
NAGISING ako isang alas tres y media ng hapon na para akong nagbalik sa aking pagkabata. Pagdungaw ko kasi sa bintana ay nakita ko ang malaking puno ng narra sa tapat ng aming bahay. Maliwanag ang sikat ng araw, pero malamig ang samyo ng hangin.
Ganito ang atmospera noong bata pa ako, dekada ’70, sa aming baryo sa Batangas. Noon ay required kami na matulog muna pagkakain ng tanghalian (kapag walang pasok) at gigising ng alas tres ng hapon. Pito kaming magpipinsan—second cousins. Sa tradisyon ng aming pamilya, mas close ang mga second cousins at parang magkakapatid ang turingan.
Tuwing hapon ay naglalaro kami sa malawak na farm ng aking lolo (pinsan siya ng aking lola). Naghahabulan kaming magpipinsan sa malawak na taniman ng dalandan kaya malamig ang paligid—wala pang dengue noon. Apat lang kaming lalaki, mas marami ang mga babae na di hamak na mas malaki ang agwat ng edad kaysa sa amin.
Protective ang malalaki na at halos dalagita na naming pinsan sa akin—dahil wala na nga akong kapisan na kapatid na mas matanda sa akin. Lumalabas na parang sila na ang mga ate ko—bagaman at sila ang tumatawag ng kuya sa akin dahil ang aking ama naman ang pinakamatanda sa magpipinsan.
Napakaganda ng farm ng aking lolo. Para sa akin ay paraiso ang lugar na iyon. Napakaberde. Bukod sa dalandan ay marami pang ibang punong kahoy na namumunga. Halos kumpleto. Maraming manok at kambing na naglalakad-lakad sa paligid sa paghahanap ng pagkain.
Pag tapos na kaming maglaro ay binubunutan namin siya ng puting buhok. Pagkatapos ay magkakaroon ng munting programa na pamumunuan ng isa kong pinsang babae. Lahat kami ay kailangang may presentation. Ang mga pinsan kong lalaking mas bibo kaysa sa akin ay sumasayaw nang maharot. Ako naman, if it was an indication of what I would become later in my life, ay tumutula. Marami akong na-memorize na tula mula sa Diwang Ginto para sa ganitong pagkakataon. May mga papremyo rin ang lolo ko noon kung sino ang maganda ang “palabas”, at minsang tinula ko ang “Ang Pagbabalik” ni Jose Corazon De Jesus at masyado siyang natuwa sa aking pagbigkas, binigyan niya ako ng isang bisirong kambing.
Kung mediocre naman ang palabas mo, hindi ka rin uuwing luhaan. Pinaka-consolation prize ang hinog na pomelo—at marami akong naipon nito dahil mahina talaga ako pagdating sa performing arts. Pag umuuwi ako ng bahay at iyon ang dala ko ay binibiro ako ng aking ama’t ina na “putot” (least) na naman daw ako sa program.
Pinakagusto ko naman lagi ang number ng mga pinsan kong babae na ang huhusay kumanta. May isang awitin sila na pag naririnig ko ay parang dinadala ako sa ibang dimension. Kanta yata nila iyon sa girl scouting.
Grade three pa lang ako nang mamatay ang aming lolo, at labis kaming nalungkot na magpipinsan. Sa pagkatanda ko, noong araw ng kanyang libing, bago siya inilabas ng bahay para ihatid sa huling hantungan ay may “last program” pa kaming magpipinsan para raw siya pasayahin. Kahit nahihiya ako at maraming tao, napilitan akong tulain ang “Ang Pagbabalik” dahil sa aking palagay ay iyon ang performance ko na nagmarka sa kanya kaya nabigyan niya ako ng bisirong kambing. Ironically, magbabalik na nga siya sa sinapupunan ng Dakilang Lumikha.
Pinakahuling bilang ang kanta ng mga pinsan kong babae na pawang mga nakaitim na bestida. Ang lakas ng hagulhulan ng mga tao na naroroon habang inaawit nila ang piyesa. May ilang kamag-anak pa kaming hinimatay sa sobrang sakbibi ng lungkot. Lalo na nang buhatin na ang kanyang ataul palabas ng bahay.
Ang malakas na iyakan sa bahay ng aking lolo ay tila nanatili sa mahabang panahon. Sa pagkawala niya ay natigil na rin ang programa. May mga pinsan akong ang mga magulang ay lumipat na rin ng tirahan at nagkahiwa-hiwalay na kami hanggang sa magsitanda. Ngayon, nagkikita-kita na lang kami kapag may namamatay sa aming angkan. Minsan ay nagkakabiruan kami at naaalala ang huling araw ng aming lolo kung saan nag-final performance pa kami. Naghahatid iyon ng saya at kalungkutan sa paminsan-minsang pagsasama-samang muli. At kung marami mang binago ang panahon, hindi ang aming closeness. Taglay pa rin ng mga pinsan kong babae ang fondness sa akin, ang turing nilang little brother.
At iyon nga, sa tila pagninilay-nilay ko sa harap ng aming bintana at pagkakatanaw sa puno ng narra kaalinsabay ang masarap na dapyo ng preskong hangin, parang narinig kong muli ang kanta ng mga pinsan kong babae habang naglalaro kami sa farm—masasaya at walang problema. Malayo sa kasalukuyang panahon ng masalimuot na mundo.
‘I Know A Place’
I know a place where no one ever goes
There’s peace and quiet, beauty and repose
It’s hidden in a valley beside a mountain stream
And lying there beside the stream
I find that I can dream.
Only of thing of beauty to the eyes
Snow-capped mountains rising to the sky
Now I know that God made this world for me
One can imagine themselves as in a dream
Climbing up a mountain or down a small ravine
The beauty of this peace and quiet always shall stay
To make this place a haven each and every day
Oh, how I wish I never had to leave
All my life such beauty to receive
Now I know that God had made this world for me.
(NOTE: Photo not related to the story.)