Tuesday, March 27, 2012

mid-life crisis

MAHIGIT isang buwan akong nawala sa sirkulasyon. I have to admit na dumaan yata ako sa panahon ng mid-life crisis, though bata pa naman ako para rito. Ha-ha, nasa denial stage ang mama!
Nagsimula ito nang minsang dumalaw ako sa bahay na minana ko sa Batangas. Gaya nang madalas kong sabihin, kapag umuuwi ako sa bahay ko ay wala akong mapuwestuhan dahil okupado ng mga pamangkin ko ang mga kuwarto. While watching The Lifestyle Channel on cable TV, nakakita ako ng mga featured na maliliit na bahay. Boom, right there and then ay naisip kong magtayo ng kubo para mayroon akong private space.
Noong magtatapos ako ng hayskul at pakiramdam ko ay di ako makakatuntong ng kolehiyo, plano ko noon na mag-enroll sa Manpower Training Center (TESDA na ngayon) at kumuha ng basic carpentry and cabinet making. Isa sa mga hilig ko noong bata pa ako ang pagkakarpintero, at katu-katulong ako ng aking ama noon sa paggawa ng tangkal (kulungan ng manok), kaya sanay-sanay ako sa mga carpentry tools. Naisip ko noon, kapag karpintero at mahusay ay hindi mawawalan ng trabaho.
Hindi sa pagmamayabang ay may talent talaga ako sa carpentry. Sa bahay namin ngayon ay kumpleto ako ng tools, at kung hindi masyadong kumplikado ang ire-repair sa bahay ay ako na lang ang gumagawa. Na-thrill ako sa idea na gumawa ng maliit na bahay (na siyempre ay may katulong din na karpintero talaga).
Nag-search ako sa net ng magandang design, at dahil mahilig ako sa kahoy, ito ang napili ko from viahouse.com:
Photobucket
Naisip ko rin, kapag may deadline ako ay pwedeng dito ko gawin. Masarap magtrabaho kung tahimik ang lugar at hindi maalinsangan.
Ang siste, habang naghahanap ako ng lokasyon sa lupang minana ko at nalaman nila ang mga plano ko, heto ang mga kapatid ko at nagsasabing kapag wala raw o nasa Maynila ako ay sa bahay na gagawin ko sila matutulog. May mga pamangkin din ako na nag-offer na sila ang maglilinis habang wala ako pero pwede raw bang doon sila tumambay since ang plano ko nga ay maglagay ng PC, internet connection at ilang appliances. Paano na naman ang aking privacy? Ako pa naman ang taong nahihirapang mag-extend ng tulong kapag may nanghihingi ng pabor.
Hindi ko na muna itinuloy ang aking dream small house.
Habang may pagtatalo pa sa isip ko kung itutuloy ang maliit na bahay o hindi, nakapanood naman ako sa turbo channel (sub-channel ng discovery) ng isang show na nagbubuo ng mga sasakyan. Naubos ang aking maghapon hanggang hatinggabi ng iba’t ibang palabas na lahat ay tungkol sa car assembly and restoration. Naging paborito ko si Chip Foose ng “Overhaulin’” at si Ryan Friedlinghaus ng “West Coast Customs.” Though sa “Wheeler Dealer” ay mas detalyado ang pagkakalikot ng mga sasakyang nire-restore.
Immediately, nag-flashback sa akin ang dalawang taon na naging trabaho ko sa Caltex Refinery sa Batangas City bilang maintenance technician noong late teens ko. Hindi ako natutong magmaneho pero sa mga trade skills na dinaan ko (metal works, mechanical, electrical and process control), sa pagmemekaniko ako mas nag-enjoy. May kakaibang thrill ang pag-screw (no pun intended), ang pagpapahid ng grasa, ang pagbubuo ng mga mechanical assembly. Biglang-bigla, hinanap ng ilong ko ang amoy ng shop na naghahalu-halo ang singaw ng petrolyo at usok ng mga makina.
Sa loob ng isang linggo, habang wala pa akong deadline ay wala akong ginawa kundi tumutok sa turbo channel at manood ng pagbabaklas at pagbubuo ng sasakyan. Bukod pa rito ang walang humpay kong pagbabasa sa net ng tungkol sa car assembly and troubleshooting. Para akong kumuha ng crash course sa automotive. And one crazy idea entered my mind: Magbubuo ako ng owner-type jeepney!
Parang ganito, salamat sa angelescity.olx.com.ph sa reference photo:
Photobucket
Maraming talyer sa lugar namin at nag-ikut-ikot ako. May isang maliit na talyer na walang kostumer ang pinasok ko. Nadatnan ko ang may-ari at isang tauhan niya na naglalaro ng dama (local chess). Mukhang matumal ang negosyo kaya padama-dama lang ang dalawa. Nakipaghuntahan ako, sinabi ko ang plano ko na magbuo ng basic lang na owner. Kung ako ang bibili ng piyesa, magkano nila bubuuin provided na ako ang magga-guide kung paano nila ia-assemble? Nagsabi sila ng presyo, at matapos ang konting tawaran ay nagkasundo kami. Pero hindi ako nagbigay ng down payment. Magka-canvass muna ‘kako ako ng materyales.
Gayun na lang ang gulat ng misis ko nang yayain ko siya sa Banaue, Quezon City (the so-called Mecca of automotive spare parts). Bakit daw? Magbubuo ‘kako ako ng owner. Ano raw nangyari sa plano kong bahay-kubo? It can wait, sabi ko na lang.
Halos isang linggo kaming naglalakad-lakad sa Banaue sa paghahanap ko ng makina at mga piyesa. Para kaming nag-beach sa pangingitim ng mga balat. Alam kong hindi nag-e-enjoy si misis pero sige lang siya sa pagsuporta sa trip ko. Nawalan siya ng kulay nang malaman na ang makina pala, ang pinakamababa ay nasa P60 thousand ang halaga! Naiisip siguro niya, saang kamay ng Diyos kukunin ng mister niya ang pambili sa pinagkakaabalahang ito? Ako naman ay punung-puno ng excitement sa aking ginagawa, samantalang oo nga pala, saan ko kukunin ang budget? Hindi bale, bahala na…
Isang umaga ay nakarinig ako ng sigawan sa labas ng bahay namin. Nang makiusyoso ako, nalaman kong dalawang kapitbahay ko ang nagsuntukan dahil sa pag-aagawan sa parking space. Iyon kasi ang isang problema sa Metro Manila, karamihan sa mga bahay ay walang garahe at sa kalsada nakakalat ang sasakyan. Ayon sa isang kapitbahay ko, nairita raw ‘yung nakaaway noong isa pa dahil laging sa tapat ng mga ito nakaparada ang sasakyan kaya wala maparadahan ng traysikel na pamasada. Nang ipinapaalis, nangatwiran ‘yung isa pa na nagbabayad siya ng road user’s tax kaya may karapatan siyang magparada ng kanyang kotse kahit saan. Ayun, nauwi sa boksing.
Doon din ako nagkaroon ng realization na oo nga pala, pag nabuo ‘yung owner, saan ko ipaparada ay nasa right lane ang bahay namin at wala rin kaming garahe? Sa pagsulpot ng tanong na iyon, mas nangibabaw ang isa pang nagging question: “KC, pag nabuo mo ‘yan, sino’ng magmamaneho e ni hindi ka nga marunong magbisikleta?”
Napaisip ako nang matagal…
Nang maghapong iyon, bagaman at hindi niya isinasatinig ay nagtataka marahil si misis kung bakit hindi ako naka-tune in sa turbo channel.
Kinabukasan ay pinuntahan ko ang talyer na kinontrata ko. Naglalaro pa rin ng dama ang mag-amo. Natuwa sila nang makita ako at nagtanong kung nakumpleto ko na ang mga materyales. Sinabi kong di na matutuloy ang project, pasensya na. Nalungkot sila (kuwarta na naging bato pa), pero naunawaan naman nila ako. Balik muna sila sa paglalaro ng dama.
Nagtaka (na naman) si misis nang makita niyang inilalabas ko ang mga piyesa ng computer na matagal ko nang planong buuin. Itutuloy ko na ‘kako kasi nababagalan na ako sa PC na ginagamit ko at ipapadala ko na lang sa mga pamangkin ko sa Batangas. Gusto ko na ng iCore na processor. Malapit na ‘kako ang deadline ng The Buzz, para matesting ko agad once na ma-assemble. Matagal ko nang plano ito, nabinbin nga lamang dahil sa iba’t ibang pinagkaabalahan ng isip ko.
Weekend ay dumating ang paborito kong technician mula sa Gigahertz Computer Store. In less than three hours ay buo ang PC, up and running. Dumating ang deadline ng The Buzz mula March 15-24, sa bagong PC ko na ‘yun tinapos. Ito rin ang unang blog na sinulat ko gamit iyon. At alam ko, habang nagde-deadline ako ay nawala ang stress ni misis sa kung anu-anong naiisip ko. Lahat nang misis ay kampante kapag nakikitang trabaho ang inaatupag ni mister at hindi mga weird na bagay na makakasira sa budget.
Photobucket
Okey na ako ngayon. Na-outgrow ko na ang pagpapagawa ng aking pangarap na private small house sa Batangas. Saka na lang muna. From time to time ay nanonood pa rin ako sa turbo channel, nangangarap na magkaroon balang araw ng sasakyan. Pero bago iyon, dapat muna akong matutong magmaneho. I know that God will help me para ma-overcome ko ang fear na humawak ng manibela.
Hindi ko alam kung sa nakalipas na mga araw ay talagang dumaan na ako sa mid-life crisis. Kung oo, salamat dahil maagang dumating at tapos na ako sa stage na iyon. Ha-ha-ha, na-accept na ng mama ang katotohanan!
Iniisip ko rin naman na marahil ay nag-revisit lang ako sa mga dating interes at trabaho ko noon at sinubukan ko lang kung kaya ko pa o kung mag-e-enjoy pa ba ako. Oo, kaya pa naman. Oo, nag-enjoy naman ako. ‘Yun nga lang, marami nang factors kung bakit dapat kalimutan ko na lang iyon at higit na pagbutihin na lamang ang kung ano ang skills at kakayahan ko sa ngayon.
Sa mga nagtatanong o nag-iisip, opo… nasa “line of four” na po ang edad ko. Puwedeng dumaranas na ako ng mid-life crisis, at puwede rin namang pumapalo na sa akin ang positibong kasabihang “Life begins at 40.” At ‘yun nga po, di naman ako natatakot na patuloy na sumubok at magsimula ng mga luma at bagong bagay kahit nagkakaedad na—doon po higit na nagiging makulay at challenging ang ating buhay.