Monday, February 21, 2011

19 years after...

Photobucket
Photobucket

PANSAMANTALA kong kinalimutan ang aking anti-social stance last Saturday, February 19 para magkipag-reunion sa dalawa kong kaklase noong college. Nineteen years kaming hindi nagkita-kita, ang pinakahuli ay nang kunin ko silang kumpare nang binyagan si Inez.
Wala akong Facebook kaya hindi nila alam kung nasaan ako. Wala rin silang idea kung ano ang trabaho ko—ang alam lang nila ay naging writer/editor ako. Pareho naman silang nagtatrabaho sa Pilipinas Shell Petroleum Corporation bilang process operator—malapit sa kursong tinapos namin na Industrial Technology.
Kay Rocky na isa rin naming kaklase na nakabase sa Korea ko nakuha ang number ni Rico, ang nakasalamin. Sa kanya ko sinabi na gusto ko silang makita muli. Siya na ang nagbalita kay Joever, ‘yung naka-green, na buhay pa pala ako.
Matanda ako ng 3 taon sa kanila. Graduate na ako ng 2-year technical course at naging probationary technician na sa Caltex Refinery nang mapasama ako sa kanilang batch. Wala na akong trabaho noon at may offer na scholarship sa IT kaya pinasukan ko. Ang allowance ay para na ring sumusuweldo ng minimum kaya saan ka pa? Silang dalawa kaagad ang naging close sa akin. Sa aming batch ay ako ang big brother.
Ibang klaseng kahirapan ang dinanas ng pamilya namin mula ‘70s hanggang ‘80s. Parehong well-off sina Rico at Joever pero click kami. Enjoy sila sa mga kuwento ko, enjoy naman ako sa mga palibre nila sa akin—kalimitan ay pagkain. Sa buong panahon ng pag-aaral namin ay lagi akong libre ng tanghalian kay Rico. Kay Joever naman ako nakakahiram ng mga gamit lalo na sa drafting. Natatandaan kong nang magbukas ang kauna-unahang branch ng Dunkin’ Donut sa Batangas City, kaming 2 ang unang kostumer, at inilibre niya ako ng kape at donut.
Maraming matatalino sa aming batch kasama na ang dalawa pero walang competition kaya masaya. Kapag break time ay kuwentuhang umaatikabo. Parehong mahilig sa bold magazines ang dalawa, at madalas na topic namin ay sexy stories. Laman din kami ng mga sinehan pag Tito, Vic and Joey ang palabas.
Kung libreng tanghalian ang madalas kong mapurbetso kay Rico, kay Joever naman ay sense of security. Parehong may mataas na posisyon ang mga parents niya sa kolehiyong pinapasukan namin kaya ang sitwasyon na kabarkada ko siya ay parang isang shield sa mga instructor namin na maiinit ang dugo sa akin dahil madalas akong walang project. Lagi naman niya akong alalay kapag dumadalaw siya sa kanyang GF sa boarding house. May gusto raw umaway sa kanya na boardmate ng GF niya na mukhang type din ito. Isama ‘kako niya ako at gugulpihin ko pag inaway siya. Noon ay may pagkabarumbado pa ako. Kaya kahit nilalamok ako sa waiting area ng boarding house ay matiyaga ko siyang hinihintay hanggang matapos ang sweet moments nila ng kanyang GF.
Alas diyes ng umaga ako nakarating sa Batangas sa aming meeting place. Ilang araw bago ang okasyon ay hinasa ko ang aking punto at Batangas vocabulary. Ayokong makantiyawan nila na masyado na akong Manila boy ngayon.
Unang dumating si Rico dala ang kanyang sasakyan at sinundo muna ako dahil nagre-repair pa raw ng kanilang lababo si Joever. Dinala niya ako sa bahay niya na nasa isang posh subdivision malapit sa city proper at ipinakilala ako sa kanyang misis. Apat na ang anak niya na puro kyut na babae. Ten years old ang kanyang panganay, at matatalino raw ang mga anak niya dahil nagiging honor sa school.
Makaraan ang ilang sandali ay pinuntahan na namin si Joever na tumawag na sa kanya at nagsabing nasa meeting place na namin. Binalikan namin siya at sa wakas ay nagkita-kita muli kami. Nang buo na kami, naramdaman ko na pare-pareho kaming nakaramdam ng awkward/emotional situation. Baka ako mapaiyak kaya inunahan ko na: “Put—ina, bago tayo magkaiyakan pakainin muna ninyo ako!” Nagkatawanan at nagdesisyon ang dalawa na dalhin ako sa Tree House, isang kainan sa may Calabarzon road na napapalibutan ng mga punongkahoy. Pumuwesto kami sa pinakaitaas at doon na nagsimula ang balitaan at kuwentuhan.
Dalawa naman daw ang naging anak ni Joever at ang panganay niya ay second year college na, ang ikalawa ay graduating sa high school. Ang mga parents naman niya at mga kapatid ay nag-migrate na sa Australia. Wala siyang planong sumunod sa ngayon dahil maganda naman ang kanyang hanapbuhay rito. Pareho sila ni Rico na umaabot yata ng milyon ang withholding tax sa loob ng isang taon. Sabi ko, ang taunang buwis nila ay hindi ko pa maging annual income.
Gaya ng ibang mga pagkikita, nag-flashback kami sa nakalipas. Mga kalokohan, mga trip, mga pangarap na di natuloy. Alam nila na hindi ko nagamit ang aking napag-aralan dahil sa kung anu-anong dahilan ay hindi ako matanggap sa aking mga inaplayang kumpanya. Si Rico ay medyo late nag-asawa. Hindi naman nagkatuluyan si Joever at ang GF niya noon. Napagkuwentuhan din ang ibang mga kaklase, at sa batay sa mga detalye ay pawang magaganda ang naging buhay; maraming nasa ibang bansa, may sariling negosyo o kaya’y nagtayo ng shop. May isa rin kaming kaklase na nasa langit na ngayon.
Bandang alas tres ay nagpaalam na ako dahil susunduin ko pa si Inez sa Cubao kapag natapos ang concert ni Taylor Swift at medyo malayu-layo rin ang magiging byahe. Just like the old days ay sila ang nagbayad sa pagkain. Dinalhan ko naman sila ng sangkaterbang back issues ng FHM. Mahigpit kasi ang bilin nila na huwag akong magpapakita sa kanilang kung wala akong dalang bold magazines.
Dahil sa sobrang excitement sa kuwentuhan ay hindi ko na nakunan ng picture na magkakasama kaming tatlo. Medyo nag-mature na rin ang mga kaklaseng sanggang dikit ko. Si Joever ang aming Orestes Ojeda noon, si Rico ang Ariel Rivera. Nang tingnan ko ang picture ngayon, medyo hawig pa naman.
Nag-road trip din kami sandali sa city proper para bisitahin ang mga spots na madalas naming tambayan. Marami nang nabago sa mga establishments, pero naroon pa rin ang mga alaala.
Nang ihatid nila ako sa bus station ay medyo naging emotional uli at hindi matapus-tapos ang kamayan. Nag-set kami na magkita-kita muli bago ang Holy Week, at pilitin na may mahatak pang ibang kaklase. At, oo… dadalhan ko uli sila ng FHM.
Sakay ako ng bus ay kaygaan ng pakiramdam. Nakakatuwa na malaman na magaganda ang naging buhay ng aking mga kaklase. Hindi rin sila nagbago ng pakikitungo sa akin. Pakiramdam ko, nang kumakain kami ay parang ‘yung dati; kalalabas mula sa last subject sa tanghali, at maganang kumakain habang umiikot ang mga mata sa mga lamesa sa paghahanap ng makikinis na legs.
Hindi ako masyadong nagkuwento sa kanila sa katayuan ng aking buhay. Pero alam kong masaya sila na nakitang malusog ako, funny pa rin na parang si Vic Sotto, at kahit wala sila para ilibre ako ng tanghalian at meryenda ay nahihinuha nilang siguro naman ay nakaka-afford na ako ngayon kahit man lang instant pancit canton.

Thursday, February 10, 2011

nagkita-kita ang dating barkada



February 10, 2011. Somewhere in Quezon City.

Wednesday, February 2, 2011

ang 'BLAG!' ni Glady Gimena

Photobucket
ANG AWTOR NG 'BLAG!' NA SI GLADY GIMENA

Photobucket
ANG AKLAT

MASAYANG nairaos ang book launching ni Bb. Glady Gimena noong February 1, 2011 sa Bulwagang C. M. Recto, UP Diliman para sa kanyang aklat sa malikhaing pagsulat—ang BLAG!. Ito ang unang aktibidad sa nasabing unibersidad sa pagdiriwang ng National Arts Month o Buwan ng Sining.
Labas-masok ang mga estudyante sa bulwagan, pero dahil may klase ay marami sa kanila ang hindi nagtatagal. Maikli rin ang naging programa na inabot lang ng mahigit dalawang oras, at dahil sa dami ng panelista ay hindi naging mahaba ang mga talakayan. Marahil sa nasabing okasyon ay mas mainam na ibinigay na agad ang sahig kay Glady para natalakay niya ang kanyang napakalaman na aklat. Gayunpaman, naiparating ni Glady ang kanyang mensahe sa mga naroroon na kung nais nating magsulat at mahirap para sa atin ang mag-attend ng workshop o mag-enroll sa creative writing, ang kanyang aklat ang isa sa mga instrumento para matutunan ang mga parametro sa pagsusulat ng romance novel, komiks at horror stories. Maganda rin itong reference ng mga nagtuturo at nag-aaral ng creative writing.
Present sa okasyon si Tita Opi na siya ring naging editor ng Blag! at nagsalita siya tungkol sa romance writing; Terry Bagalso ng Atlas Publishing tungkol sa old komiks industry, Hal Santiago at Ernie Patricio sa komiks illustration, Randy Valiente (na amoy-Singapore pa rin) tungkol sa digital comics, at ako tungkol sa indie comics.
Naligaw yata ako ng topic dahil di naman ako ganoon ka-knowledgeable pagdating sa indie industry, buti na lang at naroon si Earnest ng Sketchpad at sinalo ako.
Present din ang dati kong boss sa ABS-SCBN Publishing na si Gino Evaristo, na bagaman at may construction business ay involved pa rin sa publishing. Siya ang host ng pinoypub.ph kasama ang business partner na si PJ Gonzaga. Nagsalita si Gino tungkol sa future ng digital publishing.
Nabasa ko na ang libro ni Glady at masasabi kong malaki talaga ang maitutulong nito sa lahat. Kahit matagal na ako sa industry, napakarami ko pa ring napulot na mga impormasyon, ideya at teknik.
Congrats, Glady!

Photobucket
MANG HAL & GLADY

Photobucket
Photobucket
BANNERS & COMICS EXHIBIT SA LABAS

Photobucket
TITA OPI & TERRY BAGALSO

Photobucket
ERNIE PATRICIO (partly hidden si RANDY)

Photobucket
GINO EVARISTO of pinoypub.ph

MGA KATROPA
Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

PHOTOS by ROMMEL 'OMENG' ESTANISLAO