Monday, November 28, 2011
day-off
ISANG araw ng Linggo iyon at may kakatagpuin akong kliyente sa isang fast food sa may Quezon Avenue. After lunch ang aming usapan, at dahil ako’y laging maaga sa mga ganitong usapan at ayokong nale-late, alas onse pa lang ay nasa meeting place na ako at nagbabasa ng Sunday news. Tinitingnan ko ang aking horoscope nang marinig kong may nagsalita sa aking harapan.
“Kanina ka pa?” boses babae iyon.
Nang tumunghay ako, hindi naman iyon ang aking kliyente. Ang babae sa harapan ko ay medyo maskulado, maitim, makapal ang buhok na walang style ang gupit pero may matamis na ngiti at mapuputing ngipin. Ang pagiging stocky niya ay lalong naging define sa suot niyang stripes na polo shirt at skinny jeans na generic.
Hindi ako maka-react. Agad siyang naupo sa harapan ko. Pagpapatuloy niya, “Buti nakita ko agad ang Spider-man sa T-shirt mo kaya nakilala agad kita.”
Tzing!
Naisip kong napagkamalan niya ako na ka-eyeball niya dahil sa kamisetang suot ko. Pero bago pa ako nakapagpaliwanag ay nagsalita siya uli. “Pakainin mo naman ako, gutom na ako. Naglaba pa kasi ako bago ako umalis sa bahay.”
Ewan kung bakit nagpatianod ako. Tiniklop ko ang binabasa ko at tinanong ko siya. “Ano’ng gusto mong kainin?”
“Kahit ano,” sagot niya. “Basta libre masarap kainin.” At sinundan niya iyon ng masarap na hagikhik.
Nagpunta ako sa counter at umorder ng combo para sa kanya. Nagkakape na ako noon kaya nagdagdag na lang ako ng hash brown para sa akin. Inalok niya ako pagkaabot ko sa kanya ng pagkain, tumango lang ako at humigop ng kape.
Nagtanong muli siya. “Dala mo ang kotse ng amo mo?”
Muntik ko nang naibuga ang hinihigop kong kape! Confirmed na househelp ang kaharap ko, at ang ka-eyeball niya na napagkamalan niyang ako ay isang family driver.
Nakatuwaan ko nang magpanggap. “Ah, hindi ko pwedeng gamitin iyon pag day-off, kasi sina Sir ang gumagamit. May lakad pag Sunday ang buong pamilya.”
Nagpakawala siya ng isang maikling, “Aah…”
Nagsimula kaming maghuntahan. Pinilit kong maging creative para makakuha ng mga datos sa kanya. Beinte uno anyos, panganay, laging nagpapadala ng pera sa pamilya. Tipikal na kuwento ng mga anak mahirap na napapadpad sa Maynila para makahanap ng magandang bukas. May BF sa province na di naman siya tine-text. At kapag nalulungkot at nangungulila sa minamahal, naghahanap ng ka-text para kapag day-off ay may ibang aktibidad maliban sa regular Inday routines.
Noong buhay pa ang Atlas ay marami akong kaibigan na madalas makipag-phone pal sa mga Inday at idine-date kapag day-off. Nagunguna na rito ang kababayan kong si Alex Areta, ang kumpare kong si Meyo de Jesus at bayaw na hilaw na si Benjie Valerio. Si Omeng Estanislao, once upon a time yata ay may naka-phone pal ding Inday.
At naitanong ko kay Inday, este, hindi ko nga pala alam ang pangalan niya, kung ano’ng probinsya niya.
“Ikaw naman makakalimutin,” sagot niya. “Sabi ko nga sa text Masbate.”
Masbate…
At nagbalik sa akin ang isang alaala noong third year high school ako.
Nag-aalaga kami ng baka noong nasa bukid pa ako at kalimitan ay mula sa Masbate ang naipapadala sa mga pamilihan sa Batangas. Excited ako isang umaga dahil sabi ng aking ama ay darating na ang torete (binatilyong baka) na aalagaan ko. Nang dumating ang trak na kinalululanan ng mga bagong dating na baka at isa-isang ibinaba, itinuro sa akin ng aking ama ang nakatoka para sa akin. Matapos pumirma ng aking ama sa dokumento (may rehistro ang mga baka), hinila ko na ang aking torete at isinoga sa isang haligi ng aming bahay.
Nagtititigan kami ng torete. Hinimas-himas ko ang ulo niya. Iniisip ko na after one year ay mabebenta na ito sa malaking halaga, at may porsyento ako sa pag-aalaga. Kausuhan ng cassette recorder noon at walkman, ‘yun ang plano kong bilhin sakaling mabenta ang baka. By next year din ay graduating na ako, may pambili na ako ng Truvenize na susuutin sa graduation.
Habang lumilipad ang aking isip, nagulat na lang ako sa ginawa ng torete. Bigla niya akong sinuwag! At kahit di pa siya masyadong malaki ay napakalakas, humagis ako at bumagsak sa bunton ng mga sinibak na kahoy na panggatong. Naramdaman kong may umagos na mainit sa bandang kanan ng noo ko. Nang kapain ko, dugo!
Kasunod niyon ay nagrumpi ang torete. Nagwala nang todo. Sumaklolo sa akin ang aking ama at binuhusan ito ng tubig para kumalma. Nilagyan ko naman ng dahon ng bayabas ang sugat sa aking noo.
“Mailap (wild) pala ito,” komento ng aking ama. “Mahihirapan kang alagaaan ‘yan.”
True enough, ang torete mula sa Masbate ay isa palang cow from hell. Lagi kaming nagbubuno kapag ililipat ko siya ng puwesto. Maraming beses niya akong nasuwag. Marami naman akong naubos na palapa ng saging sa kapapalo sa kanya. Nagkaroon ako ng galit sa kanya kaya pagkakagaling ko sa school at pupuntahan ko siya kung saan nakasoga, magbubuno agad kaming dalawa. Titiyakin ko na ang pagkakatali sa kanya ay hindi magbibigay sa kanya ng espasyo para masuwag ako. Sabi nga ng tatay ko, ako raw ang gumawa ng paraan para ito maging maamo.
At nang masanay na siya sa akin, naging mabait naman kalaunan. Nahahaplos ko na siya nang di nagiging bayolente, nasusubuan ng damo nang di na ako sinusuwag. Naging kaligayahan na ang pag-aalaga at pagpapataba sa kanya.
Mahirap mag-alaga ng hayop sa loob ng mahabang panahon dahil magkakaroon ka ng emotional attachment dito. Magiging bespren mo kahit pa kambing, baboy o manok. Kaya nang dumating ang time na ibebenta na ang bakang alaga ko na mula sa pagiging mailap ay naging maamo, nalungkot ako. Nakatingin siya sa akin nang isasakay na sa trak para dalhin siya sa pamilihan, parang nagpapasaklolo. Gusto kong mapaiyak sa isipin na baka gawin siyang de-lata. Iyon ang dahilan kung bakit di ako kumakain ng anumang luto mula sa karneng baka. Hanggang ngayon ay di ko pa rin siya nakakalimutan dahil sa aking pilat sa kanang noo.
“Manonood na ba tayo ng sine?”
Nagbalik ako sa kasalukuyan nang magsalita si Masbate girl. At may plano pa pala silang manood ng sine ng kanyang ka-eyeball! Eksakto namang nag-text ang ka-meet ko. Change venue raw kami, puntahan ko siya sa isang mall.
Time na rin sa akin para magpa-excuse sa kaharap ko. “Naku, pinauuwi na ako ng amo ko,” dahilan ko sa kanya pagka-reply ko sa kliyente. “Next time na lang tayo magsine.”
“Okey…” sabi niyang malungkot.
Na-guilty naman ako sa reaction niya. Nagbalik ako sa counter at nagpa-takeout ng dalawang combo at ibinigay ko sa kanya. Dalawa para sakaling dumating ang tunay niyang ka-meet, meron na silang makukukot. Binigyan ko rin siya ng P100. “Pantaksi,” sabi ko. At iniwan ko na siya.
“Text, text, ha?” pahabol niya.
“Sure,” sagot ko.
Hindi ko alam kung ano na ang nangyari pagkaalis ko. Dumating kaya ‘yung family driver? Natuklasan kaya niyang nagpanggap lang ang mamang naka-Spider-man T-shirt?
At ano kaya kung sumama ako sa kanyang manood ng sine?
Ah, siguro itatanong ko na lang kina Alex Areta, Meyo de Jesus, Benjie Valerio at Omeng Estanislao kung hanggang saan ba sila nakararating kapag day-off ang ka-date.
Thursday, November 17, 2011
Komikon November 19
Tuesday, November 15, 2011
application letter
NAALALA ko, noong nasa kolehiyo pa ako, second sem ng second year sa English subject nang magsimulang turuan kaming gumawa ng application letter. Nakakatuwa dahil para bagang inihahanda ka na pag talagang maghahanap ka na ng trabaho after graduation. Iyon din ang panahon na naging curious ako sa pagbabasa ng mga classified ads sa diyaryo para maghanap ng job vacancies.
Bahagi ng aming subject, at bilang final exam na rin, ay ang paggawa ng application letter na ipadadala namin sa kumpanya na aming napili. Biro pa ng aming instructor, kung sino ang makatanggap ng reply ay mataas ang grades.
Ang problema ko noon ay pagdating sa work experience dahil wala pa naman akong masyadong karanasan sa pagtatrabaho. Kaya matiyaga akong naghanap sa diyaryo ng trabahong babagay ang kuwalipikasyon ko na isang graduating student ng technical course.
Ang natatandaan ko, ang kumpanyang inaplayan ko ay Noah’s Ark Sugar Refinery na nasa Mandaluyong City. Nangangailangan sila ng office personnel. Tutal ‘kako ay para lang naman sa requirement sa subject, baka puwede na. Matapos ma-approve ng aming instructor ang aking letter of application, ipinamakinilya ko iyon sa isang professional typist na may puwesto sa palengke (wala pa noong computer), diretso ako sa post office at inihulog ang sulat.
After three weeks ay nakatanggap ako ng reply! Medyo mabilis na iyon considering na noong ‘80s ay napakabagal ng sistema sa post office (hanggang ngayon naman). Excited akong buksan ang sagot, hindi dahil baka natanggap ako, kundi ang thought na ang application letter ko pa lang ang may dumating na sagot sa aming magkakaklase at nakatitiyak na ako ng mataas na grades.
Hindi ako nagkamali. Hindi ako tinanggap sa trabaho at sinabing puno na ang vacancy pero ilalagay nila sa kanilang record ang aking application letter “for future reference” sakaling mangailangan uli sila. Okey lang naman sa akin dahil noong time na iyon, bagaman at kailangan kong magtrabaho ay priority kong sa Batangas mag-work at hindi sa ibang lugar.
Ipinakita ko sa aming instructor ang reply at natuwa naman siya sabay lagay ng mataas na grade sa tapat ng pangalan ko. Sa pagkaalam ko, kahit hindi ako natanggap ay ako lang sa aming magkakaklase ang dinatnan ng reply.
Nang maka-graduate ako ay kabi-kabila ang pinadalhan ko ng application letter. Most of the time ay natatawag ako for interview pero hindi ako ma-in. Karaniwang problema ko noon ay ang aking built dahil ako’y payat na payat. Iniisip siguro ng recruitment officer na baka sa halip na mapakinabangan nila ako, sila pa ang magastusan sa pagpapaospital sa akin.
Dinatnan ako ng letter of reply mula sa Arnel Plastic Company na nasa Pasig City. Matapos akong ma-interview ay di na uli ako tinawagan. Sinagot din ako ng PASAR (Philippine Associated Smelting and Refining) Company na ang planta ay nasa Ormoc City pero ang requirement nila, kailangan ay may asawa dahil nga madedestino sa nasabing lugar at kailangan ay kasama ang pamilya. Binata pa ako noon at wala pa sa hinagap na magaganap ang Ormoc tragedy.
Minsan naman bukod sa interview ay may written and actual exams pa. Nakakapasa naman ako pero hindi ako ang napipili. Pinakamalapit kong naabot ay ang pagpirma na sa employment contract matapos akong makapasa sa interview, written and actual exams sa Holland Milk Products sa Laguna na ngayon ay pag-aari na ng Alaska. Na-orient na ako ng kanilang HR, pero nang malamang ako’y isang Katoliko, sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay na-hold ang aking employment at di na ako uli tinawag. Nang nasa Saniwares na ako at naikuwento ko iyon sa isa kong katrabaho na galing sa nasabing company, may preferred ngang religion noon ang nasabing company dahil hindi nagtatatag ng union.
Nang matanggal ako sa Atlas ay napakarami ko ring inaplayang company, ang iba ay hindi related sa publishing. Nang ni-renovate ang Agora Complex sa San Juan City noong 2002 at jobless ako ay nag-apply akong market inspector. Nagustuhan ng project engineer ang aking “credentials”, mahilig kasi siyang magsulat, nagulat siya na ang isang dating writer/editor ay nag-aaplay na market inspector at tinanggap niya ako on the spot! Anyway, nag-present din naman ako sa kanya ng mga innovations kung paano mapapaganda ang sistema sa makabagong palengke na na-research ko sa internet bago ako sumalang sa interview at na-impress naman siya.
Kaso ay hindi agad natuloy ang operation ng nasabing palengke dahil sa problemang legal. At na-hire ako ng isang bagong publishing company.
Kahit naman ngayon ay nagpapadala ako ng application letter kapag may nakikita akong vacancy, at nakatatanggap pa rin ako ng tawag for interview. Minsang naging “banal” ang aking puso ay naisipan kong mag-apply sa mga kumpanyang naglilingkod sa Panginoon. Isa rito ang Compassion Philippines na may opisina malapit sa dating compound ng Atlas sa Roces Avenue, pero iingatan na lang daw muna ang aking application letter. Nakarating ako hanggang written exam sa Communication Foundation for Asia sa may Sta. Mesa, Manila (publisher ng Gospel Komiks) pero hindi na ako na-interview.
This year ay nagpadala ako sa GMA-7, TV5 at Pilipino Star, pero wala akong natanggap na reply.
May thrill para sa akin ang pagsulat ng application letter. Weird, pero ang pagtingin sa mga job vacancies sa classified ads at pagsagot dito ang isa sa mga libangan ko on weekends.
For the record, marami-rami na rin naman akong napasukang kumpanya, pero ni isa sa mga ito ay hindi ako nagpadala ng application letter o nag-apply kundi kusa nila akong tinawag. Siguro ay iyon ang pambalanse kung up to now ay hindi pa ako nakasusulat ng “winning application letter”.
Subscribe to:
Posts (Atom)