Thursday, August 25, 2011

'i know a place...'

Photobucket

NAGISING ako isang alas tres y media ng hapon na para akong nagbalik sa aking pagkabata. Pagdungaw ko kasi sa bintana ay nakita ko ang malaking puno ng narra sa tapat ng aming bahay. Maliwanag ang sikat ng araw, pero malamig ang samyo ng hangin.
Ganito ang atmospera noong bata pa ako, dekada ’70, sa aming baryo sa Batangas. Noon ay required kami na matulog muna pagkakain ng tanghalian (kapag walang pasok) at gigising ng alas tres ng hapon. Pito kaming magpipinsan—second cousins. Sa tradisyon ng aming pamilya, mas close ang mga second cousins at parang magkakapatid ang turingan.
Tuwing hapon ay naglalaro kami sa malawak na farm ng aking lolo (pinsan siya ng aking lola). Naghahabulan kaming magpipinsan sa malawak na taniman ng dalandan kaya malamig ang paligid—wala pang dengue noon. Apat lang kaming lalaki, mas marami ang mga babae na di hamak na mas malaki ang agwat ng edad kaysa sa amin.
Protective ang malalaki na at halos dalagita na naming pinsan sa akin—dahil wala na nga akong kapisan na kapatid na mas matanda sa akin. Lumalabas na parang sila na ang mga ate ko—bagaman at sila ang tumatawag ng kuya sa akin dahil ang aking ama naman ang pinakamatanda sa magpipinsan.
Napakaganda ng farm ng aking lolo. Para sa akin ay paraiso ang lugar na iyon. Napakaberde. Bukod sa dalandan ay marami pang ibang punong kahoy na namumunga. Halos kumpleto. Maraming manok at kambing na naglalakad-lakad sa paligid sa paghahanap ng pagkain.
Pag tapos na kaming maglaro ay binubunutan namin siya ng puting buhok. Pagkatapos ay magkakaroon ng munting programa na pamumunuan ng isa kong pinsang babae. Lahat kami ay kailangang may presentation. Ang mga pinsan kong lalaking mas bibo kaysa sa akin ay sumasayaw nang maharot. Ako naman, if it was an indication of what I would become later in my life, ay tumutula. Marami akong na-memorize na tula mula sa Diwang Ginto para sa ganitong pagkakataon. May mga papremyo rin ang lolo ko noon kung sino ang maganda ang “palabas”, at minsang tinula ko ang “Ang Pagbabalik” ni Jose Corazon De Jesus at masyado siyang natuwa sa aking pagbigkas, binigyan niya ako ng isang bisirong kambing.
Kung mediocre naman ang palabas mo, hindi ka rin uuwing luhaan. Pinaka-consolation prize ang hinog na pomelo—at marami akong naipon nito dahil mahina talaga ako pagdating sa performing arts. Pag umuuwi ako ng bahay at iyon ang dala ko ay binibiro ako ng aking ama’t ina na “putot” (least) na naman daw ako sa program.
Pinakagusto ko naman lagi ang number ng mga pinsan kong babae na ang huhusay kumanta. May isang awitin sila na pag naririnig ko ay parang dinadala ako sa ibang dimension. Kanta yata nila iyon sa girl scouting.
Grade three pa lang ako nang mamatay ang aming lolo, at labis kaming nalungkot na magpipinsan. Sa pagkatanda ko, noong araw ng kanyang libing, bago siya inilabas ng bahay para ihatid sa huling hantungan ay may “last program” pa kaming magpipinsan para raw siya pasayahin. Kahit nahihiya ako at maraming tao, napilitan akong tulain ang “Ang Pagbabalik” dahil sa aking palagay ay iyon ang performance ko na nagmarka sa kanya kaya nabigyan niya ako ng bisirong kambing. Ironically, magbabalik na nga siya sa sinapupunan ng Dakilang Lumikha.
Pinakahuling bilang ang kanta ng mga pinsan kong babae na pawang mga nakaitim na bestida. Ang lakas ng hagulhulan ng mga tao na naroroon habang inaawit nila ang piyesa. May ilang kamag-anak pa kaming hinimatay sa sobrang sakbibi ng lungkot. Lalo na nang buhatin na ang kanyang ataul palabas ng bahay.
Ang malakas na iyakan sa bahay ng aking lolo ay tila nanatili sa mahabang panahon. Sa pagkawala niya ay natigil na rin ang programa. May mga pinsan akong ang mga magulang ay lumipat na rin ng tirahan at nagkahiwa-hiwalay na kami hanggang sa magsitanda. Ngayon, nagkikita-kita na lang kami kapag may namamatay sa aming angkan. Minsan ay nagkakabiruan kami at naaalala ang huling araw ng aming lolo kung saan nag-final performance pa kami. Naghahatid iyon ng saya at kalungkutan sa paminsan-minsang pagsasama-samang muli. At kung marami mang binago ang panahon, hindi ang aming closeness. Taglay pa rin ng mga pinsan kong babae ang fondness sa akin, ang turing nilang little brother.
At iyon nga, sa tila pagninilay-nilay ko sa harap ng aming bintana at pagkakatanaw sa puno ng narra kaalinsabay ang masarap na dapyo ng preskong hangin, parang narinig kong muli ang kanta ng mga pinsan kong babae habang naglalaro kami sa farm—masasaya at walang problema. Malayo sa kasalukuyang panahon ng masalimuot na mundo.

‘I Know A Place’
I know a place where no one ever goes
There’s peace and quiet, beauty and repose
It’s hidden in a valley beside a mountain stream
And lying there beside the stream
I find that I can dream.

Only of thing of beauty to the eyes
Snow-capped mountains rising to the sky
Now I know that God made this world for me

One can imagine themselves as in a dream
Climbing up a mountain or down a small ravine
The beauty of this peace and quiet always shall stay
To make this place a haven each and every day

Oh, how I wish I never had to leave
All my life such beauty to receive
Now I know that God had made this world for me.

(NOTE: Photo not related to the story.)

Monday, August 22, 2011

from booksale again

Photobucket

VIOLENT REACTION: Puro libro di naman matuto!

Wednesday, August 17, 2011

may mali ba sa picture? (UPDATED)

Photobucket

THANKS sa mga nag-comment at sumilip. Wala naman talagang mali sa picture maliban sa patagilid ko ito kinunan sa camera.
Sa isang building ito na may 'ghosts' daw. Para sa mga hindi nakaaalam, sideline ko ang pagiging 'ghostbuster' kaya nang imbitahan ako para tingnan kung may multo nga, pinuntahan ko. Nagkuha ako ng ilang shots gaya ng mga sumusunod:

Photobucket

Photobucket

Photobucket

May multo nga ba? Wala naman. Ang dark image sa dulo ay ang janitress na kasalukuyang naglilinis. Wala ring 'orbs'.
"Orbs are believed (by many) to be ghosts in the form of balls of light. They are life forms that travel in groups and are believed to be the human soul or life force of those that once inhabited a physical body here on earth.
"Psychics claim to talk to them on a regular basis, and ghost hunters encounter them quite frequently. It is said that they are those spirits that have willingly stayed behind because they feel bound to their previous life or previous location for whatever reason. Because of this obsession they tend to become similar to a psychotic human beings. It should be said that the majority of us when we die proceed gladly and willingly to the next level of existence after saying our quiet good-byes, which means we're off to the spirit world.
"Then again, as stated, a select few elect to stay behind because of a refusal to move on. Apparently the longer they stay behind, the harder it is to find their way to the next level, which again, is the spirit world."--(Ghoststudy.com)
Well, na-amaze lang ako na pag patagilid ang lente, mas maganda ang kuha at ang hitsura ng building--at hindi eerie ang paligid.

Friday, August 12, 2011

pagbisita kay omeng

Photobucket

Photobucket

MAHIGIT kalahating taon ko na palang hindi nakikita si Omeng (Rommel Estanislao). Last time na nag-meet kami ay noong magkaroon ng komiks event sa Rockwell Makati early this year. Bagaman at nagkaka-text kami at nagkakausap sa telepono, iba pa rin siyempre ang pisikal na komunikasyon.
Nami-miss ko na ang grupo nila sa Creatives ng ABS-CBN Publishing; Pol, Popoy, Gary. Halos lahat kasi sila ay umalis na roon. Wala na akong nakakasama pag kumakain sa Loop, wala na ring nakakahuntahan ng mga kabastusan, komiks, photography, arts, massage, etc.
Anyway, last Wednesday, August 10 ay dinalaw ko siya sa kanilang haybol sa San Roque, Marikina City. Konting trivia, almost two years akong tumira sa lugar na ito. Ito rin ang una kong pagbabalik sa nasabing place after more than a decade. Tagarito ang bayaw ko na nagturo sa akin na gumawa ng bag, at nagtrabaho ako sa Saniwares Mfg. Co. na ang planta naman ay nasa Santolan, Pasig City. Uh, patay na ‘yung bayaw ko, at sarado na rin ang Saniwares.
May isang magasin kasi na gustong i-feature ang mga mini sculptures ni Omeng at kung paano niya ginagawa. Kinontak ako ng staff ng nasabing magasin at nakiusap na ako ang maging tulay nila para ma-interview ang uber popular cartoonist/artist na ito. Nagpaunlak naman si Omeng, at kahit busy ay nagbigay ng kanyang 110% para sa interview.
May masarap pang meryenda na mismong siya at ang daddy niya ang nagluto matapos ang interview. Nagbigay rin siya ng mga sikat na komiks niya sa mga dalagang nag-interview sa kanya.
Mukhang OK na OK naman si Omeng at ine-enjoy ang kanyang artistic freedom. Minsan ay dadalawin ko siya uli, hindi dahil nami-miss ko na naman siya. Masarap balikan ang masarap niyang pameryenda!

suwerte sa raffle

Photobucket

ANG biyenan kong lalaki ang isa sa pinakamasuwerteng tao na nakilala ko pagdating sa mga pa-raffle. Noong dumadalaw-dalaw pa lang ako kay misis, naririnig ko nang nanalo siya ng ganito o kaya’y ganoon. Minsan naman, sa huweteng siya tumatama. Tumataya rin siya sa lotto kaya di na ako magtataka na posibleng matsambahan din niya iyon.
Two years ago, nanalo siya sa Colt 45 promo ng isang Honda XRM. Big time, di ba? Hindi nga siya makapaniwala. Noong time na iyon almost P60,000 ang Honda XRM, kaya naman nang idating dito sa amin ay marami ang tumatawad ng P30,000. Sabi ko sa kanya, keep it para remembrance, at marunong namang magmotor ang bayaw ko.
Last week nanalo naman siya sa Marlboro promo ng iPod Shuffle (see picture). Ibinigay na lang niya sa akin kasi hindi naman daw siya mahilig sa gadgets.
Uh, ito ang suwerte!

Thursday, August 11, 2011

lugi sa bargain

Photobucket

NAKA-SALE sa National Bookstore sa Mall of Asia (and I guess sa iba pa nilang branches) ang set na ito ng drawing pen: Graphic Art Liner. Tatlong piraso na iba’t ibang point ang laman ng bawat pouch. Sa presyong P222 na naging P111, steal na, di ba?
Nagkamali ako na hindi ko tiniyak nang todo ang bawat pen. Sa tatlong piraso na nakuha ko—0.2, 0.4 at 0.5, palpak ‘yung 0.2. Tuyo na pala ang ink.
Ang isa ko pang mali, naitapon ko na ang resibo kaya hindi ko na puwedeng palitan.
Just in case na maging interesado rin kayo, tsek n’yo lang nang maige para hindi kayo malugi sa bargain.

Wednesday, August 3, 2011

for evil to triumph...

Photobucket

KAMAKAILAN ay napabalita ang taxi driver na nagsoli ng mga mamahaling sapatos ni Ruffa Gutierrez. Nakakatuwa ang mga ganitong honest na taxi driver.
Malayo ito sa ugali ng taxi driver na nasakyan ko noong July 31 kung kailan napakalakas pa naman ng ulan.
May binili ako sa Mall of Asia noon at eksaktong pag-uwi ko ay bumuhos ang ulan. Wala akong dalang payong kaya basta na lang ako pumara ng taxi. Nagbukas ng bintana ang driver at tinanong ako kung saan. Dahil nga nabigla ako sa ulan, hindi ko agad naramdaman na balasubas ang driver. Basta kasi ang isang taxi driver ay nagtanong kung saan ang destinasyon, nasa 99% na may demonyo sa utak ang masasakyan mo. Dahil bawal na bawal na magtatanong kung saan ang byahe mo. Dito lang sa Maynila nangyayari iyon. Sa ibang panig ng bansa na may taxi, walang tanung-tanong ang mga driver, pagkasakay mo na lang.
Anyway, nasa loob na ako ng taxi at umaandar na nang magdeklara siya na hindi daraan sa regular na rutang dinaraanan ko pauwi. Nang itanong ko kung bakit, ang simpleng sagot niya ay hindi raw siya dumaraan doon. Matrapik daw. As if may bahagi ng Metro Manila na walang trapik lalo na kung umuulan.
Malakas ang ulan at kahit gusto kong bumaba na lang ay hindi ko magawa. Sa madaling sabi ay napasuot kami sa lugar na hindi ko alam, at napakatrapik. Sabi ko sa kanya, ayaw niyang dumaan sa ruta ko dahil matrapik pero mas matindi naman ang trapik na nasugagaan namin.
Wala siyang reaksyon.
Napansin ko pa na hindi niya hinahataw ang pagmamaneho kapag nasa maluwag na daan kami. Na-realize ko na siguro ay naka-boundary na ang tarantado at pinagkakakitaan na lang niya ako.
Mahina ako sa lugar, isa ito sa mga problema ko. Kahit napuntahan ko na ang isang lugar ay di ko iyon matatandaan. Madalas akong maligaw. Sa pagbabasa ko ng mga kalye, nalaman kong nasa Makati kami. Ano’ng ginagawa namin sa Makati ay galing akong MOA? Kaya pala nang nasa Taft Avenue kami, sa halip na kumaliwa siya at tugpain ang Quirino Avenue ay nagtuluy-tuloy pa kami. Sabi niya sa akin sa South Superhighway raw kami daraan. E, di ganoon din, sa Qurino rin kami tutumbok bakit lumayo pa?
Hindi ako handang makipag-away kapag umuulan. Ulan ang aking kryptonite. Nang makita ko ang metro ng taxi ay nasa P130 na. Dapat ay nasa bahay na ako sa amount na iyon. At ngayong naka-stuck kami sa trapik sa Makati, sa aritmetik ko ay aabutin kami ng mahigit P200. Gusto kong atakihin sa puso.
Ang mamang drayber ay mga 30-plus siguro ang edad. Malaki ang katawan, maitim. Kung ako’y magiging judgmental, sa hitsura ng mukha niya ay mukhang di talaga gagawa ng mabuti.
Gusto kong sisihin ang sarili ko for lapse of judgment. Dapat talaga nang magtanong siya kanina kung saan ako ay di na ako sumakay. Pero wala na akong magagawa, hostage na ako ng sitwasyon.
Pero sorry na lang ang mamang drayber na ito kung na-underestimate niya ako. Mukha akong lambutin at duwag, pero hindi niya alam na mula bata pa lang ako ay hasang-hasa na ang aking criminal mind. Nag-isip na lang ako kung paano makagaganti sa kanya.
Sa wakas ay nakarating kami sa amin. Umabot sa P227 ang aking babayaran. Halos doble ng aking regular na nagiging metro. Nang dumukot ako ng wallet ay nagsalita ang driver: “Boss, tip naman d’yan. Mahirap magmaneho pag umuulan.”
O, hindi ba’t ang kapal ng mukha?
Sinimulan ko na ang pagganti. Sabi ko sa kanya, actually naglalaro lang sa P130-140 ang binabayaran ko. Hindi siya kumibo. Pagsilip ko sa wallet ko, sandali lang ‘kako at kulang ang pamasahe ko. Kukuha lang ako sa bahay. Lumabas ako sa taxi.
May kasabihan sa amin sa Batangas na kapag nasa sariling bakuran ka na, puwede ka ng magmatapang. Ngayon, pagkakataon ko na.
Paglabas ko ay nagdeklara ako. Sabi ko sa kanya, patayin na niya ang metro dahil hindi ko na babayaran pag may pumatak pa dahil wala na ako sa loob. Hindi rin naman ‘kako ako “waiting” dahil hindi na ako sasakay uli. Napasimangot siya.
Pagkapasok ko sa aming bakuran ay isinara ko ang gate. Ini-lock. Pagkatapos ay nagbilang ako ng mga beinte-singko sentimos na iniipon ko sa isang garapon. Inabot ako ng mahigit kalahating oras sa pagbibilang. Naririnig kong bumubusina ang taxi, pero keber, ‘ika nga? Umabot na sa mahigit P100 ang naipon kong 25 cents. Dala ang garapon, lumabas uli ako ng gate. May dala rin akong baseball bat. Uulitin ko, kapag nasa sariling bakuran ka na, puwede ka ng magmatapang.
Paglabas ko ng gate ay nakapayong ang taxi driver at galit na sa sobrang inip sa akin. Sigaw niya, “Ang tagal n’yo naman!” Malakas na rin ang naging sagot ko sa kanya, “Kanina nang nasa trapik tayo di ka nainip!” Napatingin siya sa dala kong baseball bat.
Iniabot ko sa kanya ang P100 bill at ang garapon. Sabi ko sa kanya, ‘yung nasa garapon ang maghuhusto sa kulang. Kumpleto ‘kako ‘yun pero kung gusto niya, pwede rin niyang bilangin uli.
Kitang-kita ko ang pagka-shock sa mukha niya habang hawak-hawak ang garapon. Napatingin uli siya sa dala kong baseball bat. Pagtingin niya uli sa akin, ipinaramdam ko sa balik-tingin ko sa kanya na I mean business. Kung papalag siya, either ang lulod niya ang madurog o alinman sa mga salamin ng taxi niya. Naglalapitan na rin ang mga tambay sa amin na nakapansin sa sitwasyon. Napailing ang dorobong drayber at sumakay na lang uli sa taxi niya bago paharurot na umalis.
Akala niya, ha?
Tumawag din ako sa opisina nila dahil kinuha ko ang plate number at phone number ng kanilang kumpanya. Nagpakilala akong isang pasahero na kinotongan ng kanilang drayber. Magrereklamo ‘kako ako sa LTFRB.
Nangako ang nakausap ko na tatanggalin nila ang driver na nagsakay sa akin huwag na lang daw akong magreklamo. Fair enough, sabi ko sa nakausap ko, pero itse-check ko pa rin kung talagang tinanggal nila. Tatawag uli ako, sabi ko pa.
Ngayon, ano kaya ang pakiramdam ng balasubas na drayber na iyon? Gaya ko ay nag-iisip din kaya siya na nagkaroon siya ng lapse in judgment at sana ay hindi na lang niya pinasakay ang mamang mukhang lambutin at madaling takutin?
“All that is necessary for evil to triumph is for good men to do nothing,” ayon kay Edmund Burke. Lagi kong sinasabi na hindi siguro ako nabibilang sa kategorya ng “good men”, pero paminsan-minsan ay may mga mali sa lipunan na gusto kong maging part ako na maituwid iyon.
At muli, nakakatuwa kung lahat sanang taxi driver ay gaya nang nagsoli ng mga sapatos ni Ruffa.