Tuesday, May 3, 2011
killer elbow
NAKITA ko na lang na parang babagsak sa akin ang binatilyong may dalang bola ng basketbol. Instinct, iniharang ko ang aking siko. Eksakto ang nguso niya sa tulis. Naramdaman ko ang ngipin niya sa aking siko at ang pagsirit ng dugo.
Nangyari ito two years ago. Bakasyon din. May mga tinedyer na nagtayo ng basketball court sa kalyeng dinaraanan ko. Kahit may mga dumaraan, wala silang pakialam. Hanggang sa naganap ang insidente.
Naalala ko lang ngayon dahil nagtayo na naman sila ng court. Nahipo ko tuloy ang matulis kong siko. Ang aking killer elbow.
Palibhasa’y lahi kami ng mga payat, kaming magpipinsan nang naglalaro pa kami ng basketbol noong 80s ay sikat sa liga sa aming barangay, hindi sa galing maglaro, kundi sa husay magpaputok ng nguso o kilay ng kalaban. Hindi naman sinasadya, nagkakataon lang na pag may nagkamaling humalik sa aming siko lalo na pag nag-agawan sa bola, siguradong may tatagas na dugo.
Kaya pag may laro ang aming team, isa sa mga pustahan ng mga miron ay kung kaninong mukha ng aming kalaban ang unang puputok.
At pag tapos na ang liga, champion kami—sa pananakit ng kalaban.
Ang isa kong pinsan na 5’ 8” ang height ang pinakamalupit ang siko. Noong nasa Maynila na kami, minsang manonood kami ng sine sa Cubao, habang nagtitingin kami ng still photos ay nagsigawan ang mga tao. ‘Yun pala, may batang nagtitinda ng sigarilyo na aalukin sana ng yosi ang pinsan ko na eksakto namang nameywang at nahagip ang nguso ng yosi boy. Sargo. Nabigyan tuloy namin ng dalawang piso ang bata (na noon ay malaking halaga pa) sa awa rito dahil mukhang matatagalan bago uli makahigop ng mainit na sabaw.
Anyway, ang insidente two years ago ay ang nag-iisang dahilan kung bakit ako na-barangay. Inireklamo ako ng parents ng tinedyer na sumabog ang nguso at ang sabi ay sadya ko raw siniko ang anak nila. Bakit ko naman ‘kako sisikuhin ay hindi naman ako kalaro? Alangan din naman na hindi ko protektahan ang sarili ko. Paano kung ako ang nasaktan?
Gaining the momentum, tinanong ko ang mga taga-barangay kung bakit hinahayaan na may court sa kalye gayung bawal iyon. Paano nga kung may mga insidenteng ganyan? Kung may masagasaan? Kanino ang kasalanan?
Gayunpaman, pumayag ako na magbayad ng konti para sa ginastos nila sa clinic. Ipinakita ko rin ang siko ko na may gasgas ng ngipin ng tinedyer. Kailangan ko rin ‘kakong magpa-clinic dahil may sugat din ako.
Nauwi sa areglo ang maliit na insidente.
So, ngayon nga ay may basketball court na naman sa dinaraanan ko. Hinihintay ko lang uli na may player na aksidenteng mapabangga sa akin. Surely hindi ko na kayang makipagsabayan sa kanila ng laro, pero kumbaga sa matandang manok na panabong, gusto ko lang ma-testing kung taglay ko pa rin ang talim ng aking tahid—I mean—ng aking killer elbow.
Subscribe to:
Posts (Atom)