Friday, December 28, 2012

'duck walk'

http://s163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/?action=view&current=dognduck.jpg" target="_blank">http://i163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/dognduck.jpg
" border="0" alt="Photobucket">

NOONG isang araw ay nakatuwaan kong makipaglaro sa isa naming aso. Siya kasi ‘yung tipo ng aso na hindi maharot. Though paminsan-minsan ay tumatakbo, mas gusto niyang nakahiga sa ilalim ng mesa at tila nagmumuni-muni.
Sa panonood ko sa Animal Channel sa Cable TV ay sinasabi ng mga pet experts na mahalagang may pisikal na aktibidad ang mga pets lalo na ang mga aso. Kung lagi silang nakaungkot, mas prone sila sa pagkakasakit. At mas gusto kong makipaglaro sa aso dahil libre—kaysa sa ipagamot siya.
Since hindi ko siya maakit na lumabas sa ilalim ng mesa at tila nagpakamatay pa nang tinatawag ko ang pangalan, naisip kong mag-improvise ng style. Dahil nakaupo ako, biglang-bigla ay nakatuwaan kong mag-duck walk. Ito ‘yung habang nakaupo ka, ilalagay mo ang dalawang kamay mo sa likod saka ka lalakad na parang bibe sabay huni ng “kwak-kwak!”
Habang nagda-duck walk ako, mukhang naging epektibo sa aking pet. Nanlaki ang mga mata niya sa excitement, lumabas sa ilalim ng mesa at hinabol ako na para siyang humahabol sa bibe. ‘Yun nga lang, ang bilis ko namang napagod.
Habang umiinom ako ng tubig ay napatingin ako sa wall clock. Alas tres ng hapon. Bigla akong nag-down memory lane. May isang pangyayari sa buhay ko na may kinalaman din sa duck walk—noong grade one ako.
It was the ‘70s, folks, at grade one nga ako noon. Sa pagkatanda ko ay pissed off ang aming teacher dahil maraming hindi makabasa at sobrang iingay pa ng mga kaklase ko. Hinampas niya ng kanyang nakatatakot na stick (na alam kong maraming puwet na ang napalo kasama na ang sa mga kapatid ko at pinsan) ang mesa at sapat iyon para tumahimik ang klase.
Noong panahong iyon ay uso pa ang pagpaparusa ng mga guro sa mga estudyante. At kapag naparusahan ka ni Ma’am, stigma iyon. Gagawing joke sa iyo ng mga kaklase. Ipapanakot na isusumbong ka sa iyong ina na naparusahan ka ni Ma’am. At ang iyong nanay naman, sa halip na sugurin si Ma’am ay siguradong makukurot ka rin, mapipingot o mapapalo dahil sa hiya kay Ma’am. Noon ay ganoon ka-powerful ang isang guro—hindi tulad ngayon na mahawakan lang sa anit ang pupilong di makabasa ay kakasuhan na agad ng ina ang guro sa principal’s office at babantaang ipatatanggal sa serbisyo. Eh, paano naman kung bukod sa tanga talaga ang bata ay matigas pa ang ulo? Siyempre’y kahit papaano’y pipisikalin ni Ma’am.
Anyway, sabi ni Ma’am ay magda-duck walk ang sinumang mahuli niyang gagawa ng mali. ‘Yun nga lang, hindi namin define kung ano ‘yung mali. Siguro ay kung maingay o hindi makabasa.
Ilan agad ang nasampulan ni Ma’am. Para silang mga bibe na nagkarera sa loob ng classroom habang kumakwak-kwak. Siyempre pa ay walang makatawa dahil baka makasama sa mga nagmistulang bibe.
Kung bakit naman nang mapatingin sa akin si Ma’am ay bigla akong napahikab! Isinigaw niya ang pangalan ko sabay sabing sumama ako sa mga nagda-duck walk.
Marami akong kasuntukan noong ako’y grade one at kitang-kita ko sa mga mata nila ang tuwa. Na-shock naman ako dahil ano ba ang kasalanan ko? Hindi ako maingay. Mabilis akong magbasa dahil kahit grade one pa lang ako’y nababasa ko na ang mga kuwento sa komiks at mga prosa sa Liwayway. Napahikab lang ako may parusa na. Napaiyak ako.
Sa pagkatanda ko’y iyon ang unang pagkakataon na nagawa kong sumuway sa nakatatanda sa akin—at sa isang guro pa. Sabi ko sa sarili ko’y hinding-hindi ako lalakad na parang isang bibe—mangyari na ang mangyayari! Lalong tumaas ang boses niya nang maramdaman niyang hindi ako tatalima. Lumapit siya sa akin at hinila ako pero kumapit ako sa desk. Dala niya ang stick niya kaya alam kong pag tumayo’y ako ay tiyak na tiyak ang lagapak sa puwet. Ang pagkakakapit ko sa desk ay parang lingkis ng sawa sa puno. Anu’t anuman, hindi ako bibitaw.
Naramdaman ko ang lagitik sa may braso ko. Doon niya ako pinalo. Lalong lumakas ang aking iyak—na naging sigaw nang makita ko ang mapulang-mapulang guhit sa aking braso. Mas hinigpitan ko ang hawak sa desk. Sa isip-isip ko, patayin na ninyo ako pero hindi ako magpapaka-BiBe Gandanghari.
Hindi na niya sinundan ang palo sa akin, at sa pagkatanda ko, hanggang sa mag-uwian kami ay hindi na nag-lecture si Ma’am at nagpakopya na lang ng mga nakasulat sa pisara. Marahil ay nahimasmasan din siya sa sobrang lakas ng palo sa akin na parang matabang alupihan ang naging latay.
Nang umuwi ako ay nakita ng aking ina ang latay sa aking braso. Namumugto rin ang mga mata ko kaya alam niyang may nangyari sa school. Ikinuwento ko sa kanya, at sabi lang niya sa akin, sana raw ay nag-duck walk na lang ako. At nilagyan niya ng Vicks vaporub ang aking latay. Hindi na niya ako pinalo—pero tanung nang tanong kung hanggang sa mag-uwian daw ba ay galit pa sa akin si Ma’am. Alam kong mas concern siya sa galit ni Ma’am kaysa sa naging latay ko. Maging ang aking ama, nang makita ang latay ay simple lang ang naging reaksyon: matigas daw siguro ang ulo ko.
See? Kung ngayon nangyari ito, TV Patrol tiyak si Ma’am.
Mabuti na lamang at araw ng Biyernes naganap iyon. Dumaan ang Sabado’t Linggo na umiwas akong makipaglaro sa mga kaklase kong kapitbahay ko lang. Ayokong maging tampulan ng kanilang tukso at tawanan. Pagkakaligo ko ay nilalagyan ng Inay ng Vicks ang aking latay, kaya pagdating ng Lunes, wala na. Pero nagsakit-sakitan ako ng tiyan sa loob ng isang linggo para di muna ako pumasok dahil ayoko pang makita si Ma’am. Nahalata iyon ni Inay, at hinayaan muna niya ako. Kaya makalipas ang isang linggo, pagpasok ko uli ay wala na ang aking latay—at hindi ako tinatawag ni Ma’am sa recitation o anuman. Pero napapansin kong palihim niyang tinitingnan ang braso ko na kanyang inasbaran. May ilan akong kaklaseng hindi nakalimot sa insidente at tinutudyo ako na kaya di ako pumasok ay dahil napagpalo ako ni Ma’am.
Sa isip-isip ko, eh, ano? At least hindi ako naging bibe. Ang mga kaklase ko kasing napa-duck walk ni Ma’am, ang tukso nila lagi ay kung nakapangitlog na raw! Mas macho naman sa pakiramdam ang nakipagmatigasan ka kay Ma’am kaysa tuksuhin na may egg na lumabas sa iyong derrière, di baga?
Anyway, nakakapagod mag-duck walk para lang pasayahin ang isang matamlay na aso. Kamakailan ay nakabili ako ng laruang bibe na humuhuni. Basta narinig niya ang huni, sapat iyon para siya magrumpi at tumakbu-takbo.
Good boy!

Wednesday, December 5, 2012

vietnamese dream

http://s163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/?action=view&current=vietnam.jpg" target="_blank">http://i163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/vietnam.jpg
" border="0" alt="Photobucket">

DUMARATING din ako sa punto na nais kong magtrabaho sa abroad. Gusto ko naman ng ibang challenge. Makakita ng ibang kultura. At siyempre, gusto ko ring subukan kung talagang mabilis ang pag-asenso kapag sa ibang bansa nagtatrabaho.
Madalas mangyari sa akin ito kapag may mga disappointments ako sa mga kliyente ko rito sa Pilipinas. Ang ibang publication kung saan konektado ako ay kadalasang may hatid sa akin na sakit ng ulo.
Middle of this year ay nag-browse ako sa internet ng mga trabahong puwedeng pasukan. Mas gusto ko ang Asean countries para madali kong mai-adapt ang sarili ko lalo na sa klima at pagkain. Ang prayoridad ko talagang puntahan ay Vietnam dahil sinasabing papaunlad ang bansang ito. Nagpunta ako sa kanilang website at naghanap ng job opportunities.
May nakita naman ako na medyo eksakto sa mga qualifications ko—ang magturo ng Filipino language sa mga Filipino community roon. May mga kababayan kasi tayong doon na nagkaanak, o nagkaasawa ng tagaroon. Gusto nilang mahasa pa rin ang mga magiging anak nila sa ating wika—at suportado iyon ng Vietnamese government.
Nag-e-mail ako sa contact person ng nasabing job vacancy. Sinabi ko ang layunin ko na makapagtrabaho roon, at maging ang aking kapasidad para sa posisyon na hinahanap nila. Sumagot naman, at medyo nagulat ako sa mga alituntunin bago nila ako i-hire.
Ayon sa nag-reply sa akin, once na ma-hire nila ako ay maninirahan muna ako sa isang village. Libre lahat mula tirahan, pagkain, damit at iba pang pangangailangan. Isang taon ako sa village na iyon para maka-adapt sa kultura ng Vietnam. Pag-aaralan ko ang kanilang wika—at kailangang matuto ako. Sa loob din ng isang taon ay hindi muna ako makakapagbakasyon. Inaasahan din nila na sa loob ng isang taon, marami na akong alam tungkol sa Vietnam, sa wika nila at kultura. Pagkatapos ng pagsasanay na iyon at makapasa ako sa kanilang evaluation—tanggap na ako sa puwesto.
Medyo nag-alanganin ako. Unang-una ay mahina ako sa pag-aaral ng ibang wika. Wala kasi akong interes. Pero siguro naman ay mapagtitiyagaan ko rin. Kung naroon na ako, madali na lang siguro iyon lalo na kung pipilitin ko ang sarili ko. Kung lagi mo raw naririnig ang banyagang wika, masasanay rin ang iyong dila.
At nabasa ko ang tungkol sa kumpensasyon. Dito lalong lumaylay nang todo ang aking pag-asa.
Ayon sa nag-reply sa akin, sa loob ng isang taon na mananatili ako sa isang village at mag-aaral ng evertyhing Vietnamese, may allowance ako na $1,000. Lilinawin ko lang po—ang $1,000 ay sa loob ng isang taon, hindi ng isang buwan.
Ito ay dahil wala naman akong pagkakagastusan dahil shouldered nila ang lahat nang pangangailangan ko habang nasa village. Iniisip kong ang $1,000 marahil ay pocket money ko lang para sa ‘ika nga’y “much needed R&R.” Ibibigay naman daw agad iyon once na dumating ako sa village, nakapirma sa agreement at nagsimula ng training.
Siyempre’y hindi ko naman gagamitin sa “much needed R&R” ang pera at ipapadala ko sa aking pamilya rito sa Pilipinas. At kung iyon lang ang kikitain ko for a year (roughly P40,000/year), baka sa kuryente lang at iba pang bills ay di na kasya.
At paano kung after a year ay hindi ako makapasa sa kanilang evaluation? Uuwi akong luhaan. O kaya ay maghahanap ako roon ng ibang trabaho na di akma sa aking kakayahan. Sa edad kong ito, hindi ko na kayang mamasukan halimbawa sa mga restoran at maghugas ng plato. Medyo pasmado na ako, tiyak na lagi akong makakabasag ng mga baso.
Nag-e-mail uli ako sa nag-reply sa akin at nag-request na baka naman pwedeng $5,000 ang maging annual allowance ko (roughly P200,000 at baka maka-survive na rito ang pamilya ko for a year). Hindi na siya nag-reply. At maliwanag sa akin ang mensahe—kung ano ang patakaran nila, iyon ang dapat sundin. No buts, no ifs.
And there goes my Vietnamese dream.
Anyway, matapos ang aking pangangarap ay muling nagbalik sa akin ang diwang makabayan. Pilipino ako. Kung may kaunti man akong talento, dito ko dapat gamitin sa Pilipinas. Sabi nga ni Jay Ilagan sa pelikulang Kadete (na wala akong makitang kopya samantalang napakagandang pelikula nito) nang plano siyang ipadala sa Westpoint Academy matapos ang kanilang graduation sa PMA, “Gusto kong makita ang liwanag sa aking sariling bayan.”
Pero kung may maganda pa ring oportunidad sa ibang bayan, susubukan ko pa rin. Isa lang ang tiyak—babalik at babalik ako para rito makita ang bukang liwayway.
Pansamantala, hahayaan ko na lang ang mga disappointments ko sa mga publikasyon na aking pinaglilingkuran. Afterall, wala namang empleyado na walang issues laban sa kanyang pinamamasukan.

(Larawan mula sa vagabondjourney.com)

Monday, December 3, 2012

kuwentong renta

http://s163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/?action=view&current=rent1.jpg" target="_blank">http://i163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/rent1.jpg
" border="0" alt="Photobucket">
KAPITBAHAY ko si Choi. Binata, nagtatrabaho sa isang malaking hotel sa Makati City. Umuupa siya sa apartment na katabi lang namin. Dati ay tatlo silang magkakapatid doon at naghahati-hati sa upa. Nang magsipag-asawa ang dalawang kapatid niya at bumukod na, solo na niya ang renta.
For a while ay may mga kaopisinang single na nakasama si Choi sa apartment. Pero dahil problema sa lugar namin ang parking, at may mga kotse ang mga katrabaho niya, hindi nagtatagal. Makipot kasi ang aming kalye, bukod pa sa maraming may sasakyan din. Ang iba naman na walang sasakyan ay ayaw magpa-park sa kanilang tapat.
May common denominator kami ni Choi. Pareho kaming mahilig sa aso at badminton. Hindi kami nakapaglalaro ng badminton, pero madalas kaming nagkakatambayan sa labas dala ang aming mga aso. May alaga siyang malteze, ako naman ay bichon frise. Habang naghuhuntahan kami, naglalaro ang dalawang aso.
Aniya ay nahihirapan na siyang magbayad ng upa sa apartment. Nasa P7,000 pala kada buwan ang upa. Ipagpalagay na nating sumasahod siya ng P20,000 kada buwan, dahil binata siya at mahilig magdamit at sa tingin ko ay medyo may lifestyle bukod pa sa girlfriend, talagang mahihirapan siyang mabalanse ang kinikita.
Isang umaga ay nakarinig ako ng kalabugan na tila may nag-aaway. Narinig kong nagbabalitaktakan sina Choi at ang kanyang landlady. Sa pakikiusyuso ko, nalaman kong tinanghali ng gising si Choi at nabuwisit nang katukin ng landlady para singilin sa buwanang upa. Sabi pa ni Choi, akala mo raw naman ay mamamatay na ang landlady kung mamayang hapon pa siya magbabayad.
Ang away ay nauwi sa barangay--hindi naman sa Face to Face ni Tsang Gellie.
Nang minsang magkahuntahan uli kami ni Choi ay sinabi ko sa kanyang bakit di na lang siya kumuha ng condo unit? May mga unit ngayon within Metro Manila na P4,000 lang ang monthly na hulog. Rent to own pa. Siyempre nga lang ‘kako, ang kailangan niya ay pang-down payment na siguro naman ay mahahagilap niya. Kung magde-date sila ng GF niya ay puwedeng sa condo na lang, takeout ng pagkain at DVD marathon. Kung gustong mag-loving-loving, di na rin kailangang mag-check in.
Natawa siya nang malakas.
Sabi ko pa sa kanya, ang P7,000 na ibinabayad niya sa landlady niya ay halos 2 buwan na ng condo unit na sa malao’t madali ay magiging kanya. Posibleng hindi kalakihan ang space, pero dahil solong katawan naman siya ay hindi niya kailangan ang malawak na tirahan. Wala pang landlady na tatalak sa kanya pag na-late siya ng bayad. Isang studio-type lang na may higaan, kusina at bathroom, ayos na sabi ko pa sa kanya.
Nakita kong napaisip siya.
Matapos ang aming pag-uusap ay hindi ko masyadong napagkikita si Choi. Nabalitaan ko rin na ipinadala niya ang kanyang aso sa kanyang nanay sa Pangasinan. Kaya pala ‘kako wala na kaming dog bonding moments.
Isang gabi ay may narinig akong ugong ng malaking sasakyan sa labas. Maya-maya pa ay tinatawag ni Choi ang aking pangalan. Paglabas ko, masaya siyang kumamay sa akin. Magpapaalam na raw siya. Nakakita raw siya ng condo unit sa may Sta. Ana, Manila. Mas malapit sa kanyang opisina sa Makati, at P3,700 daw ang hulog kada buwan. Nag-down payment daw siya ng P100,000—na hiniram muna niya sa kanyang mama.
Ayos ‘kako. Mainam na ‘yung solo niya ang lugar. Minsan daw ay susunduin niya ako para ipakita ang place. ‘Yun nga lang, bawal daw ang aso. Sige ‘kako, para may bonding pa rin. Sabi ko pa ay baka matuloy na rin ang plano naming paglalaro ng badminton. At inihabol ko ang, "Good luck sa libreng check-in, ha?" Natawa na naman siya nang malakas.
Isa lang si Choi sa maraming nakikita ko na umuupa ng malaki sa paninirahan sa apartment samantalang marami namang murang tirahan na rent to own. Karamihan kasi sa ating mga kababayan ay hindi iniisip ang mag-invest sa bahay o tirahan. Mas gusto ang naninirahan. Natatakot kasi sa mga 15 years to pay scheme. Sa bilis ng panahon ngayon, malalaman mo na lang 15 taon na pala ang nakalipas—at kung kumuha ka ng bahay o condo na magiging iyo balang araw mare-realize mo na lang na bayad ka na pala. Kaysa naman makalipas ang 15 taon, nangungupahan ka pa rin at bilanggo sa kasungitan ng landlord.
Sa mga kabataan ngayon na may trabaho na, umpisahan agad ninyong ipundar ang bahay gaano man ito kaliit. Walang pinakamasarap kundi ang paninirahan sa bahay o condo na sa iyo talaga—cash mo man binili ito o hulugan. Huwag kayong mamimihasa na nagrerenta dahil ang binubuhay lang ninyo ay ang inyong kasera.

 

Wednesday, November 28, 2012

ako ay may lobo

Photobucket

LAGI akong namamangha sa lobo. Palibhasa kasi ay lumaki ako sa bukid na puro halaman lang ang nasa paligid, kapag nakakakita ako ng lobo noong bata pa ako ay rocket science na iyon sa akin. May mga pinsan ako sa kabayanan na mas matatanda sa akin, pag dinadalaw nila ako sa bukid ay lobo ang pasalubong nila sa akin, at sapat iyon para maglakbay ako sa ibang dimension habang nilalaro ko.
At siguro nga ang mga bata ay talagang fascinated sa lobo. Nang mag-second birthday ang anak ko ay sa bukid na nilakihan ko namin ginanap. Ang buong paligid ay pinalibutan namin ng lobo. Hindi pa man nagsisimula ang program, ang mga nanay ng mga batang imbitado ay nakapuwesto na sa mga lobo para pitasin. Actually, saglit lang ay kanya-kanya na silang kuha para sa kanilang mga anak. Parang mas importante pa ang lobo kaysa sa spaghetti at cake na handa.
Nang nag-aaral na ako, may mga tindang kendi na may kakambal na lobo. Kung kasing-edad ko kayo or mas matanda kaysa sa akin, aminin ninyong alam ninyo itong sinasabi ko. ‘Yun nga lang, hindi lumilipad ang lobong ito. Hinihipan, at nagkakaroon lang ng movement kapag ini-release ang hangin. Hindi ako nakakabili dahil walang pambaon, pero nakikilaro ako sa mga kaklase kong meron sa paghabol sa lobo pag pinakakawalan. Kung minsan, pag nagsasawa na sila o gusto ng ibang kulay, ibinibigay nila sa akin ang luma. Pinalolobo ko iyon pagdating sa bahay, isinasabit sa aming dingding at ini-imagine na umaangat sa ere gaya ng lobong kargado ng helium. Iyon ang masarap sa pagiging bata, ang imahinasyon ay parang katotohanan na rin.
Anyway, kamailan ay naimbitahan ako ng isang kaibigan na mag-attend ng 7th birthday party ng kanyang anak sa isang sikat na pizza house sa may UN Avenue. Tumanggi ako noong una dahil wala naman akong anak na maliit. Sabi niya ay kokonti ang bisita dahil mga matatanda naman talaga ang invited. May nauna na raw kasing celebration kung saan invited ang mga kalaro at kaklase ng anak niya. This time, mga kapamilya at kaibigan naman ng parents ang invited. May ganoon yata silang tradisyon pag may anak na sumasapit sa ikapitong taon. Dahil mahigpit ang imbitasyon, umoo ako.
Maganda ang venue at sa hagdan pa lang (sa second floor ginanap ang kainan) ay marami nang naka-display na lobo. Pumisil-pisil pa ako sa mga kumpul-kumpol habang umaakyat. Sa loob ay marami ring nakasabit sa mga upuan. May libre ring face painting. Sabi ng kaibigan ko, lahat ay dapat magpapintura ng mukha. Bagama’t ayoko ay hindi ko rin naman planong magpaka-killjoy. Nilagyan ng painting na dragon ang aking mukha at braso. For a while ay nagbalik ako sa pagkabata. Sabagay, walang ganito noong panahon ko. It’s not too late to rock and roll, ‘ika nga.
Nang matapos ang selebrasyon ay nakatuwaan kong magbitbit ng isang lobo. Habang nasa dyip ako ay pinagtitinginan ako ng mga pasahero. Naghilamos ako ng mukha, pero ang dragon sa kamay ko ay di ko inalis. Obvious na galing ako sa children’s party. But what the heck; kanya-kanyang trip lang ‘yan, at ‘ika nga ay walang basagan.
Ang lobo ay balak kong ipalaro sa dalawa kong dogs. Naalala ko noon na nag-uwi rin ako ng lobo mula sa party ng ABS-CBN at tuwang-tuwa ang dalawa nang ipalaro ko. Nang sumabog, kapwa sila nagtago sa ilalim ng mesa at matagal na di nakalabas. Nasa mga mata nila ang guilt dahil iniisip nilang may nasira silang gamit. Tuwang-tuwa ako noon sa expression nila at gusto ko uling ma-witness ang ganoong eksena.
Nang naglalakad na ako papauwi sa amin ay may nakasalubong akong nanay na nangangalakal at may tulak na kariton ng bote diyaryo. May tatlong anak siyang maliliit na nakasakay sa kariton. Ang batang lalaki, na sa wari ko ay pinakamatanda, ay kumislap ang mata pagkakita sa lobong dala ko. Sabi niya, “Kuya, akin na lang po ang lobo.”
Huminto sa pagtutulak ng kariton at tumingin sa akin ang nanay, at ngumiti na parang nakikiusap. “Akin na lang po ang lobo,” ulit ng bata, at maging ang dalawa niyang kapatid ay nanghihingi na rin. Tuwang-tuwa sila. Nagkibit-balikat lang ako at nagdiretso sa paglalakad.
Pagdating ko sa bahay ay excited na sumalubong ang dalawang dogs sa akin. Agad kong binitawan ang lobo at masaya nilang nilaro. Wala pa yatang ten seconds, “Boom!” Sumabog na ang lobo at ang dalawang dogs gaya ng dati ay nagtago sa ilalim ng mesa dahil sa guilt.
Pero mas matindi ang guilt na naramdaman ko...
Noon lang nag-sink in sa akin kung gaano kasaya sana ang mga musmos kung ibinigay ko sa kanila ang lobo. Baka mas kumislap ang kanilang mga mata, mas maluluwang ang mga ngiti. Baka natuwa ang nanay nila na hirap na hirap sa pagbobote-diyaryo at di sila mabilhan ng laruan. Baka hanggang ngayon, nilalaro pa nila ang lobo na iilang segundong pinaglaruan at pinasabog ng dalawang dogs.
Guilt...
Lapse in judgment. Sana pala ibinigay ko na lang sa kanila.
Iniisip ko na lang ngayon na sana’y nakalimutan na ng mga bata na minsan ay may maramot na mama silang nakasalubong at di sila binigyan ng lobo. At sana rin ay may ibang tao na mas mabait kaysa sa akin na sa paglilibut-libot nila araw-araw sakay ng kariton ng nanay nila, ay naaabutan sila kahit lumang laruan na nagpapakislap ng kanilang mga mata at naghahatid ng ngiti sa kanilang mga mukha.

Tuesday, November 13, 2012

salamin

Photobucket

GUMAGAMIT na ako ng salamin sa pagbabasa. Naramdaman ko ang paglabo ng aking mga mata noong 2006 pa. Nag-text sa akin ang misis ko, nang babasahin ko na, hindi ko na mabasa samantalang noong umaga ay nakapag-proofread pa ako ng article na nakasulat sa maliliit na tipo.
For a while ay may struggle sa akin kung magsasalamin na ba ako o hindi. Galing ako sa pamilya na both sides ay mabilis lumabo ang mga mata. May mga pinsan ako na high school pa lang ay nagsasalamin na.
Anyway, inabot pa ng isang taon bago ako nagdesisyon na magsalamin na. Kailangan ko na, lalo na sa uri ng aking hanapbuhay.  Hindi kailangang magkamali sa pagtipa sa keyboard, at kailangan kong laging nagbabasa ng iba’t ibang reading materials.
Sa isang sikat na optical center ako nagpagawa ng salamin. Mahusay ang optometrist. High-tech na rin ang kanilang gamit sa pagti-check sa kalagayan ng mata ng pasyente. Pagsilip ko sa kanilang machine, may printout na lumabas at nakalagay na roon ang grado ng aking mata. Maayos pa naman daw, may astigmatism lang ako. Ibig sabihin ay hindi na balanse ang linaw ng aking mga mata. Sinukatan ako. Maraming lenses ang ipinasubok sa akin hanggang sa makuha ang swak na swak sa aking mata. Pagkalipas ng dalawang araw ay nakuha ko ang aking salamin—at napakalaking ginhawa ang naidulot niyon sa akin lalo na sa pagbabasa. Sa malayo naman ay malinaw pa ang aking tingin hanggang ngayon dahil far-sighted ako.
Dahil naging concern na ako sa aking mga mata, at may lahi rin kami na nagkakaroon ng katarata, nagpatingin na rin ako sa ophthalmologist para makatiyak lalo pa’t lagi rin akong may nararamdamang iritasyon kapag matagal na akong nagbabasa. Natuwa naman ako nang malaman kong healthy pa ang aking mga mata at walang signs ng pagkakaroon ng katarata. Pagod lang daw kaya laging nagluluha—at binigyan niya ako ng pampatak para marelaks at ipatak ko raw tuwing umaga bago ako magtrabaho. Kulang daw sa lubrication ang aking mga mata.
Naging suki ko naman ang optometrist na pinagpagawaan ko ng salamin--na kahawig pa ng aking isang ninang sa kasal, kaya "ninang" na ang tawag ko sa kanya though di naman niya ako binibigyan ng discount. Nakailang palit ako sa kanya ng frame—medyo mahal nga lang dahil kilala na sila sa industriya. Wala rin akong nagiging problema sa pagbabasa sa mga lens na ginagawa nila dahil nga high-tech ang kanilang mga aparato.
Nitong bago nag-undas ay nagkaroon ako ng problema. Naiwan ko kung saan ang aking salamin at di ko na ma-locate. Senior moment? Hindi pa naman siguro (lol). Dahil long weekend at marami akong nakaantabay na libro na gustong basahin, malaking problema sa akin ang pagkawala ng mahalagang instrumento sa ngayon ng aking pang-araw-araw na buhay.
Kung bakit naman sinumpong ako ng pagkakuripot, at sa halip na sa suki kong optometrist ay sa malapit lang sa lugar namin na klinik ako nagpunta. Ang naisip ko lang naman, malapit at madali kong makukuha. Medyo malayo kasi sa amin ‘yung suki ko dahil kailangan ko pang sadyain sa mall.
Matanda na ang optometrist na nag-attend sa akin. Pumili lang ako ng murang frame. Tinanong niya ang edad ko. May ipinasukat siya sa aking lens. Itinanong kung nababasa ko ang mga letra sa ibinigay niyang parang cue card. Okey rin, sabi ko. Pero di kagaya sa suki ko, wala siyang machine na ipinasilip sa akin. Hindi rin siya nagpasukat sa akin ng iba't ibang lens. Old school, naisip ko na lang.
Kinabukasan ay kinuha ko na ang salamin. Sinubukan ko, okey naman. Nagbayad ako, umuwi sa bahay at naghanda na sa pagbabasa. Saka ko natuklasan ang problema.
Hindi talagang katugma ng aking mata ang salamin. Na-realize kong iginawa lang ako ng lolang optometrist ng reading glass at ang pinagbatayan lang niya ng lens ay ang aking edad. At dahil magkaiba ang grado ng aking dalawang mata, sandali lang at naramdaman kong hindi okey ang salamin. Nahihilo ako at parang masusuka.
Nakahiyaan ko namang ibalik sa klinik bagaman at may karapatan ako. Ayoko na lang bigyan ng alalahanin ang matandang optometrist na habang sinusukatan ako ng salamin noong unang punta ko sa klinik niya ay napakaraming kuwento tungkol sa kanyang malawak na karanasan sa paggawa ng salamin sa mata. Nang naghuhuntahan kami ay para akong nakatagpo ng isang long lost grandma. Saka ewan ko, pero ayokong nagbibigay pa ng mga alalahanin sa mga nakatatanda lalo na kung mabait. Lugi ang pakiramdam ko, pero may mga pagkakataon na nangyayari ang ganito.
At isang bagay ang na-realize ko ngayon. High-tech na ang panahon at kailangan ang mga bagay na tulad ng pagpapagawa ng salamin ay sa mga moderno na klinik na talaga ikonsulta. Higit sa lahat—kung saan subok mo na ang isang bagay, doon ka dapat mag-stick.
Ngayon, sinulat ko ang blog na ito gamit ang salamin sa mata mula sa suki kong optometrist—at napakasarap muling tumipa ng mga letra.

Friday, October 5, 2012

puppy season

Photobucket

NANGANAK na muli si Ampy courtesy of our male dog LA. As usual, kahit cute na cute ang mga tuta ay ipinamimigay lang namin ang mga ito sa mga kaibigan. Kami na rin ang nagdadala sa vet para mapurga, pero ‘yung anti-rabies ay bahala na ang mag-aampon, (LOL).
Ito ang ikalawang panganganak ni Ampy. At dahil magkaiba sila ng breed ni LA, kakatwa ang mga lumalabas na tuta. This time ay dominant ang features ni Ampy sa mga tuta, pero may isang lumabas na sobrang laki at sobrang lago ng balahibo. Nag-iisa rin itong male sa limang tuta.
Naubusan last year si Rommel Fabian kaya ngayon kumbaga sa bidding siya ang priority na pumili, at hindi niya pinalampas ang pagkakataon para mapasakanya ang pinaka sa magkakapatid.
Ipinamigay namin ang mga tuta exactly two months after silang maisilang; healthy at matatakaw. I hope na nag-e-enjoy ngayon sa kanila ang kanilang tagapag-alaga.

Photobucket (c/o ROMMEL FABIAN)   Photobucket (Napunta sa manager ng Spa malapit sa amin).   Photobucket (Napunta sa magsyota na taga-Tondo).   Photobucket (c/o my kumare na editor).   Photobucket (Ito raw ang unang baby nina Meng Estanislao at Ails Casis).

Sunday, September 30, 2012

kaisa-isang old pic...

Photobucket

ITO ang kaisa-isa kong litrato noong bata pa ako. Hindi ko lang sure kung two or three years old ako rito. Kuha ito ng first cousin ng aking ama sa farm ng uncle niya. US Navy officer ang pinsan ng aking ama at isa sa mga libangan nito pag nagbabakasyon ang i-Polaroid ang mga kamag-anak.
May isa pa siyang kuha sa akin noong grader na ako na may kasama akong baka pero hindi ko na makita ang kopya. Naitago lang ito ng nanay ko at nakita ko sa aparador niya nang maghalungkat ako kamakailan.
Masuwerte ang henerasyon ngayon dahil kahit segu-segundo ay pwede nilang kunan ang kanilang sarili. Hindi gaya noon na suwerte kung may kamag-anak na may camera.
Natuwa lang ako rito sa kuha kong ito dahil medyo chubby pala ako noong baby pa samantalang mula elementary hanggang napapasok ako sa Atlas Publishing ay mukha akong kalansay na naglalakad.
Masarap talaga pag bata pa ang hitsura; inosente, healthy, walang problema,walang allergy,  walang stress sa katawan, walang iniisip na bills at pagkakagastusan, malinaw ang mata, walang sumasakit na kasu-kasuan—at higit sa lahat, hindi ka natatakot na baka balang araw ay kailanganin mo ang stem cell therapy para lang maging healthy muli, he-he.

Friday, September 28, 2012

space

Photobucket

Photobucket


WALA akong sariling puwesto sa bahay kapag nagsusulat o nagbabasa. Kahit saan lang basta komportable ang upo dahil medyo madaling mapagod ang aking likod. Ang aking misis ang nag-suggest na dapat ay may sarili akong workstation.
Sabi ko ay pang-artist lang ang workstation. Saka nasanay na ako nang palipat-lipat. Gayunpaman, naglaro na rin sa isip ko ang ideya na magkaroon nga ng sariling puwesto.
Pinaka-ideal ang ilalim ng aming hagdan sa second floor. May space kasi roon na ginawa naming imbakan ng mga lumang gamit at nilagyan lang namin ng kurtina para hindi masakit sa mata. Karamihan sa mga nakaimbak doon ay mga plato at iba pang gamit sa kusina, libro, mga regalong di nabuksan, kahon ng mga biniling appliances, lumang appliances at kung anu-ano pa.
Si misis na rin ang nag-suggest na iuwi ko na lang sa probinsya ang mga lumang gamit namin at gawin kong workstation ang malilibreng space. Na-excite ako sa idea, umarkila ng sasakyan at ipinakuha ko sa utol ko ang mga lumang gamit para iuwi na lang sa Batangas.
Si misis na rin ang nagpintura sa nabakanteng space. Sumunod ay naghanap kami ng table. Nagkataon naman na ‘yung model na nakita namin sa SM Hypermart ay eksakto sa space; pati clearance na tig-2 inches sa buong paligid ay nag-eksakto rin para madaling iusod kapag nililinis.
May mga piyesa ako ng PC na hindi nagagamit kaya kinomisyon ko ang paborito kong technician sa Gigahertz para ipagbuo ako ng kickass na unit. Sa ngayon ay mas desktop ang gamit ko at standby na lang ang laptop.
Mahilig ako sa paligid na walang kalat o mga dekorasyon. Nasanay kasi ako na walang nakikitang mga nakadikit sa pader dahil pakiramdam ko ay nakakadagdag lang sa inaalikabok.
Kaya ngayon, heto na. Simple lang. Masarap ang bentilasyon. Maliwanag ang area. Okey rin ang cushion at sandalan ng upuan. Iniisip ko lang na lagyan ng seksing poster ni Danica Patrick ‘yung malawak na space sa harapan—kaya lang ay kokontra iyon sa prinsipyo ko na walang nakasabit sa paligid. At isa pa, baka hindi pumayag si misis!

Tuesday, September 25, 2012

nakakatuwa...

Photobucket

NAKATUWAAN ko lang pitikan ng camera ng cellphone ang mga batang ito habang trapik sa isang kalye sa Makati City. Kahit sa bangketa ay nagrerepaso ng kanilang mga aralin. Sana lang ay hindi abalahin ng mga magulang at utusan ng kung anu-anong mga gawaing bahay. Sa aking palagay, kapag ang mga bata ay nasa moment ng pagbubuklat ng kanilang mga kuwaderno at libro, hayaan lang.
Sana makatapos ang mga batang ito ng pag-aaral at makakita ng mas magandang tirahan sa hinaharap.

Thursday, August 9, 2012

here comes the sun...

Photobucket

NAIKUWENTO ko last time na napasama ako sa gimik noong July 27. Araw iyon ng Biyernes, pero Huwebes pa lang ay maulan na rito sa Manila—at walang bagyo ayon sa Pagasa.
Araw ng Sabado ay wala ring tigil ang ulan, and usually ay TV day ko iyon kaya okey lang ang ulan. Maraming palabas sa TV ang sinusubaybayan ko pag weekend. Sunday ay nagyaya ang mga relatives ni Misis na manood ng Batman; sumama naman kami pero hindi kami nanood kundi naglakad-lakad lang sa mall para makapag-unat-unat ng buto. Pauwi kami bandang hapon ay malalim na ang baha sa mga kalsadang aming dinaanan.
At simula sa panahong iyon ay hindi pa sumisilip man lang ang araw. Tuloy ang habagat at malakas na ang usap-usapan na simula na raw ng siyam-siyam na araw ng pag-ulan. Medyo kinabahan na ako. Malalakas na ang nagiging pag-ulan, at dahil bahain na nga ang Maynila, kinukutuban ako na may mangyayaring hindi maganda.
Noong a-sais ng Agosto ay nakapasok pa ako sa opisina pero basambasa na ang paligid at may baha na sa bawat nadaraanan ko—wala pa ring tigil ang ulan. Martes ay hindi na ako nagbakasakali lalo pa’t tumataas na ang level ng tubig sa Marikina River at nasa kritikal na level naman ang mga dam. Kinagabihan ay grabe ang buhos ng ulan, para bagang nabutas na ang langit. Miyerkules ay nag-anunsyo na ang ilang pribadong kumpanya na huwag na munang pumasok ang mga empleyado dahil nagbukas na ng gate ang mga dam, at lumampas na sa kritikal ang Marikina River.
Wala pa kaming baha bandang umaga. Tumawag pa sa akin si Tatay Ani, publisher ng The Batangas Post, ng long distance at nakibalita dahil napanood daw niya sa TV na sa Nagtahan ay lampas-tao na ang baha at malapit lang kami roon. Safe pa naman ‘kako, at maraming salamat sa pag-aalala. Pero bandang alas tres ng hapon ay rumagasa ang baha, napakabilis at pinasok agad ang aming bahay.
May itaas ang bahay namin kaya nakilipat ang mga kamag-anak ni Misis. Siksikan kami dahil medyo maliit ang space. Pero sa panahon ng kalamidad, ang importante ay safe. Nagsalu-salo kami sa kung anong pagkain ang meron. Risky nang lumabas dahil malakas ang agos ng baha.
Nabawasan naman ang buhos ng ulan noong Huwebes. Bandang tanghali ay sumikat ang araw nang matindi—matapos ang halos dalawang linggo! Nakikinig ako sa radyo dahil walang kuryente, at nagsasaya raw ang buong Maynila sa muling pagsikat ng araw. Here comes the sun, sabi pa ng announcer.
Nang sumilip ako sa bintana at makita ang sikat ng araw ay halos mapaluha ako. Ang sinag niyon at init na pumawi sa ginaw na nararamdaman ko ay mensahe ng Panginoon. Pinagpapala tayo sa gitna ng kalamidad. Mensahe rin iyon na posibleng tapos na ang habagat.
Dumarating ang kalamidad para subukin kung hanggang saan ang ating pananampalataya. Nakakatuwa na sa kabila ng tila kawalan na ng values ng maraming Pilipino, hindi naman tayo bumibitaw sa pananalig sa Maykapal.
Ang sikat ng araw matapos ang mahabang panahon ng ulan ay isang munting milagro. Laging may liwanag gaano man katagal namayani ang karimlan.
Habang sinusulat ko ang blog na ito ay maaraw na muli sa Kamaynilaan at maliwanag na maliwanag ang aming bintana. Ang bangungot ng habagat at baha ay napawi na. Sabi nga ng Beatles:
“Here comes the sun
Here comes the sun,
And I say it’s all right...”


(Larawan mula kay: jeromedowney_ca)



Sunday, July 29, 2012

TGIF

Photobucket
Photobucket
Photobucket


BAGAMAN at madalas akong ginagabi sa labas ay wala akong nightlife. Ang night life ay ‘yung nagpupunta ka sa mga kainan at inuman—na sa lingo ng mga bagets ngayon ay gimik.
Noong Biyernes (Hulyo 27) ay naimbitahan ako ng isang grupo ng mga kakilala na mixed ng mga bagets at forgets. May kaunting salu-salo dahil may nagdaos ng kaarawan at gustong magpakain. Sa Timog area (Quezon City) ang kitakits, and since nagtatapos ako ng deadline ng The Buzz Magasin at naroon din lang ako sa malapit, nagpaunlak ako.
Noong binata pa ako ay medyo may nightlife ako. Madalas akong maisama ng mga lasenggo sa Atlas Publishing Inc. kung saan-saang inuman sa Cubao. Nang magkaasawa ako ay hindi na dahil ang pambayad sa beer/pulutan at pang-tip sa waitress ay kailangang ilaan na sa budget ng pamilya. Well, may mga pagkakataon naman na nakakalabas pa rin, pero ‘ika nga ay once in a blue moon na.
Maulan noong Biyernes pero tuloy ang gimik. Kumain muna kami sa Tramway (along Morato) na eat-all-you can. Ang isang tao ay P300 ang babayaran, pero puwedeng kumain nang sagad hanggang leeg. Hindi ako foodie kaya mga basic lang ang kinain ko. Maraming prutas kaya doon ako medyo nagpasasa. Sa Tramway pa lang ay uminom na ang mga kasama ko, pero dahil hanggang alas diyes lang open ang place, nabitin.
Lumipat kami sa Torio’s Grill na hindi ko na nalaman kung anong street iyon dahil sobrang lakas ng ulan. Siksikan kami sa Patrol. Sa isip-isip ko’y napasubo yata ako dahil baka bumaha ay ang hirap umuwi. Kaya lang, dahil naroon na ay bahala na.
Bukana pa lang ng Torio’s ay nagbabadya na ng kasayahan. Malakas ang music mula sa live band. Laganap ang sanghaya ng mababangong pulutan. Sa loob ay hati ang populasyon ng lalaki at babae. Noong dekada 80 hanggang 90 ay wala halos mga babae sa mga inuman maliban sa mga hostess at waitress. Ngayon ay mas maraming babae ang tumutoma kaysa sa mga lalaki. Salamat sa mga serbesang “light” na paborito nilang inumin.
Wala akong planong uminom nang gabing iyon dahil magka-copyread pa ako kinabukas kaya sabi ko sa mga kasama ko ay hanggang kape na lang ako at magpapababa ng busog. Umorder sila ng bucket at pulutan. Kadarating lang sa mesa namin ng inorder ay nagkaroon agad ng suntukan!
Sa labas ng venue ang rambol. Agad isinara ng security ang gate. Isang kasama ko ang sumilip para makiusyoso. Pagbalik niya, balita niya, “Pare, mga babae at lalaki ‘yung nagsasapakan. Mga lasing na!”
Sa loob-loob ko, iba na talaga ang panahon.
Hindi ako nakiusyoso dahil may phobia ako sa ganitong mga eksena. Minsang nasa bar din ako ay may nag-away rin sa labas at nakisilip ako. Nang magkabatuhan ay isang piraso ng basag na bote ang tumama sa paa ko. Sa bahay ko na nakita na may nakabaon palang bubog sa hita ko at palibhasa’y lasing ako ay di ko naramdaman. Kaya pala malagkit ang sapatos ko, basa na ng dugo.
Anyway, may dumating na mobile at naaresto ang mga nagkakagulo sa labas. Tahimik na nag-inuman ang mga kasama ko. Nagpahinga sandali ang banda para kumain, babalik pa raw sila para sa kanilang final set. Isang lasing na lalaki sa katabi naming mesa ang na-bad trip at nabitin yata sa sound tripping dahil medyo sumasayaw-sayaw siya kani-kanina lang. Pinayapa siya ng mga waitress.
Pero mukhang bitin talaga siya sa music. Kumuha ng kutsara’t tinidor at tinambol niya ang mga bote ng beer at plato ng pulutan. Bukod doon, hinawi pa niya ang mga baso’t bote sa mesa niya. Kalansingan. Napapalingon na sa kanya ang ibang naroroon. Sa isip-isip ko, trobol ito. Marami nang lasing sa paligid, at ang ginagawa ng lalaki ay nag-aanyaya ng suntukan.
“Hindi okey ‘to,” sabi ng isang kasama ko. “Baka magkabatuhan!”
Maagap naman ang isang waitress at tinawag ang sobrang laki ng katawan na bouncer. Nilapitan ng bouncer ang buraot na lalaki at nakangiting kinausap. Pinanood ko kung papalag ang lasing. Kung sakali, dahil pang-MMA ang katawan ng bouncer, makakakita siguro ako ng customer na lilipad palabas ng inumang iyon.
Nagkamayan ang dalawa. Sa higpit ng pagkakakamay ng bouncer ay napangiwi ang lasing na lalaki. Lihim akong natawa. Mensahe iyon na umayos ang lalaki dahil kung hindi ay matindi pa sa pisil na iyon ang aabutin niya. Saglit pa ay nagbayad na ang lalaki at natulog na lang sa mesa. Mainam na nga naman iyon kaysa makatulog siya sa buntal.
Medyo napayapa na ang sitwasyon. Tumugtog uli ang banda. Okey naman, medyo nakakabingi nga lang dahil sobrang lapit namin sa stage. Nag-enjoy ang mga kasama ko sa babaing singer dahil alam nila ang mga kinakanta nito at nakakasabay pa sila (bukod pa sa cute ito at flawless). Ako’y walang alam sa mga kinakanta niya dahil matagal na rin akong hindi updated sa mga usong kanta ngayon—though ‘yung huling kinanta niya ay medyo pamilyar sa tenga ko dahil naririnig ko sa mga stereo ng dyip na sinasakyan ko: Price Tag.
Dahil ‘yung singer lang naman yata ang habol ng mga kasama ko, pagkatapos ng final set ng banda ay nagbayad na kami—este, sila pala! Nag-CR muna ako para kahit matrapik sa pag-uwi ay di ako ma-jingle. Pagbukas ko ng pinto ng CR, tatlong lalaki ang nagkokontes sa pagsuka! Nawala ang nararamdaman kong wiwi. Ang amoy ng nakakaalibadbad na suka ay pumawi sa busog na taglay ko pa. Bad trip, pero ganito talaga sa mga inuman.
Nag-offer ang nag-imbita sa akin na ihahatid ako pero magkaiba naman kami ng way saka masyadong malayo ang kanyang uuwian kaya sabi ko ay huwag na lang, magtataksi na lang ako. Salamat sa blowout, nag-enjoy ‘kako ako. Inabutan pa niya ako ng pantaksi na tinanggihan ko. Na ipinilit niya kaya kinuha ko na rin.
Honestly, nag-enjoy naman talaga ako. Hindi na nga lang ako sanay lalo na pag nag-aamoy trobol. Ayoko na rin ng masyadong malakas na music kahit pa ang kumakanta ay hot chick. Mas gusto kong nasa bahay; nagbabasa, nanonood ng TV, nagkakalikot, tumatakbo sa treadmill, nagpapaligo ng tuta, nakikipaghuntahan kay Misis, natutulog. Tapos na nga siguro ako sa nightlife, sa mga gimik lalo na pag Thank God It’s Friday. Pero okey na rin ang paminsan-minsan ay ganito na nayayaya—lalo na kung libre. 

Thursday, July 12, 2012

'National Nutrition Month'

Photobucket


LUMILIIT na ang bilang ng mga Pilipinong kumakain ng gulay. Ang konsumo ng isang Pinoy noong 1978 mula 145 gramo kada araw ay bumaba sa 110 na lamang kada araw noong 2008.
Ang datos noong 2008 ay mas mababa ng 290 gramo kaysa 400 gramo ng gulay at prutas na karaniwang konsumo kada araw na rekomendado ng World Health Organization.
Ang Cordillera ang pangunahing pinagmumulan ng temperate climate vegetables at may pinakamataas na konsumo ng gulay na 169 gramo kada araw noong 2008. Ang CALABARZON at ang Autonomous Region of Muslim Mindanao ang nagtala ng pinakamababa na 92 gramo kada tao kada araw.
Dahil dito, isinusulong ang pagkain ng gulay tuwing Lunes sa mga paaralan kaugnay na rin ng pagdiriwang ng National Nutrition Month tuwing Hulyo at nakaangkla ngayong taon sa temang "Pagkain ng gulay, ugaliin, araw-araw itong ihain.”
May 10 dahilan sa mababang konsumo ng gulay na matatagpuan sa FNRI sa isang pag-aaral na ipinagawa ng National Nutrition Council 2005 gaya ng impluwensiya ng mga miyembro ng pamilya na hindi kumakain ng gulay, hindi pagkagusto sa gulay dahil sa lasa at pagkayari nito, preperensiya sa karne, mga kulturang paniniwala sa gulay (gaya ng ang pagkain ng kalabasa ay nagdudulot ng ketong), mahal ang mga gulay, pagkatakot sa mga kemikal at pestisides, mas mahabang preparasyon sa pagluluto ng gulay, preperensiya sa mga fast food at instant foods, kakulangan ng supply, kakulangan ng pagkakaunawa sa benepisyong nutrisyunal at pangkalusugan ng mga gulay.
Sa isang ulat ng WHO, ang mga gulay, bilang kasama sa malusog na diyeta ay nakakatulong sa pagharang ng mga pangunahing hindi- nakakahawang sakit at kakulangan sa micro-nutritionist. Halos 1.7 milyon ang namamatay araw-araw sa buong mundo na sanhi ng mababang konsumo prutas at gulay.
Sa buong mundo, ang kakulangan sa pagkain ng prutas at gulay ay tinatayang sanhi ng may 14 porsiyento pagkamatay sa gastro-intestinal cancer, 11 porsiyento kamatayan sa ischemic heart disease at may siyam na porsiyento ang namamatay sa atake sa puso (stroke o heart attack).
Upang maengganyo ang mga bata na kumain ng gulay, ang mga magulang o mga tagapag-alaga ay kailangang pangunahan ang pagkain ng gulay. Kailangang imonitor ang mga magulang ang sarili nilang uri ng pagkain upang ma-develop ng kanilang mga anak at panatilihin ang malusog na uri ng pagkain.

(NOTE: Ang blog entry na ito ay bahagi ng promosyon ng National Nutrition Month campaign. Ang illustration ay kay Phillip V. Cruz (SKP), courtesy of The Batangas Post.)

Thursday, May 3, 2012

no parking

Photobucket Nakabili ng owner-type jeepney si Fidel. Sabihin pa ay sari-saring satsat ang naririnig niya mula sa mga kapitbahay. Inherent naman kasi sa mga kapitbahayan ang kailangang may opinion sa nangyayari sa kanyang kahanggan. Bulok naman daw ang owner ni Fidel. Bumili raw ito ng batong ipupukpok sa ulo. At kahit daw ibigay sa kanila iyon, di nila tatanggapin. Alam naman ni Fidel ang kondisyon ng kanyang nabiling sasakyan pero may mga dahilan siya kung bakit. Unang-una ay iyon lang ang kaya ng kanyang budget. Bukod doon, hindi siya tumitingin sa aesthetic value ng sasakyan. Mas pinagbatayan niya kung okey pa ang makina at under chassis. Dati siyang mekaniko bago naging clerk sa munisipyo kaya may alam siya sa sasakyan. At kayang-kaya na niyang gawin kung anuman ang mga dapat pang ayusin sa nabili niyang owner. Isa pa, sa gaya niya na matandang binata, kailangan niya ng mapaglilibangan. At dahil noon pa niya passion ang magkaroon ng sariling sasakyan, nang makakita siya ng kaya na ng kanyang budget, binili na niya. At araw-araw mula nang mabili niya ang owner, lagi niya itong kinakalikot basta wala siyang pasok sa munisipyo. Inaayos niya ang mga dapat ayusin. Nag-e-enjoy siya sa ginagawa at pakiramdam niya palibahasa ay laging nababatak ang katawan niya, sumisigla siya. Samantala, tuloy ang pagkutya sa kanya ng mga kapitbahay. Lagi na lang daw nakataas ang hood ng kanyang owner. Mas matagal pa raw ang pagkalikot dito ni Fidel kaysa sa pagmamaneho. Nagkikibit-balikat na lang siya. Sasakyan niya ito, anuman ang gusto niyang gawin, walang pakialam ang iba. Hanggang dumating ang problema. Sinita siya ni Daniel, isa nilang kapitbahay. Sa tapat kasi ng bahay nito nakaparada ang kanyang owner. Doon na lang kasi may bakante dahil kung anu-anong kalat ang nasa kalye nila. Di naman puwede sa tapat ng bahay niya dahil sa kabilang bahagi ang parking lane. Ipinaliwanag niya kay Daniel na karapatan naman niyang mag-park sa tapat ng bahay nito kasi kalye naman iyon. Isa pa, dahil taga-munisipyo nga siya ay kumuha siya ng overnight parking permit para nga kahit saan sa lugar nila ay puwede niyang iparada ang sasakyan. Maraming masasakit na sinabi sa kanya si Daniel. Kesyo ang yabang-yabang niya dahil taga-munisipyo. Bumili raw siya ng sasakyan ay wala naman siyang garahe. Di bale raw sana kung hindi mukhang basura ang kanyang sasakyan, kung brand new sana, hindi masakit sa mata. Walang nagawa si Fidel kundi tanggapin muna ang masasakit na salita ni Daniel. Ganoon talaga, siya ang dapat magpasensya dahil siya ang nakikiparada. Saka siguro naman ay sa una lang ito magagalit. Baka may inggit factor pa. Lilipas din siguro pag tumagal-tagal pa. Iyon ang akala niya… Minsan ay nakita niyang basag ang kanyang side mirror. Wala siyang mapagbintangan. Binutas din ang kanyang mga gulong. Ayaw niyang mambintang pero alam niyang si Daniel ang may gawa niyon. Nakikita niya sa mga ngisi nito kapag inaayos niya ang binalasubas na bahagi ng kanyang owner. Gusto niyang mapikon pero nagtimpi siya. Isang araw ng Lunes na may miting sila sa munisipyo at bihis na bihis siya, paglabas niya ng bahay ay napansin niyang nakatingin sa kanya ang mga kapitbahay. Kinutuban siya. Pagdating niya sa kanyang owner, natuklasan niya kung bakit. May dumi ng tao sa hood! Sariwang-sariwa pa. Ang pagkakatumpok ay parang cobra ng snake charmer na handang manuklaw. Ginawang kasilyas ang kanyang sasakyan! Gusto niyang masuka. Gusto rin niyang manuntok ng kahit sino. Sobrang kababuyan na ang ginawa sa owner niya. At parang nahuhulaan na niya kung sino ang may gawa niyon. Nagtaksi na lang muna siya papasok. Pagbalik niya kinahapunan saka na niya nilinis ang owner. Naririnig niya ang tawanan ng mga kapitbahay pero nagbingi-bingihan na siya dahil baka makapatay siya ng tao. Nakipag-usap siya sa kanilang chairman para maki-park sa tapat ng barangay tutal ay wala namang sasakyan ang kanilang barangay. Sinabi rin niya rito ang kanyang nagiging problema sa parking. Pumayag naman ito. Medyo malayo nga lang sa kanya pero at least ay hindi na siya makukunsumi. Pansamantala, nawala ang pambabalasubas sa kanyang sasakyan. At sa wakas ay tumigil na rin ang mga kapitbahay niya sa panlalait sa kanyang owner nang mapaganda niya ito nang todo. Mula sa pagiging bulok, unti-unti ay naging maporma. Nalaman din niya na si Daniel talaga ang sumasabotahe sa kanyang sasakyan, at ito rin ang nagbawas sa ibabaw ng hood ng owner. Hindi naman kasi lahat na kapitbahay niya ay inggit sa kanya, kaya may isang nakapagkuwento sa kanya nang makiusap ito sa kanya na itubos ng sedula. Buti na lang at hupa na ang galit niya kay Daniel, kung hindi ay baka nasampal niya ito. Hanggang mangyari ang insidenteng ito… Isang gabing nanonood siya ng America’s Next Top Model sa cable TV (isa sa mga fetish ni Fidel ang mga female Caucasians na balingkinitan) nang biglang magkaroon ng sigawan sa labas. Napadungaw siya at akala niya ay may saksakan na naman. Pag nagkakalasingan kasi ang mga tambay sa kanila, kadalasan ay nauuwi sa sakitan. Lumabas siya ng bahay at nakiusyuso. Nagkakagulo sa bahay ni Daniel. Narinig niyang inatake ito sa puso. Napasarap daw sa pagkain ng sitsarong baboy. Nakita pa niyang karga-karga ito ng mga kalalakihan habang ibinababa sa bahay. Nakangiwi na nakalabas ang dila, ang isang kamay ay nakabaluktot. Kanya-kanyang sigawan. Hanap kayo ng sasakyan! Nagkataon namang madalang ang dumaraang sasakyan noon dahil umulan ng malakas. Kahit traysikel ay walang nagagawi sa kanilang kalye dahil may malalim na baha pa ang ilang bahagi. Sa gitna ng chaos ay nakita siya ng isang kapitbahay. “Si Ka Fidel! ‘Yung owner ni Ka Fidel!” Sumunod ang reaction ng iba.“Oo nga! Ka Fidel, ‘yung owner mo! Dali! Dalhin natin sa ospital si Daniel!” Kung cliché ang kuwento, magmamadali si Fidel na kunin ang susi at ihatid sa ospital si Daniel. Pero sabi ko nga sa umpisa, puwedeng mahulaan ninyo ang ending, at ‘yun ang cliché. Kaso, dahil sa takbo ng mga pangyayari ay nagkaroon na ng character change ang ating bida sa gitnang bahagi pa lang ng kuwento. Nag-iba na rin ang takbo ng istorya at lumihis na sa formula. Napaangat ang kilay ni Fidel. Sa isip-isip niya, hindi ba’t bulok ang owner ko? At teka, akala ba ng mga ito ay ganoon siya ka-excited ihatid sa ospital ang taong umebak sa hood ng kanyang sasakyan? Nagkibit-balikat siya. Tumalikod, pumasok muli sa kanyang bahay at nag-enjoy sa legs ng mga kandidata sa ANTM na kasalukuyang rumarampa. Kinabukasan ay narinig niya sa satsatan muli ng mga kapitbahay na hindi naman na-DOA si Daniel pero baka maimbalido na. Naririnig din niya ang mga impit na pagmumura sa kanya. Napakayabang daw niya. Walang puso. Maramot. Lahat nang negatibo. Sana raw ay atakehin din siya sa puso, wala raw tutulong. Sumakay siya sa kanyang owner, ini-start iyon at umalis para pumasok sa opisina nang hindi apektado sa kanyang naririnig. Nag-iisa siya sa buhay, handa siya sa posibilidad na baka bangungutin isang gabi at mamatay sa higaan. Ganoon talaga, pag oras na niya, handa na siya. Sadya rin niyang hindi tinulungan si Daniel para maramdaman nito at ng kanyang mga kapitbahay ang sakit ng rejection. Hindi maka-Diyos ang ginawa niya, pero may sarili siyang dahilan kung bakit nang pukulin siya ng bato ay hindi tinapay ang ibinalik niya. Para sa kanya, may mga pagkakataon na kapag pinukol ka ng bato, bakal ang ibalik mo para maramdaman ng ibang tao kung paano ang mabukulan.

Tuesday, March 27, 2012

mid-life crisis

MAHIGIT isang buwan akong nawala sa sirkulasyon. I have to admit na dumaan yata ako sa panahon ng mid-life crisis, though bata pa naman ako para rito. Ha-ha, nasa denial stage ang mama!
Nagsimula ito nang minsang dumalaw ako sa bahay na minana ko sa Batangas. Gaya nang madalas kong sabihin, kapag umuuwi ako sa bahay ko ay wala akong mapuwestuhan dahil okupado ng mga pamangkin ko ang mga kuwarto. While watching The Lifestyle Channel on cable TV, nakakita ako ng mga featured na maliliit na bahay. Boom, right there and then ay naisip kong magtayo ng kubo para mayroon akong private space.
Noong magtatapos ako ng hayskul at pakiramdam ko ay di ako makakatuntong ng kolehiyo, plano ko noon na mag-enroll sa Manpower Training Center (TESDA na ngayon) at kumuha ng basic carpentry and cabinet making. Isa sa mga hilig ko noong bata pa ako ang pagkakarpintero, at katu-katulong ako ng aking ama noon sa paggawa ng tangkal (kulungan ng manok), kaya sanay-sanay ako sa mga carpentry tools. Naisip ko noon, kapag karpintero at mahusay ay hindi mawawalan ng trabaho.
Hindi sa pagmamayabang ay may talent talaga ako sa carpentry. Sa bahay namin ngayon ay kumpleto ako ng tools, at kung hindi masyadong kumplikado ang ire-repair sa bahay ay ako na lang ang gumagawa. Na-thrill ako sa idea na gumawa ng maliit na bahay (na siyempre ay may katulong din na karpintero talaga).
Nag-search ako sa net ng magandang design, at dahil mahilig ako sa kahoy, ito ang napili ko from viahouse.com:
Photobucket
Naisip ko rin, kapag may deadline ako ay pwedeng dito ko gawin. Masarap magtrabaho kung tahimik ang lugar at hindi maalinsangan.
Ang siste, habang naghahanap ako ng lokasyon sa lupang minana ko at nalaman nila ang mga plano ko, heto ang mga kapatid ko at nagsasabing kapag wala raw o nasa Maynila ako ay sa bahay na gagawin ko sila matutulog. May mga pamangkin din ako na nag-offer na sila ang maglilinis habang wala ako pero pwede raw bang doon sila tumambay since ang plano ko nga ay maglagay ng PC, internet connection at ilang appliances. Paano na naman ang aking privacy? Ako pa naman ang taong nahihirapang mag-extend ng tulong kapag may nanghihingi ng pabor.
Hindi ko na muna itinuloy ang aking dream small house.
Habang may pagtatalo pa sa isip ko kung itutuloy ang maliit na bahay o hindi, nakapanood naman ako sa turbo channel (sub-channel ng discovery) ng isang show na nagbubuo ng mga sasakyan. Naubos ang aking maghapon hanggang hatinggabi ng iba’t ibang palabas na lahat ay tungkol sa car assembly and restoration. Naging paborito ko si Chip Foose ng “Overhaulin’” at si Ryan Friedlinghaus ng “West Coast Customs.” Though sa “Wheeler Dealer” ay mas detalyado ang pagkakalikot ng mga sasakyang nire-restore.
Immediately, nag-flashback sa akin ang dalawang taon na naging trabaho ko sa Caltex Refinery sa Batangas City bilang maintenance technician noong late teens ko. Hindi ako natutong magmaneho pero sa mga trade skills na dinaan ko (metal works, mechanical, electrical and process control), sa pagmemekaniko ako mas nag-enjoy. May kakaibang thrill ang pag-screw (no pun intended), ang pagpapahid ng grasa, ang pagbubuo ng mga mechanical assembly. Biglang-bigla, hinanap ng ilong ko ang amoy ng shop na naghahalu-halo ang singaw ng petrolyo at usok ng mga makina.
Sa loob ng isang linggo, habang wala pa akong deadline ay wala akong ginawa kundi tumutok sa turbo channel at manood ng pagbabaklas at pagbubuo ng sasakyan. Bukod pa rito ang walang humpay kong pagbabasa sa net ng tungkol sa car assembly and troubleshooting. Para akong kumuha ng crash course sa automotive. And one crazy idea entered my mind: Magbubuo ako ng owner-type jeepney!
Parang ganito, salamat sa angelescity.olx.com.ph sa reference photo:
Photobucket
Maraming talyer sa lugar namin at nag-ikut-ikot ako. May isang maliit na talyer na walang kostumer ang pinasok ko. Nadatnan ko ang may-ari at isang tauhan niya na naglalaro ng dama (local chess). Mukhang matumal ang negosyo kaya padama-dama lang ang dalawa. Nakipaghuntahan ako, sinabi ko ang plano ko na magbuo ng basic lang na owner. Kung ako ang bibili ng piyesa, magkano nila bubuuin provided na ako ang magga-guide kung paano nila ia-assemble? Nagsabi sila ng presyo, at matapos ang konting tawaran ay nagkasundo kami. Pero hindi ako nagbigay ng down payment. Magka-canvass muna ‘kako ako ng materyales.
Gayun na lang ang gulat ng misis ko nang yayain ko siya sa Banaue, Quezon City (the so-called Mecca of automotive spare parts). Bakit daw? Magbubuo ‘kako ako ng owner. Ano raw nangyari sa plano kong bahay-kubo? It can wait, sabi ko na lang.
Halos isang linggo kaming naglalakad-lakad sa Banaue sa paghahanap ko ng makina at mga piyesa. Para kaming nag-beach sa pangingitim ng mga balat. Alam kong hindi nag-e-enjoy si misis pero sige lang siya sa pagsuporta sa trip ko. Nawalan siya ng kulay nang malaman na ang makina pala, ang pinakamababa ay nasa P60 thousand ang halaga! Naiisip siguro niya, saang kamay ng Diyos kukunin ng mister niya ang pambili sa pinagkakaabalahang ito? Ako naman ay punung-puno ng excitement sa aking ginagawa, samantalang oo nga pala, saan ko kukunin ang budget? Hindi bale, bahala na…
Isang umaga ay nakarinig ako ng sigawan sa labas ng bahay namin. Nang makiusyoso ako, nalaman kong dalawang kapitbahay ko ang nagsuntukan dahil sa pag-aagawan sa parking space. Iyon kasi ang isang problema sa Metro Manila, karamihan sa mga bahay ay walang garahe at sa kalsada nakakalat ang sasakyan. Ayon sa isang kapitbahay ko, nairita raw ‘yung nakaaway noong isa pa dahil laging sa tapat ng mga ito nakaparada ang sasakyan kaya wala maparadahan ng traysikel na pamasada. Nang ipinapaalis, nangatwiran ‘yung isa pa na nagbabayad siya ng road user’s tax kaya may karapatan siyang magparada ng kanyang kotse kahit saan. Ayun, nauwi sa boksing.
Doon din ako nagkaroon ng realization na oo nga pala, pag nabuo ‘yung owner, saan ko ipaparada ay nasa right lane ang bahay namin at wala rin kaming garahe? Sa pagsulpot ng tanong na iyon, mas nangibabaw ang isa pang nagging question: “KC, pag nabuo mo ‘yan, sino’ng magmamaneho e ni hindi ka nga marunong magbisikleta?”
Napaisip ako nang matagal…
Nang maghapong iyon, bagaman at hindi niya isinasatinig ay nagtataka marahil si misis kung bakit hindi ako naka-tune in sa turbo channel.
Kinabukasan ay pinuntahan ko ang talyer na kinontrata ko. Naglalaro pa rin ng dama ang mag-amo. Natuwa sila nang makita ako at nagtanong kung nakumpleto ko na ang mga materyales. Sinabi kong di na matutuloy ang project, pasensya na. Nalungkot sila (kuwarta na naging bato pa), pero naunawaan naman nila ako. Balik muna sila sa paglalaro ng dama.
Nagtaka (na naman) si misis nang makita niyang inilalabas ko ang mga piyesa ng computer na matagal ko nang planong buuin. Itutuloy ko na ‘kako kasi nababagalan na ako sa PC na ginagamit ko at ipapadala ko na lang sa mga pamangkin ko sa Batangas. Gusto ko na ng iCore na processor. Malapit na ‘kako ang deadline ng The Buzz, para matesting ko agad once na ma-assemble. Matagal ko nang plano ito, nabinbin nga lamang dahil sa iba’t ibang pinagkaabalahan ng isip ko.
Weekend ay dumating ang paborito kong technician mula sa Gigahertz Computer Store. In less than three hours ay buo ang PC, up and running. Dumating ang deadline ng The Buzz mula March 15-24, sa bagong PC ko na ‘yun tinapos. Ito rin ang unang blog na sinulat ko gamit iyon. At alam ko, habang nagde-deadline ako ay nawala ang stress ni misis sa kung anu-anong naiisip ko. Lahat nang misis ay kampante kapag nakikitang trabaho ang inaatupag ni mister at hindi mga weird na bagay na makakasira sa budget.
Photobucket
Okey na ako ngayon. Na-outgrow ko na ang pagpapagawa ng aking pangarap na private small house sa Batangas. Saka na lang muna. From time to time ay nanonood pa rin ako sa turbo channel, nangangarap na magkaroon balang araw ng sasakyan. Pero bago iyon, dapat muna akong matutong magmaneho. I know that God will help me para ma-overcome ko ang fear na humawak ng manibela.
Hindi ko alam kung sa nakalipas na mga araw ay talagang dumaan na ako sa mid-life crisis. Kung oo, salamat dahil maagang dumating at tapos na ako sa stage na iyon. Ha-ha-ha, na-accept na ng mama ang katotohanan!
Iniisip ko rin naman na marahil ay nag-revisit lang ako sa mga dating interes at trabaho ko noon at sinubukan ko lang kung kaya ko pa o kung mag-e-enjoy pa ba ako. Oo, kaya pa naman. Oo, nag-enjoy naman ako. ‘Yun nga lang, marami nang factors kung bakit dapat kalimutan ko na lang iyon at higit na pagbutihin na lamang ang kung ano ang skills at kakayahan ko sa ngayon.
Sa mga nagtatanong o nag-iisip, opo… nasa “line of four” na po ang edad ko. Puwedeng dumaranas na ako ng mid-life crisis, at puwede rin namang pumapalo na sa akin ang positibong kasabihang “Life begins at 40.” At ‘yun nga po, di naman ako natatakot na patuloy na sumubok at magsimula ng mga luma at bagong bagay kahit nagkakaedad na—doon po higit na nagiging makulay at challenging ang ating buhay.

Monday, February 13, 2012

monster

Photobucket


LAST year ay isang buwan na namahinga ang aking laptop na kung tawagin ko ay “monster.” Monster dahil sobra-sobra ang lakas nito. Sagad-sagaran ang specifications. Kahit ilang applications ang nakabukas, hindi nagha-hang at sobrang easy kung mag-open.
Produkto ito ng Compaq na ngayon ay pag-aari na rin ng Hewlett Packard o HP. Naengganyo akong bumili nito dahil sobrang bumaba ang presyo, and I thought it was a steal. Sa trabaho ko kasi, kailangan ko talaga ng monster na laptop o computer.
Nang mabili ko ito ay nag-research ako sa net ng tungkol sa nasabing unit. May mga message board na ang discussion ay may problema sa motherboard ang nasabing brand bagaman at maganda nga ang performance at medyo mura. Hindi iilang discussion ang nabasa ko na nagsasaad ng kagayang impormasyon. Ang sabi pa, after a year bago bumigay ang motherboard—kung kailan tapos na ang warranty. At aaminin kong medyo kinabahan ako roon.
Isang kaopisina ko sa ABS-CBN ang may kagayang unit bagaman at mas mababa ang specs kaysa sa aking monster. ‘Yun na nga, minsan ay inihahanap na niya ng buyer ang unit niya dahil bumigay nga raw ang motherboard at kung bibili raw siya ng pamalit na piyesa, para na rin siyang bumili ng bagong unit. Kaya ang plano niya, bumili na lang ng bago—at ibang brand na.
Last September nang bumigay rin ang motherboard ng unit ko. Walang indikasyon. Noong gabi ay ayos na ayos pa at nakapagtapos ako ng aking mga deadlines. Maayos ding nag-off. Pero kinabukasan nang buksan ko, ayaw nang mag-open.
Buti na lang at may mga extra akong computer sa bahay gaya ng Lenovo netbook na dinadala ko kapag may kliyente na ime-meet at kailangan kong mag-present ng project (a lot better than tablet); at isang ASUS Novalite desktop (with huge Samsung LED LCD monitor) na ginagamit ko kapag mahaba ang gagawin kong pagsusulat at kapag nagte-check ng PDF files sa mga home-based projects na ipinapadala ng artists. Mas mabilis pa ring mag-type sa regular keyboard at magtsek ng layouts sa malaking monitor. Uh, meron din akong Apple Mac Mini, pero magmula nang “hiramin” ng anak ko ay hindi na ibinalik.
Natutunan ko ang pagkakaroon ng maraming gamit para sa hanapbuhay sa ilang kakilala ko. Pag photographer ka, kailangan marami kang camera. Nang minsang nakadalaw ako sa bahay ni Aiza Seguerra, grabe ang dami ng gitara niya na lahat daw ay nagagamit niya depende sa mood. Same goes sa suki kong karpintero na laging may extra na tools. Ang mga comics artists, silipin mo ang drawing table at nakahilera ang mga pens at iba pang gamit sa pagdodrowing. Para nga naman pag pumalpak ang isa, hindi made-delay ang trabaho dahil may magagamit pa.
Anyway, dinala ko sa store na binilhan ko, at ang diagnostic ay bumigay nga raw ang motherboard. Ang problema, tapos na rin ang warranty. At kung papalitan, aabot ng P10,000 ang magagastos ko. Pinagpawisan ako nang malapot.
Suki ako sa store na iyon. Marami na rin akong nairekomendang mga kakilala para sa kanila kumuha ng unit. Sabi sa akin ng manager, ipapakiusap niya sa supplier ang unit ko dahil nga marami na akong nadalang customer sa kanila. After two days ay tumawag ako, at natanggap ko ang magandang balita—libre ang motherboard na ipapalit sa laptop ko.
Malas ako na sa dinami-rami nang na-produce na unit na kasabay ng laptop ko ay sa akin pa napunta ang “lemon.” Ang lemon ay ang term na ginagamit sa isang bagay (pwede ring tao) na mahina ang performance o depektibo. Nangyayari ito sa manufacturing industry, halimbawa’y sa kotse o appliances. Kahit pa gaano kahusay ang technology at quality control, may ilan-ilang unit na lalabas na madaling masira. Kung sa atin mapupunta ang mga ganitong lemon at tapos na ang warranty, sorry na lang tayo.
Mahirap ipaliwanag kung bakit may mga sumusulpot na lemon kahit gaano kaingat ang may-ari o gumagamit nito, kaya masasabi natin na kahit pa nga branded ang item, maingat man tayo o barubal sa paggamit nito, kung may depekto o wala ay batay na lang sa suwerte. Gayunpaman, pinakamahalaga na hawak natin ang resibo para kung dumating man ang pagkakataon na masira at pasok pa sa warranty, wala kayong magiging problema. In my case, nagkataon lang na naipag-ahente ko sila at pagkakataon naman ng store na binilhan ko na ibalik ang favor. May mga pagkakataon talaga na kapag loyal ka sa isang tindahan, madali ka nilang mauunawaan.
‘Yun nga lang, hindi na ako ganoon kakumpiyansa sa aking monster laptop—na isa palang lemon. But I’m still keeping it dahil para kaming komersyal ng San Miguel Beer—may pinagsamahan. May sticker (digital) na nagsasabing dumaan na ito sa crash test, and I am somehow hoping na ‘yung motherboard lang na pinalitan ang lemon sa kabuuan nito at maibabalik na nito ang paghataw sa trabaho na malabakulaw.
By the way, “Maligayang Araw ng mga Puso!” sa inyong lahat!

Thursday, January 19, 2012

kuwentong barbero

Photobucket

MADALAS akong magpakalbo ngayon dahil sa dalawang kadahilanan. Una ay medyo marami-rami na ang aking puting buhok, and the best way to hide them is to get bald (not bold) all the time. Ikalawa ay mas madaling mag-ayos ng sarili kapag may lakad. Hindi na kailangang magsuklay. And, oh, lagyan na rin natin ng third reason—I guess I look better sans hair.
Ang suki ko ngayong barbero ay si Rodel. Malapit lang sa amin ang barber shop kung saan siya naggugupit. Porsyento ang kitaan sa pagiging barbero. Sa P40 kada ulo ay P20 ang kanya. Kaya sa sampung ulo halimbawa sa isang araw ay may P200 siya, hindi pa kasama rito ang tip.
Okey maggupit si Rodel. Basta nagpagupit ako sa kanya ay kasama na ang ahit ng balbas. Hindi ko alam kung bakit naging balbasin ako samantalang noong binata ako ay walang indikasyon na magiging hairy ang aking mukha. Kapresyo ng gupit ang ahit, kaya ang P100 na ibinabayad ko, kasama na roon ang tip. Buwan-buwan ay nagpapagupit ako sa kanya. Kung minsan naman ay sa parlor kapag nagpapatanggal ako ng ingrown sa mga kuko sa paa. Isa pa itong ingrown sa mga abnormalities na lumabas sa akin nang nagkakaedad na ako.
At kapag sa parlor ako nagpakalbo at nakikita ni Rodel na ahit na ahit na ako kapag nagdaraan ako sa tapat ng barberya niya, obvious sa kanyang tingin sa akin na nagtatampo siya. At nagi-guilty rin naman ako. Kaya minsan na nagpagupit uli ako sa kanya, sinabi ko ang dahilan kung bakit nagpapagupit pa ako sa iba. At nauunawaan daw naman niya.
Maraming kuwentong barbero si Rodel mula sa pangungupahan niya sa mga bulok na apartment hanggang sa mga nagiging amo niya. Kapag bulok daw ang apartment at may mga mag-asawang naninirahan, siguradong nakapamboboso sila at di na kailangang bumili ng mga video scandals sa bangketa. Tiyempuhan naman daw ang paghanap ng mabait na amo sa barber shop. Pag medyo may edad na raw ang amo, mas mabait at hindi kuripot sa pagbibigay ng supplies gaya ng blade, shaving cream, polbo at tissue.
At kahit barber shop pala ay may anomalya rin. Noon daw bago pa lang siyang natututong maggupit, may nag-recruit sa kanya para mamasukan sa isang barber shop. Ang sabi sa kanya, P10 lang kada ulo ang porsyento niya. ‘Yun pala, P18 ang talagang ibinigay sa kanya ng may-ari. Pero dahil ang naglakad sa kanya para makapasok sa pagiging barbero ang nakipag-usap sa may-ari ng barber shop, at ito rin ang nag-aabot sa kanya ng porsyento, hindi niya nalaman na kinukupitan pala siya nito ng P8 kada ulo na matatapos niya. Nalaman na lang niya ang talagang rate niya nang minsang magbakasyon ang naglakad sa kanya at ang may-ari ang mismong nag-abot sa kanya ng kanyang porsyento. Nang sitahin daw niya ang naglakad sa kanya, ang P8 daw nito kada ulo ang pinakaporsyento naman nito sa pagpapasok sa kanya sa barber shop.
Pero ang pinakamatinding inabot daw niyang anomalya ay sa isang barber shop kung saan ang mga kasamahan niyang barbero ay mahihilig sa karera. Pagdating ng hapon, halos siya na lang ang natitira sa gupitan dahil ang mga kasamahan niya’y nakatutok na sa malapit na karerahan. Natural na siya ang malaki ang kita.
Isang kaibigan niyang barbero ang nagsabi sa kanya na gagawin siyang co-maker sa uutangin nitong pera sa Bumbay. Ayaw sana niya, pero ang dahilan daw ng kaibigan niya ay ibabayad sa tuition ng anak. Naawa naman siya, kaya kahit medyo nag-aalangan ay pumayag na rin siya.
Sa madaling sabi ay pinautang ng Bumbay ang kanyang kaibigan at kasamahang barbero ng P5,000. Kinahapunan daw ay napansin niyang naglilinis ng mga gamit ang kaibigan. Nang punahin niya, ang sabi raw ay ipahahasa ang mga gunting, shaver at labaha.
Kinabukasan, hindi na raw ito pumasok. Hanggang sa mga sumunod na araw. Maging ang kanilang amo pala ay nautangan nito. Kaya alam niyang hindi na ito magpapakita pa. Nang tawagan niya ang cellphone nito, hindi na niya makontak. At nagka-migraine daw siya sa pag-iisip na sa kanya sisingilin ng Bumbay ang P5,000 na inutang nito.
Siya nga ang siningil ng Bumbay. Na hindi naman niya puwedeng tanggihan dahil siya ang co-maker sa utang. Sabi pa niya sa akin, napakarami raw ulong dumaan sa kanyang mga kamay bago niya natapos hulugan ang utang. Sa P20 kada ulo, lumalabas na kinailangan niyang maka-quota ng 250 ulo para lang makaraos sa indulto. Naawa tuloy ako sa kanya.
Anyway, tanong ko sa kanya, ano ang natutunan niya sa mga nangyaring iyon sa kanyang career bilang barbero? Napakasimple ng sagot niya: “Hindi ko ‘yun gagawin sa mga baguhan, saka sa kasamahan ko sa trabaho.”
Kung sa iba siguro, ang isasagot ay hindi na magtitiwala sa mga kasamahan. Hindi na magpapalokong muli. Pero kay Rodel, para sa kanya, ang mga maling nakita niya at ginawa sa kanya ay di dapat gayahin. Ang pagsasamantala sa kapwa ay di dapat matutunan, at magtatapos iyon sa kanya bilang isang biktima.
Ang ganda, ano po? At sa isang barbero ko napulot ang aral na iyan sa buhay. Kuwentong barbero… pero makahulugan.
(Image courtesy of religiousintelligence.org)

Thursday, January 5, 2012

Maligayang kaarawan!

Photobucket

SA aking mga kaibigan at kakilala, karamihan sa kanila, ang naaalala ko lang ang birthday ay yaong mga nagdiriwang kapag Enero. Madali kasing tandaan dahil simula pa lang ng taon. Posibleng hindi ko matandaan ang eksaktong petsa, pero tiyak ako na buwan iyon ng Enero.
Nitong January 5 ay birthday ng aking Kuya Lito na pangatlo sa aming magkakapatid. Hindi ko lang alam kung ilang taon na siya pero sa palagay ko ay umaamoy na sa sisenta. Dahil kadalasang ako’y walang pera sa umpisa ng taon, Nobyembre pa lang ay pina-birthday ko na siya, kasama na rin doon ang papasko.
Sa The Batangas Post (local newspaper na 12 years ko nang hawak) ay dalawa ang may kaarawan pag Enero; sina Tatay Ani at Emway Malaluan. Medyo nalilito na rin ako kung anong petsa pero sa aking pagkaalam ay unang linggo ng buwan. Ang aking Pareng Emway (art director) ay bata-bata sa akin nang kaunti kaya kung hindi late 30s ay baka eksaktong kuwarenta. Si Tatay Ani naman (ang publisher) ay sobrang tibay at ang alam ko’y mid-80s na siya. Dinalaw ko siya noong Nobyembre at sabi ko nga sa kanya, mukha pa siyang malakas kaysa sa akin at napaka-sharp pa rin ng isip. Nakakatuwa ang energy level niya lalo na kapag usapang publication ang topic ng aming huntahan. Taglay niya talaga ang puso ng isang mamamahayag.
Noong nasa Atlas pa ako, marami sa aking mga dating kaopisina ang nagdaraos din ng kaarawan pag Enero. Ang aming editor-in-chief na si Mr. Tony Tenorio, gayundin ang mga editors na sina Tita Opi Concepcion (Pilipino Komiks), Tita Lourdes Fabian (Moviestar), ang ninong ko sa kasal na si Gaspar San Diego (Espesyal Komiks), ang layout artist na si Edmon Celerio (na anak ni Levi Celerio at kapatid ng famous Celerio bros na Louie at Joey) at ang lettering artist na si Danny Villanueva (kapatid ng mga illustrators na sina Rudamin ‘Rudy’ Villanueva at Orlee Vee).
Sa mga nabanggit ko sa itaas ay pinakabongga ang selebrasyon ng birthday ni Tita Des dahil editor siya ng showbiz magazine at maraming artista ang nagpapadala ng pagkain. Basta birthday niya, daig ang piyestahan sa dami ng litson, cake at ice cream sa editorial office.
Sa mga bago kong kaibigan at kakilala ay mga January birthday celebrators din lang ang natatandaan ko gaya nina Gener Pedrina na eksaktong New Year ang kapanganakan, at si Rommel “Omeng” Estanislao. Ang dalawa ay lagi kong kagrupo kapag may Komikon (Komiks Convention) at pare-pareho kaming taga-ABS-CBN.
Ngayong Enero rin ang birthday ng aking unica hija. Last year pa siya nag-18 pero walang party dahil mas pinili niyang mag-travel sa labas ng bansa bilang selebrasyon. Pabor naman iyon sa akin dahil hindi na ako mapapagod; ‘yun nga lang, hindi ko siya nakita nang magdalaga. Tumawag na lang siya sa akin eksaktong alas dose ng hatinggabi na hudyat ng kanyang pagdadalaga, at sinabing sobrang saya niya sa kanyang travel at nakakaiyak daw ang experience dahil napuntahan niya ang mga lugar na gusto niyang makita. At dahil magkalayo nga kami at kahit paano’y natupad ko ang kanyang pangarap na selebrasyon, napaiyak din ako sa kanyang kuwento. Isa ang pag-uusap na iyon naming mag-ama sa mga highlights ng aking 2011.
Ngayong disinuwebe na siya, tapos nang mag-aral at holder na rin ng professional license (not driver’s license), handa na rin daw siyang magtrabaho. At natutuwa naman ako na meron na siyang mga ganitong plano ngayon sa buhay, patunay na unti-unti ay dumarating na sa kanya ang maturity.
And I guess iyon ang pinakaimportanteng bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan—ang pagdaragdag ng maturity, hindi ng numero ng edad.
Sa mga January birthday celebrators, isang pagbati ng “Maligayang Karaawan!”