Tuesday, December 6, 2011
showbiz
LAST December 5 ay nakasabay ko sa elevator ng ELJ Building si KC Concepcion. Kasama niyang pumasok sa elevator si Erik Santos at ang Pilipinas Got Talent finalist na si Khalil Ramos. Pauwi na ako noon matapos magsulat ng article para sa January 2012 issue ng The Buzz Magasin.
Late na ang aming deadline na dapat ay noong Nov. 26 pa dinala sa imprenta. Pero dalawang malalaking issue ang pumutok; ang KC-Piolo breakup, at ang DJ Mo “repaired video.” Nagbakbak kami ng ilang article para ma-accommodate ang mas maiinit na showbiz happenings.
Walang beso-beso from KC dahil hindi naman niya ako kilala na entertainment editor. Sa mahabang panahon na editor ako ng showbiz magazine ay wala akong nakilalang artista, at kuntento na lang akong magsulat at mag-edit ng mga articles. Maganda na rin iyon para hindi ako maging bias.
Sensitive, ayon na rin kay Piolo, ang pinagdaraanan nila ni KC. Kaya naman ilang articles na ang na-edit ko ay hindi agad maaprub ng mga inampalan. Mahirap naman kasing sulatin ang isang balita na iisang panig lang ang naririnig at wala mula sa kabila. Paano magiging patas ang artikulo? Last resort, nang hindi pa rin okey ang pinakahuling nailatag na article ay nagsulat na lang ako ng analysis tungkol sa kanilang relasyon na inihalintulad ko sa isang ordinaryong magkasintahan na nagkaroon ng tampuhan. Ang sa kanila nga lang ay masyadong naging publicized dahil pareho silang artista. Kung gusto ninyong mabasa, maging ang pinakahuling statement ni Piolo ukol sa kanilang pinagdaraanan ni KC ngayon, (shameless plug, he-he) bili na lang po kayo ng kopya.
Mas mabilis kong nagawa ang Rhian Ramos-DJ Mo brouhaha dahil makatas ang balita. Isa itong showbiz news na nakakawindang talaga.
Sa pag-iyak ni KC at pagsasabing break na sila ni Piolo, maraming tumira sa actor dahil ang husga kaagad ay bakla ito. Unawain natin si KC sa paghahanap niya ng atensyon sa napakaguwapong boypren. Pero bata si KC at matured na si Piolo na marami nang priorities sa buhay bukod sa pag-ibig lang at kiligan blues. Medyo may generation gap na kaya hindi maiiwasan ang pagsulpot ng problema. Gayunpaman, saludo ako sa actor sa pagiging tahimik at pinatunayan ang pagiging gentleman kahit pa nga naging biktima siya ng bullying sa net.
Sa kaso ni Mo, mahirap din namang husgahan ang kanyang ginawa. Pero sa panghihiya niya sa kanyang ex-GF kahit pa gaano kabigat ang kanilang pinagdaanan, mukhang mas bakla yata ang kanyang paninindigan considering na mas malaki rin ang tanda niya kay Rhian at dapat na siya ang nagpakita ng maturity. Kapag minahal mo ang isang tao, hindi ka gagawa ng isang bagay na habampanahong nakakubabaw sa kanyang pagkatao. Kung kapatid ko si Rhian o tatay niya ako, pagkatapos kong mapanood ang video ay headline tiyak sa mga balita ang gagawin kong pagputol sa ibon ni Mo.
Siguro’y nagaganap ang mga bagay na ito para paalahanan na rin ang ating mga kabataang babae na maging maingat sa usapin ng pag-ibig sa panahon ngayon. Ang pagkakaroon ng sikat at guwapong boypren ay hindi nangangahulugan ng bed of roses. Maraming kaagaw, maraming tsismis, mapupuno ka ng insecurities.
Kung techie naman na gaya ni Mo ang inyong magiging boypren, kung makikipag-break kayo sa kanya, siguraduhin ninyong nasa possession ninyo ang kanyang hard drives at memory cards. Better yet, sunugin ninyo ang kanyang iMac.
Sa tingin ko kay KC ay masaya naman siya ngayon, malayo sa hitsura ng isang babaing nabigo sa pag-ibig. Mukhang mabilis siyang naka-move on, at malaki naman ang posibilidad na magkabalikan sila ni Piolo—gaya na rin nang ipinahiwatig ng actor na sana’y makapag-usap muli silang dalawa “without the pain”.
Si Rhian ang mukhang pinagsakluban ng langit at lupa at tiyak na matatagalan bago maka-recover. Pero maganda siya, bata pa at smart… sana pagbangon niyang muli ay hindi na siya madapa. At napaka-comforting para sa kanya na sa isyu nila ni Mo, nasa kanya ang simpatya ng mga tao.
Si Mo?
Well, nangangailangan daw siya ng “professional help”. Dahil sa kanyang ginawa, mukhang kailangan nga niya talaga. Nahaharap din siya sa kaso ng paglabag sa karapatan ng mga kababaihan.
Maige na iyon kaysa maputulan siya ng ibon.
Subscribe to:
Posts (Atom)