ang gagawin. Kung makikipanuluyan, ibig sabihin ay medyo magtatagal lalo pa’t yao’t parito sa PGH. Kaya nahihiya man ako, sinabi ko sa kanya ang aking mga predikamento.
Iba rin ang mind-set ng kamag-anak na galing probinsya. Ang akala ay pinagdadamutan agad pag tinanggihan. Nahalata ko iyon sa naging reply niya sa akin. “Kung sino pa ang inaakala ko na makakatulong sa amin siya pa palang tatanggi.”
Na-off ako sa sitwasyon. May naramdaman din akong tampo. Sa haba ng panahon na wala kaming naging komunikasyon, dumating siya para magpatulong at hindi naman ako handa. Mabigat sa dibdib dahil kailangan kong manimbang sa kasalukuyan kong kalagayan at sa damdamin niya. At sa kalagayan niya ay alam kong sensitibo siya.
Mula noon ay lagi akong nakakatanggap ng text messages ng panunumbat mula sa kanya—na kalaunan ay nakasanayan ko na. Ang pinakahuling mensahe na natanggap ko: “Maramot kayo...”
Pumanaw na ang anak na ito ng pinsan ko. Hindi ako makaharap sa kanyang ama dahil alam kong may tampo rin siya sa akin. Gayunpaman, sabi ng isang kapatid ko, pag nagkikita sila ay kinukumusta naman ako.
Dahil sa nangyari ay sinabihan ko ang mga kapatid at pamangkin ko na huwag basta ibibigay kahit kaninong kamag-anak namin ang number ko nang wala akong pahintulot. Ikinuwento ko sa kanila ang nangyari, at ang malaking guilt na nasa dibdib ko ngayon kung hindi sana nalaman ng namayapa ang aking contact number at nagkaroon kami ng maikling komunikasyon.
Kung mayroon kayong kuwento na kagaya ng aking naging predikamento, hindi kayo nag-iisa. Marahil ay sadya lang may mga pangyayari sa buhay natin na kahit di natin ginusto ay patuloy na kukurot at duduro sa ating konsensya—isang pagkakataon na inakalang nagdamot tayo ng tulong sa maling panahon at maling pagkakataon.

mahalaga ang attitude

ISANG lumang Facebook account ng isang publication na connected ako dati ang paminsan-minsan ay binubuksan ko. Tinitingnan ko ang updates ng ilan sa mga kakilala ko na friends ng account. Marami ring friends ang account na iyon na hindi ko naman kilala at nagpa-add lang; marahil ay mahigit isang libo.
Minsan ay biglang may nag-message sa akin na nasa listahan ng friends pero hindi ko kilala. Ang tanong niya, “Puwedeng mag-apply na writer?” Inayos ko lang ang composition ng sentence niya rito dahil jejemon ang pagkakapag-message niya.
Reply ko sa kanya: “Sarado na po ang publishing, mine-maintain ko lang itong FB account.”
Sagot niya: “K...”
Makalipas ang ilang araw ay muli kong binuksan ang account. Bigla uli siyang nag-message: “Puwedeng kunin ninyo akong writer?”
Sagot ko uli: “Sarado na nga po ‘yung publishing, mine-maintain lang itong FB account.”
Nagulat ako sa reply niya: “Eh, bakit ang sungit mo? Para nagtanong lang, eh...”
Sinabi ko sa kanya na noong una naman siyang magtanong ay malinaw na sinabi kong sarado na ang publishing. Akala ko naman ‘kako ay naunawaan niya. At dahil sarado na nga, paano ko siya matatanggap na writer?
Ang reply niya: “Dami mong sinasabi! Wala namang kuwenta ang publishing n’yo pati mga magazine n’yo!”
Napangiti na lang ako. No sense makipagtalo sa ayaw tumanggap ng paliwanag. Kaya nag-scroll na lang ako sa wall ng mga posts.
Muli siyang nag-message: “Walang kuwenta magazine n’yo! Sasabihin ko sa mga kaibigan ko na huwag bilhin ang magazine n’yo!”
Nag-reply ako: “Wala na naman silang mabibili kasi nga di na kami nagpa-publish.”
Sagot niya: “Basta sasabihin ko huwag na kayong bilhin!”
Sinabi ko sa kanya na mukhang may problema sa kanyang reading comprehension. Bakit ‘kako hindi mag-sink in sa kanya na sarado na, as in stop operation na ang publishing, wala na kaming nakatinda sa market, at kahit magsulat siya, saan ko ilalabas? Mag-try ‘kako siya sa mga active pa na publications. Puwede ko ‘kako siyang irekomenda sa iba na kakilala ko.
Sagot pa rin niya: “Walang kuwenta magazine n‘yo!”
Tanong kung sa kanya: “Kung walang kuwenta, bakit atat na atat kang magsulat dito?” At inulit ko kung may problema ba sa kanyang reading comprehension.
Pinagmumura na niya ako. Babae siya kaya hindi ko naman ginantihan ng mura. Sabi ko na lang sa kanya: “Bukod sa issue sa iyong reading comprehension, mukhang hindi rin tama ang pagpapalaki ng mga magulang mo sa ‘yo. Ang pagiging writer ay hindi nadadadaan sa pagiging mataray. Hindi rin puwedeng ipilit. At pinakaimportante ay marunong kang umunawa sa naririnig at nababasa.”
Lalo siyang nagmura.
Again, walang sense makipagkomunikasyon sa taong makitid ang utak kaya pinindot ko ang “block” sa pangalan niya. Hindi masarap sa pakiramdam na minumura ka ng taong ni hindi mo kilala.
Make no mistake about it. Napaka-supportive ko sa mga gustong magsulat at magdrowing. Habang may nade-develop akong mga bagong talent, nakakatulong din sila sa akin kapag nagtatayo ako ng publishing. May mga natulungan ako na negative din ang takbo ng utak at may mga attitude problem, pero malalawak ang comprehension, at kung makipagtalo man sa akin ay sa level na nagtatagpo pa rin ang aming idea sa iisang point. Pero itong nag-message sa akin, bukod sa mali-mali na nga ang composition ng sentence ay mukhang maliit pa ang utak. Sana pala ay napagawa ko ng sample story para nalaman ko kung in or out.
Anyway, ang pagiging writer ay isang malaking pananagutan sa iyong readers. Kung sa simpleng usapan pa lang ay hindi na makatanggap ng rason o lohika ang utak, siguro ay kumambyo na muna sa ibang career.
Hindi kailangan ang mataas na edukasyon sa pagsusulat, ngunit kailangan ang research, pagbabasa, obserbasyon at pagsubaybay sa gawa ng iba. Pero mainam din kung nakapag-aral.
Si Boy Abunda, sa kabila ng matagumpay niyang career sa media ay kailan lang nakatapos ng pag-aaral. Sabi niya noon sa isang panayam kung bakit siya naging successful, “Marami akong hindi alam. Sa mga nagiging kasamahan ko ako natututo. Pero ang mga kakulangan ko sa kaalaman ay dinaan ko sa attitude. Pag hindi ka ganoon kahusay, dapat mabait ka sa mga taong sa palagay mo ay aakay sa iyong ambisyon.”
Very well said. At ang ganitong pananaw ay applicable sa kahit anong career—writer ka man o welder.